Home   Publications   References  

Features

  Multimedia   Utilities  
LIWAT NGA PALIG-UNON ANG ATON NGA MGA SANDIGAN NGA PRINSIPYO KAG TADLUNGON ANG MGA KASAYPANAN

I. Sa Patag sang Organisasyon



Read in EnglishBasahin sa Pilipino

Komite Sentral, Partido Komunista sang Pilipinas
Hulyo 1992


Ang mga Sentral na Organong Namumuno at Istap

Sa mahaba nang panahon, walang naidaos na Kongreso ng Partido. Gayunman, ang pagkukulang na ito napunuan ng pagdaraos ng mga pulong plenaryo ng Komite Sentral. Sa kasaysayan ng ibang partidong nasa maigting na armadong pakikibaka, ang matatagal na patlang sa pagitan ng mga kongreso ng partido nangyayari bunga ng mga sukdulang kahirapang dulot ng kaaway. Ang nagpapatuloy na patlang sa ating kaso, sa anu't anuman, hindi pangkaraniwan at kailangang lutasin. Maging ang mga pulong plenaryo ng Komite Sentral pwede sanang mas madalas na naidaos laluna sa mga partikular na pagkatataong may hinaharap na malalaking usapin sa pakikibaka o di kaya'y pagbabago sa sitwasyon na may pangkalahatan at matagalang kabuluhan.

Pero higit na mas nakakabahala kaysa mahabang patlang sa Kongreso ang tunguhin ng ilang elemento, mula pa maagang bahagi ng mga taong 1980, na magsantabi at lumihis sa mga batayang prinsipyo at tuntuning pang-organisasyon na itinakda ng Saligang Batas at Programa ng Partido. Ang pagkaantala sa pagdaraos ng Kongreso pwedeng ituring na may bahaging nakabuti rin, sa puntong ang mga batayang prinsipyo nanatiling buo at maaari pang muling pagtibayin ng mga proletaryong rebolusyonaryong kadre.

Magiging isang ganap na kapahamakan ngayon kung, sa isang Kongreso ng Partido noong bandang mga taong 1980, nagtagumpay ang ilang elemento sa pagtanggal sa Saligang Batas at Programa ng Partido ng pagsusuri sa lipunang Pilipino, kritikang anti-rebisyunista at teorya ng digmang bayan. Sa katunayan, ang mga batayang dokumentong ito ang sinanggguni ng sentral na pamunuan noong 1985 sa pagtatanggol sa linya ng Partido laban sa mga pagsisikap na itulak ang linya ng pagpapabilis ng tagumpay militar sa pamamagitan ng kumbinasyon ng adelantadong pinalaking mga armadong pormasyon at armadong insureksyong lunsod. Ang balintuna nito, nagbubunga na noon ng kapahamakan ang maling linyang ito ngunit mataas pa ang reputasyon ng mga nagtutulak nito base sa mga pansamantalang tagumpay ng kanilang mga opensibang militar sa isang pangunahing isla noong 1981-83.

Sa anu't anuman, may isa pang di-maikakailang matagal nang di pagsunod sa Saligang Batas ng Partido. Ang tanggapan ng Pangkalahatang Kalihim, na inoobliga ng Saligang Batas, halos binuwag na. Hindi maaaring buwagin ng anumang namumunong organo ang tanggapang ito na itinakda ng Saligang Batas na tagapamahala sa araw-araw na mga usaping administratibo at kalakaran para sa sentral na pamunuan.

Sa halip, binuo ang istrukturang umiinog sa mga komisyong nakatuon sa mga pangunahing linya ng gawain. Isang resulta nito ang tuluy-tuloy na pagluwag ng pagsubaybay sa at paghina ng mga saligang gawain sa organisasyon at edukasyon ng Partido, bagay na lalo pang lumaganap sa buong Partido nang ipatupad ang katulad na istruktura sa mga rehiyon.

Isa pa ang sobrang pagdami ng mga sentral na organong istap na tuwirang nakapailalim sa Komite Sentral sa pamamagitan ng Komiteng Tagapagpaganap. Layunin ng mga ito ang pagtulong sa sentral na pamunuan (Komite Sentral, Kawanihang Pampulitika at Komiteng Tagapagpaganap) at hindi ang hadlangan, pagurin o balewalain ito.

Pero dahil umabot hanggang sa puntong ang mga sentral na organong istap na ito nagtatamasa ng papalaking awtoridad at kapangyarihan, kumikilos na silang awtonomo na mag-isang nakapagpapasya tungkol sa mga patakaran, nang walang naunang pahintulot ng sentral na pamunuan; nakapagpapakalat ng diumano'y mga papel sa oryentasyon, estratehiya, programa at patakaran sa anyo ng mga burador; at gumagawa ng mahahabang pulong, mahahabang papel at mga isyu ng kontrobersiya sa ibang organong istap (hal., NOC laban sa NUFC tungkol sa mga islogan at mga proseso sa organisasyon) at sa mga nakabababang namumunong organo (NOC laban sa Maynila-Rizal tungkol sa isyu ng pambansa-demokratiko o sosyalistang oryentasyon ng kilusang manggagawa). Ang mga kontrobersyal na isyu at dokumento pana-panahong itinatambak sa mga sentral na pamunuan, o di kaya ang huli naoobligang maghabol sa kanila.

Inaako ng sentral na pamunuan ang responsabilidad sa ganitong burukratikong kalagayang bumibiktima sa kanya. Bilang bag-as ng sentral na pamunuan sa araw-araw, ang Komiteng Tagapagpaganap kailangang maglabas ng mga napapanahong pahayag tungkol sa mga mayor na isyung pampubliko, pambansa o pandaigdig; kagyat at mapagpasyang lumutas sa mga suliranin; magpatakbo ng mga sentral na organong istap sa pamamagitan ng maiikling sulat ng instruksyon o mga direktiba; magpanumbalik sa Pangkalahatang Kalihiman para mangasiwa sa araw-araw na mga usaping administratibo at kalakaran; at magbawas sa iba pang sentral na organong istap, maglinaw sa mga hangganan ng mga tungkulin ng mga organong istap, magwasto sa istilo ng paggawa ng mga ito, maglipat sa kanayunan ng mga organong istap na kinakailangang pumirme doon at magpadala sa mga rehiyon at kanayunan ng labis na tauhang-istap na nakabase sa kalunsuran, lalo na iyong mga nasa listahan ng mga hinahanap ng kaaway.

Tuwing may mahalagang pagkakaiba sa pananaw o may lumilitaw na kontrobersya sa pagitan ng mga organong istap o sa pagitan ng isang organong istap at isang nakabababang organo, ang isyu kailangang maagap na iulat sa Komiteng Tagapagpaganap at hindi dapat pinatatagal o pinanganganak ng mahahabang pulong, mahahabang papel at kaguluhan sa gawain. Kung ang Komiteng Tagapagpaganap at ang mga ehekutibong opisyal nito inaasahang gumawa ng napapanahong mga gabay, pahayag at direktiba, ang mga sentral na organong istap at nakabababang namumunong organo dapat ding gumagawa ng mga napapanahong ulat at rekomendasyon.

Ang mga komisyon sa teritoryo inisip sa simula na magiging mga administratibong organong sumasaklaw sa ilang rehiyon. Noong 1985, ang mga ito itrinansporma ng ika-9 na plenum ng Komite Sentral sa pinakamataas na organong gumagawa ng patakaran sa kani-kanilang saklaw, pero tinukoy ring ang mga komisyon dapat magpadulas ng daloy ng mga ulat mula sa mga komite sa rehiyon tungo sa Komiteng Tagapagpaganap ng Komite Sentral. Sa praktika, umunti nang umunti ang mga ulat mula sa mga rehiyon at ang Komiteng Tagapagpaganap napagsarhan sa mga rehiyon sa iba't ibang paraan.

Ang mga komisyon sa teritoryo hinihirang at dapat magtrabaho bilang mga organong istap. Dapat nilang ayusin ang napapanahong palitan ng komunikasyon sa pagitan ng Komiteng Tagapagpaganap at ng mga komite sa rehiyon. Pwedeng magbigay sila ng nararapat na paunang liham, pati mga rekomendasyon, para sa KT pero hindi nila maaaring agad-agad na ipalagay na pwede silang gumawa ng mga desisyon sa ngalan ng anumang nakatataas na organo hinggil sa mahahalagang isyu na sangkot ang kwestyon ng pagtalima sa linya ng Partido o hindi.

Kailangang tinitiyak ng mga sentral na namumunong organo, ng Komisyong Militar at ng organisasyon ng Partido sa loob ng Bagong Hukbong Bayan, na walang kumand ng hukbo na nagsasantabi sa estratehikong linya at sa mga kumprehensibong rekisito ng digmang bayan. Kahit ang pangkalahatang kumand ng Bagong Hukbong Bayan hindi pwedeng gumawa ng mga dokumento at kumperensya sa estratehiya na taliwas o lihis sa estratehikong linya ng digmang bayan. Ang absolutong pamumuno ng Partido nangangahulugang ang Partido ang nagpapasya sa linya at bumabalanse nang mahusay sa disposisyon ng mga kadre at rekurso ng Partido at tumitiyak sa papalaking partisipasyon at suporta ng mamamayan.

Hindi kailanman dapat "maiiwan" na lang ang Partido at ang masa para humabol sa diumano'y mga "independiyente at hiwalay" na inisyatiba ng anumang kumand ng hukbo sa anumang antas. Ang problema'y hindi dahil sadyang mabagal ang pamunuan ng Partido, kapag ang mga inisyatibang lihis sa estratehikong linya umuubos ng mga kadre at rekurso sa adelantado at di-masusustineng malalaking pormasyon at istap militar. Ang Partido at masa hindi kailanman makakahabol sa linyang lumalamon ng mga kadre at rekurso sa isang makitid na paraan at humahantong sa biglaang pagkabawas ng baseng masa at kapinsalaan sa lahat ng larangan ng gawain. Palagiang tungkulin ng mga kadre at kasapi ng Partido na igiit ang mga batayang prinsipyo at ipatupad ang wastong linya sa halip na bumuntot sa maling linya. Ang konsepto ng hiwalay na istrukturang militar hindi rin dapat pahintulutang tumungo sa pagpawi ng mga kolektibo at buhay ng Partido sa anumang antas ng hukbong bayan.

May mga elemento sa mga organong istap at mga namumunong organo rin na nakabase sa Metro Manila at iba pang syudad na kumikiling sa labis na pagpapalaki sa halaga ng kanilang gawaing lunsod gawa ng pagkahaling sa linyang insureksyunista bilang pangunahing paraan ng pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika kahit ano pa ang antas ng pag-unlad ng digmang bayan at hukbong bayan. Ang praktikal na resulta nito ang pagkaunti ng mga kadre ng Partido na may pinag-aralan, kasanayang propesyunal at teknikal na handang maglingkod sa mamamayan sa kanayunan at sumanib sa hukbong bayan.

Ang masang magsasaka at ang kanayunan kapag umaasa lang sa sarili hindi makapagpapalitaw ng ganitong mga kadre. Kung hindi makapagbibigay ng ganitong mga kadre ang kalunsuran, ang digmang bayan at hukbong bayan hihina at guguho; at ang mga ligal na progresibong organisasyong masa at mga armadong partisano sa syudad magiging pipitsuging target ng kaaway. Ang mga paglabag sa partikular na linya ng pangunahi'y ligal at depensibong katangian ng pakikibakang lunsod pwedeng mag-udyok ng pagsalakay ng kaaway sa napakabulnerableng mga ligal na demokratikong organisasyong masa at pati mga lihim na organong istap. Kung walang mga larangang gerilya at baseng masa sa kanayunan, kung saan pupunta at magpapatuloy ng rebolusyonaryong gawain ang mga kasamang tubong-syudad kapag hindi na sila epektibong makakilos sa kalunsuran?

Ang konsepto ng armadong insureksyong lunsod kailangang hindi na gamiting katwiran sa pagkakait ng mga kadre sa kanayunan at pagpabor sa mga yunit ng armadong partisano sa syudad at mga organong istap na nakabase sa kalunsuran; o sa labis na pansin sa pagrekluta sa mga yunit ng armadong partisano sa syudad ng mga elementong "matapang" o "lantad na" na kaduda-duda naman ang komitment sa pulitika.

Samantalang ang mga sentral na organong istap nagtatamasa ng sobrang awtonomiya, na ang ilan nga hanggang sa halos nagsasariling kaharian na, at ang mga nakabababang namumunong organo nagtatamasa ng di mapag-aalinlanganang pampulitikang awtoridad sa kani-kanilang saklaw, may maling kaisipan namang itinataguyod ang ilang elemento na nagkakait sa Komiteng Tagapagpaganap ng pampulitikang awtoridad at gustong gawin itong tagapagpatawag na lamang ng mga pulong ng Kawanihang Pampulitika ng Komite Sentral.

Ang palagay na ikinakalat ng isang elemento na wala nang KT o walang pampulitikang awtoridad ang KT walang ibang ibubunga kundi ang pagpapahina sa sentro ng Partido at pagsusulsol sa mga tunguhing kanya-kanya gaya ng mga nagsasariling aksyon ng ilang namumunong kadre at ilang sentral na organong istap, na lampas sa kanilang awtoridad at labag sa mga sentral na patakaran at desisyon.

Ang bag-as ng sentral na pamunuan ng Partido sa araw-araw ang Komiteng Tagapagpaganap. Maaari itong gumawa ng mga desisyon, alinsunod sa mga batayang prinsipyong nasa Saligang Batas at Programa at mga patakaran at umiiral na pasya ng mga nakatataas na namumunong organo. Humahawak ito ng responsabilidad at umaako ng mga risgo sa loob ng balangkas na ito. Kung walang bag-as ng sentral na pamunuan sa araw-araw, kung ang Komiteng Tagapagpaganap at ang mga upisyal nito walang pampulitikang awtoridad at karapatang magpasya sa pagitan ng mga pulong ng anumang nakatataas na namumunong organo, ang Partido mawawalan ng ulo at utak na gumagana sa araw-araw.

Kung wala ang araw-araw na pampulitikang awtoridad ng Komiteng Tagapagpaganap, maaaring samantalahin ng ilang elemento (pati ng kaaway) ang mga patlang sa pagitan ng mga pulong ng Kawanihang Pampulitika at Komite Sentral. Sinumang manggugulo pwedeng magpumilit na kumakatawan sa KP o KS, para ipalaganap ang mga desisyon ng KP o KS batay sa sarili niyang kakaibang pananaw at gumawa ng anumang kalokohang labag sa linya ng Partido, dahil ang KP, KS o ang Kongreso hindi pa nakasesyon.

Dapat unawaing may serye ng pagpapakatawan ng mga kapangyarihan mula sa pangkalahatang kasapian ng Partido, tungo sa Kongreso, tungo sa Komite Sentral, tungo sa Kawahihang Pampulitika at tungo sa Komiteng Tagapagpaganap; at serye ng responsabilidad mula sa nakabababang organo/mga organo, tungo sa mga nakatataas na organo/mga organo at organisasyon/mga organisasyon. Ang Komiteng Tagapagpaganap tinutukoy pa ng Saligang Batas ng Partido na isang tuwirang organo ng Komite Sentral. Nakatataas ito sa sinumang indibidwal, anuman ang kanyang ranggo, bagama't nakapailalim ito sa KP, KS at sa Kongreso.


[ HOME|Publications | References | Organizations |Features]
[ Multimedia | Utilities]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.