Gastos sa produksyon ng palay sa Kalinga
Palagiang isinasangkalan ng mga upisyal ng reaksyunaryong estado ang mataas na presyo ng lokal na bigas para bigyang katwiran ang pag-aangkat nito. Gayunpaman, anumang pagtaas ng presyo ng bigas ay hindi pinakikinabangan ng mga magsasakang nagpuprodyus nito.
Habang tuluy-tuloy na sumisirit ang presyo ng bigas, tumataas din ang gastos sa produksyon ng mga magsasaka habang nananatiling mababa ang presyo ng inaani nilang palay.
Isa ang Kalinga sa mga prubinsyang may mataas na produksyon ng palay sa bansa. Ang Tabuk, sentrong syudad nito, ay matatawag na “rice granary” ng Cordillera. Nasa 23,000 ektarya o 37% ng kabuuang 116,000 ektaryang kalupaan ng prubinsya ang tinatamnan ng palay. Karugtong ng Pinukpuk at Rizal, mga lugar kung saan nagsasalubong ang malalaking ilog tungong Chico River, nagpuprodyus ang prubinsya ng hanggang 176,000 metriko toneladang (MT) palay kada anihan.
Sa kabila nito, hindi umuunlad ang kabuhayan ng mga magsasaka sa Kalinga. Sa pangkalahatan, umaabot sa P45,000 ang gastos ng magsasaka para sakahin ang isang ektarya ng lupa. Saklaw nito ang mamahaling sangkap (abono, pestisidyo, pamatay ng damo) na pinoprodyus ng malalaking dayuhang kumpanyang agro-kemikal. (Tingnan ang talaan.) Malaki rin ang ginagastos sa upa sa makinarya, pasahod at transportasyon. Ang lahat ng ito ay binabalikat ng magsasaka. Kung maayos ang panahon (walang sakuna o bagyo), maaaring makabenta nang hanggang P73,893 ang magsasaka. Aawasin mula rito ang gastos sa produksyon at parte ng panginoong maylupa (P24,630) sa hatiang tersyuhan. Lalabas na nasa P4,508 ang netong kita ng magsasaka kada anihan. Kung hahatiin ito sa apat na buwan, lalabas na P37.50 lamang ang arawang kita ng magsasaka, kulang pa para ipambili ng isang kilong bigas.
Ang ganitong kaliit na kita ang nagtutulak sa mga magsasaka na mangutang para sa pangangailangan ng kanilang pamilya, gayundin para sa susunod na taniman. Sinasamantala ang kagipitang ito ng mga usurero na nagpapautang ng abono at/o pestisidyo na may mataas na interes o di kaya’y nagpapabayad gamit ang iskemang palit-palay o “sanla-bili” ng kanilang lupa.
Umaabot sa 5-7% ang interes kada buwan sa inuutang para pang-abono at pestisidyo. Ibabawas ang halagang ito sa benta na palay ng magsasaka. Sa ilalim ng iskemang “palit-palay,” may dagdag na dalawang kaban na palay ang kada P1,000 na uutangin ng magsasaka. Kung pipiliin ng magsasaka na magbayad ng interes, buwan-buwan ay itinataas ito ng usurero ng 5-15% o 20-60 % kada anihan. Sa ilalim naman ng “sanla-tubos,” ginagawang kolateral ang lupa sa halagang P50,000-P60,000/ektarya. “Tutubusin” ng magsasaka ang lupa sa pamamagitan ng pagbabayad ng ani nito sa loob ng isang takdang panahon. Kung hindi mabayaran ang halaga, kukumpiskahin ng usurero ang lupa sa iskemang “sanla-bili.”
Dagdag na panganib sa kabuhayan ng mga magsasaka sa prubinsya, laluna sa kapatagan ng Rizal, ang pang-aagaw ng mga panginoong maylupa sa kanilang mga sakahan. Isa rito ang mga lupa sa Hacienda Madrigal na sumasaklaw sa mga barangay ng Babalag East, Babalag West, Macutay, Bolbol, San Pascual at San Quintin. Sa pamamagitan ng isang deed of assignment, isinalin ni Don Vicente Madrigal ang titulo ng asyenda sa Susana Realty, Inc., isang kumpanyang pag-aari rin ng kanilang pamilya. Dahil dito, ilang ulit nang nakaranas ng pagpapalayas ang mga magsasaka. Pinakamalala rito ay ang demolisyon noong Hunyo 25, 2007 kung saan siyam ang namatay, apat ang sugatan at marami ang iligal na inaresto sa tinaguriang Masaker sa Malapiat.
Pahamak na mga patakaran
Halos sangkatlo sa gastos ng magsasaka ay nakatuon sa pagbili ng mga dayuhang binhi at produktong agro-kemikal na inilalako mismo ng Department of Agriculture. Kabilang dito ang mga hybrid na binhi tulad ng RC4, RC14, IR10, IR36, IR64 at iba pa. Ang mga binhing ito ay galing sa International Rice Research Institute (IRRI), na pinopondohan ng mga korporasyong transnasyunal tulad ng Aventis, Bayer, Cyanamid, Monsanto at Novartis. Umaabot sa P584 milyon ang benta ng mga higanteng kumpanya tulad ng Bayer, Pioneer, SL Agritech, Monsanto at Syngenta sa isang taon sa mga kapatagan pa lamang ng prubinsya.
Dagdag sa gastos ng produksyon ang sumisirit na presyo ng mga produktong petrolyo na idinudulot ng bagong mga buwis. Nitong taon, tumaas na nang abereyds na P12/litro ang mga produktong petrolyo.
Liban sa malaking gastos sa produksyon, kulang na kulang ang serbisyo sa agrikultura na ibinibigay ng estado. Kabilang dito ang kakulangan ng irigasyon pangunahin sa Tabuk at Pinukpuk. Marami sa 6,180 ektaryang lupa ang hindi inaabot ng patubig. Sa kabila nito, tuluy-tuloy na sinisingil ng National Irrigation Administration ang mga magsasaka sa buong erya kahit kulang na kulang ang dumadaloy na tubig sa kanilang mga sakahan.