Mayaman at abanteng karanasan ng BHB-NCMR sa gawaing medikal
Ang sumusunod na artikulo ay ambag ng Bagong Hukbong Bayan-North Central Mindanao (BHB-NCMR) sa serye sa Ang Bayan ng pagbabahagi ng mga abante at kontemporaryong karanasan ng BHB sa iba’t ibang larangan ng gawain. Bahagi ito ng pagkilala sa mga naabot at tagumpay ng BHB sa nakaraang 50 taon. Hinihikayat ng Ang Bayan ang mga kumand sa operasyon ng BHB sa lahat ng antas na magbahagi ng kani-kanilang mga karanasan bilang bahagi ng paghahanda sa ika-50 anibersaryo ng BHB sa darating na Marso 29.
Ang gawaing pangkalusugan ay bahagi ng paglulunsad natin ng rebolusyon.” Ito ang pahayag ni Ka Iris, kasapi ng Regional Medical Staff ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa North Central Mindanao Region (NCMR) sa panayam sa kanya noong Disyembre 2018.
Krusyal na tungkulin ang gawaing medikal sa BHB bilang isang nagsasariling hukbo at hukbo ng mamamayan. Saklaw nito ang pangangalaga sa kalusugan ng mga Pulang mandirigma, pagpapanatili ng sanitasyon, mga paunang lunas, pati na ang pagsasagawa ng mga mayor at maliliit na operasyong medikal. Kabilang sa mga mayor na operasyong medikal ang pagsasagawa ng combat surgery o pag-opera sa mga pinsalang dinanas sa armadong labanan.
Itinatatag ang mga komite o grupo sa gawaing medikal sa antas iskwad hanggang kumpanya. Pinapanday ang kakayahan ng mga kasapi nito sa mga teoretikal at praktikal na pagsasanay. Kabilang dito ang paglulunsad ng mga pag-aaral sa batayan, intermedya at abanteng mga kursong pangkalusugan.
Sa NCMR, umaabot na sa laking kumpanya ang bilang ng mga upisyal sa medikal sa rehiyon. Ilan nang mga kumperensya at pagsasanay ang inilunsad para paunlarin ang kanilang kakayahan. Resulta nito ang mas mabilis at tumpak na paghahatid ng mga batayang serbisyong pangkalusugan sa hukbo at mamamayan.
Mga operasyong mayor at pangkombat
Isa sa mga binibigyang-diin ng komite sa medikal sa rehiyon ang paggamot ng mga tama ng bala (gunshot wound o GSW) na natatamo ng mga Pulang mandirigma sa mga armadong labanan.
Isa sa breyktru ng komite ng medikal sa rehiyon ang matagumpay na operasyon para iligtas ang buhay ng isang Pulang mandirigma na tinamaan ng bala sa dibdib. Sa kauna-unahang pagkakataon noong Mayo, naisagawa ang isang thoracostomy sa loob ng larangang gerilya upang alisin ang pagdurugo sa loob ng pleural cavity, ang hungkag na kinalalagyan ng bala. Ang kundisyong ito ay tinatawag na tension pneumothorax with hemothorax, kung saan nalilimita ng dugo at tubig ang espasyo para sa baga. Sa pag-opera, binutas ang dibdib upang maipasok ang chest tube para sipsipin ang dugo.
Matamang sinubaybayan ng mga medik ang pasyente tungo sa unang istasyong medikal. Salit-salitan nila itong pinasan tungo sa pangalawang istasyon kung saan isinagawa ang operasyon. “Una namin siyang inoperahan sa duyan dahil hindi niya kayang humiga,” salaysay ni Ka Mitch, isa sa mga medik ng yunit. “Apat na mga medik ang nagtulungan sa operasyon.”
“Tensyonado kami dahil hindi pa kami nakagagawa ng ganitong procedure,” dagdag pa ni Ka Mitch. “Medyo nahirapan.” May ilang proseso na hindi agad nasunod dahil kulang ang gamit. “Maiksi ang dala naming mga tube kaya kailangan pa itong pagdugtungin.”
“Sumangguni kami sa maraming dokumento at nakipagkonsultahan sa iba na may karanasan na sa ganitong operasyon.” Tumagal nang isang oras ang aktwal na operasyon.
Nailigtas ang pasyente at matapos ang tatlong buwan ay nakakakilos na muli bilang regular na Pulang mandirigma.
Isa pang kamakailang karanasan ng rehiyon ang pagsasagawa ng emergency redact procedure sa isang magsasakang aksidenteng nataga ng palakol ang sariling niyang paa. Dumanas nang malalang troma ang kanyang metacarpal kabilang ang mga naputol na litid.
Agad na inorganisa ng mga medik ng BHB ang kanilang operating room matapos lapatan ng paunang lunas ang pasyente. Isinailalim nila sa general anesthesia ang pasyente habang kinumpuni ang nadurog na bahagi ng kanyang buto at pinagdugtong ang mga litid. Gamit ang mga pinakabatayang mga gamit pang-operasyon, puspusan ang pagsisikap ng mga medik na iligtas ang paa ng magsasaka.
“Apat na tim ng mga medik ang nasa loob ng operating room,” pagbabagi ni Ka Amy, isa sa mga medik na sumaklolo. May tim ng mga mag-oopera (siruhano), may tim na nangasiwa sa anestisya, may “scrubs” o mga nars na assistant at tagaabot ng mga instrumento sa mga siruhano at “circulating team” (tagahanda ng mga gamit at iba pang pangangailangan).
“May panahon na tumaas ang vital signs ng pasyente. Problema ito kasi dahil may tsansa na humantong ang pasyente sa cardiac arrest (atake sa puso). May panahong tumaas sa 100 ang pulse rate ng pasyente na medyo ikinabahala ng mga anesthesiologist pero sa proseso ay nakontrol din ito.”
Trabaho ng mga anaesthesiologist ang imonitor ang vital signs at epekto ng gamot sa pasyente. Dulot ng kawalan ng mga makinang medikal, berbal nilang binibigyan ng “update” ang mga siruhano ng vital signs tulad ng blood pressure ng pasyente kada sampung minuto. “Sa ibang operasyon, may board kami at papel kung saan iginuguhit ang padron ng vital signs ng pasyente,” salaysay ni Ka Amy. “Pero sa operasyong ito, sinasabi na lang ng anesthesiologist ang mga vital sign.”
Tumagal ng dalawang oras ang operasyon, medyo natagalan dahil sa masusing proseso ng pagtatahi ng tendons at balat ng pasyente.
Matamang sinubaybayan ng mga medik ang mga vital sign ng pasyente sa sumunod na 24-oras na binantayan ng mga medik ang pasyente. Isinagawa nila ang regular na paglilinis sa sugat, tiniyak na tama at nasa oras ang pag-inom ng kanyang mga gamot at sinubaybayan ang kanyang pag-ihi at pagdumi. Sa loob ng isang linggo, tuluy-tuloy na inalagaan ang pasyente. Ilang araw lamang ang lumipas, nasa landas na ng full recovery ang pasyente. Nagbilin ng detalyadong instruksyon ang mga medik sa pasyente at kanyang mga tagapag-alaga para tiyaking tama at nasa panahon ang paghilom ng kanyang sugat.
Laking pasalamat ng pasyente at kanyang pamilya dahil kung isinagawa ang operasyon sa isang pampubliko o pribadong ospital sa labas ng larangang gerilya, ilampung libong piso ang tiyak na kakailanganin nila para ipambayad pa lamang sa operasyon.
Klinikang bayan
Maliban pa rito, aktibo rin ang komite sa pagpaplano ng mga aktibidad medikal sa mga komunidad at baryo. Nagsasagawa ang BHB ng mga regular na klinikang bayan na nagbibigay ng libreng dental at medikal na konsultasyon at paggagamot sa masa.
Noong 2018, mahigit 5,000 pasyente ang sinaklaw ng serbisyong pangkalusugan gaya ng pagtsek-ap, pagtuli, pagbunot ng ngipin, pagkabit ng pustiso, pag-opera ng cyst at iba pa.
Nakapagtayo na rin ang rehiyon ng mga Barrio Medical Group (BMG) sa iba’t-ibang mga larangan. Nagiging katuwang ang mga ito ng hukbong bayan sa pagbibigay ng mga serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad.
Pinauunlad din ng komite sa medikal ang paggamit sa mga halamang gamot na natural na makikita sa kabundukan. Inilulunsad nila ang mga treyning sa paggawa ng mga halamang gamot tulad ng mga syrup para sa ubo, mga haplas para sa sakit sa balat at iba pa.
Nagsasagawa rin ang mga medik ng acupuncture. May ilan silang karanasan na nakapagpakilos ng mga hindi makalakad at paralisado dahil sa regular na mga sesyon ng acupuncture.
May kapasidad ang rehiyon sa pagtsetsek-ap ng kalagayan ng mata. Kinokoordina ng komite ang pagpapagawa ng mga salamin sa mga sentrong bayan at syudad. May kakayahan rin ang mga kasamang medik na gumawa ng pustiso sa mga kasamang binunutan ng ngipin.
Hindi rin kaiba sa komite ang pangangalaga sa mga militar na nasusugatan sa panahon ng mga taktikal na opensiba ng hukbo. Nilalapatan ng paunang-lunas ng mga medikal ang mga ito.
Gayundin, mahusay na inalagaan ng mga kasapi ng komite ang naging mga bihag ng digma ng rehiyon. Mayroon silang karanasan ng pagbibigay ng araw-araw na tsek-ap sa mga ito at pagpapainom ng mga gamot pangmeyntenans para sa mga may hypertension, diabetes at iba pa.
Ayon kay Ka Iris, susi ang pagkakaisa sa loob ng komite para maisagawa ang mga arawang gawaing medikal. “Mas mabilis at mas maayos na naisasagawa ang mga gawain sa panahong kolektibo at nagtutulungan ang mga kasama sa medikal” dagdag pa niya.
“Ang obhetibong kalagayan ng umiigting at patuloy na pakikidigma ang magbibigay daan sa patuloy na pagkatuto ng mga medik” pagtatapos ni Ka Iris.