Rekrutment ng CAFGU, ginagawang negosyo

Ginamit ng AFP ang rekrtument at tauhan ng CAFGU para pagkakitaan. Ito ang ibinunyag ng tagapagsalita ng BHB-Northeast Mindanao Region na si Ariel Montero. Aniya, mayroong mahigit 100 detatsment ng CAFGU sa rehiyon sa kasalukuyan. Liban pa ito sa mga detatsment ng SCAA na nagsisilbing pribadong gwardya ng mga kumpanyang mina at plantasyon. Mayroong humigit-kumulang 40 elementong CAFGU ang bawat detatsment o 4,000 sa 10 detatsment sa buong rehiyon.
Sa papel, pinasusweldo ang mga CAFGU nang P4,500/buwan kada isa (P18 milyon/buwan.) Pero sa totoo, hindi ito ibinibigay sa kanila sa loob ng tatlo hanggang apat na buwan para magamit ng mga upisyal bilang kapital sa kanilang mga negosyo at pautang. Bilang pautang, pinapatawan ito ng 5% hanggang 20% na interes. Sa gayon, tumatabo ang mga upisyal-militar sa rehiyon nang hanggang P10.8 milyon kada kwarto. Para magkapera ang mga elemento ng CAFGU, nangungutang ang kanilang mga pamilya sa mga “kooperatiba” na itinayo rin ng AFP o ng mga usurerong kakutsaba nila.
Ibinunyag din ni Montero na nagpaparamihan ng mga pekeng surenderi ang mga kumander ng 75th IB at 36th IB dahil naghahabol ang mga ito ng promosyon para maging kumander ng dibisyon. Sa kanilang pagkukumahog, ginagamit nilang ebidensya kahit ang mga ripleng ginagamit ng mga magsasaka para sa pangangaso. Itinuturing ding surenderi ang pinagdududahan nilang mga “tagasuporta” ng BHB at kanilang mga pamilya.
Ginagawa rin ng mga upisyal na palabigasan ang programa ng pagpapasurender. Bihira, kung natatanggap man, ng mga “surenderi” ang pangako sa kanilang P65,000 ayudang pinansyal.