Pahayag

Mensahe ng Parangal kay Kasamang Gerald "Ka Daloy" Lerio Paredog Pinakamataas na pagpupugay at Pulang saludo kay Kadua Daloy, martir ng rebolusyong Pilipino!

,

“Ang katapangan hanggang sa huling hininga ang bumubuhay sa isang martir, higit pa sa kanyang kamatayan.”

Naghihinagpis ang buong rebolusyonaryong pwersa, mga kasama, mga kaibigan, mga magsasaka at pambansang minorya sa pagpanaw ng isang tapat at tunay na komunista. Malaking kawalan sa buong rebolusyonaryong lakas ang pagkawala ni Kasamang Gerald Lerio Paredog o mas kilala ng masa bilang Ka Andres o Ka Daloy. Iginagawad ng Komiteng Probinsya ng Cagayan ang pinakamataas na pagpupugay at pinakamatikas na Pulang saludo sa kanyang naging dakilang buhay at kabayanihan at sa kanyang mga di-matatawarang ambag sa pagsusulong ng matagalang digmang bayan sa Cagayan, lalo na sa pinakakrusyal na mga panahon.

Nasawi si Ka Daloy sa isang labanan sa pagitan ng Bagong Hukbong Bayan at mga tropa ng 502nd IBde noong tanghali ng Pebrero 23, 2024 sa Sityo Laoc, Barangay Pateng, Gonzaga, Cagayan.

Mula sa kaibuturan ng aming puso, lubos kaming nakikiramay sa kanyang naiwang pamilya, anak, mga kaibigan at kamag-anak.

Mukha ng kasigasigan ng kabataan

Nagmula sa uring malaproletaryado si Ka Daloy. Tubong Samar ang kanilang pamilya bago namalagi sa NCR. Aktibista ang kanyang mga magulang at mga kapatid. Sa pamumuhay sa lungsod, maaga siyang namulat sa kahirapan at pagsasamantala. Kaya nang mamulat, ipinaglalaban at isinusulong ng mga tulad niya ang pambansang industriyalisasyon na magbibigay ng disenteng trabaho para sa lahat, magwawakas sa kontraktwalisasyon at pagkakaroon ng nakabubuhay na sahod. Sa loob ng organisasyon, aktibo at masigasig siya sa pagpapatupad ng mga gawain. Disyembre 2016 nang dumalo sa anibersaryo ng BHB ang kanilang grupo. Sa pagkakatong ito, nagpasya siyang makipamuhay sa hukbo at kalaunan nga’y nagpahayag na magpultaym.

Dahil may mga pulitiko-militar na mga pag-aaral at pagsasanay, agad na naarmasan ng kaalaman at kasanayan si Ka Daloy sa mga unang taon niya pa lang sa hukbo. Nahasa siya bilang kombat medik at palaging nasasama sa mga aksyong militar. Kasama siya ng hukbo at Partido sa pagwawasto ng konserbatismong militar noong 2017 at isa sa mga aktwal na naglunsad ng serye ng mga taktikal na opensiba. Kabilang dito ang pagpaparusa sa despotikong panginoong maylupa at mga proyektong mapandambong na sumisira sa kalikasan at pumapatay sa kabuhayan ng mamamayan.

Isa sa mga unang pangyayari ang pagkarelis ng kanilang tim para sa isang atritibong aksyon kung saan natamaan ang kanilang gayd. Kalmado niyang nilapatan ng paunang-lunas ang kasama at ligtas na nai-atras. Mataas ang kumpyansa ng mga kasama sa kanya kahit sa mga depensibang labanan. Hindi lang iisang kasama ang kanyang ginamot at matiyagang binuhat, pasan sa kanyang balikat o sa likod, sa mahabang lakaran at maniobra upang makaiwas sa kubkob ng kaaway. Maging siya man mismo ay natamaan sa paa noong nakaraang taon, hindi ito naging hadlang sa kanya upang magpatuloy.

Huwarang kabataang kadre

Hindi lang sa mga labanan mahusay si Ka Daloy. Malaki ang kanyang naging papel sa pagbrektru at pagsasanay sa mga lokal na pwersa noong lumarga ang mga lokal na yunit gerilya ng mga lokal na komiteng seksyon. Sa mga panahong ito na may relatibong tagal ng panahon silang nakadetats sa main body, komprehensibo silang nagkasa ng mga gawaing pang-ideolohiya, pampulitika, pang-organisasyon at pangmilitar. Binalikan nila ang mga naiwang erya, nakapagpalawak, nakapaglunsad ng aksyong militar, nagbigay ng BKP at nakapagpalawak ng kasapian at nagkapaglunsad ng kilusang anti-pyudal.

Tumagos ang pagmumulat at gawaing masa ni Ka Daloy sa kanyang pamilya. Sa kagustuhang higit pang palalimin ang paggagap nila sa paglulunsad ng digmang bayan, mapangahas niyang pinag-integrate sa hukbo at sa gawaing pulitiko-militar ang ilan sa kanyang pamilya. Walang pag-aalinlangan, sa pakat man ng ambus o maniobra sa pag-iwas sa kaaway, kasama niya sila sa mga pagkakataong ito. Parehong sigla at optimismo rin ang makikita sa kanya sa paghikayat niya sa kanyang dating mga kakolektibo na makipamuhay sa hukbo.

Bilang kabataang kadre na puno ng mga bagong ideya, bukas na nagbabahagi at nakikipagtalastasan sa mga pagpupulong si Ka Daloy. Marami siyang mauunlad na ideya sa pagbubuo at pagpapatupad ng mga plano. Sa mga pagpupulong din na ito naipupunto at naiwawasto ang kanyang mga kalakasan, kahinaan at mga maling pananaw at mga katangian at pag-iisip na bahid ng kanyang uring pinagmulan. Ito ang nagpapanday sa kanya bilang proletaryado. Isa rin siya sa mga pinakahuling nakapagtapos ng Abanteng Kurso ng Partido (AKP) gayundin ng Batayang Kurso Pulitiko-Militar (BKPM) at Basic Medical Training (BMTr).

Kahanga-hanga rin ang angking sipag ni Ka Daloy. Sa kanyang tungkulin man bilang medik o iskwad lider, maging sa mga gawaing manwal a teknikal. ‘Mapangnamnamaan’ ika nga sa Ilokano. Sa ilang panahong kinaharap ng yunit ang matinding blokeyo sa pagkain, siya ang isa sa mga laging maaasahan para sa pagkomando at paghakot ng suplay. Mulat din siya sa gawaing produksyon, nakahimpil man o nasa masa, lagi siyang may tanim na ipinupunla para sa mga susunod na pangangailangan.

Hukbong pampropaganda at pangkultura

Maraming baong kwento at palabiro din si Ka Daloy. Hindi mauubusan ng topiko sa mga kumpulan, sa hukbo man o sa hanay ng masa, bagay na nagpalapit sa kanya sa kanila. Maliban sa mapagkasama, madaling matandaan ng masa si Ka Daloy dahil sa sigla niya sa gawaing propaganda at kultural. Bagamat may limitasyon sa lenggwahe, matiyaga at masipag siyang nagpopropaganda sa masa at nagbibigay ng mga oryentasyon at pag-aaral sa kanila. Dahil sa katangiang ito, hindi lamang mga suliraning pulitikal ng masa ang nasusolusyonan o naihahapag, maging ang mga personal na problema o di kaya’y hidwaan sa pagitan ng mga mamamayan.

Ang ganitong talas sa mga dinaramdam at saloobin ay naging malaking tulong din sa pagpapanatili ng malusog na pagkakaisa at demokrasya sa loob ng hukbo. Kadalasan, mga bagong pultaym ang naitatalagang kabadi niya. Matiyaga niya itong pinapaliwanagan, pinapalalim ang kamulatan, ginagabayan sa buhay sa hukbo at nag-oobjectify sa kanilang mga iniisip.

Kinagigiliwan din siya ng mga masa sa kanyang kasigasigan sa gawaing kultural. Ipinapasulat niya ang mga kantang gusto niyang ikabisa o matutunan. Mahilig siyang kumanta ng kantang Iloko. At sa panahon ng mga kahirapan, ang pag-awit ng mga rebolusyonaryong kanta ang isa sa mga nagpapalakas sa kanya. Maging sa pag-arte ay wala siyang inuurungan, basta’t para sa masa.

Napanday sa pakikibaka

Maraming pagsubok ang hinarap at napangibabawan ni Ka Daloy sa loob ng pitong taon niyang pagkilos sa kanayunan. Marami rin siyang mga kontradiksyon sa sarili na nilutas at sa proseso ay nagpanday sa kanya bilang isang matatag at huwarang kabataan na kadre ng Partido at Pulang mandirigma. Sa mga panahon din ng kanyang pagkilos ay kinaharap at naranasan niya ang matitinding sakripisyo at kahirapan. Sa panahon ng mga panlulumo, lagi’t lagi niyang binabalikan ang diwa ng buong pusong paglilingkod sa sambayanan. Hindi naaapula ang apoy sa kanyang damdamin sa tuwing binabalikan niya ang kalagayan ng mga mamamayan, kabilang ang kanyang pamilya, sa kalunsuran man o sa kanayunan, na patuloy na nakararanas ng inhustiya at pang-aapi.

Kayat ganoon na lamang ang galit sa kanya ng kaaway dahil sa kabila ng mabangis na teroristang paninibasib sa ilalim ng dating rehimeng US-Duterte, hanggang sa pagpapatuloy at pagsahol ng kalagayan sa ilalim ng rehimeng US-Marcos Jr ay hindi siya sumuko. Bagkus, mas humigpit ang pagtangan niya sa kanyang armas, hanggang sa huli niyang hininga. Kaya anu’t ano pa man ang pagtatangka ng kaaway na dungisan ang kanyang pangalan at naging buhay, bigo pa rin sila. Takot sila sa mga katulad ni Ka Daloy na pinanday ng tibay at bakal na kapasyahan.

Kulang ang mga salitang maglalarawan sa kung papaanong sa kabila ng matinding gutom, hirap at pagpapakasakit, hanggang sa dulo ay hindi bumitaw si Ka Daloy. Kulang sapagkat higit pa sa mga salita at letra ang buhay at kamatayang pakikibaka upang isulong at itayo ang lipunang tunay na may hustisya, kalayaan at demokrasya. At tulad ng kanyang paboritong kanta, pamalagiang paalala na “sa bawat pagwasak may kaayusan tayong lilikhain, buhay mong alay sa masa sa akin alay mo na rin, bukas ay paparating ilang tulog na lang bayan ay gising na, bilangin ang pagpanaw na magsisilang ng pag-asa.”

Kailanman ay hindi malilimutan ng sambayanang Pilipino, lalo na ng mga magsasaka at pambansang minorya ng Cagayan at masang anakpawis, si Kadua Daloy, komunista at Pulang mandirigma, at ang kanyang mga naging ambag sa pagsusulong ng matagalang digmang bayan sa Pilipinas.

Mabuhay ang buhay at pakikibaka ni Ka Daloy!
Mabuhay ang kanyang mga alaala!
Mabuhay ang pambansa-demokratikong rebolusyon!

Pinakamataas na pagpupugay at Pulang saludo kay Kadua Daloy, martir ng rebolusyong Pilipino!