Pahayag

Mensahe ng pakikiisa ng mga bilanggong pulitikal ng Mindoro sa ika-52 taong anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines

,

Buong pagpupugay kaming bumabati sa ika-52 taong anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) mula nang itatag ito noong Abril 24, 1974.

Sa nakalipas na mga taon, lalo na sa gitna ng matitinding atake ng naghaharing rehimen, pinatunayan ng NDFP ang tungkulin nito sa pagtataguyod ng pambansa-demokratikong programa, adhikain at aspirasyon ng mamamayang Pilipino.

Sa usapang pangkapayapaan na isa sa mahahalagang pampulitikang tungkulin ng NDFP, hindi matatawaran ang pagsisikhay nitong makatwirang ipaglaban ang karapatan at interes ng pinagsasamantalahang mga uri at sektor sa pagkakamit ng tunay na kalayaan at kapayapaan.

Susi ang NDFP sa mga makasaysayang kasunduan tulad ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) at Comprehensive Agreement for the Respect of Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL). Inilagay din ito ang rebolusyonaryong kilusan sa “Status of Bellligerency” o pwersang kapantay ng gobyerno ng Pilipinas sa The Hague Joint Declaration.

Noong Nobyembre 2023 sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr. itinakda ng Gobyerno ng Pilipinas (GRP) at NDFP na isulong ang isang prinsipyado at mapayapang resolusyon sa armadong tunggalian sa pamamagitan ng Oslo Joint Declaration. Muli nitong binigyan ng panibagong pag-asa ang sambayanang Pilipino matapos tapusin ng rehimeng Duterte ang usapang pangkapayapaan noong Pebrero 7, 2017.

Subalit matapos ito, patuloy ang iba’t ibang anyo ng panunupil laban sa rebolusyonaryong kilusan at sambayanan.

Noong Nobyembre 22, 2023 inilabas ang Proclamation 44 upang pasukuin at pumasok sa programang amnestiya ang rebolusyonaryong pwersa. Wala itong pinag-iba sa mga naunang pahayag na amnestiya tulad ng Presidential Decree 1429 ni Ferdinand Marcos Sr. noong Hunyo 10, 1978 at Proclamation No 1377 ni Gloria Macapagal Arroyo noong September 6, 2007 na sa gayunding intensyong magsalong ng armas ang mga kasapi ng rebolusyonaryong kilusan laban sa pormal na balangkas ng usapang pangkapayapaan.

Noong maagang bahagi ng 2024, ilang buwan matapos ang Oslo Joint Declaration, tinortyur at pinaslang ang NDFP Peace Consultants na si Concha Araneta at Ariel Arbitrario. Noong Okubre 2024 naman, halos magkasabay na dinakip at ikinulong ang iba pang NDFP Peace Consultants na sina Wigberto Villarico, Porferio Tuna at Simeon Naogsan. Tahasang paglabag sa JASIG at CARHRIHL ang pagtortyur at pagpaslang, gayundin ang paghuli at pagkulong sa mga NDFP peace consultant.

Patuloy pa din ang terrorist tagging ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa mga kasapi ng rebolusyonaryong kilusan at sa hanay ng masa. Talamak pa din ang pagsasampa ng gawa gawang kaso at umaabot na sa halos 800 na bilang ng mga bilanggong pulitikal.

Laganap ang iba’t ibang anyo ng terrorismo ng estado at malalalang paglabag sa karapatang pantao. Walang habas na binobomba, dinarahas at tinatakot ang mga komunidad ng magsasaka at pambansang minorya upang mapalinlang itong ideklarang mga lugar na nasa “state of internal peace”.

Samantala, patuloy na ipinapalapa ng rehimen ang halos lahat ng likas na yaman at pambansang soberanya sa dayuhang monopolyo kapitalista at malalaking burgesya kumprador.

Baon sa krisis pang ekonomiya ang bansa sa paglaki ng bilang ng kulang nag kinikita o walang hanapbuhay habang walang ampat sa pagsirit ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.

Bagama’t inaresto at nakasalang na sa pagdinig sa kanyang krimen laban sa sambayanang Pilipino at Sangkatauhan ang dating pangulong si Rodrigo Duterte sa international Criminal Court (ICC) sa The Hague, The Netherlands, tuluy-tuloy na nakakaranas ang mga biktima ng extra-judiical killings at kanilang pamilya.

Papatindi din ang pampulitikang krisis sa bansa bukod pa sa banggaan at ribalan sa nalalapit na pambansang eleksyon.

Sa ganitong kalagayan at sa okasyon ng anibersaryo ng NDFP, nananawagan kaming mga bilanggong pulitikal na mahalagang masimulan at muling ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan.

Kaugnay nito, kailangan tiyakin ang sumusunod:

Una, kailangang kagyat na palayain ang mga NDFP Peace Consultant upang makalahok sila sa muling pagbuhay at pagsulong ng usapang pangkapayapaan.

Ikalawa, marapat lamang na muling pagtibayin at mahigpit na ipatupad ang mga naunang kasunduan tulad ng JASIG at CARHRIHL. Dapat ding ibasura na ang Anti-Terrorism Act of 2020 at iba pang batas at kautusang salungat sa integridad ng mga kasunduan.

Ikatlo, wakasan ang kriminalisasyon ng mga kasong pulitikal at palayain lahat ng bilanggong pulitikal.

Ikaapat, magandang hakbangin na ang Oslo Joint Declarations sa mutwal na pagrespeto sa magkabilang panig, kung kaya marapat lamang na alisin na ang pagba sa bansag na terorista sa CPP-NPA-NDFP.

Ikalima at panghuli, buwagin ang NTF-ELCAC at wakasan na ang red/terrorist tagging sa mga organisasyon at indibidwal.

Naniniwala kaming isa ang usapang pangkapayapaan na hahawan sa pagkakamit ng isang lipunang may kapayapaang nakabatay sa katarungan.

Isulong at itaguyod ang karapatang pantao!
Palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal!
Makibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya!

Mabuhay ang National Democratic Front of the Philippines!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!

_____
Liham ng mga bilanggong pulitikal ng Mindoro.

Mensahe ng pakikiisa ng mga bilanggong pulitikal ng Mindoro sa ika-52 taong anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines