Mga Lumad sa Lianga, muling nagbakwit

,

Tatlong taon makalipas ang brutal na masaker ng kanilang mga lider, muling natulak na magbakwit noong Hulyo 16 ang may 328 pamilyang Manobo, o 1,607 residente ng Barangay Diatagon, Lianga, Surigao del Sur dahil sa serye ng pananakot at pang-aabuso ng mga tropa ng 75th IB sa kanilang mga komunidad.
Kabilang sa mga nagbakwit ang 568 estudyante at 48 guro mula sa mga eskwelahang Lumad na Tribal Filipino Program for Surigao del Sur (TRIFPSS) at Alternative Learning Center for Agriculture and Livelihood Development (Alcadev). Bitbit ang ilan lamang sa kanilang mga pag-aari, naglakad ang mga Lumad nang halos 10 oras patungo sa Diatagon Gym kung saan pansamantala silang tumigil.
Ang Barangay Diatagon ay saklaw ng Andap Valley, isa sa may pinakamalaking reserba ng karbon sa bansa, na ipinangakong ibigay ng rehimeng Duterte sa mga mamumuhunan sa pagmimina. Ginawaran na ng permiso na magmina rito ang Benguet Corporation, Great Wall Mining and Power Corporation at Abacus Coal Exploration and Development. Dahil magsisimula nang magmina ang mga ito, nagtayo noong Hunyo 14 ang 75th IB ng detatsment na may 100 sundalo para magsilbing gwardya ng mga kumpanya. Dala ng kanilang presensya ang matinding ligalig sa 23 sityo ng barangay.
Sa loob ng 33 araw, nakapagtala ng mga kaso ng pandarahas, pananakot, at panggigipit ng mga sundalo sa mga residente. Kabilang sa mga inireklamo ng mga residente ang sapilitang pagpasok ng mga sundalo sa kanilang mga bahay, pagkuha ng kanilang mga pangalan at paglilista sa kanila bilang mga rekrut ng CAFGU. Ninanakaw ang kanilang mga alagang hayop at kinakain ang kanilang mga pananim. Pinasok ang kanilang eskwelahan at iligal na hinalughog ang kubo ng boluntir na mga guro nito; berbal at sekswal na inabuso ang kababaihan at kabataan; at inakusahan bilang mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan ang mga residenteng aktibong tumututol sa pagpasok ng mga mapandambong na proyekto sa kanilang mga lupain. Dahil dito, hindi na nakapupunta sa kanilang mga sakahan ang mga residente para makakuha ng makakain. Natigil din ang klase sa TRIFPSS at Alcadev.
Noong Hulyo 9, naglunsad ng isang kilos protesta ang mahigit 150 residente at kanilang mga tagasuporta sa harap ng kapitolyo ng lalawigan para manawagan na wakasan ang militarisasyon sa kanilang mga komunidad. Sa kabila nito, iginiit ng lokal na mga upisyal na wala silang magagawa dahil sa batas militar.
Noong Hulyo 11, nagkaroon ng isang dayalogo sa pagitan ng mga lider ng Malahutayong Pakigbisog alang sa Sumusunod (MAPASU), lokal na mga upisyal at kinatawan ng 401st Brigade, 36th IB at 75th IB. Matapos ipahayag ng mga lider Lumad na kinakailangan nang lumikas ng mga residente, iginiit ni Brig. Gen. Andres Centino na labag daw sa batas ang pag-oorganisa ng pagbabakwit at makakasuhan ang mga lider Lumad kung palilikasin ang kanilang mga kababaryo.
Noong Hulyo 16, hinarangan ng AFP ang ruta ng mga bakwit gamit ang dalawang siksbay habang limang organisasyong midya ang pinagbawalan sa mga tsekpoynt na mag-ulat tungkol sa kaganapan.
Kahit sa sentro ng ebakwasyon ay patuloy ang panggigipit ng mga sundalo sa mga Lumad. Noong Hulyo 18, nagkampo at pinalibutan ng mga pulis at sundalo ang gym sa Diatagon. Dakong alas-11:30 ng umaga, hinarang nila ang padalang mga sako ng bigas at pagkain na para sana sa agarang pangangailangan ng mga bakwit.
Noong Hulyo 20, sapilitang pinasok ng mga sundalo ang gym upang umano’y mamahagi ng pagkain sa mga bakwit.
Ikalawang pagbabakwit ito ng mga residente ngayong taon at ikaapat mula nang ipataw ang batas militar sa Mindanao.

Pagpaslang at pagdukot

Noong Hulyo 10, tinamaan ng ligaw na bala at napatay ang apat na taong-gulang na batang si Bladen Skyler Abatayo dahil sa walang-tigil na pamamaril ng mga elemento ng Philippine National Police habang nagsasagawa ng isang “anti-illegal drug operation” sa Sityo Bato, Barangay Ermita, Cebu City.
Noong Hunyo 24 ng alas-7 ng umaga, dinukot ng mga elemento ng 76th IB sina Tifon Piniw at kanyang 10-taong gulang na pamangkin habang pauwi sila sa Sityo Buswak, Barangay Lisap, Bongabong, Oriental Mindoro. Hindi na sila natagpuan magmula noon.

Iligal na pag-aresto

Noong Hulyo 11, muling inaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) si Kristine Cabardo, tagapangulo ng League of Filipino Students-Northern Mindanao, kasama ang tatlo pang myembro ng kanyang pamilya sa Linamon, Lanao del Norte. Idinetine at sapilitang pinaamin si Mary Ann Cabardo, nanay ni Kristine, na kanya ang mga pakete ng shabu na itinanim ng mga pulis sa kanilang motorsiklo. Hindi pa rin nakalalaya si Mary Ann hanggang sa kasalukuyan. Kabilang si Kristine sa 13 inarestong lider aktibista noong Hulyo 4 sa General Santos City.
Noong Hulyo 19, iligal na inaresto ng mga elemento ng PNP sina Jessica at Allan Pajo sa Gingoog, Misamis Oriental at sinampahan ng gawa-gawang kasong pagpaslang at bigong pagpaslang.
Noong Hunyo 27, inaresto at idinetine ng mga elemento ng 3rd IB sina Jerry Liao, Ruel Linaw, Koko Bayok and Tata Atig, mga magsasakang residente ng Barangay Tawan-tawan, Baguio District, Davao City matapos nilang maka-engkwentro ang BHB sa Barangay Carmen noong araw ding iyon. Noong sumunod na araw, sapilitan namang pinasuko ng mga sundalo ang anim na sibilyan ng Barangay Magsaysay, Marilog District bilang mga kasapi ng BHB.

Demolisyon

Noong Hulyo 6, giniba ng awtoridad gamit ang backhoe ang mga tirahan ng mga residente sa Real, Calamba, Laguna. Nagdeploy ang pulisya ng mga armadong pwersa nito para pigilan ang paglaban ng mga residente. Isa sa mga pulis ang nagkasa ng kanyang baril habang isa naman ang nagbantang huhulihin ang isang boluntir ng Bagong Alyansang Makabayan–Southern Tagalog.

Panggigipit, pagbabanta at paniniktik

Noong Hulyo 18 sa General Santos City, hinaras ng isang ahente ng AFP na kinilalang si Jerson Gallego si April Rose Avila, myembro ng Disaster Response Center SOCCSKSARGEN (DIRECT). Kinwestyon ni Gallego si Avila tungkol sa kaugnayan ng DIRECT sa mga progresibong organisasyon. Sinabihan niya si Avila na matagal nang tinitiktikan ng militar ang kanyang pamilya at organisasyon.
Noong Hulyo 9, dalawang kasapi ng grupong midya na Eastern Vista ang tiniktikan ng apat na ahente ng PNP habang pabalik sa kanilang upisina sa Tacloban City. Noon namang Hunyo 18, isa pang kasapi ng Eastern Vista ang hinaras sa Magsaysay Boulevard at kinwestyon kung siya ba ay tunay na kasapi ng midya.
Noong madaling araw ng Hulyo 3, pinalibutan ng mga elemento ng 78th IB na armado ng mga riple ang bahay ni Alberto Ligutan, ikalawang tagapangulo ng Municipal Farmers Association of Carigara (MUFAC) sa Barangay Kaghalo, Carigara, Leyte at sapilitan siyang pinasusuko bilang kasapi ng BHB. Pinagbantaan din siyang papatayin ng mga sundalo.
Noong Hulyo 3, alas-4 ng hapon, pinagbantaan ng mga upisyal ng 3rd Maneuver Platoon ng PNP si Romy Portugal, myembro ng KADAMAY–Metro Tacloban. Habang pauwi sa kanila, tinawag siya ng mga pulis at pinagbantaang aarestuhin kung makita pa umano siyang lumalahok sa mga aktibidad ng kanyang organisasyon.
Noong Hunyo 27, iligal na inimbestigahan, hinaras at pinagbantaan ng mga sundalo sina Ongbak Ihem at Butsoy Puypoy sa Barangay Lisap, Bongabong, Oriental Mindoro. Pinasok ng mga nag-ooperasyong militar ang barangay nang alas-4 ng umaga at unang pinuntahan ang bahay ni Ongbak.
Pinadapa nila si Ongbak, tinutukan ng kutsilyo at pilit na pinaaaming kasapi ng BHB. Hindi pa nasapatan, dinala ulit siya sa tapat ng basketball court, muling pinadapa, at sapilitang kinuha sa kanya ang mga pangalan ng mga kasapi ng kanilang kooperatiba at kinuwestyon ang pagkakatayo nito. Habang iniinteroga si Ongbak, pinuntahan naman ng iba pang sundalo ang bahay nina Butsoy Puypoy at sapilitan itong pinasok.
Noong Hulyo 16, isang pinaghihinalaang ahente ng estado ang namataang naniniktik sa upisina ng Anakpawis sa Pulo, Cabuyao, Laguna.

Mga Lumad sa Lianga, muling nagbakwit