Wastuhin ang kamalian at muling buuin ang Partido (Karugtong)

,

IV

Mga ______________ kamalian at kahinaan

A. Mga Kahinaan sa Ideolohiya

Ang pangunahing kahinaang pang-ideolohiya ng nakaraang liderato ng Partido Komunista ng Pilipinas ay suhetibismo na lumabas sa hugis ng dogmatismo at emperisismo at nagbunga ng mga linyang Deretsista at “Iskiyerdistang” oportunismo. Ang Pilipinas sa kanyang pagiging mala-peudal at mala-kolonyal na bansa, ay may malawak na peti-burgesya na siyang nagsisilbing sandigang pangkasaysayan at pangsosyal ng suhetibismo. Sapagka’t ang Partido ay nabubuhay sa ganitong tipo ng lipunan, ito ay maaaring mabahiran ng mga suhetibismong agos na nagmumula sa labas o sa loob, kung ito ay hindi mapagmatyag at maingat sa Marxista-Leninistang pang-ideolohiyang pagbubuo na siyang unang-unang pangangailangan sa pagbubuo ng Partido.

Ang Partido ay maaaring mapasok ng malaking bilang ng mga kasapi na may pananaw na peti-burges, mga kasapi na hindi nabago ang pananaw pandaigdig at paraan ng pag-iisip nang ayon sa Marxismo-Leninismo at hindi napagsama ang rebolusyonaryong praktika sa diyalektikong materialismo at materialismong historiko.

Bagamat ang mga naunang kasapi ng Partido ay nagmula sa uring proletaryo na kinatawan ni Kasamang Crisanto Evangelista, ang liderato ng Partido ay nagkamali sa pagbibigay nito ng malaking pagtitiwala sa bukas, legal at parliyamentaryo at panglunsod na gawaing pampulitika na nagbigay daan sa pagkaparalisado ng Partido Komunista ng Pilipinas matapos itong ginawang iligal ng reaksiyonaryong pamahalaan ilang buwan lamang matapos na ito ay matatag. Isang mapanghimagsik at lubusang proletaryong pananaw pandaigdig sana’y nakapagdulot sa Partido ng kakayahan na makilala ang diyalektiko ng buong situasyon ng Pilipinas, gumamit ng isang tumpak na pamamaraang legal at ilegal na pakikibaka at maiwasan ang malaking kasawian na naranasan ng Partido nang ito ay wala pang sapat na karanasan.

Subalit noong mga 1935, nang ang Partido ay pinagbabawal pa ng uring kaaway nito, ang malaking bilang ng mga kasapi ng Partido na nagbuhat sa uring peti-burges ay pumasok sa loob ng lihim ng Partido na napagkaitan ng isang tiyak na sentral na liderato at nagsikap na ipagpatuloy ang gawaing pampulitika, taglay ang kanilang di-nababagong mga kaisipang peti-burges at burges. Sa timon ng mga peti-burges na elementong ito sa loob ng Partido ay yaong mga labis na naimpluwensyahan ng empirisista at Deretsistang oportunistang agos ng Browderismo. Sa panahong ito, ang Partido Komunista ng Plipinas at ang Partido Komunista ng Estados Unidos ay malapit na nagsasama; at sa ilalim ng Komunistang Internasyonal, tinutulungan ng huli ang una sa pamamagitan ng pagtiyak na ang mga kadre na katulad ni Dr. Vicente Lava na naging kanilang nangungunang kinatawan ay ipagpapatuloy ang gawaing pampartido.

Ang suhetibismong tipong empirisista ay ipinamalas ng mga pangunahing patakarang pampulitika at pangyayari tulad ng prinsipal na pagpapahalaga na iniukol sa panglunsod na gawaing pampartido bago sumiklab ang digmaang Pasipiko; ang pagpipisan ng Partido Sosyalista at Partido Komunista na nagpalaki nang artipisyal na bilang ng mga kasapi ng huli at ang Deretsistang preambulo sa Saligang Batas; Kapitulasyonismo sa imperyalismong Amerikano at sa pamahalaang Commonwealth; kawalan ng planong ilipat ang himpilan ng Partido mula sa lunsod patungo sa bukirin; ang linyang anti-hapones lamang sa panahon ng digmaan; at ang paglilipat ng mga sentral na organo ng Partido sa lunsod matapos ang digmaang anti-hapones at ang hayagang Deretsistang oportunistang mga patakaran ni Vicente Lava, Jorge Frianesa at Pedro Castro nong 1945-58

Ang emperisismo ay sumisibol sa estatikong pagmamaliit sa mga demokratikong pwersa ng bayan at sa estatikong labis na pagpapalaki sa lakas ng kaaway. Ang gawaing Pampartido ay dinidikta ng mga pagkilos ng kaaway sa halip ng isang diyalektikong pagkaunawa ng kalagayan at ng pagtitimbang-timbang ng mga pwersa. Ang rebolusyonaryong inisyatiba ay nawawala sa dahilan sa naka-pirmi, isang-panig, buo at malawak na mga pangangailangan ng anti peudal, angti-imperyalista at anti-pasistang pakikibaka.

Kaya, nariyan ang labis na pag-ukol ng pansin sa panglunsod na gawaing pampulitika dahilan sa suhetibistang at oportunistang pagnanasa na makipagpaligsahan o makipagsabwatan sa mga burges na partido at grupo at magmakaawang humingi ng kapayapaan at demokrasya mula sa imperyalistang Amerikano at reaksyonaryo sa kanilang sariling panglunsod na balwarte. Ang rebolusyonaryong inisyatibo ng proletaryado sa bukirin, na kinaroroonan ng kanyang pangunahing kaalyado, ang uring magsasaka, at may pinakamalawak na lugar para sa pagmamaneobra, ay minaliit. Nariyan din ang personal na pagnanasang peti-burges na malasap ang mga kaluwagan at prestihiyo ng buhay sa lunsod.

Subalit, nariyan ang kabilang mukha ng bagol na suhetibismo. Sa pagitan ng 1948 at 1954, ang suhetibismo na tipong dogmatista ay sumibol sa ilalim ng lideratong Jose Lava at pahapyaw sa ilalim ng lideratong Jesus Lava. Ang dogmatismong ito ay tumubo sa labis na pagpapalaki sa mga demokratikong pwersa ng bayan at sa labis na pagmamaliit sa lakas ng kaaway, nang hindi isinasaalang-alang ang mapagtiyagang kaparaanan ng isang pangmatagalang digmaang bayan. Sa ilalim ng lideratong Jesus Lava, tinahak ang estratehikong linya na ang Partido ay tiyak na makaagaw ng kapangyarihan sa loob ng dalawang taon. Hindi nito tinuring nang lubos ang pangangailangan ng isang tahas at matagalang kaparaan ng pagbubuo ng Partido, pagbubuo ng isang hukbo ng bayan at ang pagbubuo ng isang rebolusyonaryong nagkakaisang hanay.

Ang suhetibismo na tipong dogmatista na kinatawan ng lideratong Jesus Lava ay mahilig gumamit ng mga salitang walang kaugnayan sa buong batayang situasyon. Ito ay estilo ng panggugulat sa ilang kasama ng kaalamang galing sa aklat at ilang sinasabing tanging kaalaman ukol sa kalagayang pandaigdig, at ukol sa “inner circle” ng kaaway. Batay dito, ang liderato ay gumawa ng mga desisyong nagpagal sa Partido at masa nang higit sa kanilang kakayahan at pag-unawa sa isang partikular na panahon. Ito ay hindi nagbigay halaga sa matiyagang gawaing pagpapakilos ng masa sa pagpapaunlad ng isang digmaang bayan.

Sa kabilang panig, ang suhetibismong tipong empirisista na kinatawan ng lideratong Vicente Lava at Jesus Lava ay ginahis ng superyoridad militar ng kaaway. Ang mga lideratong ito ay nagsitahak sa linya ng pasibismo sa estratehiya man o sa taktika. Hindi nila nakita ang posibilidad ng pagbabago ng puwersa ng rebolusyon sa ilalim ng proletaryong rebolusyong simulain at patakaran na tumpak na naisasagawa batay sa mga batas pangloob ng pagbabago ng kasaysayan ng Pilipino at lipunang Pilipino. Nahatak na lamang sila sa agos ng pagkagapi nang hindi nagsikap na maagaw ang rebolusyonaryong pagkukusa.

Ang empirisismo at dogmatismo ay dalawang mukha ng iisang peti-burges na bagol. Ang isang pagpapaikot ng bagol na ito ay magpapakita nang bigla sa mukhang ito o sa mukhang iyon. Ang suhetibistang kamalian ng lideratong Vicente Lava at Jose Lava, empirisismo at dogmatismo ay parehong napapabilang sa iisang peti-burges na bagol. Sila ay magkatulad din na maka-burges na sakit ng suhetibismo na nagpahirap sa Partido at gumawa ng kaguluhan sa kasaysayan ng ating Partido.

Ang pagbaligtad ng suhetibismo mula sa empirisismo at sa empirisismo mula sa dogmatismo ay karaniwan lamang sa mga nagtataglay ng petiburges na pananaw pandaigdig. Gayunman, kapag ang isa ay prinsipal na aspekto ng isang paninindigang suhetibista, ang iba ay nakatakdang maging pangalawang aspekto at ang pangalawang aspekto ay magiging prinsipal na aspekto sa iba pang panahon. Iyan ang diyalektikong pag-uugnayan ng empirisismo at dogmatismo. Ang mga kasama ay hindi dapat na magtaka kung bakit sa ilalim ng isang lideratong dogmatista ay mayroong mga pangyayari ng empirisismo, ang pagiging magkatulad ng dogmatismo at empirisismo ay ang paggamit ng makitid at di sapat na karanasan bilang batayan ng mga pangkalahatang suhetibistang desisyon. Gayundin, ang mga kasama ay hindi dapat na magtaka kung ang isang liderato na may iisang oryentasyong peti-burges ay babaliktad sa dogmatismo mula sa empirisismo at pabaliktad muli sa empirisismo, at ganito o ganoon. Ang lahat ng mga suhetibista ay nabibigong unawain ang mga batas ng diyalektikong pag-unlad at kung kaya’t sila ay di-matatag at pabigla-bigla.

Noong 1951, ang lideratong Jesus Lava ay ipinagpatuloy ang dogmatistang linya ng lideratong Jose Lava. Ngunit, makaraan ang ilan pang mga taon, ang suhetibismo na tipong empirisista ay nagsimulang pangibabawan ang lideratong Jesus Lava dahilan sa mga pagkatalong militar. Makaraan ito, ang lideratong Jesus Lava ay nagsimulang minalaki ang lakas ng kaaway at nagpatibay sa parliyamentong pkikibaka bilang pangunahing hugis ng pakikibaka, tumakas mula sa bukirin at pagkunwa’y ginamit ang tinaguriang patakarang ” isahang-pila” batay sa makitid na karanasang indibiduwal.

Sa paglalagom ng suhetibistang lideratong Vicente Lava, Jose Lava at Jesus Lava, masasabi natin na ang pangunahing sakit na peti-burges na dinanas ng Partido Komunista ng Pilipinas ay ang Lavaismo. Ito ang rebisyonismo sa Pilipinas at sa kaibutura’y ito ay kabiguang maunawaan ng rebolusyonaryong ideolohiyang Proletaryo at gamitin ito sa mga kongkretong kondisyon ng lipunang Pilipino. Ang Lavaismo ay nagpahirap sa Partido Komunista ng Pilipinas sa mahigit na tatlumpong taon: ito ay pinatutunayan ng katotohanan na ang Partido Komunista ng Pilipinas ay mahina pa rin sa kabila ng maraming taon na nitong pagkabuhay. Bagamat nakilala ang mga kamaliang pampulitika ng bawat lideratong Lava matapos na maibunyag ang napakalaking kapinsalaan, hindi nagsagawa ng lubusang kilusang pagwawasto upang maibunyag at maiwasto ang mga batayang kamalian sa ideolohiya. Sa kabila ng katotohanang ang suhetibismo ni Vicente Lava na ipinahayag ng kanyang patakarang “umurong para magtanggol” ay nagdulot ng malaking pinasala sa Partido, walang kasunod na kilusan sa pagwawasto na maaaring makapigil sa Deretsistang oportunistang kamalian ng mga sumunod na taon matapos ang digmaan. Gayundin, sa kabila ng mga malubhang kamalian ng lideratong Jose Lava, ang kasunod na liderato ay hindi lumalahok sa anumang seryosong kilusan sa pagwawasto. Hanggang ngayon, sa kabila ng mga malulubhang kamalian ng lideratong Jesus Lava at ng mga naunang liderato, mayroon pa ring malakas na pagtutol sa pagwawasto ng mga ito sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Kaya sa loob ng mahigit na tatlumpong taon, ang Partido ay nagpasalin-salin mula sa isang kamalian patungo sa panibagong kamalian dahilan sa kawalan ng sistematiko at obhetibong pagsusuri ng bawat kamalian sa ideolohiya, pulitika at organisasyon habang ang bawat kamalian ay nagaganap.

Ang katotohanan na ang liderato ng Partido ay nagpasalin-salin sa kamay ng mga magkakapatid, katangi-tanging pangyayari sa kabuuang pandaigdigang kilusang komunista, ay isang malaking palatandaan ng suhetibismo na umiral sa loob ng Partido.

Ang Lavaismo ay isang malaking karerismo sa loob ng Partido. Isang mapanganib na kaayusan ang naitatag nang ang mga katungkulan sa Partido ay ipinagkaloob sa mga malapit na kamag-anak batay sa pansariling pagtitiwala sa halip na ibatay sa pang-ideolohiya at makatotohanang pagtitiwala ng Partido. Sa ganitong paraan isang mekanikal at mala-aliping artipisyal na mayorya ang laging nakakasangkapan upang ihalal ang mga magkakapatid na Lava bilang mga pangkalahatang kalihim ng Partido sa isang serye.

Ang kasamaan ng suhetibismo ay patuloy na nagpupumilit sa loob ng Partido at ito ay dapat na mapuksa. Patuloy pa rin itong lumilitaw sa hugis ng sentimentalismo sa panig ng mga datihang kadre na tumanggap ng kanilang pagsasanay pang-ideolohiya mula sa mga nakaraang liderato. Kinikilala nila nang pasentimental ang mga sariling pagpapakasakit ng mga magkakapatid na Lava ngunit kasabay nito ay hindi nila nakikita ang maraming buhay ng mga mamamayan at kadre na ibinuwis sa altar ng mga suhetibistang kamalian at kabiguan at hindi nila nakikita na ang tinatawag na sariling pagpapakasakit ng mga magkakapatid na Lava ay siyang bunga ng kanilang mga suhetibistang kamalian at kabiguan.

Ang sentimentalismong ito ay naging isang hadlang sa pagwawasto ng mga pang-ideolohiya, pampulitika at pang-organisasyong kamalian. Kalalakipan ito ng suhetibistang paghanga para sa mga mataas na titulo ng burges akademiko na tinataglay ng ilang kadre. Ito ay lumilitaw din sa hugis ng pagtitiwalang personal para sa nagsipagtanggap ng kanilang pagsasanay pang-ideolohiya mula sa mga Lava at nagtatamasa ng pag-ayon ng mga sunod-sunod na lideratong Lava.

Ang Lavaismong umiral batay sa suhetibismo ay siya ngayong nag-aaruga sa pagyabong ng makabagong rebisyonismo sa Pilipinas. Sapagkat tayo ay nagpasyang muling buuin ang Partido, dapat nating salungatin nang buong tatag ang Lavaismo at lahat ng mga kamalian ng suhetibismo sa pamamagitan ng isang lubusang kilusang pagwawasto. Sa pagsasagawa ng ganitong kilusan hindi ang mga katauhan ng “dinastiya” ng Lava ang ating pakay; ang ating pakay ay ang pagwawasto ng mga suhetibistang kamalian. Kung hindi masasagawa ang kilusang pagwawasto, kung hindi magkakaroon ng pagpapatibay sa ideolohiya ang Partido, ang makabagong rebisyunismo, kung gayon, ay yayabong at papanghinain ang demokratikong rebolusyon ng bayan. Ang Lavaismo ay nagpupumilit na manatili sa loob ng maraming taon sa loob ng Partido dahilan sa kawalan ng isang kilusang pagwawasto na ating ipinasiya ngayong gagawin katulad ng ipinamalas ni Kasamang Mao Tsetung sa loob ng Partido Komunista ng Tsina. Ang isang kilusang pagwawasto sa loob ng Partido Komunista ng Pilipinas, ang nukleo ng diktadurang proletaryo ay dapat na isagawa sa pamamaraang Marxista-Leninista na katulad ng pagsasagawa ng isang rebolusyong pangkultura sa loob ng isang estadong proletaryo upang bakahin ang Deretsistang oportunismo at makabagong rebisyonismo.

Ang hugis ng suhetibismo na pangunahing nagbibigay katangian sa Lavaismo ay empirisismo. Ang dogmatistang lideratong Jose Lava at bahagya ang lideratong Jesus Lava ay isang “Iskiyerdistang” interegnum na nagtagal nang walong taon sa mahigit na tatlumpong taon ng Lavaistang empirisismo na pangunahing tinaglay ng lideratong Vicente at Jesus Lava. Sa kabuuang panahon ng Lavaismo, ang empirisismo ang pangunahing nagbibigay katangian sa pananaw pandaigdig nito; at ang dogmatismo ay pumapangalawa. Ang empirisismo sa pilosopiya ay nagbubunga ng Deretsistang oportunismo sa pulitika. Ang empirisismo at Deretsistang oportunismo naman ay nagbibigay ng batayan para sa makabagong rebisyonismo na buong pagpupumilit na itinataguyod ng mga makabagong rebisyonismo ay bigong-bigo sa pagyabong. Ang Partido Komunista ng Pilipinas ay dapat na bakahin ito nang lubusan, laluna ngayon na ang muling pagbubuo ng Partido ay isinasagawa.

B. Mga Kamaliang Pampulitika

Ang Deretsista at “Iskiyerdistang” oportunismo ay naisagawa sa kasaysayan ng Partido Komunista ng Pilipinas. Ang mga pampulitikang kamaliang ito ay nagmula sa suhetibistang pananaw pandaigdig. Ang makitid na pananaw pandaigdig na ito ay pinigilan ang Partido sa pagbubuo bilang isang Marxista-Leninistang Partido na matibay na nakaugnay sa masa sa isang pambasang saklaw, kumikilos nang may tumpak na estilo at nagsasagawa ng pagpupuna sa sarili, nagpapatupad ng isang programa ng rebolusyonaryong agraryo sa pamamagitan ng marubdob na sandatahang pakikibaka at gumagamit ng isang pambansang nagkakaisang hanay upang mapalawak ang kanyang impluwensya at pagtangkilik sa kanyang pakikibaka laban sa imperyalismong Amerikano, peudalismo at burukrata kapitalismo.

Ang panglunsod, parliyamentarismo at hayag na katangian ng Partido Komunista ng Pilipinas sa mga unang buwan ng kanyang pag-iral noong 1930 at 1931 ay siyang nagdulot ng mga kapahamakang pampulitika at kahirapan na kaagad nitong dinanas. Sa panahong ito, ang liderato ng Partido ay nahirati sa paggamit ng “Iskiyerdistang” lenguahe sa harap ng publiko laban sa kabuuang burgesya subalit hindi nagsasagawa ng mabisang gawaing ilegal na kasabay ng gawaing legal. Ang teorya ng Kasamang Mao Tsetung tungkol sa bukirin na pumapaligid sa lunsod ay hindi kaagad naunawaan ng Partido.

Ang pagpipinid ng pinto (closed-doorism) ay isang namumukod na katangian ng lideratong Crisanto Evangelista; ang ideya ng pambansang nagkakaisang hanay ay hindi kaagad nakilala at napagtibay. Ang lunsod na peti-burgesya ay hindi pinag-ukulan ng malubhang pansin bilang isang kaalyadong uri at bilang pinagbubuhatan ng kadre, sapagkat ang Partido ay binubuo pa sa hanay ng uring manggagawa. Ukol naman sa pinakamahalagang kaalyado ng uring manggagawa, ang uring magsasaka ay hindi kaagad itinuring bilang pangunahing pwersa na dapat imulat at pakilusin ng Partido, sapagkat ang sentro ng mga pampulitikang aktibidad ng Partido ay nasa lunsod pa. Kahit pa noong ang mga prinsipal na lider ng Partido at ang mga organisasyong pangmasa nito ay mapatapon sa mga iba’t-ibang lalawigan, hindi sila mulat sa kahalagahan ng paghahasik ng mga binhi ng bagong demokratikong rebolusyon sa ilalim ng lederatong proletaryo sa bukirin.

Sa panahon ng pagiging ilegal ng Partido, ang mga kadre na nagbuhat sa uring peti-burges ay nakapasok sa Partido at ang kanilang pagpasok ay naging kapansin-pansin sa taong 1935 at sumunod pa. Dahilan sa kanilang patuloy na peti-burges na katayuan sa lipunan at dahilan sa kakulangan ng mga kadre na kumikilos sa hanay ng masa, sa panahong ito nagkaroon ng di-pagkakatimbang ng mga kadre ng Partido sa hanay ng mga magsasaka at manggagawa. Sa mga unyon ng mga manggagawa, ang mga kadre ng Partido na kumikilos nang ilegal ay mabibilang sa mga daliri at sa hanay naman ng mga masang magbubukid noon na lamang 1937 na ang lalong kaunti pang mga kadre ng Partido ay kumikilos nang ilegal sa ilang mga bayan sa Gitnang Luson nang may kaunting tagumpay. Ang Partido Sosyalista ni Pedro Abad Santos, gayunman, ang may malawak ngunit mabuway na mga masang kapanalig; ang mangilan-ngilang sosyalistang kadre ay totoong nagbasa ng panitikang Marxista ngunit kulang sila sa disiplina ng mga kadreng komunista. Isang bagay ang ating matitiyak– ang lideratong Crisanto Evangelista ay hindi nagkaroon ng pagkakataon upang magsagawa ng gawaing pampulitika sa hanay ng mga magsasaka at magpaunlad ng ilegal na gawaing pampartido bago ginawang ilegal ang Partido at ang mga organisasyong pangmasa nito.

Ang pagpipisan ng Partido Komunista ng Pilipinas at Partido Sosyalista noong 1930 ay pa-artipisyal na pinagsama-sama ang malaking bilang ng mga magsasaka sa Gitnang Luson, partikular na yaong mga taga-Pampanga, at ang mga manggagawa sa lunsod na kaagad pinagsikapang pukawin at pakilusin ni Crisanto Evangelista sa ilalim ng anti-pasistang Prente Popular. Gayundin sa ilalim ng bandilang Prente Popular, ang mga kasapi ng Partido na nagbuhat sa peti-burgesya ay nagsikap na ilapit ang panglunsod na peti-burgesya sa pamamagitan ng ilang anti-pasistang organisasyon tulad ng League for the Defense of Democracy at Civil Liberties Union. Subalit, ang prinsipal na gawain ng Partido ay pamuling ibinuhos sa lunsod.

Ang pagpipisang ito naging pormalisado ang maitim na linyang burges ng rebisyonismo na ipinakita ng Deretsistang pangungusap sa Preambulo ng Saligang Batas ng Partido, nagsasabing ang Partido’y “ipinagtatanggol ang Saligang Batas (ng pamahalaang Komonwealth na papet ng Estados Unidos) at ang mga karapatang binabanggit dito…” Ang pagkuha sa mabuting pagtingin ni Queson sa Prente Popular ay pinag-ukulan ng malaking gawain ng mga lider ng Partido.

Ang pangangailangan ng paghahanda at pagpapaunlad ng mga baseng pambukid sa harap ng lumalaking panganib ng pasismo ay hindi nauunawaan nang lubos ng mga lider ng Partido; at kahit na nabatid ito, hindi nagkaroon ng sapat na paghahanda para sa sandatahang pakikibaka. Ang pandaigdigang kalagayan na buong linaw na tumuturo sa tiyak na pagsiklab ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay hindi inuugnay nang lubusan sa kalagayan ng Pilipinas. Magbuhat noong 1930 hanggang 1942 ang mga una at ikalawang linya ng liderato ay nagkasundo sa prinsipal na kahalagahan ng panglunsod na gawaing pampartido at ang una ay labis na nahumaling sa pagtatanggol ng mga “karapatang sibil” habang winalang bahala ang kahalagahan ng pagbubuo ng Hukbo sa hanay ng mga magsasaka sa ilalim ng isang programa ng rebolusyong agraryo. Inakala na lamang na ang pagpipisan ng Partido Komunista ng Pilipinas at ng Partido Sosyalista ay makapagtitipon ng mga magsasaka sa panig ng Partido. Sa ilalim ng bandilang Prente Popular at sa ilalim ng pagtangkilik ng pamahalaang Commonwealth, ang mga nangungunang kadre na Partido ay kumandidato para sa mga tanggapang pang-eleksiyon laluna sa Maynila at karatig-pook at sa ilang mga lalawigan, hindi na sinuri nang buong husay kung ano ang prinsipal na gawaing rebolusyonaryo sa bukirin.

Sa pagputok ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang Partido ay nagbigay ng isang memoramdum sa Pangulo ng Komonwealth na si Manuel L. Quezon na humihingi ng armas mula sa pamahalaang burges; ngunit si Quezon, na batid ang kanyang maka-uring interes, ay tumanggi sa kabila ng Prente Popular. Sa halip na umasa nang pangunahin sa kanyang prinsipal na gawaing rebolusyonaryo ng pagpukaw at pagpapakilos sa masa ng mga magsasaka sa ilalim ng liderato ng uring manggagawa, ang liderato ng Partido ay binigyang pangunahong diin pa ang pangalawa sa binubuo ng legal at panglunsod na pagkilos sa ilalim ng bandila ng Prente Popular. Ito ay nalinlang ng huwad na posibilidad ng pagbibigay ng armas ng papet na pamahalaan na nasa ilalim ng kontrol ng imperyalismong Amerikano.

Nang pasukin ng mga Hapones ang Maynila, ang unang linya ng liderato ay nadakip sa lunsod at ang iba pang mga kadre sa lunsod ay biglaang tumakas patungo sa iba’t-ibang mga lugar sa loob ng Maynila at sa bukirin, wala ni anumang plano ng organisadong pag-urong. Sa bahaging ito, makikita natin ang kamalian ng Deretsistang oportunismo na yumabong sa loob ng Partido at hindi naging puntirya ng mapagpunang pagbubunyag at lubus-lubusang kilusang pagwawasto.

Gayunman, ang liderato ng Partido na naturuan ng kagyat na kalagayan ay nagdaos ng Komperensya ng Biyurong Panggitnang Luson at binuo ang Hukbalahap noong ika-29 ng Marso, 1942 upang pamunuan ang popular na pagtatanggol laban sa mga mananakop na Hapones at sa kanilang papet ng pambansang kilusan sa pagtatanggol laban sa mga mananakop na Hapones at sa kanilang papet na pamahalaan. Ang Bundok ng Arayat ay pinili nilang sentro ng pambansang kilusan sa pagtatanggol at nakaraan ito, pinatunayan ng Hukbo ng Bayan ang kanyang rebolusyonaryong kagitingan at ang pagkamakabayan ng sambayananang Pilipino.

Matapos na matiyak ng mga Hapones ang Bundok Arayat ang siyang luklukan ng Partido at matapos na mabigo silang gamitin ang mga nadakip na lider ng Partido, tulad ni Pedro Abad Santos at Guillermo Capadocia, para sa isang “kampanya ng pakikipagkaibigan”, ang mga Hapones ay naglunsad ng isang pagsalakay sa Bundok Arayat na nagbunga ng pagkakadakip sa mga prinsipal na kadre ng Partido at mga kasapi. Matapos ang pananalakay na ito noong Marso, 1943 nang ang lideratong Vicente Lava ay nagpakita ng Deretsistang oportunismo sa pamamagitan ng pagpapatibay sa patakarang “umurong para magtanggol”, isang patakaran na nagpasidhi sa agos ng demoralisasyon sa mga masang kapanalig ng Partido sa lugar ng Bundok ng Arayat. Ito ay isang patakaran ng pag-iwas sa sandatahang pakikibaka laban sa kaaaway o ng pagbawas ng laki ng mga sandatahang pangkat at pagtulak sa kanila na maging pasibo. Si Vicente Lava ay nagpahiwatig na ang kapangyarihang proletaryo ay hindi maitatatag sa bukirin habang ang Partido ay hindi pa nahahawakan nang lubos ang lunsod. Ang aktibong pagtatanggol ng masa at ang pagiging impraktikal ng patakaran ang siyang nagbunyag sa kabulukan nito.

Bagamat idineklara ng Komperensya sa Bagumbali noong Setyembre, 1944, ang kamalian ng Deretsistang oportunistang patakaran ng “umurong para magtanggol” at nagbunga ng pagdemosyon sa mga Deretsistang oportunista at sa muling paggrupo-grupo ng mga iskwadron ng Huk para sa masidhing pagtatanggol, ang Deretsistang oportunista ay nanatiling malaking sinasabi sa Komite Sentral ng Partido. Higit pa rito, ang mga Sosyalista na automatikong naging mga kasapi ng Partido sa bisa ng pagpipisan noong 1938 ay hindi tinuruan ng tumpak na kaalamang Marxista-Leninista ng liderato ng Partido. Ang kapitulasiyonista at taksil na Luis Taruc ay nananatiling pangkalahatang kinatawan ng mga “sosyalista” na nabigong sumulong sa antas ng mga Marxista-Leninista.

Sa panahon ng sandatahang pakikibaka nakapagwagi ang masa ng tunay na kapangyarihan. Ngunit habang lumulunsad ang mga kawal ng imperyalistang Amerikano upang muling angkinin ang Pilipinas, ang Deretsistang oportunismo ay nangibabaw sa loob ng Partido at lumabas ang pangitain na ang mga mamamayan ay pagod na sa digmaan at ang Partido ay maaaring magpunyagi para sa katuparan ng kanyang mga simulain sa ilalim ng mga kalagayan ng “kapangyarihan at demokrasya” na ipinagkaloob ng imperyalistang Amerikano at mga asendero. Ang kalupitan na idinulot ng Military Police, mga Civilian Guards at lahat ng tipo ng mga ahenteng Amerikano laban sa mamamayan at ang di-makatarungang pagdakip at pagkukulong sa mga prinsipal na lider at mandirigma ng Hukbalahap ay hindi sumira sa deretsistang oportunistang pangitain ng parliyamentaryong burges. Pinahintulutan ng liderato ng Partido ang paglalansag sa mga nakararaming iskwadron ng Hukbalahap at ginawa ang pakunwang pagsuko ng mga armas. Ang Partido ay nagpasiyang ilipat na muli ang sentro ng kanyang aktibidad pampulitika sa lunsod sa ilalim ng bandilang parliyamentaryong burges.

Ang Saligang Batas ng Partido noong 1946 ay patuloy na tinaglay ang maitim na linyang burges ng rebisyonismo sa pamamagitan ng pagpapahayag sa Artikulo III, Seksyon 2 nito, ” Ang pagsapi o pakikilahok sa mga aktibidad ng anumang grupo, uri, paksiyon o partido na naglalayon o kumikilos upang wasakin, papanghinain o ibagsak ang demokratikong Saligang Batas ng Pilipinas ay paparusahan sa pamamagitan ng madaliang pagtitiwalag sa Partido”.

Hanggang noon Mayo, 1948 nang gampanan ng lideratong Jose Lava ang mga sentral na katungkulan, dinanas ng Partido ang hayagang paghahari ng Deretsistang oportunismo o rebisyonismo. Sa panahong katatapos pa lamang ng digmaan, nangibabaw ang Deretsistang oportunismo o rebisyonismo. Sa panahong katatapos pa lamang ng digmaan, nangibabaw ang Dreretsistang oportunistang impluwensya ni Vicente Lava, Pedro Castro at Jorge Frianeza. Si Jorge Frianeza ay tinanggal mula sa pangkalahatang kalihim at itiniwalag dahilan sa Deretsismo subalit hindi na naman nagkaroon ng lubus-lubusang kilusang pagwawasto upang puksain ang mga nagpupumilit na ugat ng mga kamalian. Ang lideratong Pedro Castro ay itinakwil din at pinalitan dahilan sa Deretsistang oportunismo at buntot-ismo sa pagtataguyod ng pagpapaunlad ng isang pangmasa at hayag na Partido na inakalang makikilahok lamang sa eleksyong burges. Ngunit ang mga kamalian ng lideratong ito ay hindi lubusang iwinasto sa ideolohiya at pulitika sa loob ng Partido bagamat gumamit ng mga mahigpit na kaparusahang pang-organisasyon doon sa mga pumanig kay Pedro Castro nang walang pagpapaliwanag sa mga masa na kasapi ng Partido.

Ang pangingibabaw sa liderato ng Partido ng mga kinatawan ni Jose Lava ay hindi sinabayan ng anumang lubusang kilusang pagwawasto. Sinamantala lamang ng lideratong ito ang pagkakataong hinihingi ng Partido at masa na ang sandatahang pakikibaka ay kinakailangan dahilan sa mga maka-pasistang pagsalakay sa mga mamamayan at sa kanilang halal na kinatawan sa Kongggreso na sumalungat sa Bell Trade Act at sa Parity Amendment at hindi pinaliwanag ang pang-ideolohiya, pampulitika at pang-organisasyong batayan ng isang pangmatagalang digmang bayan. Ang lideratong ito ay pa-automatikong umasa ng rebolusyonaryong pagtatagumpay batay sa mga panlabas ng kondisyon tulad ng rebolusyonaryong pagtatagumpay ng mga kasapi ng Partido, ang pagbagsak ng ekonomya ng Estados Unidos, at ng isang “namimintong” pagsiklab ng Ikatlong Digmaang Pandaigdig at ng lumalaking pagkakahati-hati sa hanay ng mga lokal na naghaharing uri.

Dahilan sa kawalan ng isang lubus-lubusang kilusang pagwawasto laban sa mga nakaraang Deretsistang oportunistang liderato na isinasagawa bukod sa pang-organisasyong pagtatakwil, ang Deretsistang oportunismo ay maaari pa ring manatili bilang isang malakas na pang-ilalim na agos o bilang pangalawang aspekto ng oportunismo kahit na sa ilalim ng “Iskiyerdistang” oportunistang lideratong Jose Lava. Natapos na ito ay pumaibabaw sa liderato ng Partido at tumahak sa linya ng sandatahang pakikibaka, pinahintulutan pa rin ito ni Luis Taruc na makipag-usap sa pamahalaan ni Quirino tungkol sa mga kondisyon ng pagsuko at amnestiya. Ito ay isa pang halimbawa ng isang oportunistang dalawahang linya na higit na sumira sa rebolusuyonaryong kalooban ng masa kaysa nakalinlang sa kaaway. Walang tunay na Marxista-Leninistang liderato ng Partido ang magtuturing sa anumang alok ng pagsuko at amnestiya buhat sa estadong burges. Ang gawing ito’y kasingkahulugan na ng pagpapatupad sa oportunistang dualismo na nakalilito lamang sa nakikipaglabang masa, magpapasigla sa kapitulasyonismo at maglilingkod sa kaaway.

Ang lideratong Jose Lava ay nagawa nang pangunahin ang kamalian ng “Iskiyerdistang” oportunismo sa pamamagitan ng dogmatikong pagpapalagay na ang mga kaaway sa uring proletaryado ay nanghihina at lubos na nagkakahati-hati nang tuluy-tuluyan at magagawang agawin ng Partido ang kapangyarihan sa loob ng napakaikling panahon. Hindi nakilala na, sa ilalim ng mga kalagayang nagaganap na noon at ngayon, ang isang pangmatagalang digmaang bayan ay dapat na ilunsad sapagkat ang kaaway ay tunay na malakas pa. Dahilan sa nakaraang kabiguan na ikalat ang mga kadre sa mga mahalagang bahagi ng bansa bukod sa Gitnang Luson, Maynila, Rizal at Timog Katagalugan at dahilan sa Deretsistang oportunismo noong digmaang anti-Hapones at mga ilang taon pagkaraan nito, ang Partido at ang Hukbo ng Bayan ay nabigong magbuo sa pambansang kasaklawan kung kaya’t nabigo ang mga itong pag-isahin ang mga mamamayan sa isang pambansang kasaklawan. Ang Partido ay nakaasa lamang sa mga mamamayang nasa mga lugar na nasasakop ng Hukbalahap at ng Barrio Unit Defence Corps. noong panahon ng pakikibakang anti-Hapones. Mangangailangan ng isang pangmatagalang panahon upang magawang rebolusyonaryong kalamangan ng Partido ang pansimulang kahinaan ng pakikipaglaban para sa demokratikong kapangyarihan ng bayan sa isang kapuluan na katulad ng Pilipinas.

Ang “Iskiyerdistang” oportunistang lideratong Jose Lava ay nabigong maunawaan nang lubos ang mga pangangailangan ng isang demokratikong rebolusyon ng bayan. Nabigo itong makita ang pangangailangan ng matibay na pagbubuo ng Partido, pagpapaunlad ng mga baseng pambukid sa isang rebolusyonaryong agraryo at sa isang rebolusyonaryong pambansang nagkakaisang hanay. Kung nabatid nito ang kinakailangang kumbinasyon at wastong paggamit ng mga sandatang ito, madali nitong mababatid na ang digmang bayan ay pangmatagalan at masalimuot.

Dahilan sa peti-burges na pagnanasa nitong maagaw ang kapangyarihan, inutusan nito ang mga organo ng Partido na pangibabawan ang lantay na pananaw militar, pangibabawin sa HMB Bulletin, ang mga teknikong artikulong pang militar, pag-aralan at gamitin ang 90-linggong “Master Training Schedule”– isang aklat na inilabas ng Hukbo ng Estados Unidos at ng reaksyonaryong Hukbo ng Pilipinas, at iba pa. Ang mga partikular na halimbawang ito ay nagpapakita nang ganap na kakulangan ng pagkaunawa sa katangian ng digmaang bayan ng lideratong Jose Lava.

Ang “Iskiyerdistang” oportunistang liderato ni Jose Lava ay pangunahing natatangi sa kanyang kapusukang militar at peti-burges na pagkamapanghiganti sa “Iskiyerdistang” oportunismo at sa Deretsistang oportunismong sinalungat nito ay ang peti-burges na pangitaing ang mga pwersa ng bayan ay mauutusan mula sa lunsod at ang lunsod ng Maynila, ang pinakamalakas na base ng kapangyarihang estado ng burgesya, ay madaling maagaw kahit hindi na magbuo ng mga baseng pambukid. Marami pang mga puntos ang maaaring matalakay sa ilalim ng seksiyon ng mga kamalian sa militar na tumutukoy sa abenturismong militar ng lideratong Jose Lava.

Ang sesyong plenaryo ng Komite Sentral na ginanap ng Politburo-Out sa ilalim ng lideratong Jose Lava noong Pebrero-Marso, 1951 matapos na madakip ang Politburo-In ay nabigong liwanagin nang lubos ang pagbubuo at paghawak ng tatlong sandata ng Rebolusyong Pilipino: ang mga ito ay, pagbubuo ng Partido, sandatahang pakikibaka at ang pambansang nagkakaisang hanay. Tinakpan nito ang mga batayang kamalian ng lideratong Jose Lava sa pamamagitan ng mababaw na pangangatwiran katulad ng “Kapabayaan” ng mga nadakip na lider ng Partido at ang pangtaktikang pagkakamali ng mga kumander at kasapi. Naibunyag sana ng isang kilusang pagwawasto ang pang-ideolohiya at pampulitikang batayan ng kabiguan ng lideratong Jose Lava, at sa ganito’y mapupuksa ang panganib ng oportunismo na nagpapatuloy na manatili sa kanyang Deretsista o “Iskiyerdistang” hugis.

Matapos na hawakan ng lideratong Jose Lava ang pamunuan, ang Iskiyerdistang” oportunismo ay nagpatuloy sa hugis ng mga tendensiya ng mga pangkat na naglalagalag na rebelde na idinulot ng sapilitag paghihiwalay-hiwalay ng mga sandatahang pangkat. Sa kawalan ng pamatnugutang sentral ng isang pangunahing sandatahang pwersa, ang mga nagkahiwa-hiwalay na mga sandatahang pangkat na napailalim sa mga malalaking operasyon ng pagkubkob at pagsupil ng reaksiyonaryong hukbo ay nakagawa ng mga indibidwal na pang-aabuso at pagmamalabis na binigyang matwid sa ngalan ng “pakikibaka para mabuhay” o “pakikibakang pangkabuhayan” na ginamit para sa kanyang kalamangan sa digmaang pangsikolohiya. Sinamantala ng hukbong reaksyonaryo ang ilang indibidwal na pagmamalabis ng ilang sandatahang pangkat ng Hukbo ng Bayan at sistematikong gumamit ito ng mga kawal reaksyonaryong nagdamit sibilyan upang gumawa ng sarili nilag pang-aabuso at ibinintang ito sa Hukbo ng Bayan. Sinamantala ng kaaway ang pag-iral ng sektaryanismo sa loob ng lideratong Jose at Jesus Lava at ginamit ito sa kanilang kalamangan.

Dahil sa napagkaitan ng mabisang sentral na pamatnugutan ang lahat ng mga pangkat ng Hukbo ng Bayan at dahil sa patuloy na pinahirapan ng sunod-sunod na pagkatalong militar ang idinulot ng kaaway at ng kapitulasyonismo at isplitismo ni Luis Taruc at ng kanyang mga maka-Titong alagad, ang lideratong Jesus Lava ay higit na naging kapansin-pansin sa pagpapatibay nito sa parliyamentaryong pakikibaka bilang pangunahing hugis ng pakikibaka noong 1957 at sa paglalansag ng mga sandatahang pangkat na nasa ilalim ng kanyang pamumuno. Ang Deretsistang oportunistang ito ay patuloy pang pinayabong ng mga sumunod na isahang-taong pagtakas ng mga prinsipal na lider ng Partido mula sa bukirin patungong lunsod na nagbunga ng kanilang pagkakadakip sa lunsod. Ang mga isahang-taong pagtakas na ito ay nagbigay-daan sa pinakamasamang patakaran ng lideratong Jesus Lava, ang patakaran ng “isahang-pila”, na lumilikida sa kolektibong buhay ng Partido at aktuwal na pinawi ng malaking bilang ng mga pangkat ng Partido at mga sandatahang pangkat, kaya’t hindi rin nagtagumpay maging ang Deretsistang oportunistang layunin ng pangunahing pakikilahok sa parliyamentaryong pakikibaka. Noong 1965, nagtangkang pangibabawan ni Jesus Lava ang kanyang likidasiyonistang patakaran sa pamamagitan ng pagmungkahi sa patakaran ng nagkakaisang hanay bilang pangunahing linya ng Partido; subalit lalo lamang siyang napabaon sa mga kamaliang pang-ideolohiya at pampulitika sa pamamagitan ng pagpapalabas ng mga transisyong pampulitika nang walang kolektibong pagtatalakayan sa loob ng Partido.

Ang masiglang muling pagsulong ng Partido Komunista ng Pilipinas ay utang sa paglitaw ng mga bagong kadre at muling napaaktibong kadre ng Partido na ngayo’y pinapatnubayan ng pinakamataas na kaunlaran ng Marxismo-Leninismo sa kasalukuyang panahon, ang Kaisipang Mao Tsetung.

Gayunman, sa kasalukuyan, ang Lavaismo ay nananatiling isang mapanirang impluwensya sa loob ng Partido. Sapagkat ang Lavaismo ay isang sakit na dinanas ng Partido sa loob ng napakahabang panahon, na hindi lubusang pinuna bago marating itong kasalukuyang yugto sa pag-unlad ng ating Partido, ang Lavaismo ay hindi magagapi sa loob ng isang linggo, buwan o taon. Hindi ito matatanggal sa Partido kahit na maibagsak pa ang mga tuwiran nitong mga kinatawan sa kanilang mga posisyon sa pamunuan ng Partido maliban na lamang kung ating pupuksain ang mga ugat nitong pang-ideolohiya at pampulitika. Dahil sa mga kasalukuyang kalagayan, ang mga panganib na Deretsista o “Iskiyerdistang” oportunismo ay laging haharap sa atin. Subalit yaong mga naninindigan sa Kaisipang Mao Tsetung at sa tumpak na linyang pangmasa ng Partido ay laging papanatilihin at papasiglahin ang kanilang rebolusyonaryong lakas at katatagan upang magwagi.

Dapat itanim sa isipan na ang Lavaismo ay pangunahing Deretsistang oportunismo at sa pangalawa ay “Iskiyerdistang” oportunismo. Ngayon, ilan sa mga kasapi ng Partido ay labis na binibigyang halaga ang legal at panglunsod na mga “nasyonalistang” organisasyong pangmasa tulad ng Makabayang Adhikaing Nagkakaisa (MAN), at ang pamamaraan tulad ng Magna Karta ng Paggawa, batas ng Reporma sa Lupa at iba pa. Sa kabilang panig, mayroon namang isang pang-ilalim na agos ng mga musmos na “Iskiyerdistang” oportunista na labis na winawalang-halaga ang legal na organisasyong pangmasa at nasanay sa pagbibigkas ng mga “Iskiyerdistang” lenguahe nang walang aktuwal na pakikilahok sa gawain at pakikibakang masa laban sa mga nagsasamantala sa kanilang mga sariling mamamayan.

Ang makabagong rebisyonismo ay nakakuha ng mapagbabatayan sa lipunang Pilipino sa pamamagitan ng mga Deretsistang oportunista. Kinakailangang bakahin ang makabagong rebisyonismo sa pamamagitan ng rebolusyonaryong praktika ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung. Kung hindi manyayari ito, patuloy na dadanasin ng Partido Komunista ng Pilipinas ang di-pag-unlad at pagkatalo sa pakikibaka para sa demokratikong kapangyarihan ng mga mamamayan.

K. Mga Kamalian sa Militar

Ang mga kamalian sa ideolohiya at pulitika ay laging humahantong sa mga kamalian sa sandatahang pakikibaka. Ang isang Partido na hindi nag-uukol ng malubhang pansin sa pag-uugnayang ito ay mabibigong gampanan ang kanyang senral na rebolusyonaryong tungkulin na pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika at ang pagpapatibay nito.

Ang sandatahang pakikibaka ay siyang pangunahing sandata ng Partido Komunista ng Pilipinas sa pagsulong ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Kung walang isang hukbo ng bayan na nasa ilalim ng pamumuno ng Partido, ang mamamayan ay wala ni anuman katulad ng itinuturo ng Kasamang Mao Tsetung sa kanyang teorya at praktika ng rebolusyong Tsino. Sapagkat ang ating Partido ay umiiral sa isang mala-peudal at mala-kolonyal na bansa, sa paglulunsad nito ng isang digmaang bayan sa bukirin ay dapat na pagsamahin ang tatlong kinakailangan at di-mapaghihiwalay na mga bahagi; ang mga ito ay, rebolusyong agraryo, mga baseng pambukid at sandatahang pakikibaka.

Sa unang labing-dalawang taon ng Partido, 1930-1942, hindi kaagad pinaunlad ng Partido ang tatlong ma komponenteng ito. Noong 1931, naranasan nito ang unang pagsupil ng kapangyarihang estado ng burgesya. Ang kapangyarihang estado ng burgesya, taglay lahat ng mga mapanupil na sandata sa kanyang mga kamay, ay matagumpay na lumikha ng mga malubhang pagpapahirap sa Partido sa loob ng maraming taon.

Ang pagpipisan ng Partido Komunista at Partido Sosyalista ay nabigong gumawa ng mga mahalagang paghahanda sa sandatahang anti-pasistang pakikibaka dahil sa pangunahing iniukol ang gawaing pampartido sa parliyamentaryong pakikibaka. Ang mga kadre sa lunsod na nangagsitakas patungong bukirin noong panannakop ng mga Hapones ay nabigong umurong sa isang organisadong paraan, kaya’t inilantad ang kabiguan ng lideratong Crisanto Evangelista na buuin ang Partido sa matibay na pundasyon sa hanay ng mga magsasaka batay sa kanilang pakikibaka para sa lupa na siyang pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyon ng bayan. walang mga naihandang baseng pambukid para sa paglulunsad ng isang digmaang bayan sa mga pasista.

Sa panahon ng digmaang anti-Hapones, ang Deretsistang oportunistang kamalian ng patakarang “umurong para magtanggol” ay isang kamalian sa linyang pang-militar. Sinalungat nito ang Marxista-Leninistang simulain na ang Pulahang Kapangyarihan ay maaari lamang mabuo sa pamamagitan ng paglulunsad ng digmaang rebolusyonaryo. Ang patakarang “umurong para magtanggol” ay katulad ng patakarang “lie low” ng USAFFE o pag-iwas sa sandatahang pakikipaglaban sa mga mananakop na Hapones at sa kanilang mga mersenaryo. Ang pagtaas ng kapangyarihang rebolusyonaryong proletaryo ay pinigilan ng Deretsistang oportunistang linyang pang-militar na ito. Sa madalian at matagalan mang panahon maging noong matapos itong ituring na maling patakaran at ang mga iskwadron ng Hukbalahap ay nagwagi ng sunod-sunod na tagumpay noong mga huling araw ng taong 1944, at noong mga unang araw ng taong 1945.

Matapos na itakwil ang patakarang “umurong para magtanggol”, ang lakas ng Partido at ng Hukbo ng Bayan ay sumulong nang walang patlang. Sa loob ng ilang buwan, ang lawak at populasyon na naabot ng Partido at ng Hukbo ng Bayan ay mabilis na lumaki na halos ang higit na malaking bahagi ng Gitnang Luson ay nasa ilalim ng mabisang liderato ng Partido at ng Hukbo ng Bayan at ang Hukbo ng Bayan______________________ katagalugan.

Gayunman, dahilan sa kabiguang alisin ang mga pang-pilosopiya at pang-organisasyong ugat nito sa Komite Sentral, ang Deretsistang oportunistang linyang pang-militar ay nagpatuloy bilang malakas na pang-ilalim na agos at pagkatapos ay muling sumulpot bilang pangunahing linya, ang tinawag na linyang “propaganda” ay naiiba sa “tunay” na linya. Ang tinawag na linyang “propaganda” ay nagpapahayag na ang Partido’y hayagang nagnanais ng “kapayapaan at demokrasya”, lalahok sa pulitikang burges sa pamamagitan ng Democratic Alliance at ang “tunay” na linya’y nagsasabing ang Partido’y aktuwal na nagtatago ng kanyang mga sandatang kapangyarihan sa hugis ng mga nakatagong kahon ng armas. Sa ilalim ng idealistikong isipan, ang paglilinlang ay ginawang pinakaubod na bahagi ng linyang estratehiko. Subalit habang hindi nalinlang ang kaaway ng pakunwaring pagsusuko ng mga armas ng Hukbalahap, lumikha naman ito ng kalituhan sa hanay ng mga kadre at ng masa. Nabigong itatag nang buong tibay ng liderato ng Partido ang linyang pangmasa dahilan sa pagtataguyod nito ng dalawahang linya at nawala ang kanyang pagkakahawak sa armas.

Patuloy na sinupil ng kaaway ang mga mamamayan at ang Partido habang kusang-loob namang nilalansag ng Partido ang mga sandatahang pangkat ng Hukbo ng Bayan sa ilalim ng lisyang bandila ng “kapayapaan at demokrasya” di katulad sa Tsina at Indo-Tsina na ang mamamayan ay hindi binitiwan ang kanilang mga armas. Ang pinakabuod na katunayan ng Deretsistang oportunismo ay naipaliwanag na sa mga naunang seksyon.

Sa ilalim ng lideratong Jose Lava, ang kamalian ng adbenturismong militar at ng pangingibabaw ng lantay na pananaw militar sa pamunuan ay ginawa bilang isang labis na pagbaliktad ng deretsistang oportunismo. Ang peti-burges na pananaw pandaigdig ng Lavaismo ay siyang pundamental na dahilan ng mga “Iskiyerdistang” suhetibistang kamalian ng adbenturismong militar na kinatawan ni Jose Lava. Hindi nito pinahintulutan ang liderato ng Partido na maunawaan ng mga batas ng pag-unlad ng isang digmaang bayan sa lipunang Pilipino at kung kaya’t pinigilan ang pagpapatibay ng tumpak na estratehiya at mga taktika.

Ang makasariling pagnanasang agawin ang kapangyarihan sa lunsod sa loob ng dalawang taon lamang nang hindi naglalahad ng malawak na batayan sa hanay ng mamamayan ay nagpapakita ng kulang na pagkaunawa ng pangmatagalang digmaang bayan. Habang ang “Iskiyerdistang” oportunismo ay sumulpot bilang prinsipal na aspekto ng Lavaismo sa ilalim ng lideratong Jose Lava, ang Deretsistang oportunismo ay nagpumilit na manatili bilang pangalawang aspekto o bilang isang pang-ilalim na agos. Habang tinatayang mahina ang kapangyarihan ng mga naghaharing uri dahilan sa panloob na pagkakahati-hati, ang lideratong Jose Lava ay nagbigay ng mga utos na ang papuputukan lamang ay ang mga papet na kawal Pilipino at mahigpit na ipinagbawal ang pagsalakay laban sa mga tauhan militar ng Estados Unidos.

Ang pagwawalang-bahala sa militar na pagtulong ng Estados Unidos sa mga lokal na reaksyonaryo ay “Iskiyerdistang” oportunismo ngunit kasabay nito, naroon naman ang Deretsistang oportunismong huwad na paniniwala na ang pag-iwas sa pakikipaglabang militar sa Estados Unidos ay magpapagaan sa pakikipaglaban ng Hukbo ng Bayan. Ang pumapangalawang Deretsistang oportunistang linya noong digmaang anti-Hapones na ang Estados Unidos ay magbabalik sa Pilipinas upang isauli ang “kapayapaan at demokrasya” matapos na malupig ang mga pasista.

Ang isa pang malaking halimbawa ng magulong pag-iisip militar ay ang prinsipal at labis na “Iskiyerdistang” pag-asa sa panloob na pagkakahati-hati ng mga naghaharing uri at ang sumunod na labis na Deretsistang pangitain na ang mga pulitikong burges, sina Laurel at Rodriguez, ay mamumuno ng mga pagbabangon laban sa pamahalaang Quirino magbuhat sa Batangas hanggang Rizal kasabay ng Hukbong Magpalaya ng Bayan. Ang huwad na pangitain ay ginamit upang palakasin ang argumentong maaagaw ang Maynila sa “nalalapit” na panahon. Sa mga sandaling ito, ang HMB ay hindi nakapag-ipon ng sapat na lakas upang sakupin ang Maynila; hindi hihigit sa 3,000 Pulang kawal ang mapagsasama-sama lamang para sa layuning iyon, kasama ang tiyak na mga kahirapang ibubunga ng labis na paghigit ng sandatahang lakas ng bayan sa lahat ng iba pang mga lugar.

Ang nangingibabaw na “Iskiyerdistang” oportunistang linya ng lideratong Jose Lava ay ipinamalas ng pagbibigay ng mga kautusang mititar sa mga pwersa ng bayan sa bukirin buhat sa Secretariat o Politburo-In na nakabase sa lunsod. Kahit na sa bukirin, ang Politburo-Out ay malayo sa mga pangunahing pwersa militar at bukid na dapat sana nitong inaasahan. Mayroon pa ring papalaking agwat sa pagitan ng liderato ng Partido at ng masa na binubuo ng mga di-matatag na lugar sa Gitnang Luson at ng mga hayagang lugar na kinokontrol ng kaaway sa Timog Luson.

Sa panahong ito, nangibabaw ang paniniwalang ang pagtatatag ng mga baseng pambukid ay isang kakatwa at mala-utopyang isip “sapagkat ang Pilipinas ay isang maliit na bansa at isang kapuluan na walang matatag na likurang kalapit at karugtong ng isang malaking kaibigang bansa”. Si Jose Lava bilang pangkalahatang kalihim ay naghahambog na winalang bahala ang konsepto ng mga baseng pambukid at itinuring niya itong isang labis na ambisyong isip. Ni hindi natalos na ang mga baseng pambukid mismo ay malaking likuran ng mga sonang panggerilya. Ang kampo ng Politburi-Out sa Sierra Madre sa may bahagi ng Laguna ay umasa lamang sa isang nakatagong pisikal na base sa halip na isang baseng pambukid na kung saan malakas ang pagtangkilik ng mga mamamayan dahilan sa pagtatagumpay ng isang rebolusyonaryong agraryo at sandatahang pakikibaka. Ni hindi nabatid na sa katotohanan, ang mga sandatahang pangkat ay nakakakilos sa kapatagan na kung saan napakalakas ang tulong na ibinibigay ng mamamayan tulad sa Regional Command No. 2.

Ang sandatahang pakikibaka ay dapat sanang inilunsad bilang isang pang matagalang digmaang bayan na nilakipan ng isang rebolusyonaryong agraryo at pagpapaunlad ng mga baseng pambukid, na kung saan ang Hukbo ng Bayan ay dapat sanang sumulong sa isang serye ng mga alon sa ilalim ng liderato ng Partido na kaagad na nakahimpil sa bukirin. Ngunit ang peti-burges na lideratong ito ng Partido ay labis na nagmamadali, labis ang kapusukang maagaw ang kapangyari estado ng burgesya na nakaluklok sa Maynila. Hindi nabatid ng peti-burges na lideratong ito ng Partido na maari siyang makipaglaban sa kapangyarihang estado burgesya sa pamamagitan ng pagtatatag ng demokratikong kapangyarihan ng bayan sa bukirin. Sa kasukdulan ng adbenturistang kahangalan, ang mga lider ng Partido ay nagpapaalaman sa isa’t-isa sa publiko, “See you in Malacanang!”. Ipinakikita ng musmos na pag-uusap na ito ang adbenturistang pagnanasa ng lideratong Jose Lava na dalhin ang Hukbo ng Bayan sa mga tarangkahan ng Maynila sa loob ng napakaikling panahon na hindi muna nito pinauunlad ang sandatahang kapangyarihan ng masa at pagkatapos ay saka sumulong sa isang serye ng mga alon buhat sa mga napakatibay na baseng pambukid.

Habang ang himpilan ng Partido sa lunsod ay malayong nakahiwalay sa Politburo-Out at ang huli naman ay malayong nakahiwalay sa mga pangunahing pangkat ng Hukbo ng Bayan, nagbaba ng mga kautusan sa mga pwersa ng bayan upang lumundag tungo sa mga di-matatag at di-maaasahang lugar upang sabay-sabay na salakayin ang mga malawak na nagkakahiwa-hiwalay na punterya, tulad ng mga kampong militar, mga lunsod at mga ulong bayan. Ang tipong ito ng sandatahang pagkilos ay labis na humigit sa lakas ng Hukbo ng Bayan at patuloy na hinigit ang mga labis pang nahihigit na mga linya ng kumunikasyon at supply. Ang mga pagsalakay noong ika-26 ng Agosto, 1950 na isinagawa ng Hukbo ng Bayan alinsunod sa “PD Resolution” ng Enero, 1950 ay lubos na ipinakikita ang abenturismong kapusukan ng lideratong Jose Lava. Sa kaibuturan, nabigo itong kilalanin nang diyalektiko ang kakayahan ng kaaway na gumawa ng ganting-salakay na maaaring pumuksa sa mga labis na nahihigit na linyang nag-uugnay sa Politburo-Out at mga Regional Command at iba pa. Ginawa nga ito ng kaaway matapos ang mga pagsalakay noong ika-26 ng Agosto sa pamamagitan ng paghaharap ng 25,000 kawal sa hiwa-hiwalay na hukbo ng Bayan na lalong maliit ang bilang sa Gitnang Luson, Maynila, Rizal, Bikol at Panay.

Pagkaraan lamang ng ilang sandali matapos ang mga pagsalakay noong ika-26 ng Agosto na isinagawa ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan, ang punong himpilan ng Partido sa lunsod ay sistematikong winasak ng kaaway noong Oktubre, 1950. Kung ituturing ang tagumpay na ito ng kaaway, ang patakaran ng mabilisang pangangalap ng mga kasapi ng Partido sa lunsod ay naipakita ng kahangalan at paglabag sa depensibo at lihim na mga kahinaan ng panglunsod na gawaing pampartido. Ang mismong pinakamataas na organo ng Partido ay napasok ng kaaway. Ang isang security officer ng Politburo, si Taciano Rizal ay isa palang taksil, isang bayarang ahente ng Central Intelligence Agency (CIA) ng Estados Unidos. Ilang sandali matapos ito, ang Congress of Labor Organizations na ang pamunuan nito ay hayagang ipinahahayag na sila ay namumuno ng isang pangkalahatang pagwewelga kasabay ng opensiba ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan sa bukirin ay dinagukan din ng kaaway noong Enero, 1951.

Ang mga kabiguan ng patakarang militar laban sa kaaway ay kahanay din ng hindi tumpak na paghahawak ng mga kadre at kawal. Sa ilalim ng pagkukunwang “Bolsebisasyon”, ang lideratong Jose Lava ay gumamit ng mga mabigat na kaparusahan doon sa mga natagpuang nakagawa kahit ng mga maliit na pagkakamali. Ang pagpapataw ng kaparusahang kamatayan ay ginawa sa mga kadre at kawal para sa kanilang nagawa kahit na makakasapat ang magaang pagpaparusa at muling edukasyon. Sa pagpapataw ng mga kaparusahan, ang kasaysayan ng buhay ng mga kadre at kawal na nagkakamali ay hindi na itinuturing at kadalasa’y napapahiwalay ang kagyat na kamalian sa kalagayan. Ang mapagkamalang “Bolsebisasyon” ay ang mga alituntunin mula sa aklat militar ng burgesya. Ang di-tumpak na paghahawak na ito ng mga kadre at kawal ay higit na lumubha habang nagdaranas ng lumalaking bilang ng pagkatalo ang Hukbo ng Bayan at sumulpot ang tendensiyang patungo sa pagkakahiwa-hiwalay.

Habang ang sandatahang pakikibaka ay nanghihina noong mga huling araw ng 1951, ang pag-uugnayan sa pagitan ng Hukbo ng Bayan at ng mamamayan ay di-tumpak na hinawakan. Tiniyak ang mga kaibigan at di-kaibigang nayon. Ang paniniyak ay ginawa hindi para sa mga layunin ng paglulunsad ng wastong propaganda upang mahimok ang mamamayan at mapalapit sa mga ito kundi para sa mga layunin na mapaghiganti at mapangwasak na pagsalakay kahit na laban sa mga karaniwang mamamayan na ang ilan sa kanila ay kinumpiskahan ng mga hayop para mabigyan ng pagkain ang mga nahihirapang kawal ng Hukbo ng Bayan. Nagtatag ng mga baseng pamproduksiyon sa mga kabundukan at kapatagan ngunit ang mga ito ay winasak ng kaaway sapagkat napangalagaan lamang ng mekanikal na prinsipyo ng pagkukubli sa halip ng pampulitikang pagtangkilik ng masa. Nakagawa ng maraming pang-aabuso sa ngalan ng “pakikibakang pang-ekonomya” bilang resulta ng depresyon dahilan sa kawalan ng isang mabisang Marxista-Leninistang pamatnugutan nang lubos na bukod sa pagiging isang puwersang panlaban, ito ay isa ring puwersang pampropaganda at pamproduksiyon.

Lumabas ang isang tendensiya patungo sa naglalagalag na pangkat ng mga rebelde at naganap ang pagkabulok ng ilan sa mga pangkat na ito dahilan sa mga kamalian ng lideratong Jose Lava at ng mga ganting salakay na ginawa ng kaaway, dahilan sa kawalan ng isang tunay na disiplinang proletaryo, dahilan sa walang humpay na pagkakahiwa-hiwalay ng Hukbo ng Bayan at dahilan sa hayagang pagkawala ng mabisang sentral na pamatnugutan.

Ang lideratong Jesus Lava ay hindi naiwasto ang abenturismong militar ng lideratong Jose Lava dahilan sa kawalan nito ng isang malawak na pagkaunawa ng katangian at mga panunturan ng isang digmaang bayan. Ito ay lubusang walang kaalaman ukol sa pamamatnugot ng isang digmaang bayan sa yugto nitong estratehikong depensa at taktikang pananalakay. Katulad sa dati, ito ay lubusang walang alam na pamamaraan sa pagwasak ng isang kampanya ng pagkubkob at pagsupil na inilunsad ng kaaway. Dahilan sa kabiguan nitong unawain ang kaisipang Mao tsetung, hindi nito nagawang pagsamahin muli ang mga hiwa-hiwalay na sandatahang pangkat ng Hukbo ng Bayan na patuloy na sinasalakay sa isang malakihang paraan ng reaksiyunaryong hukbo nagbuhat noong 1951 hanggang 1955. Dinanas ng lideratong Jesus Lava ang malubhang sakit ng Lavaistang suhetibismo.

Noong 1957, sa ilalim ng mga kalagayan ng pagkatalong militar, ang lideratong Jesus Lava ay pinagtibay ang parliyamentaryong pakikibaka bilang pangunahing hugis ng pakikibaka. Si Jesus Lava ay nagkasala ng likidasyonismo nanng aktuwal niyang lansagin ang mga sandatahang pangkat, pati na ang kanyang sariling sandatahang tagapangalaga, at pinili ang buhay ng isang pugante sa lunsod. Ang mga isahang pagtakas ng Command-in-chief ng Hukbo ng Bayan, si Crisanto Alejandrino, at ng pangkalahatang kalihim ng Partido, si Jesus Lava, buhat sa bukirin patungo sa lunsod at ang kanilang kasunod na pagkakadakip ay maliwanag na ipinamalas ang maling linya ng liderato ng Partido.

Tanging sa lugar lamang ng Regional Command No.2, partikular sa lalawigan ng Pampanga at bahagya sa Tarlac, Bataan, Nueva Ecija nagpapatuloy ang mga labi ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan. Sa kasalukuyan, hindi yaong walang patumanggang sumunod sa lideratong Lava ang naglulunsad ng sandatahang pakikibaka. Ngunit ang isang lubu-lubusang kilusang pagwawasto ng Lavaismo at ng kapitulasyonismo ni Luis Taruc ay dapat na ilunsad nang partikular sa lugar na ito. Ang mga tendensiya ng naglalagalag na mga pangkat ng rebelde ay dapat ding maiwasto dito. Ang dapat na mapalakas ay isang tunay na Hukbong Mapagpalaya ng Bayan na nasa ilalim ng mabisang pamatnugutan ng isang Marxista-Leninistang Partido na pinapatnubayan ng Kaisipang Mao Tsetung, na isang sandata para sa rebolusyonaryong agraryo at nagbubuo ng mga matatag na baseng pambukid.

Kahinaan para sa Partido ang pagkatatag ng lakas sa mga lugar lamang ng Maynila at karatig pook, Gitnang Luson at bahagya sa Timog Luson. Bagamat may mga estratehikong kahalagahan ang mga lugar na ito, dito labis na naiipon ang kapangyarihan ng estado ng burges sa kapuluan. Ang isang bagong estratehiyang militar at mga taktika na kalinya ng Kaisipang Mao Tsetung ay dapat na gamitin kasabay nang pagtuturing nang lubusan sa mga pinakamahinang pagkakaugnay ng kapangyarihang estado ng burgesya, gagawin ang kapuluan na isang bentahe para sa Partido at Hukbong Mapagpalaya ng Bayan sa halip na isang desbentahe. Ang pagpapaunlad ng isang pangunahing puwersang militar at mga baseng pambukid sa Luson bukod duon sa Gitnang Luson ay dapat na ituring nang lubusan at ang iba pang pulo ng Bisaya at Mindanao ay dapat na gamitin upang paghiwa-hiwalayin at aksayahin ang sandatahang lakas ng kaaway.

D. Mga Kamalian sa Organisasyon

Sa organisasyon, ang pangunahing kahinaan ng Partido Komunista ng Pilipinas ay ang kabiguan nitong magbuo ng isang organisasyong may malawak na pangmasang katagian at sumasaklaw sa buong bansa. Sa pinagtatagan ng Partido, ang prinsipyo ng demokratikong sentralismo ay hindi ginamit nang tumpak sa pang-organisasyong buhay ng Partido, nagbunga ng mga kamalian ng sektaryanismo at liberalismo, at komandismo at buntot-ismo dahilan sa suhetibismo at oportunismo.

Ang pagbubuo ng isang Partido na may malawak na pangmasang katangian ay nangangailangan ng isang pambansang sistema ng mga kadre ng Partido na magtatatag ng isang malaking pangmasang kapanalig sa ilalim ng mga mahirap na kalagayang umiiral sa lipunang pilipino, isang matalinong patakaran ang maingat na pagbubuo ng Partido; kaya sa gayon, ang pangangalap at pagpapaunlad ng mga kadre ay dapat na palagiang umaayon sa mga pamantayan ng isang proletaryong rebolusyonaryong Partido.

Ang isang Partido na may malawak na pangmasang katangian ay nangangahulugang ang mga kadre ng Partido ay dapat na mayroong malawak na pangmasang kapanalig sa pamamagitan ng paggamit ng tumpak na linyang pang-ideolohiya, pampulitika at pang-organisasyon. Ang Partido Komunista ng Pilipinas ay maaaring magkaroon ng isang malawak na pangmasang katangian kung ang mga kadre nito ay mapamumunuan ang masa ng mga mangagawa at magsasaka sa pamamagitan ng rebolusyonaryong pakikibaka at sa ganito’y mapalalaki ang kanilang sariling lakas. Pinapatnubayan ng Partido ang rebolusyonaryong pakikibaka ng masa at bilang ganti’y nililikha naman ng pakikibaka ang mga pinakamahusay na nangungunang mandirigma ng Rebolusyon na silang nagiging mga kasapi ng Partido.

Nakaipon ng lakas ang Partido noong pakikibakang anti-Hapones sa pamamagitan lamang ng paglulunsad ng sandatahang pakikibaka at pamumuno sa masa ng magsasaka. Noong 1948, ang Partido’y muling nakapag-ipon ng rebolusyonaryong lakas sa loob ng ilang panahon hanggang ang mga kamaliang abenturismo ng lideratong Jose Lava ay papanghinain ang pagsulong ng rebolusyon. Sa halimbawang ito, ipinakita na ang Partido ay maaaring magtamo ng tunay na lakas pangmasa sa pamamagitan lamang ng pagpupukaw at pagpapakilos sa masa ng mga magsasaka sa linya ng rebolusyoanryong agraryo bilang pangunahing nilalaman ng demokratikong pakikibaka ng bayan. Sa huling pagsusuri, ang proletaryong rebolusyong Partido sa Pilipinas ay maaaring magkaroon ng isang malawak na pangmasang katangian sa pamamagitan lamang ng pagtatamo ng pangmasang pagtangkilik ng uring magsasaka, lalo na ang mga maralitang magsasaka at manggagawang pambukid.

Hanggang ngayon, ang mga kasapi ng Partido ay labis na naiipon sa Gitnang Luson at sa mga lugar ng Maynila-Rizal. Kahit na noong mga nakaraang pagtaas ng kilusang rebolusyunaryo sa Pilipinas, ang Partido ay hindi na nagtagumpay sa pagpapalaganap ng demokratikong rebolusyon ng bayan sa buong bansa sa pamamagitan ng sistematikong pagbabahagi ng mga kadre.

Sa panahon ng kanyang pagiging isang lider-obrero, si Crisanto Evangelista ay nakapagpaunlad ng kaunting pakikipag-ugnayan sa mga lider-obrero sa Kabisayaan. Nguni’t, siya mismo, kahit na noong huling bahagi ng mga taong 1930-1940, ay tinaglay ang pangitaing kung ang Partido ay makokontrol ang Gitnang Luson, ang buong Luson ay madaling susunod; at kung makokontrol ang Luson, ang buong kapuluan ay madaling susunod. Tulad ng mga unang pagpapaliwanag, ang mga lider ng Partido na itinapon sa maraming mga bahagi ng Luson ay hindi kumilos upang buuin ang Partido.

Sa simula ng digmaang anti-Hapones, nagkaroon ng pagtatangkang magpadala ng mga kadre sa Bisaya ngunit ito ay hindi ipinagpatuloy. Noong panahon ng digmaan, ang Partido at ang Hukbalahap ay pangunahing binuo sa iisang rehiyon ng Gitnang Luson. Kahit na sa malapit na rehiyon ng Timog katagalugan hindi nagawang agawin ng Partido ang pagkukusa at liderato sa digmaang anti-Hapones mula sa mga gerilyang maka-Amerikano. Matapos ang digmaan, ang suliranin ng pagpapadala ng mga kadre sa iba pang mga pulo ay hindi tinalakay nang buong lubha.

Noon na lamang kasigwaan ng sandatahang pakikibaka sa ilalim ng lideratong Jose Lava na ang mga kadre ng Partido ay pinadala sa Cagayan, Bikol, Panay, Ilokano at Mindanao upang buuin ang Partido. Ngunit ang mga naunang kadreng ito ay nabigong buuin ang Partido sa matibay na pundasyon at hindi sila nagkaroon ng sapat na panahon upang paunlarin ang sandatahang pakikibaka dahilan sa kabiguan ng Partido na gumamit ng isang tumpak na linyang pampulitiko. Ang pangunahing patakaran ng mabilisang pagtatagumpay militar ay hindi nagbigay sa mga kadre ng sapat na panahon upang paunlarin ang tatlong komponente para sa demokratikong kapangyarihan ng bayan: isang rebolusyong agraryo, mga baseng pambukid at sandatahang pakikibaka.

Sa buong panahon ng lideratong Jesus Lava, nagpatuloy ang kabiguang magbuo ng isang sandatahang organisasyon. Nasaksihan ng lideratong ito ang pagkawasak ng mga datihang pangkat ng Partido, pati na yaong mga bagong tatag sa labas ng Gitnang Luson. Kahit na noon pa mang mga huling taon ng 1950-1960 nang maaari nang magtatag ng mga legal na organisasyong pangmasa sa ilalim ng pamamatnugot ng Partido ay hindi naisagawa ng Partido ang seryosong pagtatangka upang magbuo ng mga legal na organisasyong pangmasa bilang kasangkapan ng pagpapalawak ng Partido. Noon na lamang makaraan ang 1960 na ang Partido, dahil sa pagpupunyagi ng mga bagong kadre at mga datihang kadreng muling napakilos, ay nangahas na isulong ang kilusang rebolusyonaryo. Ngayon ang Partido ay nagsisimula nang makapagtamo ng kainamang tagumpay sa pagbubuo ng isang Partido na sumasaklaw sa buong bansa.

Sa pamamagitan ng isang pambansang nagkakaisang hanay, ang proletaryong rebolusyonaryong Partido na nagbubunsod ng rebolusyong agraryo sa tulong ng pinagsasamantalahang uring magsasaka, ay maaaring mapalawak ang tulong ng kanyang tinatanggap sa pamamagitan ng pakikipag-alyansa sa mga suplementaryong rebolusyonaryong pwersa tulad ng panglunsod na peti-burgesya at ng makabayang aksiyon ng pambansang burgesya.

Sa Pilipinas, unang naranasan ng Partido ang isang nagkakaisang hanay na patakaran nang salungatin nito ang pasismo noong mga araw ng Prente Popular. Ngunit sa panahong ito, ang makapangyarihang impluwensya ng petiburgesya sa loob ng Partido ay nagsimulang papanghinain sa isang maselan na paraan , ang rebolusyunaryong katatagan ng Partido. Noong panahon ng digmaan , ang Partido ay nagtatag ng iba’t ibang mga organisasyon sa ilalim ng simulain ng pambansang nagkakaisang hanay. Ang mga nagungunang organisasyon ay ang Hukbalahap mismo at ang Barrio United Defense Corps.

Matapos ang digmaan, ang Democratic Alliance ay itinatag bilang isang pormal na organisasyon. Ngunit ang alyansang ito ay naglingkod lamang upang tangkilikin ang Deretsistang oportunismo at pahintulutan ang ilang mga personalidad na burges na gampanan ang liderato. Ang Partido na ang siyang nagpasan sa kanila sa loob ng ilang panahon hanggang ang mga ito ay nagkaripasan nang ang sandatahang pakikibaka ay sumidhi.

Sa panahon ng lideratong Jesus Lava, walang naitatag na tunay na nagkakaisang hanay dahilan sa kabiguang paunlarin ang sandatahang pakikibaka at ang mga legal na organisasyong pangmasa sa ilalim ng liderato ng Partido. Sa panahon na si Claro Mayo Recto ay namumuno na ng isang progresibong tipo ng nasyonalismo, ang Partido’y nabigong samantalahin ang kalagayan dahilan sa likidasyonistang patakaran na malubhang pumigil at nagbigay ng panganib sa mismong pang-organisasyong buhay ng Partido.

Ang Partido ay nabigo sa napakaraming mga pagkakataon ng paglahukin ang legal at ilegal na pakikibaka sa kanyang gawaing pang-organisasyon. Sa mga sandaling ang Partido ay ginawang legal sa kauna-unahang pagkakataon walang ikalawang linya ng liderato na maaaring gumanap sa mga tungkulin ng Partido nang legal o ilegal man. Sa simula ng digmaan, pinalitan ng ikalawang linya ng liderato ang nabihag na unang linya ng liderato ngunit ang ikalawang linya ay pangunahin nang napawalay sa gawaing pangmasa noon pa mang una dahil sa ito ay napalahok lamang sa limitadong gawaing pampilitika sa hanay ng mga elementong peti-burges.

Bilang resulta ng mga maling linyang pampulitika, nakagawa ng mga malubhang kamalian sa organisasyon. Ang demokratikong sentralismo ay hindi ginamit nang lubusan upang makagawa ng mga tumpak na desisyon.

Ang pag-iral mismo ng Lavaismo ay bunga pa rin ng mga garapal na paglabag sa demokratikong sentralismo. Ang kagulat-gulat na pagkakasunod-sunod ng mga lideratong Lava ay resulta ng maka-burges na pagmamaneobra na nagdulot ng panghihina at demoralisasyon sa hanay ng mga kadre ng Partido sa loob ng tatlumpong taon. Ang liberalismo sa pinakabulgar na hugis nito tulad ng nepotismo at paboritismo para sa mga personal na kaibigan ay isinagawa sa pagbibigay ng gawain at promosyon. Ang dambuhalang bunga nito sa paggawa ng mga desisyon ay Lavaismo.

Tinaglay ang liberalismo sa pagpipisan ng Partido Sosyalista at Partido Komunista ng Pilipinas. Ang mga kasapi ng Partido Sosyalista ay tinanggap nang pakyawan sa Partido Komunista ng Pilipinas nang walang pagtuturing sa pang-ideolohiyang pangangailangan ng isang pagiging Marxista-Leninista. Ang mga una at ikalawang linya ng liderato ay gumamit ng isang liberal na aktitud sa organisasyon ng Partido habang sila ay napatali sa panglunsod at legal na gawaing pampulitika bago sumiklab ang digmaang anti-Hapones. Ang Liberalismo sa gawaing pang-organisasyon na naganap sa panahon ng patakarang “umurong para magtanggol” ay bumukal mula sa iba’t-ibang mga pangyayari. Gayundin, ang malaking paglitaw ng liberalismo at legalismo na kinatawanan ni Vicente Lava, Jorge Frianeza at Pedro Castro, matapos ang digmaang anti-Hapones ay may diyalektikong pagkakaugnay-ugnay sa di-nawawastong Deretsistang oportunistang tunguhin na nagsimula noon pa mang bago magkadigma. Itinaguyod ni Jorge Frianeza ang kabuuang paglansag ng Hukbo ng Bayan at ang isang “pakikipag-isang hanay” sa reaksiyonaryong pamahalaan ni Roxas; at itinaguyod naman ni Pedro Castro ang pagbubuo ng isang “pangmasang partido” para sa parliyamentaryong pakikibaka at ang paglikida sa ilegal na gawaing pampartido. Sa loob ng Democratic Alliance liberal na patakaran ng pagpapahintulot sa Democratic Alliance na gampanan ang sentral na tungkulin sa pampulitikang pakikibaka ng masa ay isang kilos ng liberalismo.

Bagama’t ang pangunahing kamalian sa organisasyon ng lideratong Jose Lava ay sektaryanismo, pinanatili nito ang liberalismo sa paghihirang sa mataas na posisyon ng Partido at pangangalap ng mga kasapi ng Partido ng mga taong malapit nilang kamag-anak, malapit na kaibigan at kababayan nang hindi na nagdadaan sa mga pagsubok ng rebolusyonaryong proletaryong pakikibaka. Tiyak na ang liberalismo ay napalahok nang lubos sa patakaran ng mabilisang pangangalap ng mga ahente ng kaaway sa loob ng Partido. Ang pinakaugat ng patakarang ito ay personal na pagtitiwala. Ang isang nakakatawa ngunit masakit na halimbawa ng liberalismo ay ang paghirang kay Taciano Rizal sa isang napakahalagang posisyon batay lamang sa makitid na pagtuturing na tinataglay niya ang pangalan ng burges na pambansang bayani, si Dr. Jose Rizal.

Subalit, ang sektaryanismo pa rin ang pangunahing kamalian ng lideratong Jose Lava habang ang liberalismo ay pangalawa nitong kamalian. Habang nakahiwalay sa mga kongkretong kondisyon ng sandatahang pakikibaka sa bukirin, ang lideratong ito ay komandista sa pagbababa ng kanyang mga utos at dahil dito ay nangyari ang mga sektaryong pagmamalabis sa hanay ng mga nakikibakang puwersa sa ilalim ng islogang Bolsebisasyon sa loob ng Partido ay itinuring bilang mga kontradiksyon sa pagitan ng mga mamamayan at ng kaaway. Samantalang ang kinakailangan sa maraming mga pangyayari ay isang patakaran ng paghimok at pag-unawa, ang mga pinakamabigat na parusa ay ipinataaw sa mga nagkakamaling kasapi ng Partido at Pulahang kawal. Sa lunsod, ang sektaryanismo ay isinagawa sa pambansang nagkakaisang hanay. Bilang bunga ng kabiguan ng Democratic Alliance, ang lideratong Jose Lava ay mabilis na winalang bahala ang kahalagahan ng isang matimbang na patakaran ng pakikipagkaisang hanay sa mga panggitnang puwersa at lubusang winalang halaga ang mga legal na hugis ng pakikibaka.

Tinaglay ng lideratong Jesus Lava sa loob ng ilang sandali ang sektaryanismo ng lideratong Jose Lava. Sa loob ng ilang taon, ang liderato ng Partido na kinatawanan ni Jesus Lava ay gumamit ng mga sektaryang pamamaraan ng pananakot upang ang mga kasapi ng Partido ay sumunod sa linya at nagkaroon ng maraming pangyayari ng pagpapatay ng kadre sa mga kadahilanang tulad ng kabiguang ipatupad ang patakarang i-boycott ang eleksiyong burges noong 1951 at paghihinala lamang habang maraming kasapi ng Partido ay naging demoralisado at pasibo dahilan sa mga di-nawawastong kamalian ng liderato at sa malakihang pananalakay ng kaaway. Kahit na nang nagingibabaw ang Deretsistang oportunismo at ang mga sandatahang pangkat ay nalansag, ang sektaryanismo ay nagsahugis ng pagkukupkop sa mga kasapi ng Partido sa halip na ilagay sila sa pang-araw-araw na tunggalian ng uri. Sa loob lamang ng di kukulangin sa dalawang taon, ang pangunahing linya ng parliyamentaryong pakikibaka ay humantong sa likidasyonismo. Ang pagtakas ng liderato ng Partido mula sa bukirin patungong lunsod ay nagbunga sa kapabayaan ng mga organisasyon ng Partido sa bukirin at sa katapusan, sa mapangwasak na likidasyonistang patakaran ng ‘isahang-pila’ na nagwasak sa kolektibong buhay ng Partido at pumutol sa linya ng responsibilidad sa pagitan ng mga nakatataas na organo at ng nakabababang organo at sa pagitan ng Partido at ng mga kasapi nito. at sa pagitan ng Partido at ng mga mamamayan.

Ang lideratong Jesus Lava ay lumiit hanggang sa ang natira na lamang ay ang pangkalahatang kalihim, gumawa ito ng mga isahang-taong desisyon, naglabas ng mga transmisyong pampulitika buhat sa isang nakakubling silid at gumawa ng paghihirang sa mga mataas na posisyon ng Partido batay sa pangkamag-anak at personal na relasyon. Noong mga huling taon ng 1950-60, ang mga mahusay na pagkakataon para sa muling pagsasama ng Partido at mga sandatahang pangkat sa bukirin ay pinabayaan at ang mismong parliyamentaryong pakikibaka ay hindi isinagawa nang maayos. Noon na lamang mga unang taon ng 1960-70 na ang muling pagbubuo ng Partido at ang pagtatatag ng mga organisasyong pangmasa ay isinagawa ng mga kasapi ng Partido na malaya sa nakahiwalay na liderato ng Partido.

Ang buntot-tismo ay isang batayang katangian ng lideratong Jesus Lava,. Gayundin, tinaglay din ito ng mga nakaraang Deretsistang oportunistang liderato ni Vicente Lava, Jorge Frianeza at Pedro Castro.

Ang Lavaismo ay sakit pang-organisasyon na sa pangunahin ay liberalismo, buntot-tismo at paglabag sa demokratikong sentralismo at kolektibong buhay ng Partido. Ang isang lubus-lubusang kilusang pagwawasto na pupuksa sa pang-ideolohiya, pampulitika at pang-organisasyong ugat ng Lavaismo ay dapat na naisagawa upang muling mabuo ang Partido alinsunod sa kaisipang Mao Tsetung. Ang Lavaismo ay maaari pa ring magpumilit na manatili kung hindi magkakaroon ng puspusang pagpupunyagi upang maitakwil sa organisasyon ang ilang mga elemento sa loob ng Partido, na siyang mga ahenteng pang-ideolohiya at pampulitika ng Lavaismo at sa ganoon ay mga kinatawang pampulitika ng burgesya sa loob ng Partido.

(Itutuloy sa Susunod na Bilang)

Wastuhin ang kamalian at muling buuin ang Partido (Karugtong)