Sina Marcos at Osmeña ay kapwa kinatawan ng mapang-aping mga uri

,

Inihalal ng pamabansang kombensiyon ng Partido Liberal si Sen. Sergio Osmena bilang kandidato sa pagkapangulo noong ika-15 ng Hunyo at hinirang naman ng Partido Nacionalista ang kasalukuyang presidente, Ferdinand Marcos bilang kandidatong reeleksiyonista noong ika-21 ng Hunyo. Ang dalawang kombensiyon ay kapwa nagpatotoo sa kriminal na kaluhuan at kabulukan ng dalawang partidong burges-asendero.

Sa darating na halalan sa Nobyembre, mapipilitan muling mamili ang mga manghahalal na Pilipino sa pagitan ng dalawang subok na papet ng imperyalismong Amerikano at katutubong peudalismo.

Walang saligang pagkakaiba ang dalawa tulad ng walang pagkakaiba sa pagitan ng dalawang partido nila. Higit na mainam maghabi ng salita si Marcos nguni’t ang kanyang plataporma ay kahalintulad rin ng ano ang isinisigaw ni Osmena tungkol sa kanyang pagkapapet ng imperyalismong Amerikano at katutubong peudalismo.

Ang dalawang kandidato sa pagkapangulo ay ang dalawang pinakabulok at pinakawalang-pagaatubiling kinatawan ng nagsasamantalang uri sa kasalukuyang panahon. Ang kanilang mga akusasyon at kontra-akusasyon ay magbibigay sa mga mamamayan ng karampatang edukasyon tungkol sa kabugukan ng sistema ng pagsasamantala.

Ang darating na halalan sa Nobyembre ay maaaring maging pinakamarumi at pinakamadugong halalan sa lahat ng mga naganap na sa bansa. Ang dalawang kandidato sa pagkapangulo ay naghanda na para sa pinakamasamang pangyayari sa pamimili ng boto, pandaraya at pananakot.

Mahalagang pagbuklurin ng isang tunay na partidong Marxista-Leninista ang mga mamamayan habang pinaghihiwa-hiwalay sila ng mga reaksiyonaryo at magpasidhi sa sandatahang oposisyon sa nakatatag na sistemang mapagsamantala sa panahong ang panloob na tunggalian sa naghaharing uri ay napakaalab at napakahayag at ang mapanupil na puwersa ng estado ay lubhang manipis at nakakalat.

Ang Partido Komunista ng Pilipinas ay hindi kailanmang mapagkakaroon ng katayuan sa bansang ito kung hindi isasakatuparan hanggang sa katapusang ang kanyang makarebolusyonaryong layunin. Sa panahong ito, ang dalawang “mapansariling kaharian” ng mga katutubong rebisyonistang pangkatin ay magkahiwalay na may tunguhing itaguyod ang “Bagong Himagsikan” ni Marcos.

Sina Marcos at Osmeña ay kapwa kinatawan ng mapang-aping mga uri