Pahayag

Mga kontradiksyon ng mga pasistang mang-aapi ang bangayang Marcos-Duterte

Lubos na itinatakwil ng sambayanang Pilipino ang bangayan ng mga Marcos at Duterte, na kapwa namang hindi kumakatawan sa interes ng malawak na masang manggagawa, magsasaka, mala-proletaryado, mga propesyunal at intelektwal. Katunayan, pareho nilang kinakatawan ang pinakamasasahol na burukratang kapitalista, at naghaharing mapang-api at mapagsamantalang mga uri ng malalaking panginoong maylupa at burgesyang komprador, at kapwa nagsusulong ng pasistang panunupil at imperyalistang paghahari sa Pilipinas.

Naglustay ang kapwa reaksyunaryong pangkat ng salaping pampubliko sa mga rali noong Linggo upang lumikha ng ilusyon na mayroon silang malawak na suporta. Sinamantala nila ang abang kalagayan ng masa upang akitin sila ng libang at pangako ng ayuda ng gubyerno. Ginamit nila ang mga rali upang itaguyod ang kanilang mga anti-nasyunal at anti-demokratikong pananaw, habang huwad na pinalalabas nilang sila’y kumakatawan sa interes ng sambayanang Pilipino, isang taktikang katulad ng ginamit ng mga pasistang demagogo tulad ni Hitler.

Tulad ng ama niyang diktador na nagpalaganap ng huwad na imahe ng “Bagong Lipunan” upang pagtakpan ang pag-abuso sa kapangyarihan ng diktadura ng batas militar, daan-daang milyong piso ngayon ang ginagasta ni Marcos Jr upang palaganapin ang islogang “Bagong Pilipinas” upang bigyang kinang ang lumang nabubulok na sistemang malakolonyal at malapyudal na kinatatampukan ng pang-ekonomyang pang-aapi, pampulitikang panunupil, dayuhang paghahari at masahol na korapsyon.

Hindi maitatanggi ang katotohanan na walang-wala namang bago sa kalagayan ng sambayanang Pilipino na nagdurusa pa rin sa nagtataasang presyo, mababang sahod, kawalang trabaho, kawalan ng lupa, pag-agaw sa kabuhayan, lumulubhang kalagayang panlipunan, kawalan ng serbisyong pampubliko at iba pang dati nang problemang nagmumula sa saligang mga problema ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Sa likog ng islogang “bago,” pinananatili ni Marcos ang mahuna, nakaratay at namamatay na sistemang matagal nang hinog para sa rebolusyonaryong pagbabagsak.

Abala ngayon si Marcos at mga alipures niya sa pagtulak ng pagbabago sa Konstitusyong 1987 upang tuluyang alisin ang pamanang anti-Marcos nito, sementuhin ang mga neoliberal na patakaran ng liberalization, deregulasyon at pribatisasyon, at lalong patibayin ang dayuhang kapitalistang pag-aari sa yaman ng Pilipinas at paghahari sa ekonomya ng bansa. Lalong pagkamkam sa kabuhayan at rekursong pang-ekonomya, at pagsagasa sa mamamayan ang ibubunga ng pakanang charter change ni Marcos.

Sa pamamagitan ng huwad na “people’s initiative” para baguhin ang konstitusyong 1987, nais ng mga alipures ni Marcos, laluna sa Mababang Kapulungan, na tumangan ng kapangyarihang baguhin ang konstitusyon, upang isagasa ang interes nila, kabilang ang pagtanggal ng hangganan sa pagpapalawig sa kapangyarihan. Ang pakanang pampulitikang ito’y ay napakagarapal, makasarili at labis na kinapopootan ng mamamayan, na tumayo ang mga alyado ni Marcos sa Senado para kontrahin ito, kahit pa aktibo rin nilang itinutulak ang pagbabago sa konstitusyon para isuko ang patrimonya ng bansa sa mga imperyalista.

Nagsalita ang mga Duterte laban sa pagbabago sa konstitusyon hindi dahil tutol sila sa mga hakbanging neoliberal na magbibigay sa mga dayuhang monopolyo kapitalista ng higit na kontrol sa ekonomya ng bansa. Katunayan, itinulak din ni Duterte ang chacha para sa “economic amendments” subalit nabigo dahil sa malawakang pagtutol sa nalantad na iskemang palawigin ang kanyang kapangyarihan. Dahil walang chacha, agresibong itinulak ni Duterte ang mga neoliberal na hakbangin at batas. Kabilang dito ang Rice Liberalization Law na nagbigay-daan sa pagbaha ng imported na bigas na puminsala sa lokal na produksyon ng bigas, ang TRAIN law na nagpataw ng dagdag na pabigat na buwis sa mamamayan, ang CREATE Law na naglibre ng buwis sa mga dayuhang kapitalista, at dagdag na mga buwis sa presyo ng langis. Pinagtibay din ni Duterte ang pag-amyenda sa Public Service Act at Foreign Investments Act na nagbigay sa dayuhang malalaking kapitalista ng lubos na karapatan sa buong pag-aari ng mga riles, expressway, telekomunikasyon at iba pang mahahalagang bahagi ng ekonomya.

Nais lamang sakyan ng mga Duterte ang lumalaking alon ng paglaban ng mamamayan sa iskemang chacha, upang kumuha ng lakas (at kredibilidad) para kontrahin ang mga pakana ng mga Marcos na alisan sila ng kapangyarihang pang-ekonomya at pampulitika. Tila nakikita na ngayon ni Duterte na naisahan sila ni Marcos noong eleksyong 2022 nang tiniyak niya ang “landslide victory” para kay Marcos kapalit ng akomodasyon sa pulitika at ekonomya. Malinaw na nagsisilbi sa pansariling interes nang sinakyan nila ang lumalaganap na sentimyento para magresayn na si Marcos.

Malinaw na nag-aalburuto si Duterte dahil sa kanselasyon ng mga kontrata ng gubyerno na pinasok niya sa China pabor sa mga programa ng World Bank at Asian Development Bank, na magkakait sa kanya ng bilyun-bilyon pisong kikbak. Malinaw ring lubha siyang nababagabag sa pagtanggi ng rehimeng Marcos na harangin ang International Criminal Court na ituloy ang kaso laban kanya at kanyang mga kasabwat sa mga krimen laban sa sangkatauhan, at posibleng paglabas ng mandamyento para sa kanyang pag-aresto. Habang lumilipas ang mga araw at buwan, lalong nagiging desperado si Duterte dahil sa humihina na niyang impluwensya sa militar kasabay ng pagretiro ng kanyang mga hinirang at loyalista.

Sinasamantala na naman ni Duterte ang malawak na disgusto ng bayan sa bulok na naghaharing sistema sa gitna ng lumalalang kalagayang sosyo-ekonomiko at tumitinding galit sa rehimeng Marcos. Gayunman, said na ang kredibilidad niya matapos anim na taong nagpakasasa sa korapsyon at brutal na teroristang paghahari; at dayain ang eleksyong 2022 kasabwat ang mga Marcos upang iluklok sila sa poder. Malinaw sa sambayanang Pilipino ang paggamit ni Duterte ng panlilinlang at populismo at itinatakwil ang pakana niyang sumakay sa pakikibaka ng bayan sa chacha.

Sigaw ng malawak na masa na papanagutin at parusahan si Duterte at mga alipures niya sa mga krimen nila sa ginawang huwad na gera sa droga, gayundin yaong mga krimen ng mga pasistang tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga operasyong kontra-insurhensya na kanyang ipinag-utos. Sigaw din ng sambayanang Pilipino na parusahan si Duterte sa laganap at malakihang korapsyon noong siya’y nasa poder, kabilang yaong ginawa sa panahon ng pandemyang Covid-19.

Ginagamit ni Marcos at kanyang mga tuhan ang buong saklaw ng mga taktikang pampulitika upang patagalin sila sa poder—mula sa pailalim na mga pakana (Liza Araneta) hanggang tahasang mga pag-atake (Martin Romualdez), pati na ang pagpapanggap ng mga sigalot sa pamilya (Imee Marcos) upang dikitan ang kanilang mga kalaban. Mula makabalik sa Malacañang, nabubuhay si Marcos Jr at kanyang pamilya na parang mga hari at reyna sa mga magarbong piging, paglabas-masok sa bansa at paghehelikopter gamit ang pera ng taumbayan, habang tinitiyak nila ang daan-daang bilyong pisong nakaw na yamang kinamkam sa ilalim ng batas militar.

Malalim ang pagkamuhi ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino kay Marcos dahil sa pandaraya sa dekompyuter na pagbibilang sa eleksyong 2022 na nagbigay sa kanila ni Sara Duterte ng “landslide victory.” Ang pandaraya sa eleksyon ay lubos ngayong inilalantad ng mga ekspertong teknikal. Lalo pang ginagatungan ni Marcos ang galit ng bayan sa maluhong pamumuhay, habang sadlak sa pagdurusa at paghihirap ang mayorya. Lalo niyang inihihiwalay ang sarili sa pagtetengang-kawali sa sigaw ng mamamayan para sa umento sa sahod, tunay na reporma sa lupa, dagdag na badyet sa edukasyon, kalusugan at ibang serbisyong pampubliko, at iba pang kagyat na mga kahingian; habang binibigyan ang mga dayuhang kumpanya at mga kasosyong lokal ng lahat ng insentibo na magbulsa ng malalaking tubo mula sa pagsasamantala sa murang lakas paggawa at yaman ng bansa.

Garapalan ang paggamit ni Marcos sa poder upang mahawakan ang daan-daang bilyong piso at ibuhos ito sa negosyo ng kanyang mga kroni at kunin ang kanilang suportang pampulitika. Tulad ni Duterte, patuloy na pinatataba ni Marcos ang militar ng wala pang kasimpantay na dami ng pera para sa pagbili ng mga kagamitang militar na napupunta sa bulsa ng pinapaburang mga heneral. Patuloy ang AFP sa brutal na gera ng panunupil sa kanayunan pabor sa agresibong pagpasok ng mga dayuhang negosyo na kumakamkam sa lupang pang-agrikultura at ninuno ng malawak na masang magsasaka at mga katutubo.

Ginagatungan ni Marcos ang patriyotismo ng bayan sa kanyang pagmamanikluhod sa geopulitikal na interes ng US. Pinahihintulutan niya ang militar ng US na ganap na kunin ang kumand at kontrol sa AFP para sa kanyang estratehiya ng pagkubkob at pagpigil sa paglago ng China, pagpaigting ng tensyong militar sa South China Sea, Korean Peninsula at Taiwan, pagtulak sa mga alyado nito na mag-armas gamit ang mga sandatang gawang-US, at udyukan ang China sa armadong sigalot. Pumapayag si Marcos na magpalawak ng presensyang militar ang US sa Pilipinas at magtatag ng mga pasilidad at base sa loob ng mga kampo ng AFP sa mga estratehikong lokasyon. Upang tiyakin at palawakin ang kanyang interes pang-ekonomya, itinutulak din ng US ang rehimeng Marcos na alisin ang mga negosyong Chinese laluna sa mga susing proyektong pang-imprastruktura pabor sa negosyo ng US at mga alyado nito.

Lalong inihihiwalay ng rehimeng US-Marcos ang sarili sa sambayanang Pilipino sa pamamagitan ng papalalang mga anyo ng pang-aapi, pampulitikang panunupil at imperyalistang dominasyon. Patuloy na umuunlad ang malapad na nagkakaisang prenteng antipasista, anti-imperyalista at antipyudal, na may mga pwersang patriyotiko at demokratiko sa unahan at ubod nito. Ang pakana ng rehimen na baguhin ang konstitusyong 1987 ay nagbubuklod sa malawak na saklaw ng mga uri at sektor, na nag-uugnay rin ng kanilang pagtutol sa chacha sa kanilang sigaw para sa dagdag na sahod at sweldo, regular na hanapbuhay, tunay na reporma sa lupa, mababang presyo ng gasolina at iba pang kalakal, at iba pang mga kagyat na pangangailangan.

Sa kabila ng paghihimutok niya laban sa chacha at kay Marcos, si Duterte ay hindi kasama sa malapad na nagkakaisang prente ng sambayanang Pilipino, dahil sa dami ng krimen niya laban sa sambayanang Pilipino. Katunayan, binabatikos ng malawak na nagkakaisang prente si Marcos sa pakikipagsabwatan kay Duterte para dayain ang eleksyong 2022 para iluklok ang kanilang mga sarili sa poder, at sa kabiguang gumawa ng mapagpasyang hakbang para papanagutin si Duterte sa lahat ng pasistang krimen at korapsyon nang siya’y nasa kapangyarihan.

Patuloy na ubos-kayang magpupunyagi ang Partido at lahat ng rebolusyonaryong pwersa na pukawin ang malawak na masa ng mga manggagawa at magsasaka, ang mga petiburges na intelektwal at mga propesyunal, at lahat ng iba pang pwersang progresibo at positibo, upang kumilos at lumaban. Sa gitna ng kalagayang sadlak sa krisis, tiyak na lalupang iigting at lalaban ng buong giting ang rebolusyonaryong kilusang masa sa kalunsuran at kanayunan, kasabay ng rebolusyonaryong armadong pakikibakang isinusulong ng Bagong Hukbong Bayan.

Mga kontradiksyon ng mga pasistang mang-aapi ang bangayang Marcos-Duterte