Atake sa mga komunidad at paaralang Lumad sa Sultan Kudarat

,

NOONG HULYO 16, nagsagawa ng isang programa ang mga mag-aaral ng Mindanao Interfaith Services Foundation Inc. (MISFI) academy at Center for Lumad Advocacy and Networking, Inc. (CLANS) sa kanilang kampuhan sa harap ng upisina ng Department of Education Region 12 para salubungin ang unang araw ng bagong direktor nito na si Allan G. Farnazo. Kasama ang kanilang mga guro at magulang, hinamon nila si Farnazo na bigyan ng permit to operate ang mga paaralang Lumad at palayasin ang mga militar na kasalukuyang nakakampo sa kanilang mga komunidad sa Barangay Basak, Lebak, Sultan Kudarat.
Nag-abot sila ng sulat para kay Farnazo na naglalaman ng kanilang mga panawagan at mga datos ng paglabag ng militar sa karapatan ng mga Lumad sa mga paaralan at komunidad, ngunit wala ni isa mula sa upisina ang tumanggap nito. Kabilang sa mga naidokumentong 225 kaso ang walong kaso ng iligal na pag-aresto, walong pagbabakwit, 67 pagbabanta, pandarahas at panggigipit, apat na pagwasak sa mga kagamitan ng mga paaralang Lumad at 11 paglabag ng karapatan sa paninirahan.
Iniluwal ang mga datos na ito sa isinagawang National Fact Finding Mission ng Save Our Schools Network noong Hunyo 27-30 para imbestigahan ang mga insidente ng pandarahas ng Marine Battalion Landing Team 2 sa naturang barangay mula nang pumasok at nagkampo sila dito noong Mayo 10.
Noong Hulyo 9, inilunsad ng mga Lumad ang pinaagang T’nalak Festival para kundenahin ang pagbibingi-bingihan at pagtanggi na makipagdayalogo sa kanila ng noo’y direktor nito na si Arturo Bayucot.

Atake sa mga komunidad at paaralang Lumad sa Sultan Kudarat