Saan napupunta ang pondong paniktik ng rehimen?
Batay sa kalalabas pa lamang na taunang ulat para sa 2017 ng Commission on Audit (COA) ng reaksyunaryong gubyerno, lampas doble ang inilaki ng pondong nakalagak sa “confidential, intelligence, and extraordinary and miscellaneous expenses” noong 2017, kumpara noong 2016.
Tinatawag ring “black budget” ang pondo ito dahil kahit pera ito ng taumbayan, hindi obligadong magsumite ng ulat ng pinaggastusan ang mga upisina at ahensyang gumamit nito.
Ayon sa naturang ulat, lumobo tungong P8.98 bilyon sa 2017, mula sa P4.44 bilyon noong 2016—o tumataginting na 101.78% pagtaas—ang nagamit na pondo para sa “confidential and intelligence expenses.”
Halos tatlong-kapat (3/4) ng pondong ito ay ginasta ng tatlong pangunahing institusyon sa reaksyunaryong gubyerno—ang Office of the President (OP), na gumastos ng P2.515 bilyon; ang Department of National Defense (DND), na gumastos ng P2.22 bilyon; at ang Kongreso, na gumastos ng P1.797 bilyon.
Sa papel, ginagamit para sa mga operasyon sa paniniktik pero higit dito, nagsisilbi itong personal na pondo ng presidente at mga upisyal-militar para sa anumang nais nilang pagkakagastusan.
Lumolobong sikreto
Batay sa datos mula sa Department of Budget and Management, sa kabuuan, mula 2016- 2018, nakagamit na ng P16.45 bilyon si Duterte para sa pondong lihim at paniktik. Ito ay mahigit 92% mas malaki kung ihahambing sa P8.56 bilyong kabuuang gastos ng rehimeng Aquino mula 2010-2015.
Ngayong 2018, umaabot na sa P8.08 bilyon ang kabuuang badyet para sa paniktik, mahigit apat na beses na mas malaki kung ihahambing sa P1.58 bilyong pinagsamang pondo para rito mula 2016. Sa 2019, aabot naman sa P6.28 bilyon ang laang pondo para rito.
Pinakamalaki ang black budget ng Office of the President. Nang simula ng rehimeng Duterte noong 2016, mayroon itong P500 milyong black budget. Nitong 2018, lumobo ito tungong P2.5 bilyon. Direkta sa presidente ang pag pag-apruba ng gamit ng pondo. Ang pangulo din lamang ang tumatanggap ng ulat hinggil sa paggamit nito.
Dahil sa napakalihim na katangian ng nasabing pondo, bukas na bukas ang multibilyong badyet na ito sa abuso. Sa katunayan, isa sa mga kasong kinaharap ng dating pangulo at ngayo’y House Speaker Gloria Arroyo ay ang paglustay sa P325 milyong black budget sa ilalim ng Philippine Charity Sweepstakes Office sa huling tatlong taon ng kanyang panunungkulan.
Maraming ulat din ang nagpapakita na sa tagong bahaging ito ng badyet ng rehimen kinukuha ang pondo para sa pagbabayad ng mga “troll” sa internet at mga tauhan nitong gumagawa ng “fake news.”
Sa isang ulat na inilabas ng Oxford Internet Institute, lumalabas na may 400-500 tauhan ang rehimeng Duterte na buong-panahong gumagawa ng mga pekeng social media account at nagmamanupaktura ng fake news, at ang sari-saring kontratang kanilang nakukuha sa reaksyunaryong gubyerno ay nagkakahalaga ng hindi bababa sa P10.5 milyon kada kontrata. Maraming eksperto ang nagsasabing sa black budget hinuhugot ang pondong ito.
Kla$ipikado
Ang paggamit—at ang pagkakaroon—ng black budget ay isang impluwensyang direktang maikakabit sa imperyalistang US. Dito, palaging pinagdedebatihan ang paglalaan ng bilyun-bilyong pondo na lihim ang pinaggagamitan.
Kabilang sa mga kilalang pinaggagamitan ng black budget ng US ang pag-eespiya at iba pang mga aktibidad nito laban sa ibang mga bansa, ang paglikha ng mga bagong armas at bomba, at ngayon—ang tinatawag na “astroturfing” o pagpopondo sa mga “troll account” sa social media at iba pang pamamaraan para kontrolin ang opinyong publiko, na bahagi ng tinatawag nilang “offensive cyberoperations.” Sa katunayan, pinalalaganap ng US ang ganitong cyberoperations sa pamamagitan ng paghahasa sa mga eksperto sa ilalim ng mga pagsasanay-militar nito sa mga malakolonya, kabilang ang Pilipinas. Ang black budget din ang pinagmulan ng pondo para sa paglinang ng iba’t ibang porma ng tortyur na ipinalalaganap ng US.