Pahayag

Sa pagkakaisa lamang ng NPA at mga Masbatenyo mapapanagot ang AFP-PNP-CAFGU sa kanilang mga krimen

,

Tiyak na magbabayad ang mga militar na sangkot sa pagpatay kay Jimmy Pautan, mahigit 50 anyos nitong Abril 11, 2024, 5:00am sa Sityo Tadloy, Barangay Luna, bayan ng Placer at kay Elorde “Nonoy” Almario sa Barangay San Carlos, bayan ng Milagros noong Abril 2, 2024. Matapos patayin, pinalabas si Pautan na isang NPA na napatay sa engkwentro.

Ang pagpatay kina Pautan at Almario ay pananagutan ni Marcos Jr sa kanyang utos na todo gera laban sa sambayanan. Sa Masbate, ang todo gera ni Marcos Jr ay isang gera kontra magsasaka upang tuluyang ilayo ang mga Masbatenyo sa kanilang rebolusyonaryong armadong kilusan. Pakay ng gerang ito na lunurin sa takot ang mga Masbatenyo at isuko ang kanilang pakikibaka para sa lupa, kabuhayan, karapatan at buhay.

Sina Pautan at Almario ang ika-27 at ika-28 biktima ng pampulitikang pamamaslang sa ilalim ng gera kontra magsasakang ito. Si Pautan ay pinatay ng mga elemento ng 2nd Infantry Battalion-Phil. Army habang si Almario ay pinatay ng mga elemento ng CAFGU sa pangunguna ng isang Alvin Masamoc.

Nakikidalamhati at nakikiramay ang rebolusyonaryong kilusan sa mga naulilang pamilya ng mga biktima. Batid ng rebolusyonaryong kilusan ang pagnanais ng mga pamilya ng mga biktima na makamit ang katarungan.

Sa halip na matakot, hindi dapat mag-alangan ag mga kaanak, kababaryo at ang kalakhang Masbatenyo na ilantad ang pang-aabuso ng militar. Sa unang tingin, mistula’y wala nang laban ang mga Masbatenyo sa tumitinding terorismo at pagkahalimaw ng militar. Subalit dapat maunawaan ng mga Masbatenyo na ang walang awat na teror ng kaaway ay hindi tanda ng kalakasan ng kaaway kundi senyales ng kanilang kahinaan at kabulukan.

Sa katunayan, ang gera kontra magsasaka ni Marcos Jr. ay isang desperadong hakbang upang hadlangan ang tiyak na pagbangon ng mamamayan sa harap ng tumitinding krisis sa kabuhayan at pagkain, pang-aagaw ng lupa at terorismo sa ilalim ng kanyang rehimen. Lalong nagngangalit ang mamamayan sa pagdawit sa Pilipinas sa namumuong armadong sigalot ng US at China.

Hindi dapat malimutan ng mga Masbatenyo na mas marami sila kumpara sa kaaway. Hindi dapat malimutan ng mga Masbatenyo na taglay nila ang armas na mas malakas kaysa anumang modernong terorismo at kagamitan ng kaaway, iyon ay ang kanilang pagkakaisa. Lalong lalakas ang pagkakaisang ito kung lalahok ang mga Masbatenyo sa digmang bayan bilang natatanging paraan para makamit ang katarungan.

Sa suporta ng mga Masbatenyo, hindi titigil ang Jose Rapsing Command-NPA Masbate sa pagpapalakas ng armadong paglaban upang pagbayarin nang mahal ang AFP-PNP-CAFGU sa kanilang mga pasistang krimen.##

Sa pagkakaisa lamang ng NPA at mga Masbatenyo mapapanagot ang AFP-PNP-CAFGU sa kanilang mga krimen