Pahayag

Operasyong haras ng SBC-BHB Albay sa Jovellar, tugon ng BHB sa papatinding atakeng ala-SEMPO ng JTFB

Translation/s: English

Pinakamataas na pagpupugay ang iginagawad ng RJC-BHB Bikol sa Santos Binamera Command (SBC-BHB Albay) sa kanilang matagumpay na operasyong haras laban sa 1st Albay PMFC sa Brgy. San Isidro, Jovellar, Albay nitong Hunyo 23, 2020. Tugon ito ng BHB sa papatinding atakeng ala-SEMPO ng Joint Task Force Bicolandia (JTFB). Napaslang sa naturang aksyon si Patrolman Emerson Belmonte, habang sugatan sina Police Corporal Marlon Beltran, Patrolman Roy Resurrecion at Patrolman John Mark Paz.

Sukdulang naghahasik ng teror ang 9th ID at PNP ng rehiyon. Talo pa ng mga pinagsamang operasyon ng PNP at AFP ang pinsala ng anumang delubyong bumayo sa rehiyon. Mula noong binuo ang JTFB noong Hunyo 11, 2018, 72 na ang naitalang biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang. Labing-apat dito ang naitala mula noong bumayo ang isa sa pinakamalalaking bagyo sa rehiyon, ang Bagong Tisoy. Sa ilalim din ng JTFB muling nakaranas ng pambubomba ang masang Bikolano matapos ang ilang dekada.

Gamit ang estilong ala-SEMPO, tiyak hahaba pa ang listahan ng biktima ng JTFB. Pangunahin nitong tinatarget ang walang kalaban-labang sibilyan, laluna ang mga progresibong grupo at indibidwal, at pinararatangan na lamang mga kasapi ng BHB. Ginagamit pa ng JTFB ang mga iligal na arrest at search warrant upang itago at bigyang-matwid ang panunugis ng mga pinaghihinalaan nilang kasapi o tagasuporta ng rebolusyonaryong pwersa. Ito ang ginamit na palusot ng JTFB sa masaker sa Dolos, at tiyak na gasgas na gagamitin sa marami pang kaso sa hinaharap.

Pagkatapos ng matagumpay na aksyon ng BHB, pinaslang ng 1st Albay PMFC ang dalawang upisyal ng barangay sa Brgy. San Isidro, Jovellar sa pilit ibinaling ang sisi sa BHB. Ang katunayan, wala na ang BHB sa lugar na iyon at mabilis silang nakapagmaniobra matapos isagawa ang ambus. Dati nang gawi ng militar at pulis na pumaslang ng mga sibilyan mayroon mang labanan o wala at isisi ito sa BHB.

Lehitimo at soberanong karapatan ng mamamayan ang paglahok sa armadong pakikibaka. Lagi’t laging nasa panganib ang kanilang buhay at kabuhayan sa sistemang malakolonyal at malapyudal. Patuloy na nagsasabwatan ang mga pasista, panginoong maylupa at mga burukrata kapitalista upang gatasan at supilin ang mamamayan sa abot ng kanilang makakaya. Huhututin nila ang pinakamalaking tubong maaaring makuha at pipiliting panghawakan ang kanilang kapangyarihan habang patuloy namang umiikid sa pamalagiang krisis ang buhay ng masang anakpawis. Ito ang ugat ng pagsasamantala’t pang-aaping matutuldukan lamang ng mamamayan sa pagsasapraktika ng kanilang soberanong kapangyarihan.

Mahigpit na nananawagan ang RJC-BHB Bikol sa mamamayang Bikolano na higit pang patatagin at palakasin ang kanilang hukbo, tumangan ng armas at ibayong isulong ang digmang bayan. Maging bahagi ng mapagpalayang rebolusyon at suportahan ang BHB sa lahat ng pamamaraan. Lalo pang palakasin at palawakin ang hanay ng BHB upang mapataas ang kakayahan nitong makamit ang mga batayang rekisito upang maabot ang mas mataas na antas ng digmang bayan. Sa pamamagitan lamang nito ganap na mapagtatagumpayan ng mamamayan ang tunay na paglaya at panlipunang pagbabago.

Hinihikayat din ng RJC-BHB Bikol ang mga nasa hanay ng kaaway na magpanibagong-buhay at pumanig sa hanay ng masang anakpawis. Walang halaga ang mag-alay ng buhay para sa walang katuturang gera. Ang tunay na pagmamahal sa bayan ay hindi nasusukat ng mga uniporme, sweldo o ranggo, kung hindi sa pakikiisa at taos-pusong pagsisikap na palayain sila mula sa pang-aapi at pagsasamantala. Ang pagtanggol sa naghaharing-uri ay katumbas ng pagtaksil sa uring pinanggalingan.

Bukas din ang BHB sa mga posibleng target ng kaaway at mga dati nang nakalagay sa order of battle ng AFP at PNP na nais sumanib sa yunit gerilya upang maipagtanggol ang kanilang sarili mula sa mga atake ng kaaway.

Sama-sama, dudurugin ng mamamayang lumalaban ang pasistang paghahari ng rehimeng US-Duterte. Sama-sama, lilikhain ng masang inapi at pinagsamantalahan ang isang lipunang tunay na malaya.

Masang Bikolano, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!
Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!
Talingkas sa pagkaoripon!

Operasyong haras ng SBC-BHB Albay sa Jovellar, tugon ng BHB sa papatinding atakeng ala-SEMPO ng JTFB