Reyd ng BHB sa Northern Samar, tagumpay
MATAGUMPAY ANG REYD na isinagawa ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) laban sa Philippine National Police (PNP) Municipal Station sa bayan ng Lapinig sa Northern Samar noong Agosto 10, ala-1:44 ng madaling-araw. Sa inisyal na mga ulat, nakasamsam ng di bababa sa siyam na armas at iba pang gamit ang mga Pulang mandirigma. Dalawang tauhan ng pulis ang naiulat na sugatan. Dahil dito, sinuspinde ng PNP ang matataas na upisyal sa prubinsya, kabilang ang hepe ng mga pulis sa Lapinig.
Samantala, limang magkakasunod na operasyong haras ang inilunsad ng BHB-North Central Mindanao Region. Sa Misamis Oriental, hinaras ng BHB-Misamis Oriental ang nag-ooperasyong yunit ng 58th IB sa Pulo, Bantaawan noong Agosto 9. Isa ang patay sa mga sundalo.
Sa Bukidnon, Agosto 8, alas-12 ng tanghali, pinaputukan ng BHB ang nag-ooperasyong yunit ng 1st Special Forces Battalion sa Barangay Bontongon, Impasug-ong. Dalawa ang sugatan sa mga sundalo.
Sa sunod na araw, hinaras ng BHB ang howitzer crew sa Barangay Bolunay sa parehong bayan. Isa ang patay sa mga sundalo.
Sa Manolo Fortich sa parehong prubinsya, pinagbabaril ng BHB ang detatsment ng CAFGU sa Guilang-guilang noong Agosto 12, alas 9:20 ng gabi.
Noong Agosto 17, alas-10:36 ng gabi, pinaputukan ng BHB ang command post ng 2nd Special Forces Company sa Dalwangan, Malaybalay City.