Ang pagpapanday ng Partido sa Karlo
Bilang ambag sa paggunita sa nalalapit na ika-50 anibersaryo ng Partido, sisimulan ng Ang Bayan (AB) sa isyung ito ang serye ng mga artikulo tungkol sa mga tampok na karanasan sa pagbubuo ng mga sangay ng Partido sa iba’t ibang larangan ng rebolusyonaryong gawain. Nananawagan ang patnugutan ng AB sa lahat na mag-ambag sa seryeng ito sa pamamagitan ng pagsumite ng inyong tampok na mga kwento.
Dalawampu’t siyam na Pulang kumander at mandirigma ang nagsipagtapos ng Intermedyang Kurso ng Partido (IKP) nitong huling linggo ng Agosto. Kabilang sila sa Karlo, isa sa mga kumpanya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na kumikilos sa kabundukan ng Mindanao.
Ayon kay Ka Rara, ang kalihim ng sangay ng Partido sa loob ng Karlo, bahagi ang inilunsad na IKP sa pagkonsolida sa mga pwersa at pagpapatatag ng sangay ng Partido sa loob ng kumpanya. Sa ilalim ng batas militar ng rehimeng Duterte, tumindi ang atake ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga baryo at komunidad na kinikilusan ng Karlo.
Sa pagitan ng mga labanang inilulunsad upang depensahan ang mga baryo at magsagawa ng mga taktikal na opensiba, kailangan ang gayong tipo ng mga pag-aaral para masariwa at mapataas pa ang pampulitikang kamulatan ng mga kasama.
Ang mga pormal na pag-aaral tulad ng IKP ay bahagi ng masinsin na programa ng sangay para sa Karlo. Sa darating na mga buwan, layunin nina Ka Rara na ibayo pang maparami ang bilang ng tauhan ng kumpanya at itaas ang kakayahan nito sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba.
Upang makamit ito, kailangan ang araw-araw na pagbubuo sa Partido upang magsilbing direktor sa loob ng hukbong bayan. Batid nila Ka Rara na ang pagpapalakas ng Partido sa loob ng Karlo ang susing kawing upang itaas ang kakayahan at determinasyon ng BHB na isabalikat ang mabibigat na tungkulin sa pakikipagdigma.
Nakabatay ang arawang plano ng sangay sa binubuong komprehensibong plano para sa anim na buwan, na hinati-hati sa buwanang mga taktikal na plano. Pinangungunahan ng komiteng tagapagpaganap (KT) ng sangay ang pagbubuo ng planong ito. Tinatasa ang mga gawain ng sangay sa Karlo sa ideolohiya, pulitika at organisasyon, at naghahanay ng panibagong plano. “Pinakamahaba ang oras na inilalaan namin sa paksa ng pulitika,” pagbabahagi ni Ka Rara. “Mula gawaing militar, gawaing masa, produksyon, medikal, hanggang sa pangangalaga sa kalikasan.” Dagdag dito, masigla rin ang gawain sa ideolohiya. Ayon pa kay Ka Rara, maliban sa mga pormal na edukasyon, gustung-gusto ng mga kasama ang mga inilimbag na babasahin sa Pambansa Demokratikong Paaralan at karanasan sa Byetnam.
Lahat ng mahahalagang responsibilidad sa kumpanya ng Karlo ay tinatanganan ng mga kagawad ng KT. Sila ang pinakaabanteng mga elemento ng Partido at itinuturing na mga modelo ng disiplina at pagpapatupad ng programa ng Partido. Sa Karlo, mahigit 15 ang nasa KT na nakalubog sa mga platun at iskwad at nagsisilbing mga Pulang kumander, upisyal sa pulitika, lohistika, medikal, paniktik at iba pa. “Magrerekomenda pa kami ng mahuhusay na kasama upang ipaloob sa KT,” paglilinaw ni Ka Rara, “para sapat ang bilang ng mga kadre na mag-aasikaso sa mga gawain at sa masang kasapian ng Partido.”
Sa loob ng BHB, binubuo ang sangay ng Partido sa loob ng mga kumpanya. Sa Karlo, mabilis na naipatutupad ang mga plano ng sangay dahil sa katangian nitong halos araw-araw ay tipon ang mga platun. Nagsisimula at nagtatapos ang mga araw na aktibong gumagampan ng maliliit at malalaking tungkulin ang mga kasapi ng Partido bilang mga Pulang kumander at mandirigma. Sa paggising sa madaling-araw, magbabahagi na ang mga giyang pampulitika ng mensaheng ipapasa sa bawat elemento. “Pwedeng mga rebolusyonaryong sipi, o minsan naman, pang-militar na mga mensahe, halimbawa’y pagpamilyarisa sa alpabetong militar.”
Kasunod nito, naghahanda rin ng paksa na tatalakayin ng mga iskwad habang nagkokonsultahan ang yunit kumand, ang pamunuang militar ng yunit. Pagbalik ng mga kumander para sa arawang briefing, kabilang sa inihahanay ang pangunahing gawain batay sa takdang araw. “Sinisimulan na namin ang mga resolusyon na mag-uukol ng araw sa bawat pangunahing gawain,” ani Ka Rara. Halimbawa nito, ang mga Lunes ay inilalaan sa gawaing literasiya-numerasiya, ang mga Sabado ay para sa gawaing militar at iba pa. “Sa ganyang pag-iiskedyul na namin ipinapasok ang mga gawain, para sa bawat linggo, walang nalalaktawan,” dagdag pa niya.
Pagsapit ng hapon, magkokonsultahan ang pampulitikang seksyon upang tasahin ang takbo ng mga gawain. Ang pagtatasa ay mula sa nauna at regular na mga pagtatasa ng mga grupo ng Partido sa iskwad at platun.
Bawat grupo ng Partido sa iskwad ay nagtatasa bawat linggo, at bawat dalawang linggo naman ang grupo ng Partido sa platun. Matapos ang ikalawang pagtatasa ng grupo ng Partido sa mga platun, susumahin ito ng sangay sa Karlo para sa kasalukuyang buwan. Batay dito’y pauunlarin ang programa.
Dahil pangunahi’y panlabang yunit, tinitiyak ng sangay sa Karlo na kanunay o pamalagiang mataas ang diwa at kakayahang lumaban ng bawat upisyal at mandirigma. Paano ito tinitiyak? “Batay sa plano ng sangay, iniaatang sa yunit kumand ang pagbibigay ng pagsasanay sa pulitiko-militar, o mga crash course bago ang mga ito,” ani Ka Rara.
Dagdag pa, naglalaan ang kumand ng di bababa sa 30 minuto bawat araw para sa ehersisyong militar. Bawat ikalawang araw ay nagkukumustahan ang mga tim upang tasahin ang mapanlabang diwa ng bawat mandirigma. Tuwing ikatlong araw naman ay mayroong punahan at pagpuna-sa-sarili.
Kabilang din sa pagpapanday sa Karlo ang masinsin na pagsubaybay sa mga kasama kung epektibo silang nakagagampan sa iniatang na mga gawain. Ang ginagawa nina Ka Rara, “kung nakikita ng sangay na tila hindi interesado ang kasama sa ibinigay na tungkulin, agad namin siyang binibigyan ng bagong gawain. Kinukonsulta kung ano ang gusto niyang gampanan, at doon namin siya pinabubwelo.” Hinihikayat ng mga upisyal sa Partido na magbukas ng kanyang saloobin ang kasama nang sa gayon, “pagdating ng trabaho, wala nang mga bagahe.”
Masinsin din ang pagpanday sa mga nakikitaan ng potensyal. Halimbawa ni Ka Rara, kahit may kasalukuyang nakatalagang iskwad lider, pinapag-floating muna siya habang may sinasanay na kahaliling kumander. “Relyebo gyud ang mga tao para makabwelo.”
“Karamihan ay mga kasapi na ng Partido,” ani Ka Rara. “Ang natitirang ilang mandirigma, bago pa man marekluta, ay pinalalahok na namin sa mga gawain kung saan sila nakikitaan ng potensyal. Agad silang pinahahawak ng tungkulin matapos sumumpa bilang kasapi.” Kalimitan, bawat kasapi ng Partido sa mga iskwad ay may hinahawakang tahas, o tungkulin, katulad ng pagiging upisyal sa suplay, medik, tim lider at iba pa. Sa loob ng anim na buwan hanggang isang taon, mabilis na napalilitaw ng sangay ang bagong mga kasapi ng Partido na tatangan ng mga responsibilidad at magpapatupad ng programa ng sangay.
Nasaksihan ni Ka Rara ang nakaraang apat na taon ng Karlo. Nang ipinakat siya sa kumpanya, nasa panahon pa ito ng pagbawi mula sa mga kabiguan. Mula sa isang platun, dinagdagan sila at nagpasampa hanggang sa muling lumaki. Paglipas ng mga taon, masasabing bata ang komposisyon ng sangay sa Karlo. Ang pinakamatandang myembro ay 36 taong gulang pa lamang. Pero tiwala si Ka Rara sa mga maaabot ng kumpanya. Tiwala siyang kakayaning harapin ng mga kasama ang mga sakripisyo. Isang pribilehiyo para sa sangay na ngayon pa lamang, nakapag-aaral at nakapagsasanay na, dahil sa paglaki ng Karlo, kaakibat nito ang mas mabibigat na responsibilidad.
Sa kung ano’ng tipo ng komite ang kanyang tinatanaw, makabuluhan ang binitiwang mga salita ni Ka Rara: “Himsog na kinabuhi sa Partido. Masiglang buhay-Partido sa loob ng Karlo, para makita kung ano pa ang kailangan para maabot ang mga nais kamtin. Bilang pampulitikang direktor ng kumpanya, dapat siya ang pinakasolido, pinakamaagap sa pagtanaw sa mga problema para maagap ding nabibigyan ng solusyon. Kung dili himsog ang Partido, wala ang tanan.”