Mga tinik at tilos sa landas patungo sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan

Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishChinese

Ikinalulugod ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang pagpirma sa Oslo Joint Statement noong Nobyembre 23 sa Oslo, Norway, ng Negotiating Panel ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), at mga upisyal na sugo ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP). Ang pinagsanib na pahayag ay deklarasyon ng hangaring lumikha ng mga kundisyon at itakda ang balangkas sa pagsasagawa ng negosasyong pangkapayapaan.

Ipinaaabot ng Partido at ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang lubos na pagsuporta sa Negotiating Panel ng NDFP na pinamumunuan ni Juliet de Lima, at kapita-pitagang mga kasapi nito na sina Louie Jalandoni, Coni Ledesma at Asterio Palima, at ipinahahayag namin ang buong tiwala sa kanilang pagkinatawan sa malapad na demokratikong interes ng mamamayang Pilipino.

Ang Oslo Joint Statement ay unang kalahating hakbang sa mahabang martsa patungo sa pagpapanumbalik ng porma na negosasyong pangkapayapaan, at sa higit na mahabang daan sa pagkakamit ng hangarin ng mamamayan para sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.

Sa kanyang pagkahayok sa dugo, naghasik ng sampung libong tinik at tilos si dating GRP President Duterte sa landas ng kapayapaan upang hindi ito mabagtas. Sa kanyang maling palagay na madudurog ang armadong rebolusyon gamit lamang ang armadong lakas, pinakawalan ni Duterte ang kanyang gera ng terorismo ng estado na kinatampukan ng mga pagdukot, tortyur, pagpatay at mga masaker.

Ang gera ni Duterte ay malubha at madugo, ngunit bigong lubos. Ang katotohanang ito ang nasa likod kung bakit nakatakdang muling magharap sa lamesa ng negosasyong pangkapayapaan ang mga panel ng GRP at NDFP.

Mayroong usapang pangkapayapaan dahil mayroong gera. Ang NDFP at GRP ay kumakatawan sa dalawang panig (co-belligerent) ng digmang sibil sa Pilipinas. Sila ay magkalaban at kumakatawan sa lubos na makatunggaling interes at layunin, ngunit nagtagpo sa negosasyon sa ilalim ng deklaradong layunin na pagkakamit sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.

Para hawanin ang landas para sa negosasyong pangkapayapaan, nasa balikat ni Marcos ang natatanging responsibilidad na walisin ang mga tinik at tilos na inilatag noong panahon ni Duterte na nagkalat dito.

Para makausad ang negosasyong pangkapayapaan ng NDFP-GRP, dapat gawin ni Marcos na: (a) palayain ang lahat ng konsultant sa kapayapaan ng NDFP para makalahok sila sa mga diskusyon at negosasyon; (b) bawiin ang “teroristang designasyon” sa NDFP, at yaong kay Ka Luis Jalandoni, sa PKP, sa BHB at iba pang tauhan ng NDFP. Kritikal at praktikal na hakbang ang mga ito, na kung hindi mangyayari, ay kadu-dudang makapagpapatuloy ang negosasyong pangkapayapaan.

Para makasulong nang mabilis ang martsa tungong kapayapaan, maaari ring iatras ni Marcos ang inilabas ni Duterte na Executive Order No 70 at Memorandum Order No 32, buwagin ang National Task Force (NTF)-Elcac, idulot ang pagbasura sa mapanupil na Anti-Terror Law, atasan ang AFP na iatras ang armadong mga sundalong naglulunsad ng “lokalisadong usapang pangkapayapaan” at “community support” na ginagamit lamang pangkubli sa madugong panunupil sa barangay ng mga magsasaka na aktibong nagtatanggol sa kanilang lupa at demokratikong mga karapatan, at iatas ang pagwawakas sa ala-Gaza na aerial bombing at panganganyon sa mga sakahan at taniman sa kanayunan.

Para lumikha ng mga kundisyong makatutulong sa kapayapan, maaaring iatas ni Marcos ang pagpapalaya sa aabot sa 800 bilanggong pulitikal. Marami sa kanila ay matatanda at may sakit, at malaon nang labis na nagdurusa sa napakatagal na pagkakapiit dahil sa patung-patong na kasong kriminal na labag sa Doktrinang Hernandez. Ilan sa mga bilanggong pulitikal ay nagpapasusong mga ina na dapat kagyat na palayain kasama ang kanilang mga sanggol.

Dapat magkaroon ng pagtatala sa lahat ng mga paglabag sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) sa pagpaslang at pagkukulong sa mga konsultant sa kapayapaan ng NDFP.

Kinakatawan ng GRP ang interes ng malalaking burgesyang kumprador (ang tinatawag na mga oligarko at tycoon na humahawak sa malalaking interes sa negosyo), ang malalaking panginoong maylupa, ang mga burukrata-kapitalista, na pawang nakatugma sa ekonomikong interes at geopulitikal na layunin ng imperyalistang US.

Kinakatawan ng NDFP ang demokratikong gubyernong bayan at ang hangarin ng inaapi at pinagsasamantalahang mga uri at sektor na bumubuo sa mamamayang Pilipino, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, ang masang anakapawis, pambansang minorya, migranteng manggagawa, kabataan, manggagawang pangkalusugan, mga guro, ordinaryong mga empleyado, abugado, artista at manggagawang pangkultura, kababaihang, mga minoryang kasarian, at iba pa.

Napatunayan na sa kasaysayan na habang kumakatawan ang NDFP at GRP sa ganap na makatunggaling ekonomikong interes at pampulitikang layunin, at patuloy na sumasagupa sa palitan ng putok sa larangan ng digmaan, maaari silang makapagbuo ng mga kasunduan tulad ng The Hague Declaration, ang JASIG, at ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL).

Ang mga kasunduang ito ay dapat muling pagtibayin at magsilbing pundasyon ng mga kasunduan sa hinaharap sa sosyo-ekonomikong reporma, gayundin sa mga reporma sa pulitika at konstitusyon.

Ang pagpirma sa Oslo Joint Statement ay dumatal sa panahon ng tumitinding krisis sa ekonomya at pulitika. Ang sumisidhing mga kundisyong kinahaharap ng mamamayang Pilipino ay nagtutulak sa kanilang maglunsad ng mga pakikibakang masa para isulong ang kanilang kagyat na mga kahingian para sa makabuluhang dagdag-sahod, pagpapababa ng presyo, pagpapababa upa sa lupa, pagpapababa sa gastos sa input sa agrikultura, at iba pa.

Ang korupsyon, anti-mamamayan at anti-demokratikong mga patakaran at programa ng rehimeng US-Marcos ay nagdudulot ng malawakang kahirapan at kagutuman, pangangamkam ng kabuhayan at dislokasyon. Patuloy na inihahasik ni Marcos ang karahasan ng teroristang estado para patahimikin ang mamamayan at supilin ang kanilang mga hinaing at paglaban. Sa buong pangangayupapa sa kanyang imperyalistang amo, hinahawan ni Marcos ang landas para sa militar ng US na gamitin ng Pilipinas bilang forward base sa pagpapalibot sa China, at ang AFP bilang mga tau-tauhan sa agresibong mga operasyong militar sa South China Sea.

Walang ibang mapagpipiliang landas ang mamamayang Pilipino kundi patuloy na paigtingin ang kanilang mga pakikibakang masa at rebolusyonaryong armadong pakikibaka para ipagtanggol ang kanilang kabuhayan, kanilang mga karapatan at ang pambansang kalayaan ng bayan, at ihiwalay at labanan ang papet, pahirap at mapang-aping rehimeng Marcos.

Mga tinik at tilos sa landas patungo sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan