Lumulubha sa Malaya ang krisis para sa imperyalismong Amerikano at Ingles

,

Sa isang walang-bisang pagtatangka upang mailigtas ang pagiray-giray na pamamahala nito, ang papet na pangkat Rahman ay naglunsad ng isang pasista at sobinistang kampanya ng pananakot laban sa mga mamamayang iba’t-ibang nasyonalidad sa Malaya.

Isinasagawa ng papet na pangkat Rahman ang kampanyang ito ng pananakot matapos dumanas ng malubhang pagkatalo ng reaksyoaryong Alliance Party nito sa nakaraang halalang parliyamentaryo.

Sa laki ng galit sa pagkatalo sa halalan, ang papet na pangkat Rahman ay nagpadala ng mga maton at tropa upang salakayin ang mga pagdiriwang ng tagumpay na isinagawa ng mga mamamayan.

Sa ilalim ng balatkayong pigilin ang “kaguluhang rasyal”, ang papet na pangkat Rahman ay nagsagawa ng unang insidente ng pamamaslang sa Kuala Lumpur sa gabi ng ika-13 ng Mayo. Mga katulad nitong pangyayari ang sumunod sa Malacca at Penang. Daan-daang katao ang pinaslang ng mga tropa at pulis sa ilang sunod-sunod na mga araw. Di-mabilang na mamamayan ang nasugatan at libu-libo ang dinakip. Ang mga tahanan at maliit na negosyo ng sampu-sampong libong katao ang dinambong at sinunog. Tulad ng mga lumipas, isinentro ng pangkat Rahman ang mga atake nito sa mga mamamayan ng Malyo at may lahing Tsino.

Ang papet na pangkat Rahman ay gumamit ng mga pangkaraniwang pakana ng mga pamahalaang pasista sa Timog-Silangang Asya ng paghahasik ng galit sa mga lahing Tsino upang maiwalay ang pansin mula sa mga imperyalista at mapanatili ang reaksyonaryong paghahari nito sa pamamagitan ng paggamit ng pamamaraang pasista.

Ang papet na pangkat Rahman ay umaasa sa kabila ng kahinaan nito na hati-hatiin ang pambansang pagkakaisa at ilihis ang umaalsang mapagpalayang pakikibaka ng Malayo laban sa imperyalismong Amerikano at Ingles. Ang anti-demokratikong pagmamalabis ng papet na pangkat Rahman ay lalong nagpaalab sa mga mamamayan ng Malayo. Matapos ang kanyang uhaw-sa-dugong talumpati sa telebisyon noong ika-16 ng Mayo, na nagtangkang gumatong sa antagonismong rasyal at di-makatotohanang ibinintang sa mga mamamayang may lahing Tsino, ang kanyang “opisyal na tirahan” ay sinalakay ng mga mamamayan.

Sa pagsuspendi ng parlamento at sa pagtatangkang ipawalang-saysay ang resulta ng halalan sa pamamagitan ng lakas ng sandata, ang papet na pangkat Rahman ay pumipilit sa mga mamamayang Malayo upang maglunsad ng sandatahang pakikibaka. Ang sandatahang pakikibakang pinamumunuan ng Partido Komunista ng Malaya ay sumisidhi.

Ang rasyalistang pananakot na anti-Tsino sa Malaya, tulad nang sa Indonesia, ay nagbibigay aral sa mga Pilipinong may lahing Tsino at mga Tsinong nasyonal sa Pilipinas. Kinakailangang ihanda nila ang kanilang sarili sa panahong sadyain ng mga katutubong reaksiyonaryo na ilihis ang umaalsang kilusan laban sa imperyalismong Amerikano at katutubong reaksiyon sa pamamagitan ng paglikha ng histerya na anti-Tsino, anti-Tsina, anti-Komunista at anti-mamamayan. Kinakailangan nilang magbuklod-buklod at pumanig sa mga pwersa ng pambansang pagpapalaya at demokrasya ng bayan laban sa imperyalismong Amerikano, makabagong rebisyonismo at reaksiyon.

Lumulubha sa Malaya ang krisis para sa imperyalismong Amerikano at Ingles