Rebolusyonaryong hustisya para sa mga biktima ng rehimeng US-Marcos II at ng terorismo ng naghaharing estado!
Hindi pa man nakakadalawang taon sa pwesto ang rehimeng US-Marcos II, umaabot na sa daan-daang mamamayan ang biniktima nito sa probinsya ng Batangas sa pangunguna ng 59th Infantry Battalion ng Philippine Army. Mula Enero 2023, nakapagtala na ng 75 kaso ng iba’t ibang porma ng human rights violation na mayroong 271 na biktima. Pinakamasahol sa mga ito ay ang kaso ng sapilitang pagwala o enforced disappearance ni Mariano Jolongbayan nito lamang Nobyembre, isang organisador ng mga mangingisda.
Totoo naman na may Department of Justice sa Pilipinas, ngunit nakakamit ba ang hustisya ng lahat ng mamamayang Pilipinong biktima ng mga paglabag sa karapatang pantao? Totoo ding may mga pulis, pero kakatwang isipin na sila mismo ang pumapatay sa karaniwang mamamayan. May mga “Protector” ngunit sila ang numero unong VIOLATOR!
Hanggang ngayon ay humihiyaw pa rin ng hustisya ang pamilya ng 30,000 biktima ng karumal-dumal na gyera-kontra-droga ng dating pangulo na si Rodrigo Duterte, protektor ng mga sindikato ng droga. Malakas ang panawagan na papasukin sa Pilipinas ang International Criminal Court (ICC) upang mag-imbestiga at litisin ang krimen laban sa sangkatauhan ni Rodrigo Duterte, Bato Dela Rosa at iba pang mga kasabwat nito ngunit nabalam ito hanggang ngayon dahil sa hindi agad pagpahintulot ni Bongbong Marcos.
Hindi kailanman lulutasin ng reaksyunaryong gubyerno ang mga krimen nito laban sa mamamayang Pilipino gaya ng hindi nito pagsasaalang-alang sa sarili nitong mga batas sa tuwing lumalabag ito sa karapatang tao. Sapagkat sila mismo ang arkitekto ng pasismong teror laban sa mamamayan! Pasismong teror ang kanilang inihahasik para hawanin ang daan sa pagpasok ng mga proyektong magbibigay ng supertubo sa mga kaaway sa uri ngunit wawasak sa kalikasan, kabuhayan at buhay ng mga ordinaryong tao. Pasismong teror ang kanilang itatapat dahil sa pag-aakala nilang aatras at pagagapi ang mga mamamayang lumalaban.
Puwes, nagkakamali kayong mga pasista-terorista! Hangga’t may mga katulad ninyong lumalapastangan sa kabuhayan at karapatan ng mamamayan at sumisira sa kalikasan, tiyak na tatapatan ito ng paglaban ng masa, kakapitbisig ang armadong paglaban ng Bagong Hukbong Bayan, upang mapigilan ang inyong mga mapangwasak-sa-buhay na mga balakin!
Ngayong araw ng Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, muli naming itinataga sa bato na makakaasa ang buong sambayanan sa nag-uumapaw na determinasyon at kapasyahan ng Bagong Hukbong Bayan na suportahan ang anumang porma ng paglaban ng mamamayan para sa kanilang pang-ekonomiya at sibil na karapatan.
Isasakatuparan ng inyong tunay na Hukbo, ang NPA ang mga desisyon at hatol ng Hukumang Bayan laban sa mga salarin na walang pasubaling napatunayan ang pagkakasala sa kanilang mabibigat na mga krimen laban sa masa at sambayanang Pilipino. Alinsunod dito, aming paiigtingin ang mga taktikal na opensiba upang ipagtanggol at bigyan ng katarungan ang mamamayang biktima ng atrosidad ng mga yunit ng AFP-PNP at iba pang armadong pwersa ng mga lokal na naghaharing uri. Inaanyayahan namin kayo na pumunta sa pinakamalapit na himpilan ng NPA sa inyong lugar upang magsampa ng kaso laban sa mga naghaharing uri na may malalang krimen kasama ang pangunahing alipores ng mga ito, at sa mga may utang-na-dugong AFP, PNP, at mga paramilitar.
Sa aming kapwa Batangueńo, panata namin sa inyo na mananagot ang 59th IBPA, kasama ang kanilang mga bayarang ahente sa kanilang krimen ng pamamaslang, pagdukot at iba pang pandarahas sa masang Batangueño.
Hindi titigil ang Eduardo Dagli Command-NPA Batangas hanggang mabigyan ng rebolusyunaryong hustisya ang lahat ng biktima ng terorismo ng rehimeng US-Marcos II at ng nagdaang tiranikong rehimeng Duterte!
Hustisya para sa lahat ng mga biktima ng pasismo-terorismo ng estado!
Ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo!
Lumahok sa armadong pakikibaka! Sumapi sa NPA!#