Komite Sentral, Partido Komunista sang Pilipinas
Hulyo 1992
Ang Suliranin ng Ultrademokrasya
Ang burukratismo ay nagbubunga ng ultrademokrasya. Kung wala
nang mga daluyan ng malayang talakayan sa loob ng Partido na labas sa
mga hangganang administratibo, ang tendensya ng mga kasapi ng Partido
ay maglabas ng kanilang iniisip sa labas ng mga hangganang iyon at sa
labas na rin ng Partido. Kung walang kumprehensibong buhay sa
ideolohiya, pulitika at organisasyon, ang mga kasapi ng Partido sa
isang antas ng organisasyon ay madaling magkaroon ng pakiramdam na ang
buhay nila ay nakakahon at pinatatakbo ng utos mula sa itaas. Kung
kaya't tumututol sila sa pamamagitan ng pagiging ultrademokratiko o
liberal.
Noong ang kamaliang boykot ng 1986 ay binabatikos at hindi
naresolba nang ilang buwan, naalis ang tarangka sa pagdaluhong ng
ultrademokrasya sa iba't ibang antas ng Partido at sa hanay ng mga
kasapi ng Partido sa kabuuan. Ang Komiteng Tagapagpaganap, sa
komposisyon nito noon, ay nasukol. Lumakas ang liberalismo at
kawalang-disiplina sa anyo ng iresponsableng pagpapakalat (hanggang sa
labas ng Partido) ng mga internal na impormasyon at usapin; pamumuna at
pagdadakdak sa labas ng mga kaukulang pulong ng Partido; maluwag na
paghawak sa mga patakaran; estilong barkadahan sa relasyon ng mga kadre
at iba pa. Ang ilang sentral na organong istap ay umastang tila mga
kumprehensibong sentro ng pampulitikang awtoridad. May mga elementong
naglathala ng mga publikasyon at nagtaguyod ng sariling linya, tulad ng
"kritikal na pagsuporta sa 'liberal-demokratikong' rehimeng Aquino" at
linya ng armadong insureksyong lunsod na kakumbina ng adelantadong
pagpaparami ng mga di-masusustineng mas matataas na pormasyong militar.
May pagtatagusan ng mga pananaw sa ideolohiya at pulitika sa pagitan ng
mga ultrademokratikong elemento sa Partido at mga populista, mga
elementong liberal, mga "sosyal demokrata" at iba pang petiburgis na
elemento sa labas ng Partido na nagtulung-tulong sa pagkondena sa
kamaliang boykot ng 1986.
Sa kundisyong umiiral ang ultrademokrasya, may mga elementong
responsable sa ibayong mas malaking pagkakamali at kapahamakan sa
Mindanaw na nakasakay sa kampanya laban sa kamaliang boykot ng 1986.
Sila ay nanahimik o di kaya'y nagpaliit sa mga problema at pinsalang
damang-dama na sa Mindanaw. Ang ilan sa kanila ay mayroon pang mukhang
magsabi na dapat sanang ang mamamayan ay nakaagaw ng kapangyarihang
pampulitika o nakabahagi rito kasama ang iba pang pwersa kung hindi
lamang may pagkakamali sa boykot noong 1986. Ang nakita at nasingil
lamang ng Politburo ay ang kamaliang boykot ng Komiteng Tagapagpaganap.
Tunay na maraming malayang talakayan at debate bago mabuo ang
konsensus o magbotohan sa mga organong namumuno at istap ng Partido. Sa
mga namumunong organo, natural na mas masaklaw ang mga pinapaksa kaysa
sa mga organong istap. Sa mga organong istap, may elemento ng
ispesyalisasyon, pero ito ay laging kunektado sa pangkahalatang
balangkas ng rebolusyonaryong pakikibaka.
May mga palagay na ang lider ng Partido na nangungulo sa mga
pulong ay isa lamang tagapamagitan na ang pangunahing tungkulin ay
walang iba kundi hayaang makalahok nang pantay-pantay humigit-kumulang
ang bawat isa sa talakayan. Sa katunayan, ang mga kalahok sa mga pulong
ay umuubrang umulit nang umulit sa parehong punto at magpakasawa sa
pagsasalita. Kahit ang mga ideyang malinaw na mali ay kumukuha ng mas
malaking oras kaysa sa tama. Sa gayon, nagaganap ang mga pulong na
sobrang haba at kumakain ng malaking panahon, lakas at rekurso ng mga
dumadalo at ng Partido.
Isa pang sanhi ng mga pulong na sobrang haba ang pagkukulang
na pag-ibahin ang mga pulong na para sa gawain at para sa pag-aaral,
timbangin ang mga paksang ipapasok sa adyenda at itakda ang direksyon
ng pulong. Ang talakayan sa pambansang kalagayan o ilang isyung
pambansa ang madalas na pinakamahusay na tipo ng talakayang makukuha sa
mga pulong na ito. Masyadong malaking panahon ang ginugugol sa
pagtalakay sa mga usaping administratibo o mga proseso sa organisasyon.
At kapag tinatalakay ang mga relasyong personal tulad ng mga suliranin
ng mag-asawa at mga paratang ng pagkakasala sa kasarian, hindi lamang
ilang pulong na sobrang haba ang nagaganap kundi matagalang serye ng
mga ito. Dapat na may mas mahusay na paraan ng paghawak sa mga ito at
pag-iwas sa mga abala sa normal na daloy ng gawain.
Isa pang sanhi ng pulong na sobrang haba ang pagkasira ng
sistema sa pag-uulat, na sa kalakha'y bunga rin ng kapabayaan ng mga
namumunong organo ng Partido. Dahil walang sistema ng regular at
ispesyal na mga ulat, ang mga pulong plenaryo sa iba't ibang antas ay
ginagamit para ipaabot, tipunin at buuin ang mga ulat mula sa mga
nakabababang yunit. Ang resulta, bukod sa labis na haba ng mga pulong,
ay ang laganap na padaskul-daskol na pag-aaral at beripikasyon ng mga
ulat, malaking peligro sa makaisang-panig na pagtatasa at pagbabalak ng
gawain ng Partido, at tendensyang maliitin o hindi matukoy ang mga
suliranin bago lumala at magpatung-patong ang mga ito.
Nakapalaking panahon ang nababawas sa gawain sa pulitika at
organisasyon. Ang ganitong kawalan ay nakikita at iniaangal ng mga
kadre ng Partido. At di hamak na mas malala pa ang kawalan ng panahon
para sa edukasyong teoretikal at pulitikal. Lulong sa mga pulong
pampulitika at administratibo at sa gawaing papel ang pinakamasigasig
na mga kasapi ng Partido at malaki na ang ibinaba ng antas ng kaalamang
teoretikal at pulitikal.
Sa relasyon ng mga nakatataas na namumunong organo o
organisasyon sa mga nakabababang organo o organisasyon, namamayani ang
isang-direksyong mula-itaas-pababang bertikal na tipo ng burukratismo.
Umiral ang ganoong tipo ng burukratismo sa mahahalagang pagkakataon,
gaya sa pagbalangkas at pagpapatupad ng desisyon ng KT sa boykot ng
eleksyong 1986. Sa napakahaba nang panahon, ang mga kinatawan ng mga
sentral na organong istap ay tila mga "big boss" at tagapamudmod ng
kwarta tuwing sumisipot sa mga pulong ng mga kinatawan ng mga
organisasyong masa para magtulak ng mga aksyung masa.
Gayunman, mas maraming kaso ng ultrademokrasya kung saan ang
mga organong istap lamang at nakabababang namumunong organo ay gumagawa
ng mahahalagang desisyon kahit labag sa linya ng Partido, nang hindi
iniintindi ang pagkonsulta sa nakatataas na namumunong organo. Ang
Komisyon sa Mindanaw ay nagbalangkas at nagpatupad sa linyang Pulang
Purok - Puting Purok, at may mga nakabababang komite at kadre ng
Partido doon na pumasok sa mga lokal na tigil-putukan, nang walang
pagkonsulta sa at pagkuha ng pahintulot ng sentral na pamunuan. Ang UFC
ay pumasok sa isang "balangkas ng prosesong pangkapayapaan" na
humahamak sa NDF at nakasasama sa interes ng rebolusyonaryong kilusan.
Naidaos ang Kongreso ng NDF nang hindi napasadahan ng KT o ng KP ang
mga dokumento at plano. Sa pangunguna ng isang indibidwal na namumunong
kadre, binuo at ipinatupad noong 1990 ang malalaking plano sa kilusang
masa, aksyong militar at nagkakaisang prente na nakaangkla at
nagtataguyod sa linya ng armadong insureksyong lunsod, nang lingid sa
kaalaman ng sentral na pamunuan. Nagawa ng ANG BAYAN ang maglathala ng
mga artikulong taliwas sa mga desisyon ng sentral na pamunuan at labag
sa linyang anti-rebisyunista ng Partido.
May mga elementong sulat nang sulat ng mga dokumento sa
"estratehiya", "oryentasyon" at "patakaran" na lumilihis at umaatake sa
linya ng Partido. Nagagawa pa nilang gamitin ang ilang sentral na
organong istap para itaguyod ang maling linya sa pambansa at
pandaigdigang saklaw. Sa kabila ng pananalantang likha ng kanilang
linya, patuloy nilang ipinangangalandakan ito.
Dahil sa pagtangging ipatupad ang desisyong boykot na ginawa
ng sentral na pamunuan kaugnay ng eleksyong 1978 at pamamahagi sa ibang
rehiyon ng papel tungkol sa kanilang pusisyon, ang mga kagawad ng
komite ng Partido sa Maynila-Rizal ay pinatawan ng aksyong
pandisiplina. Dahil sa pagkakamali sa boykot at hindi pagtawag ng
pulong ng Kawanihang Pampulitika para pag-usapan ang boykot sa
eleksyong 1986, nakita ng noo'y tagapangulo ng Partido na kailangan
siyang magbitiw sa tungkulin.
Pero may mga elementong napapabayaang umatake nang umatake sa
linya ng Partido sa pamamagitan ng paglalathala ng mga artikulo sa
pambansa at pandaigdigang antas (mula Praktika hanggang Debate),
pagbatikos sa linya ng Partido at paghamak ng mga rebolusyonaryong
pwersa sa harap ng kaaway. Ginagamit nila ang mga tauhan, relasyon at
pasilidad ng Partido para atakihin ang linya ng Partido at hindi pa
sila nasisingil sa kanilang mga aksyong anti-Partido.
Sa balatkayo ng pagganti sa burukratismo, may mga elementong
nagsusulsol sa ultrademokrasya sa layuning tutulan at salungatin ang
mga batayang prinsipyo, linya at patakaran ng Partido; magkalat ng
maling impormasyon sa kasapian ng Partido; pasamain, galitin at
halukayin ang Partido. Ang ultrademokrasya o liberalismo ay kasinsama
ng burukratismo. Ito ay maaaring makalito, makasirang-dangal,
makapaglagay sa peligro at makawasak pa nga sa isang rebolusyonaryong
partidong magpapahintulot nito.
May pagtagos sa loob ng Partido ng mga impluwensya ng
liberalismo, populismo, sosyal demokrasya at iba pang petiburgis na
tunguhin at maging ng propagandang imperyalista at modernong
rebisyunista (lalo na tipong-Gorbachov). May mga ultrademokratikong
elementong umaatake sa namumunong papel ng proletaryado, sa
sosyalistang perspektiba ng rebolusyong Pilipino, sa demokratikong
sentralismo at iba pang batayang prinsipyo ng Partido. Ang ilan sa
kanila ay umaabot sa sukdulan at naggigiit pa sa Partido na lumampas na
sa balangkas ng Marxismo-Leninismo o magsantabi na sa mga
Marxista-Leninistang prinsipyo nito dahil pundamentalismo diumano ang
patuloy na magtaguyod sa mga ito. Hinihingi rin nilang talikdan ng mga
namumunong organo ng Partido ang kanilang mga responsabilidad.
Katulad ng kanilang musmos na paggigiit na si Stalin ang may
pananagutan sa lahat ng maling nangyari noong panahon ng mga
rebisyunistang rehimeng anti-Stalinista, kahit noong matagal nang
namatay si Stalin, gusto nilang bahiran ang Partido ng mantsa ng
Stalinismong ayon sa bulgar na pakahulugan nila dito. Hindi kailanman
pahihintulutan ng Partido na wasakin ito mula sa loob ng mga taong nais
ikahon ito sa anumang mapanlait na bansag at niyong mga nagtatangkang
tuligsain ito sa pamamagitan ng mintis na paghahalintulad. Alam na alam
natin kung paanong sa likod ng balatkayo ng lubos na pagtatakwil kay
Stalin, ipinalaganap ni Gorbachov ang linya ng pagtalikod sa buong
pinagdaanan ng kasaysayang Sobyet, sa Leninismo at sa sosyalismo.
Kabilang sa mga nagsusulsol sa ultrademokrasya ang ilang
elementong responsable sa mga lansakang paglabag sa mga karapatang
sibil at sa brutal na pagbiktima sa malaking bilang ng kasapi at
di-kasapi ng Partido. Determinado ang Partido na papanagutin sila sa
mga malubhang paglabag sa disiplina sa organisasyon at mga karapatang
sibil ng mamamayan, gaaano man karami ang isyung kanilang palakihin
para makaiwas sa kanilang responsabilidad at gaaano man karami ang
kanilang magamit na anti-Partidong "pakikipagsalubong" sa iba pang mga
promotor ng ultrademokrasya.