Duterte at Trump, hinatulang nagkasala sa internasyunal na hukuman

,

Hinatulang nagkasala sa International People’s Tribunal (IPT) o pandaigdigang hukumang bayan sa Brussels, Belgium sina Rodrigo Duterte at US President Donald Trump sa kanilang mga pasistang krimen laban sa sambayanang Pilipino noong Setyembre 19.

Dininig ng IPT mula Setyembre 18 ang 21 kasong isinampa laban sa sa dalawang presidente. Kabilang sa mga ito ang mga kaso ng paglabag sa karapatang sosyo-ekonomiko, sibil-pulitikal at sa pagpapasya-sa-sarili.

Ang IPT ay isang pandaigdigang hukuman na binubuo ng mga internasyunal na organisasyon ng mga abugado at tagapagtanggol ng karapatang-tao. Ayon sa Karapatan, bahagi ang paglilitis ng hukuman sa lumalapad na paglaban sa tiraniya, pasismo, militarismo, at dayuhang panghihimasok na pinahihintulutan ng rehimen.

Sa kabila ng tangka ng Malacañang na palabasing “walang saysay” at pawang “propaganda” lamang ang ginanap na pagdinig ng IPT, iginiit at ipinaalala ng mga organisador ng pandaigdigang hukumang bayan na ang otoridad ng anumang korte—lokal man o internasyunal—ay nagmumula sa taumbayan.

Nagsilbing hurado sa IPT ang mga kilalang internasyunal na abogado at tagapagtanggol ng karapatang-tao mula sa US, The Netherlands, Iran, Italy at France. Ang hatol mula sa IPT ay isusumite sa International Criminal Court, European Parliament, at sa United Nations Human Rights Council bilang kaso laban sa rehimeng Duterte na sinusuhayan ng US.

Kabilang sa mga kasong dininig sa IPT ang lansakang pagpatay ng mahigit 23,000 mahihirap na Pilipino sa ilalim ng “gera kontra-droga,” at mahigit 160 pagpatay sa mga lider-magsasaka at lider-katutubo. Kabilang din ang pagsasampa ng gawa-gawang mga kaso laban sa mga lider, aktibista, at kritiko ng rehimen at ang pagpapakulong sa higit 500 indibidwal dahil sa kanilang paninindigan sa pulitika.

Dininig din sa IPT ang mga paglabag sa sosyo-ekonomikong karapatan, kabilang ang patuloy na pagpapatupad ng rehimen sa mga patakarang kontra-manggagawa at kontra-mamamayan.

Samantala, ang mga paglabag sa internasyunal na makataong batas at karapatan sa pagpapasya-sa-sarili ay kinabibilangan ng mga kaso ng atake sa 226 na paaralang Lumad sa Mindanao, ang panganganyon at airstrike sa mga katutubong komunidad at ang patuloy na panghihimasok ng militar ng US sa pagpapalakad ng reaksyunaryong gubyerno at militar sa bansa.

Kabilang sa mga tumestigo sa korte sina Sultan Hamidullah Atar ng Marawi City na nag-ulat ng mga krimen ng militar sa pang-aatake nito sa Marawi City noong 2017, at si Suara Bangsamoro Chairperson Jerome Succor Aba na biktima ng diskriminasyon, tortyur, at iligal na pagkakakulong sa US noong Abril. Tumestigo rin si Rev. Ritchie Masegman ng Rise Up for Life and for Rights para sa mga biktima ng Oplan Tokhang.

Hindi ang rehimeng US-Duterte ang unang tutang rehimen sa Pilipinas na hinatulang nagkasala ng IPT. Noong 1980, hinatulan din ng korteng ito ang diktadurang US-Marcos na nagkasala sa lantarang paglabag sa mga karapatang-tao ng mamamayang Pilipino.

Duterte at Trump, hinatulang nagkasala sa internasyunal na hukuman