Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  

 
 
CPP Documents
Saligang Batas
CPP History
Rectify Errors and Rebuild the Party
Specific Characteristics of our People's War
Our Urgent Tasks
Program

Programa Sa Demokratikong Rebolusyong Bayan Sa Pilipinas (1968)

I. ANG SALIGANG KALAGAYAN
NG PILIPINAS NGAYON

Saligang kalagayan ng Pilipinas ngayon ang pagiging malakolonyal at malapyudal na bayang pinaghaharian ng mga imperyalistang Amerikano, burgesyang komprador, mga panginoong maylupa at mga burukratang kapitalista. Walang awang pinagsasamantalahan ng mga naghaharing interes na ito ang malawak na masa ng sambayanan.

Imperyalismong Amerikano at katutubong pyudalismo ang mga pangunahing suliraning ipinaghihirap ng buong bansa at inaadhikang maalpasan ng masa ng sambayanan.

Hindi nakamit ng rebolusyong Pilipino laban sa kolonyalismong Espanyol ang mga layuning palayain ang bansa at pawiin ang pyudalismo. Hindi naipagtagumpay ang rebolusyon ng mabuway na liderato ng mga ilustrado (burgesyang liberal) na nagpalinlang sa imperyalismong Amerikano na buong lupit na namaslang ng mga mamamayang Pilipino at nagkait sa kanila ng pambansang kasarinlan at mga karapatang demokratiko sa panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano at pagkaraan nito.

Sapul sa simula ng siglong ito, ginagamit ng imperyalismong Amerikano ang pyudalismo bilang batayang panlipunan nito sa Pilipinas. Sa pagkabigo ng lumang tipo ng rebolusyong pambansang demokratiko na pangunahing pinatnubayan ng mga idea ng liberalismo, nagtagumpay ang imperyalismong Amerikano sa paggamit ng mga katutubong pwersang papet upang biguin ang rebolusyonaryong adhikain ng sambayanang Pilipino at ipagkait sa kanila ang kalayaang pambansa, kalayaang makauri at mga karapatang indibidwal.

Inaaruga at ginagamit ng imperyalismong Amerikano ang burgesiang komprador bilang pangunahing kasangkapan nito upang panatilihin ang malakolonyal at malapyudal na sistema sa ekonomia,kultural at pulitika. Ang uring panginoong maylupa ay nananatiling pinakamahalagang alyado ng imperyalismong Amerikano at burgesiang komprador upang mapamalagi ang ugnayang pyudal at malapyudal sa malawak na kanayunan. Ang mga burukratang kapitalista ay lumitaw rin bunga ng imperyalistang pagtuturo sa "pamamahala sa sarili at demokrasya" upang pamalagiin ng imperyalismong Amerikano, katutubong burgesiang komrador at uring panginoong maylupa sa kasalukuyang reaksyonaryong estadong papet.

Ang magkasanib na pang-aapi ng imperyalismong Amerikano at pyudalismo ay kinapapalooban ng di-makatwirang palitan ng murang lokal na hilaw na materyal (asukal, niyog, abaka, troso at mineral) sa isang panig at mga yaring produktong pangunahing angkat sa Estados Unidos sa kabila, at ng pamumuhunan din ng surplas na kapital sa Pilipinas upang pangunahing itaguyod ang malakolonyal at malapyudal na tipo ng ekonomyang nagsasamantala sa masang manggagawa at magsasaka.

Sa panahon ng tuwiran at di-tuwirang paghahari ng imperyalismong Amerikano sa Pilipinas, ang masang anakpawis ay pinagsasamantalahan upang tugunan ang kahayukan sa tubo ng mga monopolyong kapitalistang Amerikano at mga katutubong reaksyonaryo. Katangian ng Pilipinas ngayon ang matinding pagsasamantala sa masang manggagawa at magsasaka, ang pangkalahatang pagkaatrasado sa lipunan at ang kabulukan at kalupitan ng reaksyonaryong estadong burges.

Malaki ang iniunlad ng uring manggagawang Pilipino sa bilang at karanasan sapul noong huling dako ng paghaharing Espanyol. Ngunit napigilan ang paglaki pa nito dahil sa mga limitasyon sa lokal na industrialisasyon at sa pagbibigay-diin sa produksyon ng hilaw na materyal, at nitong huli'y sa mga planta ng muling pagbubuo lamang, mga bagong plantasyon, minahan at negosyong mahigpit na hawak ng mga dayuhang monopolyong kapitalista. Ang uring manggagawang Pilipino ay naghihirap dahil sa kawalan ng pagkakataon sa kabuhayan at sa paglalabas ng mga monopolyong dayuhan ng labis-labis na tubo mula sa Pilipinas at sa mabigat na pagkakautang sa mga bangkong imperyalista.

Bagamat binibigyang-diin ang produksyon ng hilaw na materyal, atrasado ang agrikulturang Pilipino at umiiral ang pagsasamantala sa maralitang magsasaka at manggagawang bukid sa mga lugar na laganap ang pyudalismo; at sa mga lugar naman na kinatatayuan ng mga makabagong plantasyon, ang mga regular at panahunang manggagawang bukid ay sumasahod ng mababa at nagtatrabaho't nabubuhay sa mga kalagayang alangan sa tao.

Mahigit sa 90 porsiento ng populasyon ang mga maralita ng nayon na pangunahing binubuo ng mga magsasakang maralita, manggagawang bukid at mangingisdang maralita, at ang mga maralita ng lunsod na karamiha'y binubuo ng manggagawa, maglalako, maralitang tagayaring-kamay at walang hanapbuhay na naninirahan sa mga pook ng iskwater sa lunsod. Bagamat lubos na nakararami sa Pilipinas, sila ngayon ang pinakasalat at pinakaapi sa pulitika, ekonomya, lipunan at kultura. Sila ang pinakamalaking bukal ng rebolusyonaryong kapangyarihan laban sa pagsasamantalang dayuhan at pyudal.

Ang petiburgesyang lunsod ay naghihirap din dahil sa pagsasamantalang dayuhan at pyudal. Bagamat maluwag-luwag ang kabuhayan kaysa maralita ng lunsod at nayon, ang napakalimitado at kadalasa'y nakatakdang kita nito ay naiipit ng pagsasamantalang dayuhan at pyudal. Madali itong makuha sa panig ng rebolusyon dahil sa hindi ito ligtas sa pag-aabuso ng estado sa kabuhayan at sa mga demokratikong karapatan nito.

Ang pambansang burgesya ang pinakamayaman sa mga pwersang mahihikayat sa panig ng rebolusyon. Ang layunin nitong industrialisasyong pambansa ay hinahadlangan ng paghaharing dayuhan at pyudal. Bagamat nais nitong pamunuan ang mga uring makabayan at progresibo sa pamamagitan ng pagnenegosyo at kilos-pampulitika, ang makauring pamumuno nito ay nilampasan na sa kasaysayan ng rebolusyonaryong makauring pamumuno ng uring manggagawa. Ang kabilanin at dalawahang katangian ng pambansang burgesya ay dapat kilanlin ng uring manggagawa sa pagpupunyagi sa pambansang nagkakaisang prente ng lahat ng uri, grupo o indibidwal na makabayan at progresibo sa pamumuno ng uring manggagawa.

Sa yugtong ito ng kasaysayan ng Pilipinas at ng daigdig, hindi na sapat ang paglulunsad ng lumang tipo ng rebolusyong pambansang demokratiko. Malaon nang winalang-bisa ng panahon ng imperyalismo ang pamumuno ng burgesya. Sumasapit na ang mataas na yugto ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo at sa pagtaas ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung, ang rurok ng rebolusyonaryong ideolohiyang proletaryo sa panahong ito. Ang Partido Komunista ng Pilipinas ay hindi makaaasang mamuno sa sambayanang Pilipino kung hindi ito magwawaksi ng makabagong rebisyonismo o ng burges na reaksyonaryong linya laluna ng sa mga Lava at Taruc, na naging tatak sa kasaysayan nito.

Ang pambansang burgesya at ang petiburgesyang lunsod, laluna ang huli, ay mga alyado ng uring manggagawa sa loob ng pambansang nagkakaisang prente ngunit malaon nang nawalan ng kakayahang mamuno sa rebolusyong Pilipino sa panahon ng imperyalismo tulad ng naipakita na noon pa mang simula ng sandatahang paglupig ng imperyalismong Amerikano sa Pilipinas nang sumuko ang lideratong burges-liberal.

Nasa kamay na ngayon ng uring manggagawa ang makauring liderato sa rebolusyong Pilipino. Dahil sa rebolusyonaryong pamumunong proletaryo na pinapatnubayan ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung, ang demokratikong rebolusyong bayan ay nagiging bagong tipong rebolusyong pambansa demokratiko. Tayo ngayon ay nasa pandaigdigang panahong ang imperyalismong Amerikano ay tumutuloy sa ganap na pagbagsak at ang sosyalismo ay sumusulong sa pandaigdigang tagumpay. Sa paggamit ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung bilang patnubay sa ating rebolusyonaryong pagkilos ay inaalisan natin ng mga kahinaan ang partidong taliba (tulad ng ipinakikita sa dokumento ng pagwawasto, "Iwasto ang mga Kamalian at Muling Itayo ang Partido") at pinalalakas ito upang maging pwersang di-magagapi sa ubod ng rebolusyonaryong kilusang masa.

Ngayo'y muling itinatatag at muling itinatayo ang Partidong Komunista ng Pilipinas bilang Partido ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung. Ito ang pinakasulong na destakamento ng uring manggagawang Pilipino na namumuno sa pagsulong ng rebolusyong Pilipino. Pinagsisikapan itong maging disiplinadong Partidong nasasandatahan ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung, gumagamit ng pagpuna at pagpuna sa sarili at mahigpit na nakaugnay sa masa ng sambayanan. Hawak nito ang dalawang sandata-sandatahang pakikibaka at pambansang nagkakaisang prente -- upang bigyan ng nakamamatay na dagok ang imperyalismong Amerikano at pyudalismo.

Iisang landas ang daan tahakin ng uring manggagawa na pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas. Ito ang landas ng sandatahang rebolusyon upang durugin ang sandatahang kontrarebolusyon na nagpapanatili sa pang-aaping dayuhan at pyudal sa Pilipinas. Sa paglulunsad ng sandatahang rebolusyon, ang uring manggagawa ay dapat pangunahing umasa sa pangmasang tangkilik ng pinakamalapit nitong alyado, ang uring magsasaka. Ang uring magsasaka ang pangunahing pwersa sa demokratikong rebolusyong bayan. Kung walang pagtangkilik ng uring magsasaka, kung walang ibubunsod na rebolusyong agraryo na tumutugon sa pakikibaka ng uring magsasaka para sa lupa, walang maitatayong tunay at di-magagaping hukbong bayan at walang maitatatag na rebolusyonaryong baseng bukid. Ang pakikibakang magsasaka para sa lupa ang pangunahing nilalamang demokratiko ng kasalukuyang yugto ng rebolusyong Pilipino.

Mula sa kanayunan ay kinukubkob ng demokratikong pwersa ng bayan ang mga lunsod. Sa kanayunan muna binubuyong pumasok at ginagapi ang pwersa ng kaaway bago agawin ang mga lunsod sa kamay ng mga uring mapagsamantala. Sa kanayunan matatagpuan ang pinakamahihinang kawing ng estadong reaksyonaryo at ang mga ito'y taktikal na makukubkob bago estratehikong gapiin ng mga demokratikong pwersa ng bayan. Sa kanayunan makapag-iipon ng lakas ang hukbong bayan sa hanay ng mga magsasaka kung pagsasanibin ang sandatahang pakikibaka, ang rebolusyong agraryo at ang pagtatayo ng mga rebolusyong baseng bukid. Dapat paunlarin ng Partido at hukbong bayan ang mga paurong na nayon upang maging sulong na muog sa militar, pulitika, ekonomya at kultura ng demokratikong rebolusyong bayan.

Umiiral lamang ang tunay na pambansang nagkakaisang prente kung ito ay nakabatay sa alyansa ng uring manggagawa at uring magsasaka at kung ang alyansang ito ay mahigpit na pinagbubuklod ng sandatahang pakikibakang inilulunsad ng hukbong bayang pangunahing nilikha ng partidong uring manggagawa, ang Partido Komunista ng Pilipinas, sa hanay ng magsasaka. Ang tunay na nagkakaisang prente ay yaong nagtataguyod ng sandatahang pakikibaka. Ang petiburgesyang lunsod ay makalalahok sa ganitong nagkakaisang prente. Ang pambansang burgesya ay maaari ring magbigay ng tuwiran at di-tuwirang tulong bagamat lagi nitong taglay ang dalawahang katangian, ang nagsasalungatang aspetong progresibo at reaksyonaryo. Sa pambansang nagkakaisang prente ng manggagawa, magsasaka, petiburgesyang lunsod at pambansang burgesya, lubos na matitiyak ng rebolusyonaryong partidong proletaryo ang pamumuno, kasarinlan at inisyatiba sa pamamagitan lamang ng matatag na pamumuno nito sa hukbong bayan.

Dapat ding likhain ang rebolusyonaryong nagkakaisang prenteng antipyudal. Ang uring manggagawa ay dapat pangunahing umasa sa mga maralitang magsasaka at manggagawang bukid, saka manghikayat at makiisa sa mga panggitnang magsasaka at magnyutralisa sa mga mayamang magsasaka. Sa mahigpit na pakikipag-alyansa nito sa masa ng maralitang magsasaka at manggagawang bukid, ang uring manggagawa ay naglulunsad ng sandatahang pakikibaka, rebolusyong agraryo at nagtatayo ng mga rebolusyonaryong baseng bukid upang itatag ang matibay na pundasyon ng demokrasyang bayan.

Bagamat ang lumang demokratikong pamumuno ng burgesya ay nawalang-bisa na sa rebolusyong Pilipino sa yugtong ito ng kasaysayan, hindi ito nangangahulugang sabay na makakamit ng uring manggagawa at ng Partido Komunista ng Pilipinas ang demokrasya at sosyalismo sa isang bigwas. Bagamat sa saklaw ng daigdig ang sosyalismo ay matatag nang nakaugat sa Republikang Bayan ng Tsina bilang pangunahing balwarte nito, dapat munang matamo ng Partido ang bagong tipo ng rebolusyong bayan sa kongkretong kalagayang malakolonyal at malapyudal ng Pilipinas, bago marating ang yugto ng rebolusyong sosyalista. Hindi agad matatamo ang sosyalismo habang ang sambayanang Pilipino sa pamumuno ng uring manggagawa ay kailangan pang lumaya sa pang-aaping dayuhan at pyudal.

Tinatanggihan ng demokratikong rebolusyong bayan ang lumang liberal na liderato ng burgesya. Ang imperyalismong Amerikano ay malaon nang gumagamit ng mga hungkag na pananalita ng liberal na demokrasya upang linlangin ang sambayanan. Sa pagtataguyod sa rebolusyonaryong lideratong proletaryo, hindi ipinakakahulugan ng Partido na matatamo ang sosyalismo nang hindi dumaraan sa yugto ng pambansang demokrasya. Hindi rin nito ipinakakahulugan na wala nang lugar sa rebolusyon ang mga progresibong saray ng lokal na burgesia tulad ng petiburgesia at pambansang burgesia. May ginagampanan sila bilang pambansang demokratikong alyado ng uring manggagawa. Tunay na bagong tipo ng demokrasya ang demokrasyang bayan dahil sa liderato nitong proletaryo sa halip na burges. Ang rebolusyonaryong lideratong proletaryo na ito ang bumabalikat sa kasalukuyang demokratikong tungkuling ilunsad ang matagalang digmang magsasaka, isang rebolusyong agraryo, at magbuo ng pambansang nagkakaisang prente ng manggagawa, magsasaka, petiburgesiang lunsod, intelektwal at pambansang burgesia. Ang rebolusyonaryong pamumunong proletaryo at ang alyansang manggagawa-magsasaka ang pinakamahahalagang kawing sa pagitan ng yugto ng demokratikong rebolusyon ng bayan at ng rebolusyong sosyalista.

Kagyat ang pangkalahatang programa ng sambayanang Pilipino at ng Partido Komunista ng Pilipinas ang demokratikong rebolusyong bayan at matagalang maksimum na programa ang sosyalismo. Di-tapat, mapanlinlang at utopiko ang magpumilit na sosyalismo ang kagyat na layon sa kalagayang pinaghaharian at pinagsasamantalahan pa rin ang sambayanan ng imperyalismong Amerikano at katutubong pyudalismo.

Sa larangan ng pulitika, ang Partido Komunista ng Pilipinas ang nagsusulong sa rebolusyonaryong pamumuno ng uring manggagawa, nakikibaka upang ibagsak ang reaksyonaryong rehimeng burges at lahat ng reaksyonaryong uring tumatangkilik dito, at kahalili nito'y nagtatayo ng isang sistema ng demokratikong estadong bayan, isang pamahalaang koalisyon o nagkakaisang prente ng uring manggagawa, magsasaka, petiburgesiang lunsod at pambansang burgesia. Sa larangan ng ekonomia, ipinakikipaglaban ng Partido ang ekonomiang umaasa-sa-sarili, ang makatarungan at masaganang kabuhayan ng bayan, ang pambansang industria at kalakalang malaya sa dayuhang monopolyong kapitalismo at pyudalismo na sumisikil at nagsasamantala sa produktibong pagpupunyagi ng sambayanan, kabilang ang mga makabayang negosyante, industrialista at maliliit na produktor. Sa larangan ng kultura at edukasyon, ipinakikipaglaban ng Partido ang pag-unlad ng kultura at edukasyong pambansa, siyentipiko at pangmasa. Sa larangang militar, pinamumunuan at binubuo ng Partido ang hukbong bayan, ang pangunahing sandigan ng kasalukuyang kilusan sa pagpapalayang pambansa at panlipunan at ng susunod na sistema ng demokratikong estadong bayan.

I II III IV
Back to top


NILALAMAN:

I. ANG SALIGANG KALAGAYAN NG PILIPINAS NGAYON

II. PROGRAMA SA DEMOKRATIKONG REBOLUSYON NG BAYAN

III. ANG ATING PARTIKULAR NA PROGRAMA

IV. NAPAKAINAM NG KALAGAYAN PARA SA REBOLUSYON

Download Pilipino | English

Read in English


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Party Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.