Pagpupugay sa mga kababaihang nagsusumikap para mabuhay! Taas-kamaong pagbati sa mga rebolusyonaryong kababaihang nagpapanday ng bagong lipunan sa pamamagitan ng pambansang demokrasya!
Ang Katipunan ng mga Gurong Makabayan ay nagpupugay at tumitindig kasama ang mga kababaihang anakpawis na patuloy na nagsusumikap na mabuhay sa ilalim ng mala-pyudal at mala-kolonyal (MKMP) na lipunan. Mayorya ng populasyon sa bansa ay binubuo ng kababaihang anakpawis ngunit 39% lamang ng kababaihan ang nasa pwersa ng paggawa dahil ang marami sa kanila ay nasa impormal na sektor kung saan walang proteksyong panlipunan. Gumagawa sila ng iba’t ibang paraan para makapagdagdag-kita sa pamilya dahil hindi nakabubuhay ang halaga ng sahod sa ating bansa. Ang kababaihang manggagawa ang isa sa naapektuhan ng pandemya dahil kalakhan sa kanila ay nasa sektor ng serbisyo na siyang unang nilumpo ng pandemya. Ang maraming kababaihang manggagawa rin ang nakararanas ng mga mapagsamantala at mapang-aping iskema sa trabaho tulad ng “no work no pay,” diskriminasyon sa paggawa, mas mababang pasahod at pagbabawal mag-unyon. Dagdag pa, higit sa kalahati ng Overseas Filipino Workers ay mga kababaihan na iniwan ang kanilang pamilya para makipagsapalaran sa ibayong dagat upang makapagbigay ng maalwan na buhay para sa kanilang kaanak na iniwan sa bansa. Ang malaking bilang nito ay nagmula sa uring magsasakang napilitang lumikas ng bansa dahil higit na mas mababa ang sahod ng mga manggagawang bukid na nagtatrabaho sa loob ng 10-12 oras ng paggawa. Sila rin ang kadalasang biktima ng pang-aabuso na humahantong sa pagkakulong at kanilang pagkamatay.
Samantala dominante rin ng mga kababaihan ang mga guro sa ating bayan. Karamihan sa kanila ay ginawa nang bokasyon ang pagtuturo at pagsasalin ng kaalaman sa mga kabataan sa kabila ng patung-patong na pahirap na nakakasagabal para tugunan ang dakilang gawaing ito. Bagaman propesyunal ang mga guro, dahil sa tindi ng krisis, kaunting pitik na lamang ay katulad na rin sila ng mga batayang sektor. Bukod pa riyan, patuloy pa ring nabubulok at nagsisilbi sa kasalukuyang mga naghaharing-uri ang komersyalisado, kolonyal at represibong edukasyon na makikita sa pagkiling ng estado sa mga pribadong eskwelahan, hindi nagtatayo ng sapat na pampublikong eskwelahan, nakakiling sa dayuhang mga kurikulum tulad ng K+12 at iba pa.
Natutong lumaban ang kababaihang anakpawis sa tindi ng paghihirap sa ilalim ng MKMP na lipunan. Marami ang sumandig sa sama-samang pagkilos ng kanilang mga asosasyon, unyon, organisasyon masa sa komunidad, eskwelahan at pabrika upang magtulak ng mga kapaki-pakinabang na mga reporma sa ilalim ng bulok na estado. Sa halip na solusyunan ang kanilang mga panawagan, pasismo at terorismo ng estado ang sagot sa kanila. Ang mga komunidad sa kanayunan ay binobomba at hinahamlet na lalo pang nagpalala ng kalagayan ng kanilang hanapbuhay. Maraming mga myembro ng unyon at samahan ang ginagawan ng gawa-gawang kaso, sapilitang “pinasusurender”, tinotortyur at pinapapaslang upang patahimikin. Wasto ang suri ng pambansang demokratikong kilusan na ang MKMP na estado ay mas lalong nahuhubdan sa konteksto ng papalalim at papatinding krisis ng lipunan. Walang ibang landas na maghahawan para sa bagong lipunang mayroong hustisya’t pagkakapantay-pantay kundi ang paglulunsad ng demokratikong rebolusyong bayan na mayroong sosyalistang perspektiba! Kung kaya taas-kamaong pagbati sa mga kababaihang rebolusyonaryo nag-aalay ng talino, lakas at buhay sa rebolusyon. Hamon sa ating mga kababaihan na sundan ang yapak ng katipunerang guro na si Teresa Magbanua, mga rebolusyonaryo sa ilalim ng bagong tipo ng rebolusyon tulad nina Lorena Barros, Tanya Domingo at Recca Monte!
Mabuhay ang kababaihang lumalaban! Mabuhay ang kababaihang rebolusyonaryo! Mabuhay ang Pambansang Demokratikong Rebolusyon!