Ang aping kalagayan ng mga magsasaka

,

Labis na ikinagalit ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita ang inilabas na desisyon ng Korte Suprema nitong unang linggo ng Hulyo na pumapabor sa Hacienda Luisita Incorporated (HLI) na kontrolado ng pamilyang Cojuangco-Aquino.
Sa naturang desisyon, ibinasura ang hinihingi ng mga magsasaka na P1.33 bilyong nalikom ng HLI mula sa pagbebenta nito ng 580 ektaryang bahagi ng asyenda na dapat ay ipinamahagi sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Ginastos umano ang pondo sa ligal na mga paraan.
Ipinamalas ng desisyong ito ang nagpapatuloy na kawalan ng hustisya para sa mga magsasaka sa ilalim ng rehimeng Duterte. Sa mahigit dalawang taon sa kapangyarihan, pinalubha nito ang kanilang kawalan ng lupa pabor sa malalaking panginoong maylupa at komersyal na mga plantasyon. Gayundin, sa ngalan ng mga magsasaka, binundat niya ang bulsa ng mga kapanalig at tagasuporta sa loob ng burukrasya.
Sa halip na dinggin ang hinaing ng mga magsasaka, marahas na pag-atake ang tugon ng rehimeng Duterte sa kanila. Libong barangay ang kinukubkob ngayon ng AFP. Ang kolektibong pagkilos ng mga organisasyong magsasaka upang bungkalin ang kanilang lupa at ipaglaban ang karapatan dito ay sinasalubong ng panggigipit, pag-aresto at pamamaslang. Sa ilalim ni Duterte, mahigit 140 magsasaka na ang pinatay.
Daan-daang libong ektaryang lupaing agrikultural ang kontrolado pa rin ng mga panginoong maylupa at komersyal na mga plantasyon. Kabilang dito ang ilandaang libong ektaryang sakop ng mga pinyahan at sagingan ng mga Consunji at mga kumpanyang Dole at del Monte sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao. Palalawakin pa ang mga ito sa ilalim ni Duterte. Para sa ekspansyon pa lamang ng oil palm, 1.7 milyon ektarya na ang nakalaan.
Sa unang mga buwan ni Duterte, idineklara niya ang paglalaan ng 5.67 milyong ektarya para sa mga agribusiness venture agreement (AVA) at direktang dayuhang pamumuhunan. Ang mga AVA ay sosyohan sa pagitan ng mga agrarian reform community at mga kapitalista na nagbibigay sa kapitalista ng kontrol sa lupa.
Anim na milyong ektaryang lupang agrikultural pa ang bigong ipamahagi sa ilalim ng CARP. Paspasan ito ngayong pinapalitan ng gamit para tuluyan nang hindi maipamahagi.
Dahil sa kawalan ng suportang gubyerno sa mga magsasaka, hindi malao’y nakukuhang muli sa kanila ang lupang ibinigay sa ilalim ng CARP. Bukod sa mga AVA, laganap din ang mapagsamantalang mga kaayusan tulad ng sistemang aryendo. Sa Hacienda Luisita, 83% ng mga benepisyaryo ang nilinlang na paupahan lamang nang P7,000 bawat taon ang karaniwang sukat na .66 ektarya. Nangunguna sa mga nag-aaryendo rito ang pamilyang Lorenzo, isa sa mga kasosyo ng HLI at kunektado sa mga Duterte.
SA NUEVA ECIJA, sinasalamin ang laganap na kawalan ng lupa sa naitalang malaking bilang ng mga manggagawang bukid sa palayan. Sa bayan ng Guimba, tinitiis nila ang P200-300 arawang bayad. Hindi araw-araw na may trabaho. Kapag panahon ng anihan, ang sampung manggagawang bukid na nagtrabaho sa isang ektaryang umaani ng 100 kaban ay maghahati-hati sa parte nilang 7 kaban lamang. Kadalasa’y baon sila sa utang sa mga usurero at microfinancing na may interes na 20%.
Malaking bahagi (30%) naman ng inuutang na puhunan ng mga maralitang magsasaka ay napupunta sa pag-upa ng mga kagamitan, 27% sa mga gastusin sa pagtrabaho, 20% sa abono at mga kemikal, at 11% sa langis. Sa ganitong kairalan, karaniwang kumikita lamang ang mga magsasaka ng P250 bawat araw. Ang mga kagamitan sa pagsasaka ay karaniwang pag-aari rin ng mga panginoong maylupa at mga lokal na komersyante sa baryo. Inaasahang lolobo pa nang hanggang P1,500/buwan ang mga gastusin, laluna sa harap ng tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis at bagong-pataw na buwis sa ilalim ng batas ng TRAIN.
Sinasamantala ng mga panginoong maylupa ang kawalan ng lupa sa naturang prubinsya, kaya’t lumalaganap ang sistemang porsyentuhan na lalupang nag-aalis sa karapatan ng mga magsasaka sa lupang kanilang pinagyayaman. Sa sistemang ito, 10% lamang ang napupunta sa mga magsasaka kapalit ng mga gawaing katumbas ng isang tenanteng may karapatan sa lupa.
GINAWANG PALABIGASAN din ng rehimen ang aping kalagayan ng mga magsasaka. Ang umano’y batas sa libreng irigasyon ay maglalaan ng P2.6 bilyon para sa Department of Agriculture (DA), gayong mayroon nang hiwalay na pondong P41.6 bilyon ang National Irrigation Administration (NIA) para sa taong 2018. Mas mataas ito sa P38.4 bilyong pondo na nakalaan noong 2017. Sa kabila nito, wala pang sangkapat ng mga sakahang dapat may irigasyon ang naseserbisyuhan ng NIA, at bulok ang imprastruktura para rito. Sa Central Luzon pa lamang, aabot sa 67,000 ektarya ang walang irigasyon. Sa korapsyon din mapupunta ang ipinagmalaki ng DA na P3.7 bilyong ipauutang diumano sa mga magsasaka bilang puhunan.

Ang aping kalagayan ng mga magsasaka