Karahasan at batas militar sa Mindanao, kinundena
Nagprotesta sa harap ng Department of National Defense, Camp Aguinaldo, Quezon City noong Disyembre 4 ang grupo sa pangunguna ng BAYAN-Mindanao at Barug Katungod para labanan ang patuloy na pag-iral ng batas militar sa isla na nagdudulot ng paglabag sa karapatang-tao.
Samantala, sa isinagawang National Clergy Convocation ng Iglesia Filipina Indipendiente noong Nobyembre 20, naglunsad ng isang panalangin at programa ng pakikiisa para sa mga bakwit na Manobo. Nagtirik sila ng kandila sa UCCP Haran para ipanawagan ang pagwawakas ng karahasan laban sa mga Lumad.
Sa pangunguna naman ng Artists for Human Rights (AHRT!), inilunsad ang CINERESBAK: Decades of Resistance Films sa Cine Adarna, UP Diliman, isang programa ng pagpapalabas ng mga pelikula ng paglaban noong Disyembre 3.
Sinundan ito ng RAMPA! Red Carpet Walk laban sa Red-tagging at mga atake sa mamamayan. Nilahukan ito ng Samahan ng Manininda sa UP, mga manggagawa ng SUMIFRU, ni Mae Paner at iba pang personalidad.
Kasabay naman ng pagdiriwang ng International Day for the Elimination of Violence against Women, naglunsad ng protesta ang Gabriela-Bicol noong Nobyembre 25 sa Plaza Oragon, Naga City. Samantala noong Nobyembre 29, nagprotesta ang Karapatan at Gabriela sa harapan ng Department of National Defense sa Cubao, Quezon City. Kasabay ito ng pagdiriwang ng International Women Human Rights Defenders’ Day.
Sa paggunita sa Maguindanao Massacre at International Day to End Impunity noong Nobyembre 23, nagprotesta ang Anakbayan-Southern Tagalog sa Crossing, Calamba, Laguna at Freedom Park, Pala-pala, Dasmarinas, Cavite. Gayundin, naglunsad ng protesta at nagtirik ng kandila ang College Editors’ Guild of the Philippines-Cebu at Karapatan-Cebu sa Metro Colon, Cebu.
Samantala, noong Nobyembre 28 bilang pag-alala sa isang taon na kawalang hustisya sa pagpaslang kina Elisa Badayos ng Karapatan-Negros Oriental at Elioterio Moises ng Mantapi Farmers’ Association sa isinagawang Central Visayas Fact Finding Mission naglunsad sila ng martsa sa harapan ng Commission on Human Rights Region VII at Metro Colon, Cebu.