Pahayag

Mabibigo ng mamamayang Pilipino ang Oplan Kapanatagan ng rehimeng US-Duterte

Hindi na dapat magulat si National Security Adviser Hermogenes Esperon na mabigo ang rehimen sa target nitong mapabagsak ang CPP-NPA-NDF sa 2022 o di kaya ay lubha itong pahinain upang maging mga bandido na lamang. Kasaysayan na ang patunay sa walang mintis na pagkabigo ng mga oplan ng mga nagdaang tuta at pasistang rehimen. Hanggang sa nananatili ang pang-aapi at pagsasamantala, hindi kailanman maaapula ang rebolusyonaryong diwa ng masang anakpawis at hindi kailanman magtatagumpay ang mga pakanang durugin ang CPP-NPA-NDF.

Tulad ng ibang oplan ng mga nagdaang tuta at pasistang rehimen, sinusunod ng Oplan Kapanatagan ang balangkas US Counterinsurgency Guide (US COIN). Mula sa purong militaristang atake, pinihit nito ang kontrainsurhensyang kampanya sa pagpapatupad ng mga sosyoekonomikong programa upang linlangin ang mamamayan. Nais nitong ikubli ang pag-iral ng pyudalismo, burukrata kapitalismo at imperyalismo upang pahupain ang pagngangalit ng sambayanan sa reaksyunaryong estado. Sa katotohanan, balatkayong nagpapatupad ng mga proyektong sosyoekonomiko ang AFP-PNP-CAFGU katuwang ang iba pang ahensya ng pasistang estado upang makapagsagawa ng saywar, intel at combat operations sa mga komunidad. Hindi na kataka-takang minamadali ng rehimeng US-Duterte ang pagtatayo ng mga Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC) at mga katulad na task force sa mga prubinsya at barangay upang di umano’y ipatupad ang mga programang pangkaunlaran.

Gasgas na ang palabas ng rehimeng US-Duterte na gamitin ang CPP-NPA-NDF upang bigyang-matwid ang papatinding pasistang atake at pagpapanumbalik ng diktadura. Kung tunay na umuusad man lang ang Oplan Kapanatagan, bakit nagkakadarapa ang AFP-PNP-CAFGU na bihisan ang mga taumbaryo bilang mga NPA at palabasaing mga surrenderee, kumatha ng mga orkestradong engkwentro at sapilitan pang pinagdedeklara ang mga upisyal ng barangay na persona non grata ang CPP-NPA-NDF?

Patunay ang patuloy na paglawak at paglakas ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon ng tiwala at paggagap ng masang Bikolano sa katwiran at programa ng demokratikong rebolusyong bayan. Nananawagan ang RJC-BHB Bikol sa mamamayang Pilipino na ibayong palakasin at palawakin ang kanilang pagkakaisa upang biguin ang Oplan Kapanatagan at ibagsak ang terorista at pasistang rehimeng US-Duterte. Hindi kailanman magiging bandido ang CPP-NPA-NDF habang patuloy na umiiral ang mga dahilan upang mag-alsa ang mamamayan.

Biguin ang Oplan Kapanatagan at ang pasistang atake ng rehimeng US-Duterte!
Isulong ang Tunay na Pagbabago, Isulong ang Digmang Bayan!

Mabibigo ng mamamayang Pilipino ang Oplan Kapanatagan ng rehimeng US-Duterte