Sobrang-sobra at magastos ang paghulog ng AFP ng may 2 toneladang bomba sa Dolores, Eastern Samar
Read in: English
Noong Agosto 16, laban sa tinataya nitong 50-kataong yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), naglunsad ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng isang labis na brutal na kampanyang aerial bombardment, lumustay ng bilyun-bilyong piso para tumugon sa uhaw-sa-dugong kampanyang kill, kill, kill ng rehimeng Duterte. Hindi bababa sa 19 na tauhan ang napaslang sa pambobombang ito.
Batay sa mga ulat na natanggap namin mula sa Eastern Samar, naghulog ang AFP ng halos 4,000 libra (nasa 1.8 metric tonelada) ng bomba simula alas-4 ng madaling araw sa anyo ng hindi bababa sa walong 500-librang mga bomba. Inihulog ang mga ito gamit ang dalawang FA-50 jet fighters at A-29B Super Tucano light attack aircraft.
Simula alas-8 ng umaga, dalawang pang-atakeng helikopter (Agusta-Westland) at dalawang pangkargang helikopter (mga Sikorsky na helikopter na may masinggan) ang nagbaba ng mga tropa, nagbitiw ng mga rocket misayl at nag-istraping sa lugar hanggang hapon.
Sa pagtaya ng kumand ng BHB sa lugar, gumamit din ang AFP ng sasakyang panghimpapawid na nilagyan ng mga kanyong Gatling-style na bumubuga ng sandamukal na matataas na kalibre ng bala.
Hindi bababa sa pitong drone panserbeylans ang ginamit kabilang ang isang Hermes-900 na nauna sa pambobombang himpapawid at nanatili nang ilan pang oras matapos ang unang bugso ng pambobomba. Walang direksyon ding nangpaputok ang AFP ng mga kanyon sa buong hapon nang walang malinaw na target.
Ang walang-habas na pambobomba, istraping at paggamit ng mga armas na anti-tangke at panganganyon ng AFP ay lumalabag sa mga patakaran ng sa ilalim ng internasyunal na makataong batas ng na nagtatakda ang lakas ng sandata ay dapat sukat sa target (proporsyunalidad) at iyon lamang kailangan. Ang paggamit ng mga bomba at kagamitang anti-tangke laban sa mga mandirigmang gerilya na natutulog at armado lamang ng mga riple at mas mahihinang armas, at laban sa mga medik at hindi armadong tauhan na nasa kampo ay kalaibsan at hindi kasukat na paggamit ng pwersa.
Nagdudulot ang matinding pambobomba ng malawakang pagkasira sa kagubatan at pinagmumulan ng tubig na pinagkukukunan ng kabuhayan ng masa. Nagdudulot din ang mga ito ng malawakang trauma sa mga lokal residente.
Karagdagan pa, labis na kasuklam-suklam para sa rehimeng US-Duterte na gumagastos ito ng bilyun-bilyong piso para sa pakikidigmang kontrainsurhensya sa panahon ng pandemya kung saan ang tumataas na bilang ng mga kaso ay bumabanat na sa kapasidad ng mga ospital at milyon-milyon ang nagdurusa sa kawalan ng trabaho, kawalan ng kita at kagutuman.