Pahayag

Mga sibilyan sa Lacub Abra, pinagbabaril ng sundalo ng 24th IB

February 17, 2020 pasado alas nuebe ng gabi anim na mga kabataan na residente ng Bgy. Lan-ag, Lacub, Abra ang pinagbabaril ng mga nag-ooperasyong sundalo ng 24th IB Charlie Company.

Ayon sa report ng mga residente, pumunta ang mga nasabing kabataan sa ilog upang mangalap ng isda na para may maihain sa kanilang bisita kinabukasan. Mula sa baryo ay narinig ng mga residente ang malalakas na putok ng baril. Di kalaunan ay nagtungo ang kapitan ng baranggay kasama ang isa pang nakatatanda sa pinangyarihan upang sakloohan ang mga kabataan, ngunit ang nadatnan nila ay mga sundalo, wala ang mga kabataan at pawang mga kagamitang pangkalap ng isda ang nakakalat sa lugar.

Kinabukasan ng February 18, nagmobilisa ang mga residente upang hanapin ang kanilang mga anak, ngunit hindi sila pinayagan ng mga sundalo na makapunta sa lugar. Kabilang sa 6 na sibilyan na pinaputukan ng mga sundalo ang SK Chairman ng Bgy. Lan-ag na si Efrilon “Loyloy” Diwayan, Regreg Gumpad, Jefjef Puruganan at tatlo pang sibilyan. Naideklarang missing ang mga ito. Sa ulat na natanggap ng ABC, ay natagpuan din ang 6 na biktima ngunit grabeng takot at nerbyos ang idinulot nito sa kanila.

Sa pahayag ng 24th IB press statement lantarang pagsisinungaling nilang sinabi na unang pumutok ang ilang armadong grupo at dahil daw diumano malapit sa kahabayan ay hindi sila makaganti ng putok. Sinabi pa nila na mga “CTG” ang kanilang nakaenkwentro. May ilang bersyon pa silang ipinagkakalat na mga magnanakaw daw ang kanilang pinaputokan.

Ang totoo, walang ibang nakaenkwentro ang mga napapraning na sundalo kundi ang sarili nila at ang mga pinagkamalian nilang armadong grupo ay pawang mga kabataang nangangalap ng isda upang may makain. Walang ibang armadong grupo sa lugar kundi ang operating troops ng Bravo Coy 24th IB at ilang mga CAFGU na nagpapanggap na nagsisilo sa gubat.

Ang pangyayaring ito ay isa lamang sa matitinding atake ng mga sundalo laban sa kabataan at mamamayan, at madali lang nilang gawan ng fake news o fake report ang kanilang kalabisan sa pamamagitan ng pagkontrol sa populasyon at pagpapatahimik sa mga opisyal ng baranggay at LGU ng Lacub. Malaking pondo ang inilalaan ng reaksyunaryong gubyerno sa paniktik ng JTF-ELCAC ang sadyang nasasayang lang at nagreresulta pa nga sa kapahamakan ng mga pinagkakamalang suporter o kasapi ng NPA, at kahit pa nga mga tradisyonal at legal na People’s Organization ay ibinibilang nilang “Communist Terrorist Group”. Malinaw na paglabag ito sa batas ng digma at prinsipyo ng International Humanitarian Law.

Hindi mabuting halimbawa para sa kabataan ng Lacub ang ipinapakitang karahasan at kasinungalingan ng mga sundalo. Takot at pangamba ang idinudulot ng operasyong militar sa mga kabataan at mamamayan.
Dapat manindigan ang LGU para sa kapakanan ng mamamayan ng Lacub hindi sa personal na interes at pasistang patakaran ng diktadurang Duterte.

Dapat lang na ilantad at labanan ng mamamayan ang ilegal na pagtatayo ng Charlie Coy 24th IB Headquarters sa mismong kabahayan ng Poblacion, Lacub na araw at gabing nagbibigay pangamba sa mga residente.

KABATAAN AT MAMAMAYAN MAGKAISA AT LABANAN ANG PANGANIB NA JTF-ELCAC!

SUNDALONG PILIPINO MAGLINGKOD SA BAYAN HUWAG SA DAYUHAN!

KABATAAN MARAMIHANG SUMAPI SA NEW PEOPLE’S ARMY!

Mga sibilyan sa Lacub Abra, pinagbabaril ng sundalo ng 24th IB