Pera ng mamamayang Pilipino ang nilustay sa minamadaling paliparan ng US sa Palawan

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Ang minamadaling pagtatayo ng rehimeng Marcos ng paliparan at pasilidad ng militar sa isla ng Balabac para sa kapakinabangan ng mga pwersang militar ng US ay malalang pagpapakita ng pagiging sunud-sunuran nito sa imperyalistang amo. Plano ng US na gamitin ang pinakatimog na isla ng Palawan bilang base militar para ipusisyon ang mga sandata at tropa nito, alinsunod sa estratehiya nitong pigilan ang paglakas ng imperyalistang karibal na China.

Malaking kabalbalan ang paggastos ni Marcos ng ₱170 milyong pondo ng mamamayang Pilipino para magtayo ng base militar para sa US. Matinding insulto ito sa sambayanang Pilipino na nagdurusa sa mataas na presyo, mababang sahod at mabigat na pasaning buwis.

Ang sinasabi ng rehimeng US-Marcos na magsisilbi sa layunin ng “pagtatanggol sa West Philippine Sea” ang pasilidad militar ng US ay hungkag at huwad. Ang pagtulak ni Marcos na kumpletuhin ang konstruksiyon ay taliwas sa sarili niyang deklarasyon na “pahupain” ang tensyon sa China. Ang pagkakaroon ng mga pwersang militar at armas ng US sa Pilipinas ay walang ibang pinagsisilbihang layunin kundi para sa makinang panggera ng US na nahuhumaling sa digmaan.

Pera ng mamamayang Pilipino ang nilustay sa minamadaling paliparan ng US sa Palawan