Pahayag

Mamamayang Abrenio, kolektibo at organisado na kumilos para sa kumprehensibong paglaban sa COVID 19!

Nakikiisa ang Agustin Begnalen Command – NPA Abra sa paglaban sa COVID19. Kinakailangan ang mahigpit na pagkakaisa ng buong mamamayang Pilipino at Abrenio upang hadlangan ang paglaganap ng sakit na COVID19 hanggang sa tuluyang mapuksa ang bayrus na ito. Sa landas lamang ng rebolusyonaryong pakikibaka at pagkilos ng mamamayan, makakaya nating masolusyonan ang mga sagabal na dinadanas ng bansa. Sinsero ang Partido Komunista ng Pilipinas at kami, sa Agustin Begnalen Command, na makibahagi sa kampanya laban sa COVID19.

Kasabay nito, ipinapanawagan namin sa lahat ng rebolusyonaryong pwersa at mamamayang Abrenio ang masigla at aktibong pagpapaliwanag hinggil sa kasaysayan, katangian at kung paano harapin ang COVID19. Kailangan ding tanggapin ng mga LGU at pribadong sektor sa probinsya ng Abra ang mensaheng ito bilang tulong upang kongkreto at kumprehensibong masolusyonan ang kasalukuyang kalagayan natin – bilang naideklara na ang Pilipinas na “under state of calamity”. Gawing gabay ang mga sumusunod na punto:

Una, dapat mahusay na ipaliwanag na ang community quarantine ay para lang sana sa mga masuspetsahan na nahawaan ng bayrus o nag-positive na nagkaroon ng bayrus. Hindi total lockdown ang solusyon. Kahit pa man ito ay nagmamadaling hakbang ni Duterte na binunga ng pagpapabaya nya sa serbisyong pangkalusugan sa mamamayang Pilipino at pagmamaliit nya sa posibilidad sa paglaganap ng bayrus, huwag tayong magpatianod sa mas lalo pang makakapatay, magpapagutom at mekanikal nyang solusyon. Huwag tayong magpanic na kahit lumabas ng bahay ay ipinagbabawal. Mas lalo pang dapat pakilusin natin ang mga kinauukulan sa komunidad kabilang ang mga barangay officials, BHW, RHU, nars at doktor at ang mga rebolusyonaryong komiteng pangkalusugan upang isakatuparan ang mga programang sumusuporta sa paglaban sa COVID19 kagaya ng:

– Information drive campaign sa kasaysayan, katangian at paglaban sa COVID19. Ang sakit na ito ay nagagamot kung maaasikaso nang mahusay.
– Sanitation drive sa kapaligiran
– Personal Hygiene
– Pamamahagi ng mga gamot na nagpapalakas ng resistensya kagaya ng Vitamin C at pagpapakilala sa mga pagkain na mayaman sa nutrisyon (kagaya ng mga gulay na maaaring ipalaganap at agad itanim kung wala pa sa isang komunidad).

PAGPAPALAKAS SA RESISTENSYA NG BUONG BAYAN ANG KAILANGAN.

Pangalawa, isigurado na sa bawat baryo ay mayroong maitalaga na quarantine house upang pagtipunan ng pasyente. Ihiwalay ang para sa masuspetsahan na carrier at ang mga napatunayan na positibo sa bayrus. Ang hakbang na ito ay kung sakaling dumami ang bilang ng kaso sa probinsya.

Pangatlo, ilaan ang mas malaking pondo ng munisipyo at probinsya (na maaaring manggaling sa Excise tax ng tabako, Calamity fund, pondo ng iba pang ahensya ng gubyerno at donasyon ng mga nasa sektor ng negosyo) para sa ANTI-COVID19 na kampanya. Magagamit ito para sa test kit, face mask, alcohol, clorox, sabong panligo at panlaba at kahit sa pagkain kagaya ng bigas at mga kinakailangang rekado na pangkusina. Ayuda ito para sa kalagayang hindi pa tayo maaaring lumabas sa probinsya o munisipyo. Kaya ipanawagan sa mga namumunong opisyales ng barangay kung ilang items ang lahat na kinakailangan upang iyon ang maipahatid sa kada munisipyo hanggang sa mga barangay. Mabigyan din ng dagdag na protective gear ang mga health workers natin lalo at sila ang humaharap sa mga may sakit.

Pang-apat, ipahinto ang mga operasyong militar. Huwag nilang samantalahin ang COVID 19 para sa anti-insurhensya na programa nila. Hindi makatarungan ang mandatory checkpoint at paghadlang sa mamamayan na pumunta sa mga lugar na pinagtatrabahuan nila kagaya ng palayan at uma. Itigil din nila ang pagsasamantala sa sitwasyong ito para sa kampanya nila sa pilit at pekeng pagpapasurender sa mga sibilyan hanggang sa harassment at pagbabanta sa mga sinususpetsaan nila bilang supporters o myembro ng NPA.

Sa ganitong sitwasyon, kasama ng mamamayang Pilipino ang CPP-NPA-NDF sa paglulunsad ng tunay na reporma para sa serbisyo sa mamamayan. Nakahanda ang yunit ng NPA na tumulong sa mga eryang nakikilusan ayon sa mapagkaisahan ng mamamayan. Sa ilalim lamang ng rebolusyonaryong pakikibaka makakamit natin ang tunay na pagbabago at magagamot ang mas malalim pang sakit ng bansa na binunga ng malakolonyal at malapyudal na kalagayan nya.

ITAGUYOD ANG LIBRE, PANGMASA AT SYENTIPIKONG SERBISYONG PANGKALUSUGAN!
ISULONG ANG ARMADONG PAKIKIBAKA!
KUMILOS PARA SA MALAGANAP NA SERBISYONG PANGKALUSUGAN!
PAGSILBIHAN ANG MAMAMAYAN!
SUMAMPA SA NEW PEOPLE’S ARMY!

Mamamayang Abrenio, kolektibo at organisado na kumilos para sa kumprehensibong paglaban sa COVID 19!