Matinding krisis ng diktadurang US-Marcos

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Apatnapu’t anim na taon na ang nakalilipas nang idineklara ng diktadurang US-Marcos ang Proclamation 1081 na nagpataw ng batas militar sa buong bansa. Sa taong 1979, kalahati ng buong panahong pag-iral ng batas militar, sadlak ang bansa sa matinding krisis sa ekonomya at pulitika. Matindi rin ang panggigipit sa mga demokratikong sektor.

Sa gitna nito, lumakas ang paglaban ng mamamayang Pilipino sa iba’t ibang panig ng bansa. Libu-libo ang kumilos sa hayag at di hayag na mga pakikibaka at daan-daan ang lumahok sa armadong pakikibaka para ibagsak ang diktadurang US-Marcos.

Bangkaroteng ekonomya

Dumausdos ang ekonomya ng Pilipinas dahil sa pagsirit ng tantos ng implasyon sa taong 1979. Dulot ito ng paghahabol ng diktadura na makalikom ng pondo para sa ambisyosong mga programang imprastruktura nito. Dumami ang bilang ng mga manggagawa at magsasaka na dalawang beses na lamang kumakain sa isang araw.

Itinulak ng pagtaas ng presyo ng krudo, pinakamalaki simula batas militar, ang pagtaas ng mga presyo ng iba’t ibang bilihin at serbisyo. Sumirit ang presyo ng primyum na gasolina nang 800% sa 1979, mula P0.37/litro bago ideklara ang batas militar tungong P3/litro. Ang ordinaryong gasolina naman ay tumaas nang 900%, mula sa P0.31 tungong P2.8/litro sa parehong panahon.

Litaw sa pagtaas na ito ang sabwatan ng imperyalismong US at ng tuta nitong si Marcos. Nakakuha ng 36% bahagdan ng dagdag-presyo ang imperyalistang kartel sa gasolina, samantalang 60% naman ang napunta sa rehimen sa porma ng buwis. Dulot nito, pumalo ang tantos ng implasyon sa 21% noong Hulyo at 30% sa pagtatapos ng taon.

Dahil dito, bumagsak ang dati nang mababang halaga ng sahod ng mga manggagawa. Ito ay sa kalagayang umaabot sa 11.5 milyong Pilipino ang walang trabaho, 40% ng kabuuang lakas-paggawa ng bansa.

Naging sunud-sunuran ang diktadura sa mga utos ng International Monetary Fund (IMF) na tanggalin ang lahat ng kontrol sa lokal na mga presyo. Kapalit ito sa hinahabol ni Marcos na utang mula sa IMF, World Bank at Asian Development Bank.

Sa unang hati ng 1979, umabot sa P70 bilyon ($8.7 bilyon sa palitang $1=P8) ang utang panlabas ng bansa. Lumaki pa ito tungong P72 bilyon ($9 bilyon) bago matapos ang taon.

Sunud-sunod na mga bagong buwis ang ipinataw ng diktadura. Ang buwis sa pabahay na nasa P1 ay itinaas tungong P10. Pinatawan din ng buwis ang mga migranteng manggagawa at propesyunal, gayundin ang mga opereytor ng dyip at maging ang mga pautang ng mga institusyong pinansyal.

Para pahupain ang galit ng mamamayan, naglabas ang rehimeng US-Marcos ng dikreto para umentuhan ang minimum na sahod mula P11 tungong P13. Pero kulang na kulang ito sa P45-50 na pangangailangan ng isang pamilya na may anim na kasapi sa panahong iyon.

Pagsulong ng kilusang masa at armadong pakikibaka

Noong 1979, ilang libong kasapi ng Partido at Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang nagmulat, nag-organisa at nagpakilos sa masang Pilipino sa sampung rehiyon sa buong bansa—Northeastern Luzon, Northwestern Luzon, Eastern Central Luzon, Western Central Luzon, Southern Tagalog, Eastern Visayas, Western Visayas, Mindanao at Manila-Rizal.

Inilunsad ng mga manggagawa, ang sektor na pinakatinamaan ng implasyon, ang kilusang welga sa mga pagawaan. Ang mga magsasaka ay naglunsad ng mga lakbayan tungong kalunsuran para iprotesta ang militarisasyon at ang nagmamahalang bilihin.

Naglunsad ng mga boykot at lumahok sa mga protesta para itaguyod ang mga kalayaang sibil at demokrasya ang mga guro, kabataan-estudyante at propesyunal. Nakaalyado at lumahok din sa mga paglaban ang ilan sa mga pambansang burgesya. Lumahok na rin sa kilusang protesta ang simbahang Katoliko at iba pang relihiyoso.

Dahil sa malalapad na protestang bayan, lumakas ang loob ng reaksyunaryong uri na kumilos laban sa diktadura. Kabilang sa mga tumindig sina Sen. Benigno Aquino, Jr., Sen. Gerardo Roxas at Diosdado Macapagal.

Sa kanayunan, bagaman maliit ang bilang at mahina ang lakas-pamutok kumpara sa reaksyunaryong hukbo, nakapagpundar ang BHB ng lakas at kakayahang lumaban sa maraming larangang gerilya. Sa panahong ito, mayroon nang 29 larangang gerilya sa 39 na prubinsya sa buong bansa.

Kaagapay ng rebolusyonaryong kilusan ang Moro National Liberation Front at ang mamamayang Moro na naglunsad ng armadong pakikibaka sa Mindanao. Dahil dito, napilitan ang diktadurang US-Marcos na banatin ang mga armadong pwersa nito sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Noong 1981, napilitan si Marcos na magkunwaring tapusin ang batas militar.
_________________________
Halaw sa Ang Bayan Nobyembre 1979

Matinding krisis ng diktadurang US-Marcos