Matapang na haharapin ng masang Bikolano at ng kanilang Pulang hukbo ang batas militar ng rehimeng US-Duterte
Pinakamataas na pagpupugay ang iginagawad ng RJC-BHB Bikol sa matatatag at matatapang na masang Bikolanong patuloy na lumalaban para sa kanilang mga karapatan. Sa kabila ng papalobong bilang ng pwersang militar na ipinapakat sa mga prubinsya sa rehiyon, higit kailanma’y nag-aalab ang kolektibong diwa ng mamamayang ipagtanggol ang kanilang sarili. Pinagpupugayan din ng RJC-BHB Bikol ang mga yunit kumand nito sa matatagumpay na opensibang aksyon at ibayong pagpupursige sa paggampan ng mga tungkulin sa kabila ng tumitinding sitwasyong militar. Ito ang tibay ng rebolusyonaryong diwa ng Pulang hukbo at masang hindi kailanman magagapi ng rehimeng US-Duterte.
Walang simbilis ang pagdausdos at tiyak ang pagbagsak ng rehimeng US-Duterte. Ilampung militar at pulis man ang ilagak nila sa komunidad, patuloy at mulat na ipinaglalaban ng mamamayan ang kanilang mga karapatan. Buung-buong nilang itinatakwil ang reaksyunaryong gubyerno at mga hungkag na reporma nito. Apat na taon mula nang magsimula ang Oplan Kapayapaan-Oplan Kapanatagan ng rehimeng US-Duterte, patuloy pa ring lumalakas ang rebolusyonaryong kilusan at Pulang hukbo sa Kabikulan.
Banat at pagod na maging ang mersenaryong hukbo sa walang katuturang gera ni Duterte. Lalo silang nawawalan ng kakayahang ipagpatuloy pa ang walang katapusan at kontra-mamamayang gera. Inuuk-ok sila ng kabulukan ng sistemang umiiral sa kanilang hanay.
Sa loob lamang ng apat na taon, pitong beses nang nagpalit ng chief of staff ang AFP. Mayroon pang ilang matataas na upisyal na nagbitiw sa pwesto. Maraming militar ang mayroon nang iniindang karamdaman sa pag-iisip matapos masabak sa sunud-sunod na labanan. Isang elemento ng SAF ang umalis nang hindi nagpapaalam nang mabigo sa isang labanan sa Sorsogon noong 2018. Kinundena at linantad ng pulis ng Catanduanes ang gera kontra-droga dahil hindi na nila maatim ang quota at karahasan na pinagagawa sa kanila. Sa rurok ng kanilang pagngangalit sa mga gahaman nilang upisyal, mga elemento na ng AFP-PNP-CAFGU ang lumalapit sa BHB upang idulog ang kanilang mga hinaing at magbigay ng taktikal na impormasyon.
Sa pag-aalburotong takasan ang pananagutan sa mamamayan, tiyak lalo pang gagasgasin ni Duterte, bilang Punong Kumander, ang mga elemento ng AFP at PNP, upang lubusang maitulak ang Oplan Kapanatagan-EO 70-ATA sa nahuhuling dalawang taon ng kanyang termino. Kalaunan, mismong mga patakaran na ng pasistang rehimen ang wawasak sa sarili nito.
Makatwirang hangarin ng mamamayan, kabilang na ang masang anakapawis sa hanay ng AFP-PNP-CAFGU, na pumiglas mula sa walang-puknat na pang-aapi at pagsasamantala ng mga pasista, burukrata kapitalista at panginoong maylupa. Tulad ng nagdaang limang dekada, kasama ng sambayanang Pilipino ang kanilang Pulang hukbo sa paglabang ito. Patuloy na ipagtatanggol at itataas ng BHB ang antas ng kapasyahan ng masang isapraktika ang kanilang soberanong karapatan at sasamahan silang itindig ang estado ng mamamayan.
Nananawagan ang RJC-BHB Bikol sa lahat ng yunit kumand nito na ibayong magpursige sa pag-oorganisa ng baseng masa, itulak ang paglulunsad ng rebolusyong agraryo at palakasin ang armadong paglaban. Itambol ang kaibahan ng rebolusyonaryong digma sa gera ng pasistang estado kontramamamayan.
Dapat mahigitan ng BHB ang paghahanda ng AFP-PNP-CAFGU sa kanilang mga elemento para sa todo-largang gera ng rehimen sa natitirang dalawang taon nito. Konsolidahin ang mga Pulang mandirigma at baseng masa at mapangahas na bigyan ng pampulitikang edukasyon ang pinakamalawak na hanay ng taumbaryong maaabot ng yunit. Dapat ihanda rin ng BHB ang mga yunit nito sa pagkupkop at pagsalo ng mga posibleng target ng atake ng kaaway at lahat ng nasa pamanatayang nais sumanib sa BHB. Hamigin kahit ang mga nakakausap at naliliwanagang elemento ng AFP-PNP-CAFGU. Bukas ang mga sonang gerilya sa lahat ng taos-pusong naghahangad na lumaban para sa mas mabuting kinabukasan.
Dapat ding magpatuloy sa pagbigwas sa teroristang estado sa paglulunsad ng mga koordinadong batayang taktikal na opensiba. Praktika ang patunay na higit na malakas ang tipon na lakas ng masa at ng kanilang Hukbo upang talunin ang teroristang ligalig ng AFP-PNP-CAFGU at rehimeng US-Duterte.