Paigtingin ang pakikibakang masa sa harap ng lumulubhang krisis sa ekonomya

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishChinese

Dapat mahigpit na isulong ng malawak na masa ng manggagawa, magsasaka at lahat ng mamamayang Pilipino ang kanilang kagyat na mga kahingiang sosyoekonomiko at paigtingin ang kanilang pambansa at demokratikong pakikibakang masa sa harap ng lumalaking posibilidad ng pagdusdos ng ekonomya sa darating na mga buwan. Ang tuluy-tuloy na paghina ng piso ay magpapalubha sa pagtaas ng presyo ng petrolyo at pagkain, mababang sahod, pagkabangkarote sa kanayunan at malawakang kawalang trabaho at magpapabilis sa pagbagsak ng kanilang katayuang panlipunan.

Ang internasyunal na sistemang kapitalista ay kasalukuyang nasa bingit ng panibagong nakayayanig na krisis pampinansya, kasabay ng lumalaking banta ng bagong ronda ng mga resesyong sasaklot sa pangunahing mga bansang kapitalista, at magpapalala sa pagdurusa ng atrasadong mga ekonomoya sa lumalaking gastos sa pag-aangat at pagbalikat sa hindi mabayarang mga utang.

Noong nakaraang linggo, itinaas ng US Federal Reserve sa ikaapat na taon ngayong taon ang tantos sa interes nang 75 basis points (bps), na nagdala sa kabuuuang paglaki tungong 300-bps mula Hunyo at ibayong nagtulak sa halaga ng dolyar sa pinakamataas na antas nito sa loob ng 20 taon. Ginawa ng bangko sentral ng US ang ganitong mga hakbangin sa harap ng mga banta ng istagplasyon (tumataas na implasyon at mahinang paglago) dulot ng pagsirit ng presyo ng petrolyo at iba pang mga bilihin. Gayunpaman, sa pagpapatupad ng mga hakbanging ito, niririsgo ng US na tumumal ang produksyon at ilubog ang sarili sa resesyon. Sa ngayon, bigo ang pagtatangka ng US na ibaba ang implasyon.

Ang tumataas na halaga ng dolyar ay pabigat sa mga salapi sa buong bundo. Sumadsad sa pinakamababang halaga sa loob ng 51 taon ang British pound noong nakaraang linggo, habang nasa pinakamababang antas ang Japanese yen sa nagdaang 24 na taon, ang Korean won ay nasa pinakamababa sa nagdaang 14 na taon, at ang Euro ay bumaba nang patas sa halaga ng dolyar sa kauna-unahang pagkakataon. Ang pagbaba ng halaga ng mga salapi ay nagtutulak sa mga bangko sentral na itaas ang interes, na nagpapataas ng posibilidad ng resesyon. Upisyal nang nasa resesyon ang United Kingdom, at malamang hindi magiging huli. Pinatataas din nito ang peligrong lumiban sa pagbabayad-utang ang hindi bababa sa 20 bansang lubog sa utang.

Sa nagdaang mga linggo, halos araw-araw bumabagsak ang halaga ng piso kontra sa dolyar sa pinakamababa sa kasaysayan. Simula sa pagbubukas ng taon, dumausdos nang 15 porsyento ang halaga ng piso kontra dolyar mula ₱50.9 tungong ₱58.9 kontra sa dolyar. Tinatayang ibayong dadausdos sa pagitan ng ₱65 at ₱70 ang piso kontra sa dolyar bago magtapos ang taon.

Malubha ang epekto sa lokal na ekonomya at kabuhayan ng mga Pilipino ng paghina ng halaga ng piso kontra sa dolyar ng US. Kakumbina ang nagtataasang presyo ng mga produktong petrolyo at iba pang mga bilihin, at ang lumalaking pagsalalay sa imported na suplay ng pagkain, ang debalwasyon ng piso ay nagpapalaki sa halaga ng inaangkat, at bunga nito, tumataas lalo ang presyo ng mga bilihin sa bansa. Sa ibayong pagdausdos ng piso, hinaharap ng mga Pilipino ang banta ng pagsirit ng presyo ng pagkain, produktong petrolyo, gayundin ng iba pang batayang bilihin sa darating na mga buwan.

Nagresulta ang tumataas na presyo ng inaangkat na petrolyo sa mabilis na paglaki ng depisito sa kalakalan ng bansa, kung saan ang 7-buwang (Enero-Hulyo) disbalanse ay umabot na nang $35.75 bilyon, higit 45% na mas mataas kaysa $24.6 bilyong depisito sa kalakalan sa buong 2021. Ang lumalawak na diperensya sa kalakalan ay lubhang makaaapekto sa ekonomya laluna sa paghina ng halaga ng piso. Ang depisito sa balanse ng bayaran o balance of payment ng bansa sa unang hati ng taon ay lumawak nang 63.1% tungong $3.1 bilyon kumpara sa parehong panahon noong nakaraan taon, bunsod ng lumalaking kakulangan sa kasalukuyang mga bayarin na inaasahang papalo sa $20.6 bilyon ngayong taon. Anim na buwan na tuluy-tuloy na bumababa ang reserbang dolyar ng bansa tungong $99 bilyon, pinakamababa sa nagdaang dalawang taon.

Ang gayong mabibigat na epektong ng paghina ng halaga ng piso sa ekonomya ng Pilipinas at sa sosyoekonomikong kalagayan ng mamamayang Pilipino ay resulta ng pagsalalay ng bansa sa imported na mga bilihin, laluna ng mga produktong kapital, mga kagamitan sa produksyon, mga manupaktura, produktong konsyumer, at ngayon pati sa suplay ng pagkain. Bilang resulta ng pagkasira ng lokal na produktibong pwersa sa nagdaang 40 taon, halos lahat na’y inaangkat ng bansa (kabilang ang asin), kaya bulnerable ang bansa sa paghina ng halaga ng pera. Nananatiling atrasado, agraryo at hindi industriyalisado ang produksyon sa bansa sa kalakhan. Limitado ang pagmamanupaktura sa pag-asembol ng mga pyesang inaangkat (kabilang ang mga semikonduktor), kung saan ang demand para rito ay bumulusok.

Walang plano si Marcos Jr at kanyang mga tagamapahala sa ekonomya na wakasan ang labis na pagsalalay ng bansa sa imported na mga bilihin. Imbes na tugunan ang pangangailangang itaas ang kakayahan ng bansa na magprodyus ng pagkain at iba pang manupaktura, nais lang nilang panatilihin ang pagsalalay ng bansa sa import, dayuhang pamumuhunan at dayuhang pangungutang. Magkakasunod na binugbog ng nakaraang rehimeng Duterte ang kasarinlang pang-ekonomya ng pag-amyenda sa Public Service Act (RA 11659), Foreign Investments Act (RA 11647) at ang Retail Trade Liberalization Act (RA 11595).

Ang kamakailang deklarasyon ni Marcos sa United Nations General Assembly na “bubuksan natin nang mas malawak ang mga pinto” ay pahiwatig sa planong ibayong ipatupad ang mga patakarang neoliberal tulad sa huling apat na dekada na nagresulta sa malawakang pagkawasak ng lokal na agrikultura at pagmamanupaktura. Ang plano ni Marcos na itulak ang mga patakarang todong neoliberal ay hahawan ng landas para sa ibayong dayuhang kapitalistang pagsasamantala sa lakas-paggawa at pandarambong sa yaman ng bansa (pagpapalawak ng mga plantasyon, pagmimina, reklamasyon) na lalong magpapalubha sa pagbabago sa klima.

Sa desperadong tangka na solusyunan ang pagbagsak ng halaga ng piso, itinaas ng Bangko Sentral ng Pilipinas noong nakaraang linggo ang tantos sa interes nang 50-bps tungong 4.25%, na pansamantala lamang makapipigil sa pagdausdos ng piso, pero magpapalaki ng panganib na ibayong tutumal ang lokal na produksyon at magpapalala disempleyo. Inaasahan pa ang ibayong pagtataas ng tantos sa darating na mga linggo at buwan, kahit pa umaasa ang mga teknokrata ng gubyerno na maisasalba ang piso ng paglaki ng remitans ng dolyar sa bansa galing sa mga migranteng manggangawang Pilipino sa darating na mga buwan.

Hindi hinaharap ni Marcos at kanyang mga teknokrata ang mga ugat na dahilan ng labis na pagsalalay ng Pilipinas sa pag-aangkat na nagreresulta sa pamalagiang depisito sa kalakan, pambabarat sa sahod, dislokasyon sa kanayunan, pandarambong sa kalikasan at iba pang suliraning panlipunan at pang-ekonomya. Hindi rin sila nagpapatupad ng mga hakbanging makatutulong sa mga manggagawa, magsasaka at milyun-milyong Pilipinong walang trabaho na lubhang nagdurusa sa mataas na presyo, mababang sahod at kawalan ng serbisyong panlipunan. Habang nagbibigay ang mga teknokrata ni Marcos ng insetibo sa buwis sa dayuhang kapitalistang mamumuhunan, sinasabi nilang hindi produktibo ang pagbibigay ng ayudang salaping sa mamamayan. Pinagkakanya-kanya lamang ni Marcos ang mga Pilipino.

Malaking mayorya ng mga Pilipino ang patuloy na nabubuhay sa kahirapan. Mismong mga ahensya ng estado ang nagsabing 19 milyong pamilyang Pilipino ang walang naiipon at patuloy na nasa bingit ng pagkabusabos. Ang malaking bilang ng mamamayang desperadong pumipila sa ayuda ay manipestasyon ng tindi na kahirapan sa bansa.

Dapat manindigan ang mamamayang Pilipino at isulong ang paglaban para sa kanilang pambansa at demokratikong interes, partikular na ang kanilang mga kahingian para sa reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Ang tampok na mga panawagan para sa iba’t ibang porma ng ayuda ay makatarungan at dapat igiit kaalinsabay ang kagyat na kahingian para sa trabaho, mas mababang presyo, pagtataas ng sahod, pagpapalawak ng libreng edukasyon, serbisyo sa kalusugan at iba pang panlipunang serbisyo at mura or libreng pampublikong yutilidad (tubig, kuryente, transportasyon at telekomunikasyon). Dapat nilang paigtingin ang kanilang panawagan na baligtarin ang mga patakarang neoliberal kabilang ang liberalisasyon sa importasyon, deregulasyon at pribatisasyon.

Dapat paigtingin ng masang anakpawis ang kanilang pag-oorganisa at bumuo at palakasin ang kanilang mga unyon at iba’t ibang porma ng samahan sa mga pagawaan, komunidad, paaralan, upisina, sa hanay ng iba’t ibang uri at sektor. Dapat magkaroon ng malakas na kilusang propaganda at edukasyon para itaas ang anti-imperyalista at antipyudal na kamulatan ng mamamayan at pag-unawa sa kanilang pundamental na suliraning panlipunan at pang-ekonomya. Dapat puspusang ilantad ang kasaysayan ng mga patakarang neoliberal sa nagdaang apat na dekada, ang mga patakarang dikta at pakikialam ng IMF-World Bank, at ang pangangayupapa ng nagdaang magkakasunod na rehimen sa dayuhang kapitalistang interes.

Tanging sa pamamagitan lamang ng organisadong pagsisikap at paglulunsad ng kolektibong pagkilos tulad ng welga at iba pang anyo ng aksyong protesta epektibong maisusulong ang kanilang mga mithiin. Sa partikular, dapat ituon ang pagsisikap sa pagbubuo ng organisadong lakas ng mga manggagawa at magsasaka na mayoryang bumubuo sa masang anakpawis, palakasin ang kanilang tinig at ilagay sa pambansang atensyon ang kanilang mga kahingian.

Kasabay nito, dapat labanan ng mamamayang Pilipino ang pampulitikang panunupil at ang mga ahente ng terorismo ng estado at pasismo. Ang panunupil sa demokratikong karapatan ng mamamayan ay naglalayong panatilihin ang kahirapan ng mamamayan at ibigay sa mga korporasyong multinasyunal, malalaking burgesyang komprador, malalaking panginoong maylupa at burukratang kapitalista ang lahat ng kalayaan na magkamal ng tubo sa pamamagitan ng pang-aapi, pagsasamantala at pandarambong.

Ang pagsusulong sa kagyat na kahingiang sosyoekonomiko ng mamamayang Pilipino ay mahigpit na nakaugnay sa kanilang kahingian para sa pambansang demokrasya at pagwawakas sa malakolonyal at malapyudal na sistema. Ang mga ito ay partikular na nakaugnay sa kanilang kahingian para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Ang reporma sa lupa o libreng pamamahagi ng lupa ay kayang kumpletuhin sa loob ng ilang taon at, kung may suporta ng estado, organisadong pagpapakilos sa masa at kakumbina ang industriyalisasyon, ay kagyat na makapagbabago sa kanayunan para maging produktibo at progresibo. Kasabay nito, dapat magkaroon ng programa para itayo ang mga industriya sa asero at iba pang batayan at estratehikong industriya, kakumbina ang intermedyang mga industriya para sa pagmamanupaktura ng mga produktong pangkonsumo. Ang programang ito ang maglalatag ng mga batayan para sa sosyalistang rebolusyon at konstruksyon.

Ang lumulubhang krisis sosyoekonomiko na kinakatangian ng lumalalang kahirapan, sumisirit na presyo, mababang sahod at kawalan ng pampublikong serbiyo, ay malinaw na patunay ng naghihingalong estado ng malakolonyal at malapyudal na sistema. Kaya naman, habang isinusulong ng mamamayan ang kanilang demokratikong pakikibaka, dapat pakilusin ng Partido ang mamamayan para isulong ang rebolusyonaryong pakikibaka, laluna ang armadong pakikibaka, at sumulong sa landas ng estratehikong linya ng matagalang digmang bayan, para ipaglaban ang tunay na pambansang kalayaan at demokrasya, bilang susi sa pagtatayo ng progresibo at modernong ekonomya.

Paigtingin ang pakikibakang masa sa harap ng lumulubhang krisis sa ekonomya