Pahayag ng Bagong Hukbong Bayan

,

Katulad ng walang pagsalang muling pagbabagong-dugo, pagtatamo ng bagong oryentasyon at muling pagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas sa ilalim ng kataas-taasang patnubay ng kaisipang Mao Tsetung, ang rurok ng Marxismo-Leninismo sa kasalukuyang panahon, ang Hukbong Mapagpalaya ng Bayan na pinamumunuan ng Partido bilang prinsipal na intrumento nito sa Rebolusyong Pilipino ay walang pagsala ring muling nagbabagong-dugo, nagtatamo ng bagong oriyentasyon at muling nagtatatag sa ilalim ng kataas-taasang patnubay ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung.

Katulad ng pagsasagawa ng Partido ng isang kilusang pagwawasto sa diwa ng “matuto sa nakaraang kamalian upang maiwasan sa hinaharap” at “paggmot sa sakit upang mailigtas ang maysakit”, ang Hukbong Mapagpalaya ng Bayan ay nagsasagawa din ng ganito upang tumpak na makapagpalakas ito, maiwaksi ang mga nabubulok at masalinan ito ng sariwang dugo, nang sa gayo’y maisagawa nang ibayong tibay at sigla ang mga tungkulin ng demokratikong rebolusyon ng bayan laban sa imperyalismong Amerikano at katutubong peudalismo.

Ang Bagong Hukbo ng Bayan ay tiyak na sumusulong, matapos ang dalawampu’t pitong taon ng mahirap na pakikibaka at pagpapakasakit para sa demokratikong kapakanan ng mga mamamayan. Ikinararangal nito ang kanyang mga maningning na tagumpay at ang dakilang pagkamartir ng kanyang mga bayaning mandirigma. Maari din itong humango ng mga mapait na aral mula sa dalawampung taon ng hindi pagtatagumpay sa rebolusyon o ng hindi pagkakaroon ng ni isa mang pinalayang lugar sa loob ng bansa. Ito ay masugid na nagpupunyaging paigtingin ang sandatahang pakikibaka sa ilang sona ng gerilya at ipaghanda ang pagpapatupad ng rebolusyong agraryo bilang kondisyon sa pagtatatag ng baseng pambukid at ng malayang sandatahang pamahalaan.

Sa panahong ito, ang unibersal na katotohanan ng Kaisipang Mao Tsetung ay buong kamulatan at lubos na ginagamit sa kongkretong praktika ng Rebolusyong Pilipino. Matapos ang isang mahabang pamamaraang pagwawasto at pagpupuna sa sarili sa loob ng ilang taon, na nilalarawan ng makasaysayang dokumentong “Wastuhin ang mga Kamalian at Muling Buuin ang Partido”. Ang Muling Pagtatatag nito noong Disyembre 26,1968, ng isang bagong Saligang Batas at Programa Para sa Isang Demokratikong Rebolusyon upang magbigay ng bagong patnubay, ang katas-taasang patnubay ng Kaisipang Mao Tsetung, sa Hukbong Mapagpalaya ng Bayan at sa pagsasagawa ng ating rebolusyonaryong sandatahang pakikibaka.

Ang Saligang Batas at Programa ng Partido ay maliwanag na ipinakita na ang landas ng sandatahang pakikibaka ang siyang tanging landas na dapat tahakin ng mga mamamayang Pilipino upang mapalaya ang kanilang sarili sa mapagsamantala at mapaniil na paghahari ng imperyalismong Amerikano, peudalismo, at burukrata kapitalismo.

Ang saligang paninindigang ito ng ating Partido ay kumikilala sa dakilang tungkulin ng Hukbo ng Bayan sa Rebolusyong Pilipino. Sapagka’t ang sandatahang pakikibaka ang pangunahing anyo ng pakikibaka, ang Hukbo ng Bayan ang siyang pangunahing anyo ng organisasyon sa demokratikong rebolusyon ng bayan.

Tulad ng itinuturo ng Kasamang Mao Tsetung, “Kung walang Hukbo ng Bayan, ang mamamayan ay wala ni anuman”. Ni ang Partido Komunista ng Pilipinas o ang uring manggagawang Pilipino ay hindi maaaring mamuno sa rebolusyon o makibaka para sa kapakanan ng bayan kung walang Hukbo ng Bayan. Hindi rin maaaring mabuo ang isang tunay na nagkakaisang hanay kung walang sandatahang pakikibaka at ang Hukbo ng Bayan na mahigpit na nagpipisan sa mga manggagawa at magsasaka. Ang kapangyarihang pampulitika ay maaaring makamit ng mga mamamayan at ng Partido sa pamamagitan lamang ng paghawak ng sandata, sa pamamagitan lamang ng pagkakaroon ng isang tunay na Hukbo ng Bayan bilang pangunahing sandigan ng lahat ng mga pagpupunyagi sa pagpapabagsak sa reaksiyonaryo at pagpapatibay ng rebolusyonaryong kapangyarihan. Tulad ng sinabi ni Kasamang Mao Tsetung, “Ang kapangyarihang pampulitika ay nagmumula sa baril.”

Ang Bagong Hukbo ng Bayan

Sa araw na ito, ika-29 ng Marso,1969, sa pagdiriwang ng ika-27 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Hukbo ng Bayan, nasa atin ang mga pinakamahusay at pinakamaligayang dahilan para magdiwang. Kalinya ng pagwawasto, muling pagtatatag at muling pagpapalakas ng Partido sa ilalim ng makapangyarihang inspirasyon ng di-magagaping Kaisipang Mao Tsetung, kami ang higit na nakararaming mga Pulang kumander at kawal ay nagpupulong upang ipahayag ang aming pagtahak sa proletaryong rebolusyonaryong linya ng Partido at Kaisipang Mao Tsetung, ipinatalastas ang paglikha ng Bagong Hukbo ng Bayan at pagtibayin ang draft ng mga Saligang Alituntunin nito bago iharap sa Komite Sentral ng Partido, ibunyag ang aming di-mabababagong pagtatakwil at tagumpay laban sa himpilang burges sa loob ng Hukbo na pinamamanginoonan ng taksil na pangkating Taruc-Sumulong, at ipinaaabot ang aming puspusang kapasiyahan na bakahin at puksain ang mga labi ng makabagong rebisyonismo at Deretsistang oportunismo, sa partikular ang Lavaismo at Taruc-ismo, na nagbigay dungis sa dangal at prestihiyo ng Partido at ng Hukbo at pumigil sa loob ng mahabang panahon sa pagsulong ng demokratikong rebolusyon ng bayan laban sa imperyalismong Amerikano at katutubong peudalismo.

Ngayon, binabanggit natin ang Bagong Hukbo ng Bayan sapagkat ito ay nasa ilalim ng pinagkaisahang pamamatnugot ng Kaisipang Mao Tsetung at ng Partido Komunista ng Pilipinas, sapagkat tunay nitong pinaglilingkuran ang mga pinakapundamental na kapakanan ng mamamayan sa pamamagitan ng pagiging prinsipal na instrumento sa rebolusyong agraryo na ating ilulunsad upang mapakilos ang masa ng mamamayan at gayundin sa nagkaka-isang hanay laban sa imperyalismong Amerikano at peudalismo, at sapagkat taglay nito ang estilo ng pagiging malapit na pakikipag-ugnayan sa masa ng mamamayan sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila sa lahat ng paraan.

Ang ating Hukbo ay bago sa dalawang kadahilanan. Ito ay bago sa dahilang ito ay pundamental na naiiba sa reaksiyonaryong papet na Sandatahang Lakas ng Pilipinas (at sa lahat ng mga suplementaryong puwersa nito) na nagbubunsod ng sandatahang pagsupil sa mamamayan at nagtatanggol sa mga nagsasamantalang uri. Ito ay bago rin sa dahilang ito ay pundamental na naiiba sa maitim na linyang burges na nagpupumilit na manatili sa Hukbo ng Bayan at nagpapasabotahe sa rebolusyonaryong sandatahang pakikibaka sa loob ng mahabang panahon.

Ang bagong kaningningan ng Bagong Hukbo ng Bayan ay hindi maitatatwa sapagkat ito ay sumibol bilang bunga ng panloob na pakikibaka sa Partido, ng kongkretong resulta ng pagtatagumpay ng Kaisipang Mao Tsetung at ng pagpapabagsak sa himpilang burges ni “Kumander” Sumulong at itinaguyod ang Kaisipang Mao Tsetung laban sa mapangwasak na maitim na linyang burges ng Lavaismo at Taruc-ismo.

Kaming mga Pulahang Kumander at kawal sa loob ng Partido na sumusunod sa pangunguna ng mga proletaryong rebolusyonaryong kadre at pinapasigla ng Kaisipang Mao Tsetung ay pinalaya ang aming sarili sa dalawang pangunahing pinagmumulan ng makabagong rebisyonismo at Deretsistang oportunismo sa Partido at Hukbo.

Ang isang pangunahing pinagmumulan nito ay ang nakabase sa lunsod na pangkating Lava na pangunahing lumalahok sa legalista at parliyamentaristang pakikibaka at ang mga prinsipal na lider ay nasa payroll ng reaksiyonaryong pamahalaang burges. Inaakala ng pangkating ito na ang pambansang nagkakaisang hanay ay isang bagay na hiwalay sa sandatahang pakikibaka. Tinatangkilik nito ang isang repormistang samahan ng magsasaka na hanggang arbistrasyon lamang ang ginagawa sa loob ng makitid na paraan ng burges na reaksiyonaryong pamahalaan at sistematikong sinasabotahe ang mga gawain ng Hukbo ng Bayan at nag-aalaga ng mga sumuko, manlilinlang, magnanakaw ng kalabaw at iba pang masasamang elemento.

Ang isa pang pangunahing pinanggalingan ng makabagong rebisyonismo ay Deretsistang oportunismo ay pinamamanginoonan ng pangkating Taruc-Sumulong na di-makatuwirang inangkin ang pangalan ng Partido Komunista ng Pilipinas at Hukbong Mapagpalaya ng Bayan upang isulong ang kanilang sakim na kontra-rebolusyonaryong burges at peudal na mga layunin na sa kaibuturan ay hindi naiiba sa pangkating Lava.

Sa pagtalakay sa kasalukuyang kalagayan sa Hukbo, dapat nating lubusang talakayin ang pangkating Taruc-Sumulong na magbuhat noong 1964 ay di-makatwirang inangkin ang liderato sa mga pangkat ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan na buong kabayanihang ipinagpatuloy ang sandatahang pakikibaka laban sa kaaway. Bagamat naibagsak na naming mga higit na nakararaming Pulahang kumander at kawal ang taksil na rebisyonistang pangkatin sa bukirin, dapat nating ilantad nang buong liwanag ang mga anti-Partido at kontra-rebolusyonaryong krimen nito upang maging negatibong halimbawa ang mga ito at upang maipakita sa lahat ng mga kasama at sa mamamayan na ang Partido Komunista ng Pilipinas at ang Bagong Hukbo ng Bayan ay may kakayahang wastuhin ang mga kamalian at muling itatag ang kanilang sarili bilang tunay na mga instrumento ng demokratikong rebolusyon ng bayan laban sa imperyalismong Amerikano at peudalismo.

Ang Mga Krimen ng Pangkating Taruc-Sumulong

Ang pangkating Taruc-Sumulong ay sadyang pinairal ang ideolohiya at aktibidad ng mga pangkat na naglalagalag na rebelde para sa sakim na kontra-rebolusyonaryong burges at peudal na mga layunin nito. Bagamat nagpanggap ito sa pangalan ng Partido at Hukbo sa loob ay inagaw din ang mga mataas na katungkulan sa pamamagitan ng isang sistema ng huwad na paghihirang, lantad nitong tinahak ang kontra-rebolusyonaryong paninindigan sa mga maraming suliranin at isyu na may saligang kahalagahan at ito’y ginawa sa lantad na paglabag ng saligang pamamalakad ng isang Marxista-Leninistang Partido at Hukbo ng Bayan. Katulad ng mga tagapagmana at tagapagtaguyod ng Lavaismo, ang pangkating Taruc-Sumulong ay hindi itinuring na kinakailangan sa panahong simula noong 1964 hanggang 1969 ang pagpapalabas ng Bagong Saligang Batas at Programa ng Partido at iba pang mga dokumento at direktiba upang mapalitan ang mga lumang dokumento na inilabas noong mga taong 1946-51 at yaong mga arbiraryong inilabas ni Jesus Lava bago sumuko. Ni walang anumang pagtatangka sa panig ng mga tagapagmana nng Lavaismo at Taruc-ismo na gamitin ang unibersal na katotohanan ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung, hinggil sa kongkretong praktika ng Rebolsuyong Pilipino. Patuloy lamang nila itong nilisan at nilabag.

Sa kabila ng pag-angkin nito sa liderato, ang pangkating Taruc-Sumulong ay sadyang nabigong maglabas ng sapat, maliwanag at wastong patnubay ng Partido upang mabigyan ng tumpak na direksyon ang sandatahang pakikibaka. Iwinawaksi nito nang lubusan ang prinsipyo ng rebolusyonaryong agraryo at kailanma’y hindi gumawa ng anumang mahalagang hakbang upang maisulong ito. Sa halip, ginamit lamang ng pangkating ito ang mga sandatahang pangkat ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan upang piliting pamagitan ng pangkating ito ang mga asendero at magsasaka; ang pamamagitnang ito ay pangunahing ginagamit upang sang-ayunan ang mga asendero na nakakakuha ng kanilang naisin sa pamamagitan ng pagbibigay ng salapi at bigas sa “rebolusyonaryong” pondo. Sa ganitong paraan, ang pangkating Taruc-Sumulong ay nagtatangkang ihiwalay ang Pulahang Hukbo sa masa ng mga magsasaka. Pinayabong ng pangkating ito ang pananaw ng pangkatin ng mga naglalagalag na rebelde batay sa kriminal na pangtangging ibatay ang paglaki at pag-unlad ng Hukbo ng Bayan sa pakikibaka ng mga magsasaka para sa lupa at sa pangmasang pagpapakilos bilang tunay at malakas na batayan para sa isang demokratikong rebolusyon ng bayan.

Sa kabilang dako, sistematikong ginagamit ng pangkating ito ang mga pangkat ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan upang higit na gamitin sa pamimilit sa mga magsasaka kaysa mga asendero na lalong nais nilang kaibiganin. Ginagamit ng pangkating ito ang mababaw na pagdadahilan na ang mga asendero ay kinakailangan para sa isang “nagkakaisang hanay” laban sa imperyalismong Amerikano lamang. Ngunit kapag nakaharap sa partikular na pangyayari na ang mga maralitang magsasaka ay pinalalayas ng mga imperyalistang Amerikano, asendero at burukratang kapitalista sa kanilang mga lupa tulad ng pangyayari sa Concepcion, Tarlac, na kung saan ang mga magbubukid ay pinalayas upang maitayo ang higanteng instalasyong pangradyo ng Voice of America, inutusan ng pangkating ito ang Hukbo ng Bayan at ang masa ng magsasaka na itigil ang pakikibaka laban sa pagpapalaya sa kanila. Sa maraming mga pangyayari, ang pangkating Taruc-Sumulong ay kumilos upang pigilin ang mga pangmasang kilos ng pagtutol at welga ng mga manggagawa laban sa mga baseng militar ng Estados Unidos sa kontra-rebolusyonaryong pangangatwiran na ang Angeles City ay mawawalan ng maraming negosyo kung ang mga imperyalistang Amerikano ay itatakwil at gagalitin.

Walang kahihiyang idinikta nang malawakan ng pangkating ito ang paggamit ng mga pangkat ng Hukbong Pulahan bilang mga tagapangalaga ng mga lupain at bodega ng mga asendero sa mababaw na dahilang ito’y “totohanang pagtulong sa mga magbubukid upang dayain ang mga asendero”. Ang oriyentasyong ito ay mali at taliwas sa layunin ng Rebolusyon sapagkat ang mga magbubukid ay hindi na dapat gumamit ng pandaraya o maging mapanlinlang sa kanilang pakikibaka laban sa mga asendero. Ang nakatataas na layunin ng Partido at ng Hukbo ay ang pagpukaw at pagpapakilos sa mga magsasaka upang maging isang rebolusyonaryong lakas ng pangmasa na may kakayahang durugin ang mga haligi ng peudalismo.

Ang mga magsasaka ay patuloy at kusang-loob pa ring nagbibigay ng tulong sa Hukbo ng Bayan. Nangyayari ito sapagkat kaming mga nakararaming Pulahang kumander at kawal ay palagiang nagsisikap na gawin ang aming makakaya upang matulungan ang masa ng magsasaka sa labas ng burukratikong kontrol ng pangkating Taruc-Sumulong. Bunga ng aming pagiging malapit sa masa, kaming nakararaming Pulahang kumander at kawal ay lagi nang pumapanig sa mga magsasaka laban sa mga asendero, sa mga sandatahang ahente at kawal ng reaksiyonaryong pamahalaang burges at iba pang masasamang elemento katulad ng mga magnanakaw ng kalabaw, manlilinlang at bandido. Sa maraming lugar napagtagumpay na namin ang pagpapababa ng upa sa lupa at ng interes sa pautang na lampas pa sa ipinangangako ng Agricultural Land Reform Code. Upang maalis ang panglalapastangan at pang-aabuso ng uring asendero at ng burges reaksyonaryong pamahalaan, ginagamit naman ang aming mga sandata upang lipulin nang sabay ang kanilang malaking kinatawan at ang utusang aso sa maraming lugar na kung saan ang mamamayan ay nasa kalagayang lalong mahusay na kaysa sa ibang lugar. Nagagawa din naming matulungan ang mga magsasaka sa kanilang pang-araw-araw na gawain at pamumuhay.

Datapwat sa tuwing ang pangkating Taruc-Sumulong ay nilalapitan ng mga asendero tungkol sa kanilang mga pakikipag-alitan sa mga magsasaka, ang mga kapakanan ng huli ay ipinagbibili at, bunga nito’y nasasabotahe ang mga mabuting gawain ng Hukbo ng Bayan. Kaya’t, ang mga magsasaka sa mga ilang lugar na ang liderato ay pumapanig sa mga asendero. Gayundin, nagkakaroon ng pagkakataon ang mga reaksiyonaryo at kontra-rebolusyonaryong repormista upang siraan ang Hukbo ng Bayan at maihanda ang pagtataksil at pagpaslang sa mga Pulahang kawal na nasa larangan, lalo na sa mga lugar na kung saan kami ay nagsusumikap na pumasok pa lamang.

Sa mga welga ng mga manggagawa at mag-aaral sa Gitnang Luson, ang pangkating Taruc-Sumulong ay pabayang nagsawalang-kibo samantalang ang naghaharing uri at ang mga sandatahang ahente nila, ang Phillipine Constabulary at ang mga lokal na pulisya ay inihahambalos ang kanilang paghihiganti sa mga welgista. Sa iba pang mga pangyayari, ang pangkating Taruc-Sumulong ay walang kahihiyang ginamit ang mga pangkat ng Hukbo ng Bayan upang pilitin ang mga welgista at ang kanilang organisasyon na sumuko sa mga kapitalistang nagmamay-ari ng asyenda; kompanya ng sasakyan o paaralan. Ginawa ito bilang kapalit ng kaunting salapi.

Ang pagsuko ng uri, pakikipagsabwatan ng uri at pagtataksil ng uri ay labis-labis na ginawa ng pangkating Taruc-Sumulong sa iba’t-ibang paraan. Sa Pulitika, ito ay nagpasingkaw sa mga pinakamalaking kinatawan ng mga nagsasamantalang uri–tulad nina Marcos, Nepomuceno, Cojuangco at iba pang katulad nila, “nakikipagkumpadre” sa mga reaksyonaryong pulitikong ito at pumasok sa mga kasunduang “ceasefire” at “pagtangkilik pampulitika” sa kanila. Ang kaululan ng pakikipagsabwatan sa mga reaksiyonaryong pulitiko ay pinagbabayaran na sa pamamagitan ng pagkakabunyag at pagkakapaslang sa maraming mga kasama matapos ang halalan ng 1965. Ang pagtataksil ng uri na ito ay walang iba kundi isang larawang pampulitika ng maka-burges, kontra-rebolusyonaryo – – peudal na katagian ng pangkating Taruc-Sumulong. Alinsunod dito, ang pangkating ito ay garapal na kinakalat ang “pilosopiya ng kaligtasan” sa mga Pulahang mandirigma. Ang pangkating ito ay kailan lamang nag-utos ng pagtigil sa mga kampanyang inilulunsad ng mga rebolusyonaryong kumander upang puksain ang mga destakamento ng kaaway at mga reaksiyonaryong ahente sa kanilang field command. Upang mapagbigyan ang malalaking reaksiyonaryong pulitiko, iniutos ng pangkating ito ang pagpapasuko sa isang kasama nang dahil lamang sa salapi. Sa kabutihang palad, ang kontra-rebolusyonaryong utos na isuko ang isang kasama ay nabigo.

Ang maliwanag na dahilan ng kontra-rebolusyonaryong rebisyonistang patakaran ng “mapayapang pamumuhay” sa kaaway ay ang pangako ng kaaway na napahintulutan ang mga lupain, ari-arian at investment ng pangkating Taruc-Sumulong sa lunsod ng Angeles at sa iba pang lugar at pati na ang ala-gangster na pangongolekta ng pangkating ito sa mga mangangalakal, asendero at sa masa ng magsasaka. Ang pangongolektang ito ay nasa ilalim ng isahang-taong pagpapasiya si “kumander” Sumulong sa ngalan ng Partido at hukbo. Ang walang prinsipyong pakikipangyaring ito ay lagi nang binibigyan ng huwad na pagmamatwid na mga termino ng ekonomismo. Subalit, ang pananalapi at mga ari-ariang natipon ng pangkating ito ay pribadong inaari ng mga panginoon ng pangkating ito sa pinakamasibang pamamaraan at ihinihiwalay sa partido at sa Hukbo.

Ang pangkating Taruc-Sumulong ay sadyang pinigilan ang paglaki ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan at sinakal din doon ang buhay ng Partido upang mapanatili ang kanilang sakim na maka-kapitalista at peudal na paghahari. Walang demokratikong sentralismo, mayroon lamang sentralismo ng isang big shot, ni “kumander” Sumulong. Sa pang-aabuso, ng kanyang pansariling alituntunin ng sentralismo na walang demokrasya, si “Kumander” Sumulong ay kriminal na gumawa ng mga isahang-taong desisyon ukol sa pagpatay ng mga “nagkasalang” kasama at mga iba pang tao, paglustay ng malalaking halaga ng salapi at iba pang katulad nito. Walang makatarungang paglilitis at batay lamang sa napakababaw na dahilan, na kadalasa’y may kinalaman sa koleksiyon ng salapi o sa negosyo, maraming mga kasama ang pinasiya niyang nararapat parusahan ng kamatayan at maraming pagpaslang ang naganap sa utos niya. Ang pangkating Taruc-Sumulong ay higit na may katwirang pananagutan sa kamatayan ng mga kasama at iba pang mga tao dahilan sa ilang maruruming kasunduan tungkol sa negosyo at hindi dahil sa rebolusyonaryong sandatahang pakikibaka laban sa kaaway. Sa pagsunod sa sektaryong estilo ng lideratong Jose at Jesus Lava, gumawa sila ng mga gawa-gawang kaso ng “finance opportunism” na kadalasa’y kinasangkutan ng napakaliit na halaga upang sirain at bigyang matuwid ang maramihang pagpapaslang sa mga kasama na walang pagsasaalang-alang sa kasaysayan ng kanilang buong buhay bilang mga kadre.

Sapagkat ganap na walang demokrasyang pinaiiral ang pangkating Taruc-Sumulong, walang sistemang komite, walang sistema ng mga Political Commisar, walang sistema sa pag-uulat at walang pagtutuos ng pondo, ang mga panginoon ng mga pangkating ito ay nasa katayuan upang gumawa ng mga arbitraryong desisyon, abusuhin ang mekanikal na disiplina ng ilang mga kasama at sandatahang pangkat at gumawa ng malakihang “finance opportunism” na nakikita sa pamamagitan ng kanilang pagkakaroon ng maraming asawa, paglustay ng salapi ng Partido sa mga ganitong kaparaanan, sa pamamagitan ng kanilang marangyang piging para sa kanilang mga kaibigang reaksiyonaryo at “kompadre” at sa pamamagitan din ng kanilang pagkakaroon ng mga malalapit na kamag-anak na nakakuha ng mga pribadong titulo ng malalaking ari-arian na dapat ay nasa kamay ng Partido at mamamayan.

Sa patuloy na pag-aangkat ng estilo ng hampaslupa at proletaryadong lumpen sa loob ng Partido at Hukbo at sa pagganap bilang isang pasistang gangster o pag-uugali bilang isang maliit na warlord, si “Kumander” Sumulong ay naghirang ng mga maton at pulis-karakter sa mga mataas na katungkulan ng kanyang staff, inihalo ang mga taong ito sa mga tapat na kasama at sa gayo’y inilagay ang mga kasamang ito sa panganib, personal na binubugbog silang pare-pareho at nag-utos na ipapatay sila kailanman hindi nila mabigyang kasiyahan ang kanyang mga kahilingan sa pananalapi. Ginamit din ni “Kumander” Sumulong ang pangalan ng Partido at Hukbo sa pagpapautang ng salapi sa mga kasama at mamamayan sa interes na 50% bawa’t buwan, sa pamimilit na ipagbili sa kanya ang mga ari-arian sa halagang siya ang nagpapasiya at sa pangingikil sa masa na magbigay ng salapi at palay. Tunay na kanyang kinasangkapan ang mga pangkat ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan upang mapatakbo ang kanyang masamang gawaing pangnegosyo sa estilo ng isang protection gang. Ang taong ito na nagpapanggap bilang Commander-in-Chief at National Finance Officer ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan ay isa sa pinakagarapal na dayukdok na nakapuslit sa loob ng Partido at Hukbo. Pananagutang buo ni Pedro Taruc ang kanyang pagiging kasabwat ni Sumulong.

Dahilan sa kanilang sakim na kontra-rebolusyonaryong interes, ang pangkating Taruc-Sumulong ay natatakot na makita ang pagbubuo ng isang partidong Marxista-Leninista sa loob ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan. Natatakot sila sa panloob na demokrasya at sa paggamit ng pagpuna at pagpuna sa sarili sa loob ng Partido at Hukbo. Natatakot silang makita ang mga kadre at Pulahang kawal ng Partido na itinataas ang kanilang kalidad at ang Partido at Hukbo na nagpapalawak sa ilalim ng patnubay ng Kaisipang Mao Tsetung. Natatakot silang mabunyag, mapuna at matakwil. Dahil dito higit na nais pa nilang kumilos bilang mga pinuno ng kriminal na sindikato. Maliwanag na ngayon at hindi maitatatwa kung bakit ang pangkating Taruc-Sumulong ay patuloy na isinasagawa ang sektaryanismo at isang bagong uri ng closed-doorism. Bigo sila sa kanilang pagnanais na pigilin ang paglawak ng Partido at Hukbo at ang pagsibol ng mga rebolusyonaryong organisasyong pangmasa upang maialis nila ang mga mabuti at mapanatili ang mga masama at maipagpatuloy ang taksil na kontra-rebolusyonaryong pamamatnugot nila at ang kanilang sistema ng pribadong pag-aangkin ng kayamanan. Ang pangkating ito ay nagnanais na mapanginoonan ang Partido at Hukbo sa Gitnang Luson na para bang ito ang kanilang “malayang kaharian”. Ginawa nila ito sa panahon na ang pagmamadaling pangangailangan ay ang pagbubuo ng Partido at Hukbo bilang malapit at masigasig na lingkod ng mamamayan sa isang pambansang lawak.

Mga Pangkasaysayang Ugat ng Pangkating Taruc-Sumulong

Ang maitim na linyang burges na dala-dala ng pangkating Taruc-Sumulong sa Gitnang Luson at may pangkasaysayang ugat. Ang mga pinagmumulang ugat nito ay katulad din ng kontra-rebolusyonaryong rebisyonismo at Deretsistang oportunismo ng pangkating Lava. Ito ay isang sanga lamang ng mahabang linya ng Deretsistang oportunismo na namaybay sa kasaysayan ng Partido at pumigil sa paglaki ng Partido at Hukbo at puminsala sa patuloy na pagsulong ng Rebolusyon. Ito ay tuwirang nakaugnay sa Deretsistang oportunistang linya ng Lavaismo sa loob ng Partido Komunista ng Pilipinas sa nakalipas na tatlumpu’t apat na taon o magbuhat noong kalagitnaan ng mga taong 1930. Ito ay kaagad na naka-ugnay sa maitim na linyang burges na itinataguyod ni Jesus Lava na sa kanyang pagiging hiwalay sa masa ng mamamayan, sa masa ng mga kasapi ng Partido at sa masa ng mga Pulahang kawal at sa kanyang paghahanda upang sumuko sa kaaway matapos na mabigong tanggapin ang tulong ng mga kapatid na partido sa kanyang hangaring tumakas palabas ng bansa, ay gumawa ng isahang-taong paghihirang at desisyon na kinapakinabangan ng kanyang mga malapit na kamag-anak at kanyang kasapakat sa kontra-rebolusyon, si Pedro Taruc, na naghirang naman sa kanyang malapit na kamag-anak, si “Kumander” Sumulong, bilang Commander-in-Chief at National Finance Officer ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan.

Bago sumuko si Jesus Lava kay Macapagal sa pamamagitan ng isang medical officer ng Social Security System, inangkin ni Lava ang titulo ng Tagapangulo ng Partido at naghirang ng isang bilang ng mga kalihim upang buuin ang Party Secretariat. Kabilang sa mga nahirang na kalihim ng Partido ay si Pedro Taruc na inilagay bilang kalihim para sa mga magsasaka. Malaya sa iba pang kalihim na pawang nasa Maynila, gumawa si Pedro Taruc ng isahang-taong paghihirang at desisyon, kabilang na rito ang pagpapatibay kay “Kumander” Sumulong bilang pinunong militar sa kanyang posisyon sa kabila ng katotohanan na ang kaso laban sa kanya sa loob ng Partido, paglustay at panggagahasa ay hindi pa maayos na nalilitis.

Maaaring gumawa ng pagbubunyag at pagwawasto sa mga kamalian sa loob ng Partido at Hukbong Mapagpalaya ng Bayan sapagkat kaming mga nakararaming kasapi ng Partido at mga Pulahang kawal ay nananatiling tapat sa Partido at Rebolusyong Pilipino. Ang Partido at Hukbo ay nagpapatuloy sa ilalim ng mga pinakamahirap na kalagayan sapagkat sa hanay ng masa ng mga kasapi ng Partido at mga Pulahang kawal ay nananatiling tapat sa Partido at Rebolusyong Pilipino. Ang Partido at Hukbo ay nagpapatuloy sa ilalim ng mga pinakamahirap na kalagayan sapagkat sa bahay ng masa ng mga kasapi ng Partido at Pulahang kawal ang malawak na nakararami ay nanatiling tapat sa mga mga kapakanan ng mga masang anak-pawis at walang humpay na ginagamit ang linyang pangmasa. Ang pangkating Taruc-Sumulong na di-makatwirang umangkin sa liderato ng Partido at Hukbo sa Gitnang Luson ay malaon nang naging sagabal sa pagsulong ng Rebolusyon at mabigat na pasanin sa masa ng mamamayan. Ang kanilang mga krimen ay ginagamit ng kaaway upang sirain ang Partido at ang Hukbo ng Bayan. Ang pangkating ito ang nagpamalagi sa mga pinakamasamang krimen sa loob at labas ng Partido at Hukbo. Napakahusay, kung gayon, kung ang Partido at Hukbo ay maglulunsad ng isang kilusan sa pagwawasto, sa ideolohiya, sa pulitika, at sa organisasyon, upang linisin ang Partido at Hukbo at gawin silang higit na malakas na lingkod ng masa ng mamamayan.

Ang mga kasamang pasibo o yaong mga tumanggi sa tawag ng pagwawasto ay ilalagay lamang sa panganib ang kanilang sarili sapagkat kung ang kasamaan ng pangkating Taruc-Sumulong ay hindi itatakwil ngayon, gagamitin ito ng mga reaksyonaryo upang ihiwalay ang Partido at ang Hukbo ng Bayan ng mamamayan. Ang Partido Komunista ng Pilipinas at ang Bagong Hukbo ng Bayan ay hindi matutupad ang mga tungkulin sa Rebolusyon kung hindi magkakaroon ng pagpupuna at pagpupuna sa sarili, kung hindi magkakaroon ng kilusang pagwawasto at nililiwanag ang mga tungkuling rebolusyonaryo, kung hindi mapupukaw ang mga mamamayan upang malaya nilang masabi ang kanilang iniisip at kung ano ang kanilang inaasahang dapat gawin. Hindi lahat ng mga krimen ng pangkating Taruc-Sumulong ay maaaring mailahad sa dokumentong ito. Tanging ang ganap na pagsulong ng kilusang pagwawasto sa hanay ng mga kasapi ng Partido at Pulahang kawal ang lubos na makapagbubunyag nang buong lawak sa kanilang mga krimen at makapaglilinis sa landas para sa proletaryong rebolusyonaryong linya ng Kaisipang Mao Tsetung.

Gayunman, upang lalo itong maging makahulugan at makatulong nang malaki sa Partido at Hukbo ng Bayan, ang kilusan sa pagwawasto ay dapat masaklaw hindi lamang ang mga kamaliang nagawa ng pangkating Taruc-Sumulong kundi pati na ang buong kasaysayan ng Partido Komunista ng Pilipinas. Sa ganitong lawak ng pagpupuna, mauunawaan sa gayon ng mga kasama kung bakit ang pangyayaring pangkating Taruc-Sumulong ay sumibol at kung bakit, halimbawa, marami sa mga pumasok sa Partido at hukbo sa iba’t-ibang yugto ang naging pasibo, takot at alinlangan sa pagtupad ng mga tungkulin sa Rebolusyon o bumaligtad upang kumilos laban sa Partido at hukbo bilang mga kontra-rebolusyonaryo. Upang maunawaan na ang kasalukuyan ay isang bagay na nagbabago tungo sa hinaharap, na kung saan ang mga tunay na proletaryong rebolusyonaryo ay sumusulong at ang mga nabubulok na tumatalunton sa landas ng kapitalismo ay itinatapon sa pusalian ng kasaysayan, dapat nating malaman ang nakaraan na nagdala ng iba’t-ibang kamalian at nagdala rin ng mga bagay na mabuti at matatag sa ating ngayon.

Ang isang pagkaunawa sa buong kasaysayan ng Partido ay kinakailangan, lalo na sapagkat halos lahat ng mga kasapi ng Partido at Pulahang Hukbo na aktibong kumikilos ngayon para sa ikapagtatagumpay ng Rebolusyong Pilipino ay isang bagong saling lahi. Napakahalaga na samantalahin natin ang mga aralin ng nakaraan at ang mga positibo at negatibong karanasan ng mga datihang kasapi na gayo”y siyang bumubuo ng minorya sa loob ng Partido at Hukbo.

Sa mga sumusunod ay ilalahad natin nang maikli ang mga pangunahing yugto sa pag-unlad ng Partido at ng Hukbo, na may natatanging pagpapahalaga sa huli at may natatanging pagbibigay-diin sa mga dahilan ng pagkabigo. Para sa lalong sapat na pagkaunawa sa kasaysayan ng Partido, kinakailangang iugnay ng mga kasama ang dokumentong ito sa higit na malawak na dokumentong “Wastuhin ang mga kamalian at Muling Buuin ang Partido” na naunang inilathala ng Partido.

1. Ang panahon bago ang Pagtatatag ng Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon.

Sa loob ng labindalawang taon, matapos na ito ay pormal na itatag noong ika-7 ng Nobyembre, 1930 ang Partido Komunista ng Pilipinas ay hindi lumikha ng isang Hukbo ng Bayan upang bakahin ang rehimen ng imperyalistang Amerikano at ang papet na pamahalaang asendero-komprador ni Quezon. Sa kawalan ng isang Hukbo ng Bayan ang Partido ay walang tagapagtanggol. Ilang buwan matapos ang hayag na pagtatatag nito, ang imperyalistang Amerikano at papet na pamahalaan ay gumamit ng mga masansalang hakbangin laban sa Partido. Noong 1932, ang Partido at lahat ng mga organisasyong pangmasa na malapit dito ay pormal na ginawang ilegal ng reaksiyonaryong pamahalaan at ang lahat ng mga prinsipal na lider ng Partido ay naparusahan, ikinulong at itinapon sa iba’t-ibang bahagi ng bansa. Habang ganap na ilegal ang liderato ng Partido ay hindi nakilala ang kahalagahan ng pagbubuo ng Partido sa hanay ng mga magsasaka. Sa kabuuan ng mga taong 1930-40, higit pang masigasig ang ginagawang malawakang pagkilos ng ibang samahan para sa kalayaan at reporma sa lupa.

Noong 1937, ang Partido ay muling pinahintulutan upang kumilos nang legal kalinya ng Anti-Pasitang Prente popular at noong 1938, ang pagpipisan ng Partido Komunista at Partido Sosyalista ay ginawa sa ilalim ng impluwensiya ng Deretsistang oportunistang liderato ni Earl Browder ng Partido Komunista ng Estados Unidos. Ang Partido ay patuloy na ibinuhos ang kanyang lakas sa gawaing parliyamentarista at walang sandatahang paghahanda ang ginawa sa bukirin laban sa namimintong pananakop ng Hapones. Tanging mga kampanya para sa boluntaryong pag-boycott ng produktong Hapones ang pangunahing ginawa ng kilusan ng mga unyong pangmanggagawa sa ilalim ng liderato ng Tagapangulo ng Partido Komunista ng Pilipinas na si Crisanto Evangelista. Ang mga kadre ng Partido Sosyalista ay patuloy na lumahok sa legal na ahitasyong pambukid. Sa panahong ito, ang mga kasapi ng Partido na may pananaw na peti-burges, na nakilala sa pagtataguyod nila sa mga kalayaang sibil, na ang pangunahing kinatawan ay si Vicente Lava ay nagsimulang magkaroon ng prinsipal na impluwensya sa Partido.

2. Ang Pananakop ng Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon.

Ang Hukbo ng Bayan sa kaanyuan ng Hukbalahap ay itinatatag sa ilalim ng liderato ng Partido noong ika-29 ng Marso, 1942, sa Gitnang Luson. Magbuhat noon, sa pagpapatunay ng sinabi ng Kasamang Mao Tsetung na ang kapangyarihang pampulitika ay nagmumula sa kanyon ng baril, ang Partido at mamamayan ay nagtamo ng may kalakihan kapangyarihan at prestihiyo sa Gitnang Luson na hindi nila natamo noong una. Sa loob ng isang taon na paglulunsad ng digmaang gerilya, ang Hukbo ng Bayan ay lumaki mula sa maliit na puwersa hanggang sa isang malaking pwersa. Ang lakas nito ay mabilis na lumaki habang ito’y tinatangkilik ng mga magbubukid sa ilalim ng mga umaayong kalagayan tulad ng pagbabakwit ng mga imperyalistang Amerikano at ng pamahalaang Commonwealth ng Pilipinas, ng pagguho ng kapangyarihan ng mga asendero sa bukirin, at ng maliwanag na pangangailangan ng mamamayan upang humawak ng armas laban sa pasistang Hapones.

Ngunit matapos ang pananalakay ng mga Hapones sa base ng Hukbo ng Bayan sa bundok ng Arayat noong mga unang araw ng Marso,1943, ang liderato ng Partido ng Deretsistang oportunistang si Vicente Lava ay napangibabawan ng pasismo at itinaguyod ang maling patakarang “umurong para magtanggol” na isang pasibong linyang militar na nangangahulugang paglalansag ng mga sandatahang pangkat at pagpipigil ng pantaktikang pananalakay laban sa kaaway. Ang lideratong Lava ay nagkaroon din ng mga malubhang pag-aalinlangan tungkol sa kakayahan ng uring manggagawa na mamuno sa ilalim ng kalagayang ang kilusan pang-unyon na nasa lunsod ay nasa kaguluhan. Hindi niya maliwanag na naunawaan na ang Partido Komunista ng Pilipinas bilang pinakamunlad na destakamento ng uring manggagawa ay nasa bukirin na upang pamunuan ang masa ng mga magbubukid.

Ang patakarang “umurong para magtanggol” ay idineklarang mali noon na lamang Setyembre,1944 na ang lakas ng militar ng Estados Unidos at ang kanilang mga pwersang papet ay nagsisimula na ng kanilang pagsalakay. Dahilan sa Deretsistang oportunistang patakarang ito, na sumaklaw ng higit sa kalahati ng tatlong taong pananakop ng mga Hapones, ang Pulahanag Hukbo ay nawalan ng pagkakataong magtatag ng lalong malakihang puwersang panlaban at magpalawak na dapat sana’y nagawa nito maging sa labas ng Gitnang Luson. Ang plano na magpadala ng mga kadre sa iba’t ibang mga bahagi ng bansa upang magpaunlad ng sandatahang pakikibaka ay hindi itinuloy maging noon pa mang 1942. Kung kaya ang pag-unlad ng sandatahang pakikibaka sa ilalim ng liderato ng Partido ay nagawa lamang sa Gitnang Luson at sa isang maliit na bahagi ng Timog Katagalugan. Higit pa rito, ang liderato ng Partido ay nabigong gamitin ang rebolusyong agraryo bilang batayang lakas nito sa mga lugar na hinahawakan ng Hukbo ng Bayan. Maliwanag na nabigo din itong ibunyag ang imperyalismong Amerikano bilang kaaway. Ganap na nabigo itong ipatupad ang patakaran ng Komunistang Internasyonal ng paggamit ng anti-pasistang pakikibaka bilang pagkakataon upang matatag ang demokratikong pamahalaang bayan.

3. Ang Panahon ng Linya ng “Demokratikong Kapayapaan”

Habang sumusulong ang puwersa ng imperyalistang Amerikano at puwersang papet, ang liderato ng Partido na pangunahing naiimpluwensyahan ng Deretsistang oportunismo ni Vicente Lava at Luis Taruc ay umasa sa mga pangungusap ng mga ahenteng Amerikano na nagsabi sa kanila na sila ay maaaring lumahok sa buhay parliyamentaryo at muling pagtatayo ng ekonomya ng bansa. Ang liderato ng Partido ay napasalin pa sa higit na mga Deretsistang oportunista katulad nina Pedro Castro at Jorge Frianeza na nagtaguyod sa isang bukas at legal na pangmasang Partido sa estilo ng mga partidong burges at patuloy na dinala ang linya ng paghihiwalay ng mga sandata sa mga Pulahang kawal. Itinaguyod nila ang mga ito sa kabila ng mga kasuklam-suklam na krimen na ginagawa ng mga imperyalistang Amerikano at ng kanilang papet laban sa kanilang mga lider ng Hukbalahap na kanilang ipinabilanggo, sa kabila ng pagpapaslang sa buo-buong iskwadrong Hukbalahap at sa kabila ng pagbibili ng simulain ng malaking puwersa katulad ng Banal Regiment upang tumanggap ng backpay mula sa Amerikano. Hindi nakilala ng liderato ng Partido na ang imperyalistang Amerikano at ang mga asendero ay sistematikong binubuwag ang Hukbo ng Bayan upang mapalakas ang sandatahang kontra-rebolusyon at mapabalik ang kanilang paghahari sa mga bukirin at sa buong bansa.

Tapat sa kanyang Deretsistang oportunistang linya, ang liderato ng Partido ay inilipat ang kanyang himpilan mula sa bukirin patungo sa lunsod, inilunsad ang Democratic Alliance na napangingibabawan ng mga personalidad na burges, lumahok sa laro ng eleksiyong burges upang matuklasan lamang sa bandang huli na ang mga imperyalistang Amerikano, burgesyang komprador at mga asendero ay lalabag sa mga alituntuning parliyamentaryo, upang makuha ang kanilang nais, tulad ng Bell Trade Act, Parity Amendment, at iba pang mga batas na reaksiyonaryo, at gagawin ang pinakamalupit na pamamaslang sa mga rebolusyonaryong lider at ng masa. Sa panahon ng “demokratikong kapayapaan”, ang mga reaksiyonaryo ay muling naibalik ang kanilang mga sarili sa mga luklukan ng kapangyarihan sa buong bansa at walang pakundangang ginamit ang kanilang mga sandata upang supilin ang mga mamamayan tulad sa mga rehiyon ng Gitnang Luson at Timog Katagalugan.

4. Ang Pagpapatuloy ng Sandatahang Pakikibaka at Abenturismong Militar.

Bunga ng pagpapatalsik sa mga kagawad ng Konggreso na tinulungan ng Partido na maupo sa kanilang mga luklukang parliyamentaryo, ang pagpaslang sa mga rebolusyonaryong lider, Pulahang kawal at karaniwang mamamayan, at ng makatarungang pagtawag ng mamamayan upang ipagpatuloy ang sandatahang pakikibaka, ang Deretsistang oportunistang liderato sa loob ng Partido ay naibagsak at ang Partido ay nagpasiyang maglunsad ng sandatahang pakikibaka noong 1948. Ngunit dahil sa kawalan ng sapat na kilusan sa pagwawasto na inilunsad maliban sa pang-organisasyong pagtatakwil sa mga Deretsistang oportunista, ang lideratong Jose Lava na nagsikap na ipagpatuloy ang sandatahang pakikibaka ay nabigong gumawa ng mga wastong batayang pang-ideolohoya, pampulitika at pang-organisasyon para sa isang pangmatagalang digmaang bayan. Habang ang Partido ay naglulunsad na ng sandatahang pakikibaka, ang Deretsistang oportunistang si Luis Taruc na Commander-in-Chief ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan ay pinahintulutan pa ring makipag-usap tungkol sa pagsuko at pag-alis ng sandata ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan noong taon ding iyon ng 1948.

Sa paggamit ng dogmatista at sektaryong pagpapalagay tulad ng maliwanag na ipinakita ng PB Resolution ng 1950, ang lideratong Jose Lava ay pinagtibay ang sobrang-pusok na linyang peti-burges ng mabilisang tagumpay militar sa loob ng dalawang taon na nagpapalagay na maliit ang kaaway at napakalaki ang rebolusyonaryong pwersa. Ito ay lubusang paglabag sa estratehikong prinsipyo ni Mao Tsetung tungkol sa pangmatagalang digmaang bayan. Ito ay isa lamang suhetibong kongklusyon na narating sa pamamagitan ng malaking pag-asa sa mga panlabas na posibilidad tulad ng pagkakaroon ng Ikatlong Digmaang Pandaigdig, ng ganap na pagbagsak ng ekonomya ng Estados Unidos at ang marahas na paghahati-hati sa hanay ng dalawang taon. Ang putsistang linya ng pagtatagumpay ng militar sa loob ng dalawang taon ay labis na humigit sa mga rebolusyonaryong puwersa, pinadaan sa mga hindi matatag na lugar sa halip na sumulong na paalon-alon at pinilit ang pangingibabaw ng mga burges na alituntuning pang-digmaan at sektaryong pagpaparusa sa mga pagal na kadre, kawal at masa. Habang lalong winawasiwas ng liderato ng Partido at Hukbo ang maitim na bandila ng komandismo ay lalo lamang napapahiwalay ang Partido at Hukbo sa masa na ginagawan ng mga sektaryong pang-aabuso. Ang mga sektaryong pang-aabusong ito ay inulit sa malakihang paraan ng mga reaksiyonaryong kaaway na nakasuot na sibilyan at ibinintang sa partido at Hukbo at sa gayo’y lalo silang mahiwalay sa masa.

Ang “Iskiyerdistang” oportunistang liderato ni Jose Lava (Politburo-In at Secretariat) ay nakahiwalay sa lunsod at mula doon ay nagdidikta ng kanyang mga oportunistang utos. Ito ay may isang sub-command na nasa ilalim ni Jesus Lava (ang tinatawag na Politburo-Out) na nakahiwalay din sa kinalalagyan nilang baseng pisikal, hindi isang baseng pampulitika, sa pusod ng Sierra Madre sa Laguna, malayung-malayo sa mga pangunahing puwersang militar na nasa kapatagan ng Gitnang Luson.
Hindi pa man natutupad ang kalahati ng pananalakay na napagpasiyahan ng PB Resolutions noong 1950, ang lideratong Jose Lava ay mabilis na nadurog sa pamamagitan lamang ng ilang pangunahing ganting salakay, tulad ng pagkadakip ng punong himpilan ng Partido sa lunsod, ng malakihang pagkubkob sa Sierra Madre, ng pagpuputol-putol sa labis na nahihigit na linya ng mga kagamitan at komunikasyon, ng malakihang pagtulad ng kaaway sa maruming sektaryong aktibidad ng malaking bilang ng mga pangkat ng Partido at Hukbo at maramihang pagpupuslit ng kaaway sa loob ng punong himpilan ng Partido sa liberal na patakaran ng pangangalap ng kasapi sa lunsod. Ang lideratong Jose Lava ay may pananagutang kriminal sa halos na ganap na pagkakapuksa ng Hukbo ng Bayan sa napakaikling panahon ng dalawang taon at sa pinakawalang habag na pagsasakripisyo sa buhay ng mga kadre ng Partido at ng Pulahang kawal sa buong kasaysayan ng Partido Komunista ng Pilipinas.

5. Ang Panahon ng Patuloy na Pagkagaping Militar.

Matapos na mapuksa ng kaaway ang lideratong Jose Lava, ginampanan ni Jesus Lava ang liderato ng Partido, kasama si Casto Alejandrino, bilang Commander-in-Chief, at ipinagpatuloy ang “Iskiyerdistang” oportunista at sektaryong linya ng kanyang kapatid. Idinahilan ang kabiguan ng lideratong Jose Lava sa pagiging pabaya lamang, sa pantaktikang kamalian ng mga ilang kasama, sa aksidente lamang, at patuloy na tinaglay ang linya ng kanyang kapatid at hindi nagbunsod ng isang lubhang kailangang kilusan sa pagwawasto. Ang lideratong ito na naglantad ng lubhang walang kaalaman sa teorya ng digmaang bayan ay itinaguyod na ang estratehikong yugto na kinapapalooban mula noong 1949 ay hindi estratehikong depensa ni estratehikong pananalakay kundi ang magulong-isip na tinawag na estratehikong “ganting-salakay”.

Ang komperensiya ng Komite Sentral noong Pebrero-Marso, 1951 na nagtaas kay Jesus Lava sa pangkalahatang kalihim ay hindi nagpuna ng anumang malaking kamalian sa nakaraang liderato ng Partido.

Sa pagsasamantala sa mga kabiguang dinanas ng Hukbo ng Bayan, si Luis Taruc at ang kanyang pangkatin ay isinulong ang Deretsistang oportunistang linya ng paghingi ng negosasyon para sa kapayapaan sa kaaway batay sa kahinaan. Ang kapitulasyonistang linyang ito ay nagdulot ng mapangwasak na impluwensyang nagpairal ng damdamin sa maraming kawal upang sumuko kahit na sa mga lugar na ang Hukbo ng Bayan ay malakas pa rin. Noong 1954, ang taksil, mapagkanulo at eskirol na si Luis Taruc ay sumuko sa ilalim ng pagtataguyod ng Central Intelligence Agency.

Habang ang kaaway ay naglulunsad ng sunod-sunod na malakihang kampanya ng pagkubkob at pagsupil noong 1951, ang Partido at ang Hukbo ay malubhang nahahati sa dalawang malaking paksiyon at ang lideratong Jesus Lava ay nabigong magbigay ng lideratong may kakayahang pag-isahin ang lahat sa lideratong ideolohiya, pampulitika at pang-organisasyon para sa isang pang-matagalang digmaang bayan. Ang relasyon sa pagitan ng Partido at Hukbo sa isang panig at ng mga mamamayan sa akabila, sa pagitan ng mga pinuno ng Hukbo at ng Partido sa isang panig at ng mga kawal sa kabila at sa hanay ng mga kawal ay lumubha nang lumubha. Hindi nasapol ng lideratong Jesus Lava ang linyang pangmasa, hindi napangibabawan kundi lalo pang pinasidhi ang marahas na sektaryong aktibidad ng nakaraang liderato at patuloy na pinalaganap ang lantay na pananaw militar.

6. Ang Muling Paglitaw ng Deretsistang Oportunismo at Takbo-ismo.

Noong 1950, ang lideratong Jesus Lava ay napangibabawan ng pasismo tungkol sa sandatahang pakikibaka bilang bunga ng walang humpay na pagkagapi nito sa militar at pagkahiwalay sa masa. Ang kanyang dogmatismo, “iskiyerdistang” oportunismo at sektaryanismo ay madaling bumaligtad at naging empirisismo at Deretsistang oportunismo. Bunga ng patuloy na pagkakatalong militar, ang lideratong ito ay tumahak sa linya ng parliyamentaryong pakikibaka. Noong 1957, ito ay umabot pa sa paglalansag ng mga sandatahang pangkat ng Hukbo ng Bayan na kaya pa nitong abutin at pinalitan ito upang maging mga “brigadang pang-organisasyon”. Habang si Jesus Lava ay naghahanda upang lisanin ang sandatahang pakikibaka at ang bukirin, nilansag niya ang kanyang sariling pangkat tagapangalaga. Sa panahong ito, ang mga rebisyonistang taksil na pinangungunahan ni Krushchov ng Unyong Sobyet ay inilunsad na ang pandaigdigang kampanya para sa “parliyamentaryong landas” ng rebolusyon at posibilidad ng “mapayapang transisyon”. Noong 1958, tumakas mula sa bukirin at sinimulan ang kanyang karera bilang pangkalahatang kalihim sa kanyang nakakubling silid sa lunsod at doon siya nagpalabas ng mga transisyong pampulitika at direktiba nang wala ni anumang kolektibong pagtatalakayan at kongkretong karanasan. Ang takbo-ismong ito ay tinularan ng iba pang mga prinsipal na lider ng Partido, partikular na ang “Commander-in-Chief ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan, si Crisanto Alejandrino.

Ngunit’t maging ang mga pagpupunyagi ng Partido sa parliyamentaryong pakikibaka ay hindi tuwirang nagbunga. Ang mga malayang pagppupunyagi ng mga lider ng pambansang burgesya at panglunsod na peti-burgesya ay isinulong ang linya ng anti-imperyalismo na napag-iwanan ng lideratong Jesus Lava sa ahitasyong pampulitika. Ang higit na nakapilay sa Partido sa panahong ito ay dapat sumunod sa isahang-pilang patakarang pang-organisasyon. Ito ay likidasyonismo sa lantay at simpleng pananalita, na nagwasak sa kolektibong buhay ng Partido. Ang malawak na nakararaming kasapi ng Partido, sa lumalaking pagkapasibo at oportunismo ng iba pa, o dahilan sa kadalangan ng mga ugnayan. Noon na lamang 1960 nang ang mga bagong kasapi ng Partido sa legal at ilegal na hugis ng pakikibaka ay lumitaw at nagbigay ng bagong lakas sa Partido at Hukbo.

Sa pagpapatuloy ng pagtahak ng kanyang takbo-istang patakaran, buong kabiguang nagtangka si Jesus Lava na lisanin ang bansa. Matapos mabigong gawin ito, sinikap niyang himukin si Pangulong Macapagal sa pamamagitan ng mga liham ng kataksilan na nag-aalok ng kanyang pagsuko. Bago siya “madakip” ng kaaway noong 1964, mag-isa siyang gumawa ng mga paghihirang sa liderato ng Partido. Ang mga paghihirang na ito ay batbat ng nepotismo, at manipis na ikinukubli sa pamamagitan ng paghirang kay Pedro Taruc bilang “kalihim para sa magsasaka”. Ang nepotistikong katangian ng iba pang mga paghihirang sa Party Secretariat ay maliwanag sapagkat ang mga tinatangkilik ay mga malalapit na kamag-anak na kailanman ay di-namukod sa gawaing pampartido at gawaing pangmasa.

7. Ang Pagtaas ng Kaisipang Mao Tsetung sa Partido at Hukbo.

Ang deretsistang oportunistang linya ng lideratong Jesus Lava ay nagbigay daan sa dalawang bulok at kontra-rebolusyonaryong tunguhin. Sa pagkukunwari ng pagkawala ng ugnayan sa Hukbong Mapagpalaya ng Bayan at sa mga kadre ng Partido na pinamumunuan ni Pedro Taruc, ang mga tagapagmana sa liderato ng pamilyang Lava ay tinanggap ang bendisyon ng taksil sa pangkat ng rebisyonistang Sobyet, nagdaos ng sariling komperensya noong Abril, 1968 upang ipagpatuloy ang paghahari ng “maharlikang angkan” ng mga Lava at pormal na isinulong ang linya ng pagsalungat sa mga kalahok sa sandatahang pakikibaka at ng pag-ulit sa dating kamalian ng pagpapahintulot sa mga personalidad na burges na gampanan ang liderato sa inaakala nilang isang pormal na organisasyon ng nagkakaisang hanay. Sa kabilang dako, sa pagkukunwari din ng pagkawala ng ugnayan sa mga lantarang lokal na rebisyonistang taksil na nakahimpil sa lunsod, ang pangkating Taruc-Sumulong ay itinakda ang isang limitadong lugar sa Gitnang Luson bilang sarili nilang “malayang kaharian” at isinulong ang sarili nilang linya ng Deretsistang oportunismo at rebisyonistang pagtataksil sa bukirin tulad nang naipaliwanag na. Si Pedro Taruc, sa pamamagitan ng sarili niyang kilos, ay ginawa ang mga malubhang krimen ng paghirang kay Sumulong bilang Commander-in-Chief ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan at National Finance Officer sa kabila ng katotohanang ang huli ay nahaharap sa malubhang kaso ng paglulustay at kabulukan na nagawa noong 1963.

Kung mayroong isang himpilan ng burgesya sa loob ng Partido at Hukbo at mga paksiyon sa loob ng mismong himpilan ng burgesya, ang kontra-rebolusyonaryong linya na pinapairal nito ay tiyak na sasalungatin ng isang linyang rebolusyonaryong isinusulong ng mga proletaryong rebolusyunaryo. Sa loob ng mga taon ng 1964 hanggang sa kasalukuyan, nang ang mga isahang-taong paghihirang at desisyon ni Jesus Lava ay lumikha ng kaguluhan sa loob ng Partido, yaong mga nagtataguyod sa Kaisipang Mao Tsetung na pinangungunahan ni Kasamang Amado Guerrero ay tumindig upang punahin at pabulaanan ang makabagong rebisyonismo, Lavaismo at Taruc-ismo, at sa gayo’y inihanda ang landas para sa muling pagtatatag at muling pagbubuo ng Partido Komunista ng Pilipinas sa ilalim ng kataas-taasang patnubay ng Kaisipang Mao Tsetung. Kasabay nito, sa loob ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan, si Kumander Dante, kasama ang yumaong Kumander Delio, ay puspusang nakibaka upang ilagay ang iba pang mga Pulahang kumander at kawal sa rebolusyunaryong landas, masugid na pinagpatuloy ang sandatahang pakikibaka at pinaunlad ang rebolusyonaryong diwa ng paglilingkod sa masa at sa pagpipisan ng mga Pulahang kawal at masa tulad ng isda sa tubig. Ngayon, ang mga pagpupunyagi ng higit na mga nakararaming mga Pulahang kumander at kawal sa pamumuno ni Kasamang Dante na nananatiling matapat sa rebolusyon at sa Kaisipang Mao Tsetung ay ginagantimpalaan ng pagbabago ng makalumang Hukbong Mapagpalaya ng Bayan upang maging Bagong Hukbo ng Bayan na nasa ilalim ng kataas-taasang patnubay ng Kaisipang Mao Tsetung at ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Ang Mga Pangunahing Tungkulin ng Bagong Hukbo ng Bayan

Sa ilalim ng Marxista-Leninistang simulain na ang Partido ay siyang namamatnugot sa sandata, ang Bagong Hukbo ng Bayan ay lubusang sinusunod ang liderato ng Partido Komunista ng Pilipinas at ang kataas-taasang pamumuno ng Kaisipang Mao Tsetung. Ang Bagong Hukbo ng Bayan ay isang instrumento para sa pagpapatupad ng Saligang Batas at Programa para sa isang instrumento para sa pagpapatupad ng Saligang Batas at Programa para sa isang Demokratikong Rebolusyon ng Bayan. Ito sa katotohanan ay siyang prinsipal na organisasyon na nasa ilalim ng pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, isang organisasyon para sa paglulunsad ng pangunahing hugis ng pakikibaka, ng sandatahang pakikibaka para sa demokratikong rebolusyon ng bayan.

Ang mga tungkulin ng Bagong Hukbo ng Bayan ay malinaw na inilalahad sa Programa ng Partido para sa isang demokratikong rebolusyon ng bayan. Ang pangkalahatan at partikular na programa ay inilalahad dito. Ngunit sa malinaw ding paraan, ilalahad natin ang mahalagang tungkulin na nasa ibaba:

1. Ang Bagong Hukbo ng Bayan ay Dapat Lumahok sa Muling Pagbubuo ng Partido.

Ang Bagong Hukbo ng Bayan ay lalahok sa muling pagbubuo ng Partido sa pamamagitan ng pagpapalaganap sa Kaisipang Mao Tsetung sa Hukbo at sa masa sa pamamagitan ng paggamit ng rebolusyonaryong pagkilos sa pagtatatag ng mga sangay at komite ng Partido sa loob at labas ng Hukbo. Ang Bagong Hukbo ng Bayan ay hindi lamang isang puwersa sa pakikipaglaban, isa rin itong puwersa sa propaganda at pagtatatag. Dapat nitong palaganapin at gamitin ang Kaisipang Mao Tsetung bilang pinakamataas na kaunlaran ng Marxismo-Leninismo sa kasalukuyang panahon. Ang mga kadre nito, kumander at kawal ay dapat na pagkalooban ang kanilang sarili ng Kaisipang Mao Tsetung sa pamamagitan ng paglahok sa mga klase sa pag aaral ng Kaisipang Mao Tsetung na nasa ilalim ng direksyon ng Paaralang Rebolusyonaryo ng Kaisipang Mao Tsetung, sa ilalim ng Kagawarang Pampulitika ng Hukbo at sa ilalim ng Political Commisar na hinirang ng Partido upang pangasiwaan ang buhay pampartido at ang edukasyong pampulitika ng bawa’t Pulahang sandatahang yunit. Ang lahat ng mga kadre ng Partido sa Hukbo ay dapat namang magsagawa ng pang-ideolohiyang pagpapakilos sa masa sa ilalim ng Kaisipang Mao Tsetung at dapat nilang pag-ukulan ng pansin ang mga pinakamaunlad na elemento sa hanay ng masa at gayundin sa hanay ng mga Pulahang kawal, upang maging mga kasapi ng Partido habang naglulunsad ng pakikibakang pangmasa. Ang lahat ng mga pang-araw-araw na suliranin ng Partido, Hukbo at ng masa sa pulitika, sandatahang pakikibaka, kultura at gawaing ekonomiko ay dapat na malutas sa pamamagitan ng paggamit sa unibersal na katotohanan ng Kaisipang Mao Tsetung.

Bilang isang organisadong puwersa, ang Bagong Hukbo ng Bayan ay dapat na bigyang-pansin ang mga sangay ng Partido na nakabatay sa kompanya, ang mga grupo ng Partido sa bawat platun at sa bawat yunit ng gerilya at mga komite ng Partido sa bawat antas mula sa kompanya pataas ay dapat na maitatag. Bilang isang tagapag-buong puwersa, dapat itong magtatag ng mga sangay ng Partido at lokal na komite ng Partido sa hanay ng masa. Ang Bagong Hukbo ng Bayan ay dapat na mamamalaging mulat na ang Partido Komunista ng Pilipinas ay nasa buod ng rebolusyonaryong kilusang pangmasa.

Sa pag-aaral ng Kaisipang Mao Tsetung, ang Bagong Hukbo ng Bayan ay pinanatili sa sarili ang diwa ng paglilingkod sa mamamayan at pagwawaksi sa sarili. Tinatapon nito ang makabagong rebisyonismo at suhetibismo sa dogmatista o empirisistang hugis nito, Deretsista at “Iskiyerdistang” oportunismo, sektaryanismo at liberalismo, komandismo at buntot-ismo at lahat ng iba pang mga kahinaan na humahadlang sa pagsulong ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Ang Kaisipang Mao Tsetung ang siyang pinakatugmang sandata para sa pagwawasto at pagpuksa sa lahat ng mga kahinaan at kamalian na ipinunla ng Lavaismo, Taruc-ismo at iba pang mga masamang pinagmulan ng kamalian sa rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas.

Ang Bagong Hukbo ng Bayan at lahat ng mga buhay na bahagi nito ay nagtataglay ng mulat na disiplina. Sinusunod nito ang prinsipyo ng demokratikong sentralismo. Ang sentralismo sa kaibuturan ay ang kataas-taasang Kaisipang Mao Tsetung. Ito ang nilalaman ng pagpapailalim ng minorya sa mayorya, ng nakabababang organo sa nakatataas na organo at ng indibiduwal sa Partido. Ang panloob na demokrasya ay tatamuhin nang lubusan ng lahat ng mga Pulahang kawal at magsisilbi bilang batayan para sa praktikal at kongkretong pagsasagawa ng Kaisipang Mao Tsetung. Ang pagpupuna at pagpupuna sa sarili ay gagamitin nang husto upang maitaas ang bisa ng pamumulitika at pakikipaglaban ng Bagong Hukbo ng Bayan.

Magkakaroon ng demokrasyang pampulitika sa loob ng Bagong Hukbo ng Bayan na kung saan ang mga kawal ay may karapatang magdaos ng mga pulong at magsalita nang malaya ukol sa anumang mahalagang paksa o suliranin na humaharap sa kanila.

Magkakaroon ng demokrasyang pangkabuhayan, na kung saan ang lahat ng mga opisyal at kawal ay nagtatamasa ng pantay-pantay na kalagayan katulad ng pang-araw-araw na panggastos at rasyon, ang mga kawal ay may karapatang maghalal ng mga kinatawan upang tulungan ang liderato ng kompanya sa pangangasiwa ng kanilang materyal na kalagayan, at lahat ng mga opisyal at kawal ay may pantay-pantay na karapatang tumingin sa libro ng pananalapi sa anumang oras.

Magkakaroon din ng demokrasyang pang-militar, na kung saan ang mga opisyal ay tinuturuan ang mga kawal, ang mga kawal ay tinuturuan ang mga opisyal at ang mga kawal ay natututo sa isa’t-isa tungkol sa mga planong pang-militar, pamamaraan at tekniko. Hangga’t maaari, magpupulong bago at pagkatapos ng bawat sagupaan upang mapataas ang kanilang kaalaman at bisa ang Bagong Hukbo ng Bayan ay lagi nang sasang-ayong magkaloob ng kooperasyon at pakikiisa. Ngunit lagi nitong mamatyagan ang mga sumisingit na kaaway at mga rebisyonistang magsasabotahe ng sandatahang pakikibaka.

Sa pagganap ng rebolusyonaryong tungkulin nito ng pakikipaglaban sa imperyalismong Amerikano, makabagong rebisyunismo at lahat ng mga reaksyonaryong lokal, ang Bagong Hukbo ng Bayan ay ganap na mulat na siya ay tumutulong sa pagpapaunlad ng pandaigdigang nagkakaisang hanay at kanyang itinataguyod ang simulain ng proletaryong internasyonalismo. Ang rebolusyonaryong sandatahang pakikibaka sa Pilipinas ay tiyakang isang mabisang bahagi ng pandaigdigang pakikibaka ng lahat ng mga sinisiil na mamamayan laban sa imperyalismong Amerikano, makabagong rebisyonismo at lahat ng mga reaksiyonaryo. Ang pagpapabagsak ng imperyalismong Amerikano at lahat ng mga katutubong reaksiyon sa Pilipinas ay magiging isang dakilang ambag tungo sa kabuuang pagbagsak ng imperyalismo at pandaigdigang tagumpay ng sosyalismo.

Mabuhay ang Kaisipang Mao Tsetung!

Mabuhay ang Rebolusyong Pilipino!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Mabuhay ang Bagong Hukbo ng Bayan!

Inilabas ng

PULONG NG MGA PULAHANG KUMANDER AT KAWAL

Ika-29 ng Marso, 1969

Pahayag ng Bagong Hukbong Bayan