Ika-155 Araw ni Bonifacio, ipinagdiwang
Sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno ipinagdiwang ng mga pambansa-demokratikong grupo ang ika-155 Araw ni Andres Bonifacio noong Nobyembre 30. Nagprotesta ang mga progresibong organisasyon at sektor sa paanan ng tulay ng Mendiola sa Maynila para kundenahin ang tahasang pangangayupapa ng rehimeng Duterte sa US at China. Ipinanawagan din nila ang kagyat na pagwawakas sa panunupil sa demokratikong karapatan at batas militar sa Mindanao.
Matapos nito, tumulak ang mga raliyista sa Embahada ng US para tutulan ang patuloy na panghihimasok ng imperyalista sa bansa. Nagtapos ang programa sa pagsusunog ng isang effigy na may mukha ni Duterte na kinukubabawan ni US President Trump at Chinese President Xi Jinping.
Kaugnay nito, nagprotesta ang mga progresibong grupo mula sa Southern Tagalog sa pangunguna ng Pamantik-KMU sa Crossing, Calamba, Laguna sa ganap na alas-4 ng hapon.
Kasabay na ipinagdiwang ng mga balangay ng Anakbayan ang Araw ni Bonifacio at ang kanilang ika-20 anibersaryo. Sa pangunguna ng pambansang upisina ng Anakbayan, isinagawa ang dulang “Ang Naratibo ng Bayan ay Naratibo ng Digma” sa UP Film Institute, UP Diliman at Polytechnic University of the Philippines. Inilunsad din ng mga balangay ng Anakbayan sa Bicol, Cavite at Cordillera ang mga pagtitipon at pagkilos.
Samantala, nagsagawa ng raling iglap ang lihim na organisasyong Kabataang Makabayan (KM)-Lucille Gypsy Zabala Brigade sa harapan ng Far Eastern University sa Maynila noong Nobyembre 29.
Isinagawa ang protesta bilang pagdakila sa ika-54 na taong anibersaryo ng KM at mga kabataang nag-alay ng buhay sa rebolusyon.
Ipinanawagan nila ang pagpapabagsak sa tiranikong paghahari ng rehimeng US-Duterte at pagsampa ng kabataan sa Bagong Hukbong Bayan. Kaparehong protesta ang inilunsad ng Kabataang Makabayan sa Cebu.