Mabigat na kinukundena ng NPA ang teroristang AFP na nangbomba sa Balbalan Rebolusyonaryong saludo kay Ka Ivy na bayani ng mamamayang Pilipino!
Mabigat na kinukundena ng NPA at ng Chadli Molintas Command (CMC) ang terorista at pasistang AFP na nangbomba at nag-aerial machinegun strafing gamit ang jet fighters at drones sa mga kabunduhan ng Balbalan, Kalinga partikular sa Barangay Gawaan, Balbalan mula alas-dos hanggang 4:30 ng madaling araw noong Marso 5. Ang mga teroristang gawaing ganito ng pasista at kontra-mamamayang AFP ay kongkretong paglabag sa mga humanitarian at internasyunal na batas ng digmaan.
Nagising at labis na nagimbal ang mamamayan sa buong Balbalan dahil sa malakas na dagundong ng mga bomba at aerial machinegun strafing na isinagawa ng AFP. Dagdag pa, noong 7 am sa parehong araw ng Marso 5, pumasok ang mahigit isang kumpanya ng 50th IBPA sa Barangay Gawaan. Kabilang sa kinukundena ng NPA ang pag-aresto ng mga teroristang militar sa siyam na sibilyan na naghanap ng kanilang mga kalabaw at baka na nagimbal din sa tuloy-tuloy na pagbomba at aerial machinegun strafing. Batay sa impormasyon mula sa mamamayan, maraming baka’t kalabaw ang nahulog sa mga bangin dahil sa grabemg pambobomba at machinegun strafing. Ang masama ay pinigilan at ipinagbawal ng mga teroristang sundalo ang mamamayan na pumunta sa kanilang pastuhan upang tingnan ang kanilang mga baka’t kalabaw. At dahil sa paghadlang ng mga teroristang sundalo na pumunta sa kanilang sakahan ay napabayaan ng masa ang kanilang agrikultural at pang-ekonomiyang aktibidad. Lahat ng mga karahasang ito ng mga tunay na teroristang AFP ay kinukundena ng NPA na tunay na rebolusyonaryong sundalo ng mamamayang Pilipino. Lahat ng ito ay kontra sa karapatan ng pambansang minorya ng Cordillera sa ansestral na teritoryo at sa rebolusyonaryong pakikibaka laban sa pambansang pang-aapi at para sa sariling pagpapasya para sa tunay na demokrasya ng mamamayan sa Cordillera.
Dahil sa marahas na gawain ng kontra-mamamayang AFP noong Marso 5 at dahil din sa tuloy-tuloy na teroristang operasyon ng malupit na AFP na lubhang umapekto sa pamumuhay at pag-aari ng mamamayan, kumilos ang tim ni Ka Louie noong umaga ng Marso 15 upang itsek-ap ang mga kalabaw, baka, at mga pananim ng masa partikular sa Lagan na bahagi ng teritoryo ng tribu ng Salegseg na naninirahan sa Barangay Gawaan, Balbalan. Subalit sa daan ay nasalubong nila Ka Louie ang mga teroristang army at naganap ang labanan.
Batay sa impormasyon ng isa sa mga sundalo ng 50th IBPA na kasama sa nasabing labanan, nasawi si Ka Louie subalit dalawang sundalo din ang natamaan. Dagdag pa ng nasabing sundalo na pinagmulan ng impormasyon, noon ding Marso 15 ay nag-ikot ang isang helikopter sa tapat ng Lagan upang kunin ang dalawang natamaang sundalo ngunit hindi nakayanan ng helikopter ang dalawang naghihingalong army hanggang mamatay ang mga ito. Dahil dito, itinago ng mga teroristang AFP ang dalawa nilang nasawing kasama; subalit nakita ng masa sa Barangay Balbalan Proper, Balbalan ang dalawang bangkay noong dumaan ang sasakyan ng 50th IBPA kinagabihan ng Marso 15.
Labis na dalamhati ang idinulot sa mga kasama ng Ilocos-Cordillera Region sng pagmamartir ni Ka Louie. Gayunpaman, ang dalamhati ay mabilis na ibinabaling ng CMC, ng lahat ng yunit ng NPA at ang mga rebolusyonaryong mamamayan ng ICR sa rebolusyonaryong poot at sigaw na ituloy hanggang tagumpay ang armadong rebolusyonaryong pakikibaka laban sa AFP na hukbo ng mapagsamantala at mapang-aping uri ng mayayamang panginoong maylupa at burges kumprador at matataas na burukrata kapitalista na dinidiktahan ng imperyalistang US. Kung gayon, pinakamataas na rebolusyonaryong saludo ang lubos na ibinibigay ng CMC at ang lahat ng yunit ng NPA sa ICR kay Ka Louie. Tuloy-tuloy siyang nagsilbi at inialay ang mismong buhay para sa bayan. Siya ay kabilang na sa mga tunay na bayani ng sambayanang Pilipino!
Ka Ivy ang unang alyas ni Ka Louie. Gonzalo A. Battawang ang tunay niyang pangalan mulasa uring maralitang magsasaka. Nagmula siya sa tribu ng Mabaca na lumaki sa Sitio Angao, Amacian, Pinukpuk, Kalinga. Nakatapak sa Grade 2 lamang si Ka Ivy dahil sa karalitaan ng pamilya na pinagmulan niya.
Nagpultaym siya bilang security officer ng Municipal Council of Leaders ng Cordillera People’s Democratic Front noong naitayo itong rebolusonaryong konseho ng Pinukpuk noong 1989. Dahil mainit ang pangalan nia sa AFP at PNP, sumampa si Ka Ivy bilang pultaym sa NPA noong huling bahagi ng 1989.
Sa 34 na taon ni Ka Louie bilang pultaym sa NPA, hindi siya tumigil sa rebolusyonaryong pagkilos. Mahinahon ang kaniyang pananalita at matiyaga sa pagpapatupad ng kaniyang rebolusyonaryong gawain. Sa loob ng rebolusyonaryong paaralan ng NPA, minsan ay tahimik subalit naunawaan ni Ka Louie ang ibig sabihin ng Pambansa Demokratikong Rebolusyon na tumutungo sa kalayaan at maliwanag na sosyalistang kinabukasan ng mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng digmang bayan upang ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo na mga batayang suliranin ng bayan at upang maitayo ang sosyalistang gubyerno sa Pilipinas para sa komon na kagalingan at ikaliligaya ng sambayanang Pilipino.
Sa loob din ng rebolusyonaryong paaralan ng NPA, nakapag-aral si Ka Louie ng pagbabasa, pagsulat at pagbilang, ang addition at substraction, ang multiplication at division at ang mga batayang prinsipyo ng siyensiya. Sa pamamagitan nitong mga rebolusyonaryong pag-aaral, pinaunlad ni Ka Louie ang kaniyang kaalaman at praktika sa paggawa ng command-detonated bomb. Mahusay siya sa mga taktikang gerilya sa pagigidigma. Marami sa mga taktikal na opensibang labanan na inilunsad ng NPA ang kaniyang nakibahaginan, gayundin ang mga depensibang labanan.
Sa mahigit tatlong dekada na pultaym na pagkilos ni Ka Louie sa NPA, lagi niyang binibigkas na magtatagumpay ang Rebolusyong Pilipino dahil ito ay makatarungan. Laging ipinapaalala ni Ka Louie sa mga kasamang nadidismaya lalo na sa mga panahon ng kahirapan na siguradong magtatagumpay ang digmang bayan dahil ito ay para sa sosyalistang pag-unlas sa ekonomiya, pulitika at kultura na nakabatay sa aspirasyon ng mayoryang Pilipino, lalo na ang mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, pambansang minorya, maralita sa syudad at ang mga sektor ng kababaihan at kabataan na matagal nang pinagsasamantalahan at inaapi,
Mabuhay ang rebolusyonaryong alaala ni Ka Louie!
Kabataang, sumampa sa NPA!
Ipagpatuloy ang rebolusyonaryong digmang bayan hangga’t tagumpay!