Pahayag

Si Gov. Cua at mga naghaharing-uri lang ang makikinabang sa ₱25 milyong pondo para sa abaca rehabilitation

Ilusyon lang ang ₱25 milyong pondong ilinaan ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa rehabilitasyon ng industriya ng abaka sa Catanduanes. Hanggat kontrolado ng iilan ang sistema sa agrikultura at walang tunay na reporma sa lupa, walang aasahang pakinabang ang masang Catandunganon. Sabihin pang ilaan ang pondong ito para sa pagpapabilis ng produksyon ng abaka, dahil kontrolado ng mga naghaharing-uri, sa pangunguna ng mismong gubernador na si Joseph Cua, ang distribusyon at merkado ng abaka ay napakadali lamang manipulahin ng presyo ng bilihan sa mga magsasaka at itali sila sa barat na presyuhan.

Hanggat nananatili ang pyudal na relasyon sa agrikultura, ang anumang paglaki sa inaaning produkto at pagtaas ng halaga ay pakikinabangan lamang ng iilan at hindi matatamasa ng malawak na hanay ng mga prodyuser. Sa ilalim ng ganitong sistema, sa halip na makabangon sa hirap ay lalo lamang nalulubog sa utang at kumunoy ng kahirapan ang mga magsasaka ng abaka. Walang pagpipilian ang mga magsasaka ng abaka kundi ibenta sa paluging presyo ang kanilang mga produkto.

Masahol pa, nagiging balon lamang ng korapsyon ng mga nasa poder ang kapiranggot na nga lamang na pondong para sana sa mga magsasaka. Matagal nang bukambibig ng mga nagdaang rehimen ang komitment umano ng gubyerno sa pagpapaunlad ng industriya ng abaka. Ngunit hanggang ngayon, walang makabuluhang pagbabago sa antas ng kabuhayan ng mga magsasaka. Bagkus, lalo pa ngang bumababa ang bolyum ng kanilang produksyon na ibayo ring nagpapaliit sa kitang kanilang naiuuwi.

Naninindigan ang Nerissa San Juan Command NPA-Catanduanes na ang tunay na pag-unlad sa kabuhayan ng mga magsasaka ng abaka at iba pang mga magbubukid ay nakasalalay sa pagkakaroon ng tunay na reporma sa lupa. At posible lamang itong mangyari sa paraan ng rebolusyong agraryo – isa sa tatlong mahahalagang sangkap ng matagalang digmang bayan. Tanging sa landas ng demokratikong rebolusyong bayan, na pangunahin ay isang digmang magsasaka, magkakaroon ng pangmatagalan at makabuluhang pagbabagong magsisilbi sa interes ng nakararaming magsasaka sa prubinsya at buong bansa.

Si Gov. Cua at mga naghaharing-uri lang ang makikinabang sa ₱25 milyong pondo para sa abaca rehabilitation