Patuloy ang rekrutment ng BHB sa ilalim ng brutal na rehimeng Marcos

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Tuluy-tuloy ang matatag na pagrerekrut ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at tiyak na lalong bibilis pa sa mga darating na buwan at taon sa harap ng lumalalang pang-aapi at pampulitikang panunupil. Determinado ang taumbayan na ipaglaban ang kanilang mga karapatan, ipagtanggol ang kanilang kabuhayan, at ipaglaban ang magandang kinabukasan para sa kanilang mga anak, sa harap ng lalong brutal, tiwali, at mapang-aping papet na rehimeng Marcos.

Nananaginip nang gising si Gen. Carlito Galvez sa kanyang deklarasyong ang bansa ay magiging “insurgency-free” sa loob ng tatlong taon. Simpleng pag-uulit ito ng mga deklarasyon na ginawa sa nakalipas na tatlumpung taon. Tulad ng dati, ang naturang mga pahayag ay mapatutunayang pawang paghahambog.

Desidido ang sambayanang Pilipino at Bagong Hukbong Bayan na isulong ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa harap ng matinding pagdurusa ng mamamayan sa ilalim ng rehimeng Marcos.

Mayorya ng mamamayang Pilipino ay nasasadlak sa kahirapan sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo at pananatiling mababa ng sahod. Laganap ang kawalan ng trabaho. Ang lupa at iba pang pinagkukunan ng kabuhayan ng masa ay kinakamkam ng mga dayuhang kumpanya at malalaking negosyo ng mga kroni ni Marcos. Pinakatalamak ang kahirapan sa kanayunan, kung saan 1.1 milyong trabaho kada buwan ang nawala mula Enero.

Gumagamit si Marcos ng mga taktika ng batas militar upang sugpuin ang paglaban ng mamamayan sa mga patakarang anti-mamamayan, anti-nasyunal at anti-demokratiko ng kanyang rehimen. Kamay-na-bakal ang gamit niya sa paghahari sa buong bansa, laluna sa kanayunan. Ang kanyang mga sundalong lasing sa kapangyarihan at madalas na lulong sa droga ay nagsasagawa ng mga ekstrahudisyal na pagpatay at iba pang krimen. Sa nakalipas na dalawang taon, hindi bababa sa 175 katao ang napatay ng mga armadong kampon ni Marcos, na karamihan ay mga magsasaka.

Noong Hulyo 8, pinagbababaril at pinatay ng mga sundalo ng 2nd IB ang magkapatid na sina Robert at Ronel Monsanto, 18 at 22, habang nagpapastol ng kanilang mga hayop sa Barangay Aguho, Esperanza, Masbate. Noong Hunyo 5, pinaputukan ng 74th IB ang 11 magsasaka, kabilang ang pitong menor de edad sa Sityo Canonghan, Barangay Osmeña, Palapag, Northern Samar. Kalaunan ay dinampot sila at dinala sa isang kampo ng militar, at malisyosong iniugnay sa BHB. Ito ay ilan lamang sa mga kamakailang halimbawa ng brutal na anyo ng armadong panunupil ni Marcos laban sa mamamayan.

Ang malupit na pamumuno ni Marcos ay nagtuturo sa taumbayan na sa pamamagitan lamang ng paghawak ng armas at pagsapi nila sa BHB mabisang maipagtatanggol ang kanilang buhay at maipaglalaban ang kanilang mga karapatan at adhikain.

Patuloy ang rekrutment ng BHB sa ilalim ng brutal na rehimeng Marcos