Rebolusyonaryong lalabanan ng pumuluyong Masbatenyo ang panganib ng ilehitimo at tiyak ay kurakot at despotikong rehimeng Marcos-Duterte!

Buong tapang at determinasyong magpupursige ang mamamayang Masbatenyo na isulong ang rebolusyonaryong paglaban upang mag-ambag sa paghihiwalay at pagbigo sa rehimeng Marcos-Duterte. Itinatakwil nila ang pakana ng rehimen na absolutong makapaghari sa karatula ng “pagkakaisa”. Sa halip, handa ang mamamayan ng prubinsya na pangibabawan ang takot, pag-aalangan at pananahimik upang kumilos at sumulong sa landas ng tunay na pagkakaisa – sa landas ng demokratikong rebolusyon.

Ang dinanas na pang-aapi’t pagsasamantala ng mamamayang Masbatenyo kay Rodrigo Duterte ay tiyak na titindi sa ilalim ng rehimeng Marcos-Duterte. Partikular na puntirya ni Marcos, Jr. sa Masbate ang muling pag-agaw sa mga lupaing kinamkam ng kanyang pamilya at mga kroni na kinalauna’y nabawi ng masang magsasaka sa pamamagitan ng rebolusyong agraryo. Kagyat ding isinusulong ng bagong rehimen ang pagbabago ng Konstitusyon o Charter-Change upang tuluyang makumpleto ang neoliberal na adyenda ng imperyalistang US. Sa Masbate, nangangahulugan ito ng pagdagsa ng mga mapangwasak na proyekto tulad ng malaking mina sa Filminera at ekoturismong Empark na magpapalala sa pinagdurusahang krisis sa pagkain at talamak na kahirapan sa prubinsya.

Asahan ding kaakibat ng pinatinding pangwawasak sa kabuhayan ang patuloy na pasismo at terorismo ng estado sa ilalim ng bagong rehimen. Pakay ni Marcos, Jr. na higitan ang kanyang ama at si Duterte sa tuluyang pagkakait ng mga demokratikong karapatan at kalayaang sibil. Ang walang kaparis na atakeng militar sa Masbate sa ilalim ni Duterte ay tiyak na isusustine ni Marcos, Jr. Tatangkaing lumpuhin sa sukdulang takot ang kilusang masa sa prubinsya at marahas na durugin ang kanilang lahatang panig na pakikibaka.

Ang pagsahol ng karahasan at panlilinlang ng estado sa ilalim ng rehimeng Marcos II ay tanda ng paglubha ng krisis ng naghaharing sistema. Dapat mabatid ng mamamayang Masbatenyo na hatid ng pagkapanalo ng rehimeng Marcos II ay ang pag-agaw sa kanilang mga lupang binubungkal, lalong brutal na militarisasyon at ibayong paghihirap. Sa ganitong kalagayan, lalong nagiging kailangan, wasto at makatarungan ang magrebolusyon. Dapat sariwain at panghawakan ng mamamayang Masbatenyo ang kanilang rebolusyonaryong kasaysayan at mga inabot na tagumpay sa paglulunsad ng digmang bayan sa prubinsya.

Bitbit ang mga aral at karanasan sa pagharap sa neoliberal at pasistang atake ng lumipas na rehimeng Duterte, lalong pagtitibayin ng rebolusyonaryong kilusan sa prubinsya ang pamumuno sa laban sa rehimeng Marcos II. Panata nitong palakasin ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa prubinsya bilang pangunahing armas ng paglaban sa kasalukuyang rehimen.#

Rebolusyonaryong lalabanan ng pumuluyong Masbatenyo ang panganib ng ilehitimo at tiyak ay kurakot at despotikong rehimeng Marcos-Duterte!