Pahayag

Sa harap ng tumitinding pasismo, makatarungan ang operasyong haras ng BHB sa Silvino Lobos, Northern Samar

Tugon sa panawagan ng masang magsasaka para sa rebolusyonaryong hustisya ang isinagawang isnayp-haras ng Bagong Hukbong Bayan sa detatsment ng 19th Infantry Battalion sa Barangay Geparayan de Turag, Silvino Lobos, Northern Samar noong Mayo 22, alas-7:49 ng gabi.

Matagal nang iniinda ng mga residente ng Silvino Lobos ang pananalasa ng pasistang militar sa kanilang komunidad. Ang nasabing detatsment ay katabi lang ng mga kabahayan; sa sobrang dami ng pasistang tropa sa kampo ay humahalo na lang sila sa mga sibilyan. Maya’t maya rin ang mga operasyong kombat na gumugulo sa paghahanapbuhay ng masa. Lalo pang umigting ang iba’t ibang taktika ng pasistang terorismo sa masa na dagdag pasanin sa gitna ng matinding krisis sa ekonomiya.

Kabilang dito ang sikretong pagta-tracking sa mga magsasakang tumutungo sa bukid. Inuutusan ng militar ang masa na magdala ng isang selpon nang hindi pinapaalam kung para saan ito. Lantaran ding itinutugon na bawal itong pakialaman habang nasa bag. Pag-uwi ng masa sa baryo, ibabalik ito sa sundalo.

May isang kaso kung saan sikretong inilagay ang selpon sa bag ng masa; pag-uwi ng masa ay binawi ang selpon at binigyan ng ₱2,000. Wala naman siyang sinang-ayunang trabaho mula sa militar. Ang ganitong taktika ay labag sa karapatan sa malayang pagkilos ng masa at paraan para isailalim sila sa sarbeylans at panggigipit. Sapilitan ding inoobliga ng militar ang lahat ng residenteng may selpon sa baryo na magpasa sa kanila ng impormasyon hinggil sa presensya ng hukbong bayan sa lugar.

Sa malalim na oras ng gabi, habang tahimik na nagpapahinga ang masa sa maghapong pagbabanat ng buto, mambubulabog pa ang mga sundalo sa pangangatok sa kanilang mga bahay para “mag-imbistiga” hinggil sa presensya ng hukbong bayan.

Peste sa hanapbuhay ang militar na basta na lamang na sa gitna ng krisis ay nakuha pang magnakaw ng mga tanim na gulay ng masa sa kanilang mga bukid. Ninanakaw nila ang mga langka, puso ng saging, talbos ng kamote, at papaya na pantawid-gutom ng mahihirap na magsasaka. Liban sa pagnanakaw, pasimuno rin sila ng mga anti-sosyal na gawain tulad ng sugal, sabong, inuman, at paglason at pangunguryente ng mga sapa.

Hangga’t nananatili ang ganitong pagpapahirap sa mga magsasaka, tiyak na patuloy na makakakilos at makapagpupunyagi ang BHB sa Silvino Lobos at sa buong Northern Samar. Patuloy nilang matatamasa ang suporta ng masa na labis ang kagustuhan na palayasin ang perwisyo at pahirap na militar, at kamtin ang tunay na kaunlaran sa pamamagitan ng rebolusyong agraryo at pambansa-demokratikong rebolusyon. Gagawin ng Rodante Urtal Command ang lahat para kamtin ang tunay na rebolusyonaryo at mapagpalayang hustisya na inaasam ng masa.

Sa harap ng tumitinding pasismo, makatarungan ang operasyong haras ng BHB sa Silvino Lobos, Northern Samar