Unang pagtitipon ng mga katutubo sa Ilocos, idinaos

,

Sa Ilocos Sur, nagtipon ang may 60 kinatawan ng mga tribong Bago, Isnag-Yapayao at Tingguian mula sa Ilocos Norte, Ilocos Sur at La Union. Inilunsad nila ang First Ilocos Indigenous Peoples Convergence and Consultation noong Agosto 9 sa Cabugao, Ilocos Sur.

Sa pagtitipon, nagbahagi ng karanasan at kalagayan ang iba’t ibang grupong minorya sa rehiyon. Napapanahon ang aktibidad dahil pangunahing target ng proyektong imprastruktura ni Duterte ang kanilang lupang ninuno. Pinangunahan ng Ilocos Region Ecumenical Council ang naturang aktibidad.

Ayon sa pahayag ng mga delegado, ang proyektong hydropower at eko-turismo ng rehimen ay nagpapalala sa pangwawasak at sapilitang pagpapalayas ng korporasyong mina sa mga lupang ninuno. Kabilang sa mga inihapag na usapin ng mga dumalo ang hindi pagkilala ng lokal na gubyerno sa kanilang kinatawan, tulad nang sa La Union.

Inihapag naman ng isang myembro ng tribong Isnag-Yapayao ang hindi pagkilala ng lokal na gubyerno sa pagtanggi ng kanilang tribo na magbigay ng pahintulot sa mga dayuhang kumpanya ng enerhiya sa Caunayan, Pagudpud sa Ilocos Norte. Dahil bigong makakuha ng pahintulot ang naturang kumpanya, nakipagsabwatan ito sa National Commission for Indigenous Peoples na nagtayo ng isang pekeng organisasyon para matuloy ang kanilang mga operasyon.

Binatikos naman ni Nick Laden ng tribong Bago at lider ng Timpuyog ti Mannalon ti Karayan Buaya ang National Irrigation Authority sa pagtatayo nito ng dam sa kanilang munisipyo sa kabila nang walang permiso mula sa mga residente.

Sa pagtatapos ng pagtitipon, nilagdaan ng mga dumalo ang isang deklarasyon ng pagkakaisa. Binigyang diin nila ang pagkakait ng rehimeng US-Duterte sa kanilang karapatan na gamitin at paunlarin ang kanilang lupang ninuno at ang pagbabalewala nito sa kanilang mga pangunahing pangangailangan. Kinundena rin nila ang pagkakait sa kanilang karapatan na mamuno, mamahala at paunlarin ang kanilang kakayahan sa ekonomya at paunlarin ang kanilang kultura.

Araw ng mga Katutubo

Noon ding Agosto 9, naglunsad ng koordinadong protesta ang mga balangay ng Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas sa iba’t ibang syudad ng Maynila, Nueva Vizcaya, Baguio, Pampanga, Iloilo, Surigao del Sur, Davao City at Misamis Oriental bilang paggunita sa Pandaigdigang Araw ng mga Katutubo.

Sa mga protestang ito, kinundena nila ang sistematikong paglabag ng rehimeng US-Duterte sa kanilang mga karapatan. Sa kanilang tala, umabot na sa 47 katutubo ang pinaslang sa ilalim ng rehimen. Nakapagtala rin sila ng 24 insidente ng pambobomba na nagresulta sa sapilitang pagbabakwit ng 27,000 katutubo sa buong bansa. Nasa 384 naman ang mga insidente ng pang-aatake sa ang mga komunidad ng katutubo. Sa Mindanao, 72 paaralan na ng mga Lumad ang nakasara dulot ng tuluy-tuloy na militarisasyon at panggigipit ng AFP sa kanila.

Unang pagtitipon ng mga katutubo sa Ilocos, idinaos