Isang mabuting anak ng lalawigan ng Rizal, Martir ng Sambayanang Pilipino! Mataas na Pagpupugay kay kasamang Wally "Ka KM' Agudez

“Katapangan hanggang huling hininga ang bumubuhay sa isang martir lagpas sa kanyang kamatayan”—Jose Maria Sison

Mataas na pagpupugay ang iginagawad ng Komite ng Partido sa lalawigan ng Rizal kay Kasamang Wally “Ka KM” Agudez, sa kanyang walang pag-iimbot na paglilingkod sa sambayanang Pilipino sa pamamagitan ng pagsusulong ng Demokratikong Rebolusyong Bayan.

Nakikiramay kami sa kanyang naulilang kabiyak, mga anak, mga kapatid, magulang at higit sa lahat, sa mamamayang Pilipino na nagluluksa sa pagpanaw ng isang mabuting anak ng bayan na pinili ang bokasyon ng buong pusong paglilingkod para sa nakararami.

Labag sa internasyunal na makataong batas, pinaslang ng kaaway si Ka KM kahit pa nalagay ito sa katayuang hors de combat sa isang pag-atake ng kaaway laban sa kanyang yunit sa Sityo Marang ng Barangay Burgos sa bayan ng Montalban noong gabi ng ika-18 ng Hulyo. Hanggang sa huling hininga ay tinanganan niya ang kanyang panata, “buhay man ay ialay”, hinding-hindi siya yumukod sa harap ng palalong kaaway, tanda ng kanyang katapangan at katapatan para sa interes ng mamamayang Pilipino.

Tunay na Rizaleño

Maningning at mayaman ang kasaysayan ng paglaban ng mamamayang Rizaleño sapul ng pananakop ng mga Hapones, sa makasaysayang lalawigang ito, sa barangay ng Puray ng bayan ng Montalban, sa mabundok na bahagi ng Panas isinilang si Ka KM. Tila din sinadya na matapat ang kanyang kapanganakan noong 1979 sa mismong araw ng pagkakatatag ng BHB. Tulad ng mga ninunong gerilya noong panahon ng Hapon, nananalaytay sa kanyang dugo ang diwa ng paglaban sa lahat ng manlulupig at mapagsamantala sa mamamayang Pilipino.

Nagmula sa payak na pamilya ng maralitang magsasaka, pang-anim sa labing-anim na magkakapatid si Ka KM. Sa hirap ng buhay, maaga siyang nagtrabaho para tumulong sa kanyang pamilya, sanhi upang hindi na makapag-aral. Sa pamamagitan ng paghahakot ng kahoy, pag-uuling at pagkakaingin, tumulong siya sa kanyang mga magulang upang buhayin ang pamilya. Ang kalagayang ito, ang siyang binhing sumibol sa kanyang damdamin upang isulong ang rebolusyonaryong adhikain.

Taong 1997, ng unang maugnayan si ka KM. Dahil sa aktwal na nararanasang kahirapan, hindi naging mahirap para sa kanya na unawain ang kalagayan ng pangangailangan ng armadong pakikibaka. Kumilos siya sa lokalidad, lumahok sa mga pakikibaka para sa pagtatangol sa interes ng mamamayan, hanggang makasama siya sa pagkilos upang ibagsak ang noo’y “macho pasistang” Presidente ng Pilipinas na si Joseph “Erap” Estrada. Sa kanyang paglahok sa pakikibaka ng mamamayan, lumalim ang kanyang pag-unawa sa sanga-sangang suliranin ng mamamayang Pilipino sa pagpapahirap ng Imperyalismo, Burukrata Kapitalismo at Pyudalismo. Lalong napukaw ang kanyang damdamin hanggang magpasya siyang yakapin ang armadong pakikibaka.

Sa kanyang aktibong pagkilos sa lokalidad, kinalauna’y narekluta siya sa Partido, at lalong naging masigasig sa kanyang pagkilos.

Mahusay na Mandirigma at Opisyal ng BHB

Taong 2001, ika-5 ng Disyembre, nagpasyang sumapi si Ka KM sa isang yunit ng BHB na umiikot sa kanilang lugar. Simula noon hanggang sa kanyang pagkabuwal, tuluy-tuloy siyang gumampan ng iba’t ibang rebolusyonaryong gawain. Una siyang naitalaga sa isang yunit sa gawaing masa sa laylayan ng lalawigan. Naging bahagi siya sa pagrerekober sa mga baryong naiwanan sa lalawigan ng Rizal dulot ng terror ng OBL. Naging bahagi siya sa pagbubukas sa laylayan ng Jala-jala at Pililia noong taong 2002, ganundin sa ilang bahagi ng Bulacan. Ang karanasan niyang ito ang ibayong naglapit sa kanya sa masa, na naghinang sa kanyang makauring paglilingkod. Ang iba’t ibang kahirapan na kaniyang nasaksihan sa bawat masang nakakadaupan, ang siyang baga sa kanyang diwa upang batahin ang mga sakripisyo at kahirapan sa pagsusulong ng gawain.

Taong 2005, kasama siya sa pinalad na mapasama sa kampanyang militar sa Rehiyon. Ang karanasan niyang ito ang ibayong nagpanday sa kanyang kaalaman at taktika ng pakikipaglaban sa reaksyunaryong hukbo. Ang kaalaman niyang ito na natutunan, ay buong puso niyang pinagyaman sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na paglahok sa digmang bayan upang pagsilbihin sa makauring interes ng mamamayan. Lumahok siya sa maraming taktikal na opensiba, tulad ng reyd, haras, ambus, isparo at mga hakbang pamamarusa laban sa mga mersenaryong hukbo at masasamang elemento sa baryo na galamay ng naghaharing uri at nagpapahirap sa mamamayan.

Taong 2006 nang maitalaga siya bilang Iskwad Lider ng isang yunit ng Hukbo, hanggang maging Platun Lider ng Yunit sa Gawaing Masa (YGM) sa baybayin ng General Nakar Quezon at Polilio Group of Islands noong taong 2018-2019. Naging bahagi siya sa matagumpay na pagbalik sa matagal nang naiwanang mga baryo sa mga bayan na ito na nagresulta ng mabungang gawaing masa.

Dahil sa kanyang tatag at husay sa pagpapatupad ng gawain, nahirang siya bilang kagawad ng Komiteng Larangan noong 2010 at nahirang bilang regular na kagawad ng Komite ng Partido sa Subrehiyon noong taong 2020.

Sa kanyang dedikasyon sa pagkilos, hindi siya napigilan kahit pa ng kanyang sakit. Taong 2018 ng magkaroon siya ng severe gout arthritis, dulot ng mataas na level ng manganese sa kanyang dugo. Naging sanhi ito ng pana-panahong kahirapan niya sa paglalakad, hanggang sa siya ay kargahin. Hindi natinag ang kanyang paninindigan na magpatuloy sa pagsusulong ng rebolusyon o mag-isip na magpalipat sa ibang linya ng gawain na mas magaan ang mobilidad. Inaral niya kung paano pakikitunguhan ang kanyang sakit na ito para makapagpatuloy. Batid niyang, kakayanang pisikal lamang ang nagbago sa kanya. Pero ang kahandaang lumaban ay laging nag-aalab sa kanyang diwa at pinatunayan ito sa maraming pagkakataon ng labanan. Hindi malilimutan ng maraming kasama ang kanyang katapangan noong 2018, kung saan habang inaatake siya ng arthritis at kinakarga na ng mga kasama, ay napamunuan pa niya ang dagliang ambus sa bahagi ng Sityo Lungo ng Barangay Umiray ng GNQ. Nagresulta ito ng apat na patay sa panig ng kaaway. Ganundin sa mga labanang naganap noong Setyembre 2023 hanggang nitong Enero 2024. Tinitiyak niya na sa kanyang pag-una sa mga labanan, sa unang putok ay tutumba ang kaaway. Tulad ng lagi niyang sigaw sa bawat labanan “lalaban tayo!”, ang kanyang ‘di magagaping diwa.

Mapagpakumbaba, matapat na Komunista at may mataas na Komitment sa Partido

Mataas ang kanyang pagpapahalaga at komitment sa Partido. Kaya ganoon na lamang ang kahandaan nitong sumunod sa anumang atas na gawain. Taong 2013 ng naging ka-buddy siya ng kanilang kalihim sa ilang panahon. Buong puso niyang ginampanan ang kanyang tungkulin upang tiyakin ang kaligtasan nito. Lagi niyang sinasabi na nakahanda siyang ibuwis ang kanyang buhay para sa kaligtasan ng Partido lalo na sa mga lider ng Partido, kung kinakailangan. Maging sa kanyang huling panahon ng pagkilos ay pinatunayan niya ito. Tulad ng iba, laging naandoon ang kanyang pagmamalasakit sa kaligtasan at seguridad ng mga kasamang responsable at maging ng buo.

Sa kanya ding pagmamahal sa Partido, lagi siyang mapagmatyag sa mga maling kaisipan at gumuguhit sa anumang mga intriga at laging handang makipagkaisa sang-ayon sa prinsipyo.

Hindi din mariringgan ng pagtanggi si Ka KM sa gawain, kahit pa hindi niya ito kabisado. Maging sa huling disposisyon niya ng gawain, ay walang pag-aatubili na tinanggap niya ito dahil alam niyang mataas ang kahingian para ipatupad ang gawain. Tanda ito ng kanyang mataas na komitment sa Partido.

Ngunit, tulad ng lahat nagkakaroon din ng kahinaan si Ka KM. Subalit palaging mapagpakumbaba niyang tinatanggap ang kanyang kahinaan at matapat na nagwawasto.

Sinubok din ang kanyang paninindigan noong mamatay ang kanyang kapatid na hukbo noong Hulyo 22, 2022 na si Jovel “Ka TM” Agudez sa isang depensibang labanan sa bahagi ng Bulacan. Sa halip na manlumo, hindi siya nagpatinag, at lalong nagpatuloy sa kanyang pagkilos.

Magiliw, matulungin at mabait na kasama

Bukod sa angking husay niya bilang opisyal militar, maaalala si Ka KM ng lahat ng masa at mga kasama na nakadaupang palad niya bilang isang mabait, matulungin at magiliw na kasama.

Sa kabila ng kanyang limitasyong pisikal, hindi ito naging hadlang sa kanya upang tumulong sa mga kasama, maging sa paggawa ng kubo, pagtulong sa mga kasamang hirap sa tereyn ng pagdaan sa mahihirap na talon o tuntong, palanasan at maging sa pagtawid sa malalaking ilog. Kahit pahingkod-hingkod sa paglalakad tiyak na babalikan ang kasama at iaabot ang kanyang kamay para tumulong.

Maalala din siya bilang mabait na kasama, kung saan ay hindi siya basta makikita na magalit. Katangian din niya na magbigay sa mga kasama ng kung ano ang mayroon siya maging bisyo o ‘di kaya ay pagkain. Lapitin din siya ng mga kasama para hingahan ng mga problema.

Magiliw sa masa at mga kasama sa pamamagitan ng kanyang katangiang palabiro, na siyang lalong naglapit sa kanya sa masa at mga kasama.

Lagi siyang maaalala ng mga masa at kasama sa mga pangalang Ka KM, Ka Estong, Ka Bentong, Ka Honda, Ka Aki at marami pang pangalan niya na tumatak na sa kanila. Anuman ang pangalan, tiyak na lagi siyang maaalala sa kanyang mga tampok na positibong katangian.

Mapagmahal na asawa at ama

Maalala naman siya ng kanyang asawa at mga anak bilang mapagmahal na asawa at ama. Laging mayroon siyang paraan para ipakita ito sa kanyang asawa kahit sa maliit na paraan. Tulad din ng maraming magulang na Hukbo, na malayo sa kanilang mga anak, lagi din ang kanyang pangungulila sa mga anak na pinupunan na lamang niya sa pamamagitan ng minsang pagkontak sa kanila. Batid niya ang kahirapan na ituloy ang pagtitipon sa kanyang mga anak para sa dalaw sa gitna ng umiigting na sitwasyong militar, lalo’t pareho silang mag-asawa na gumagampan ng susing posisyon sa BHB.

Pinanday ang kanyang dalawang dekadang buhay pakikibaka ng hirap at sakripisyo, hanggang abutin niya ang pinakamataas na sakripisyo ng pagbubuwis ng buhay. Tulad ng maraming martir ay nakumpleto niya ang kanyang buhay rebolusyonaryo. Sa gitna ng psywar at panlilinlang ng tusong kaaway sa kanyang pamilya upang pababain siya, mas pinili niya ang landas na mahirap para sa marangal na adhikain ng pagsusulong ng demokratikong interes ng mamamayan.

Hinding hindi malilimutan ang kanyang maringal na buhay na iniambag para sa mamamayan na sing-tigas ng bakal at sing-tayog ng bundok ng Irid, na siya ngayong muog ng tapang at pagiging ‘di makasarili. Katulad ng bundok ng Irid ang iyong Kamatayan. Hindi mauubos ang bukal ng tubig nito na tumutungo at nagbibigay buhay sa mga lalawigan ng Bulacan, Rizal at Quezon hanggang Kamaynilaan. Tulad din ng agos nito, hindi mapigilang mapukaw ang diwang makabayan ng daan-daang kabataan na ngayo’y handang tumangan ng armas na kanyang nabitawan patungo sa laot ng armadong pakikibaka.

Sa pagkabuwal ni Ka KM, nawalan tayo ng isang matapat na kadre ng Partido at mahusay na kumander ng Bagong Hukbong Bayan. Isang mahal na kasama. Ang kamatayan ay normal na kaganapan, tulad ng siklo ng maraming bagay. Tulad ng umpisa at katapusan ng mga katha, ang pagsilang at kamatayan. Ito’y tulad din ng pagtatagpo ng magkakasalungat at magkabilang dulo, ng araw at gabi, liwanag at dilim sa dapithapon. Tulad ng unos, ang iyong kamatayan, subalit tiyak na sisikat ang araw at may maaliwalas na bukas tayong natatanaw. Sapagkat lalong tumatalas ang linya ng Demokratikong Rebolusyong Bayan, kung saan matindi ang pagsasamantala at tuwing may mabubuting anak ng bayan na nagbubuwis ng kanilang kaisa-isang buhay.

Nagluluksa ang mamamayan sa pagpanaw ni Ka KM, subalit hindi sasapat ang pagluluksa, upang bigyang katarungan ang kanyang kamatayan.

Isabuhay natin ang diwa at katuturan ng piniling pangalan ni Ka KM bilang tunay na Kabataang Makabayan. Dapat nating mapangahas na organisahin ang maraming kabataan at lahat ng aping uri’t sektor sa landas ng rebolusyon.

Ibaling ang pagluluksa sa ibayong rebolusyonaryong tapang. Ang ating sentral na tungkulin ay ibagsak ang paghahari ng Imperyalismo, Burukratang Kapitalismo at Pyudalismo. Buong giting nating isulong ang Digmang Bayan hanggang sa tagumpay!.

Pulang Saludo Wally “Ka KM” Agudez, Pulang Saludo Jovel “Ka TM” Agudez, tunay na Rizaleńo, Martir ng Sambayanang Pilipino!Pulang Saludo sa lahat ng Martir ng Rebolusyon!

Kabataan pag-asa ng bayan, iambag ang inyong lakas at talino para sa sambayanan, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Digmang Bayan, sagot sa kahirapan!

Ibagsak ang Rehimeng US-Marcos!

Mataas na Pagpupugay kay kasamang Wally "Ka KM' Agudez