Mga lagalag na rebeldeng pangkat nagiging madaling biktima ng mga reaksiyonaryong sundalong papet
Dahilan sa kanilang pagkahiwalay sa masa ng mamamayan, ang kaunting mga armadong tauhan na patuloy pa ring nalilinlang ng pangkating Taruc-Sumulong ay nagiging madaling biktima ng mga reaksiyonaryong sundalong papet.
Sa apat na sagupaan sa iba’t ibang parte ng Pampanga nang nakaraang Mayo at Hunyo, nalipol ng Philippine Constabulary ang di-kukulang sa 90 bahagdan ng buong sandatahang lakas ng pangkating Taruc-Sumulong.
Ang mga pangyayaring ito ay lalo pang nagbawas ng makitid na ginagalawan ng pangkating Taruc-Sumulong na nababalita ngayong nakipag-uusap sa reaksiyonaryong gobyerno tungkol sa mga kondisyon para sa pagsuko na palilitawing “amnestiya.
Sa pagkakatatag ng Bagong Hukbo ng Bayan, isang maliit na bilang na lamang ng mga armadong tauhan ang patuloy na nalilinlang ng pangkating Taruc-Sumulong. Sinundan ng higit na nakararaming mga Pulahang kumander at kawal ang tawag nga pagkakaisa sa ilalim ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung at matatag na pinagtibay ng mga ito ang Pahayag ng Bagong Hukbo ng Bayan noon ika-29 ng Marso, 1969.
Ngayon, ang natitira na lamang na mga kaanib ng pangkating Taruc-Sumulong ay ang mga pusakal na mga maton. Ang mga ito ay lubos na nawalan na ng pakikipagsamahan sa mga Pulahang kadre at mandirigma na may kaalaman sa pagpapairal ng rebolusyonaryong linyang pangmasa. Ang mga ito ay lubusang nakahiwalay sa mga masa kung kaya’t madali silang nagiging biktima ng mga impormer ng gobyerno at mga reaksiyonaryong sundalo na nakikipagkumpetisyon sa kanila sa pangangamkam ng salapi, palay, hayop at iba pang mga pag-aari mula sa mga mamamayan.
Noong mga nakaraang buwan, lubusan nang tinanggal ng pangkating Taruc-Sumulong at ang mga armadong matong ito ang kanilang mga balatkayo. Pinagpapatuloy nila ang linya ng pamamagitan na pabor sa mga asendero, upang pagyamanin ang sarili, iwasang “magalit” ang imperyalistang Amerikano at panatiliin ang kanilang lubos na masamang gawain. Sa ganitong paraan, ginagampanan ng mga taksil na ito ang isang papel na hindi maaring magampanan nang lalong mahusay ng isang lantarang reaksiyonaryo. Nguni’t ibig din ng mga reaksiyonaryog tapusin na sila. Hindi lamang ibig silang tapusin ng mga impormer ng gobyerno at mga reaksiyonaryong sundalo dahilan sa kanilang pagiging malakas na kakumpetensiya sa pangingikil sa mga mamamayan kundi si Marcos mismo na kanila nang ipinangangampanya para sa eleksiyon nang ganitong kaaga ang ibig tumapos sa kanila bilang tropeyo sa darating na halalan.
Mabilis na nawawalan na ng oras at ginagalawan ang pangkating Taruc-Sumulong habang iwinawaksi ito ng masa. Sadyang ipinagpapaliban ni Marcos ang negosasyon para sa “amnesty”. Ang pangkating Taruc-Sumulong ay ulol na naniniwala na magbibigay si Marcos ng mga garantiya upang mapanatili ang kayamanan at mga armadong tauhan nito bilang kabayaran ng pagsuko.