Pambobomba, pagpapasurender sa Mangyan at Dumagat, kinundena ng NDF-ST
MARIING KINUNDENA NG National Democratic Front-Southern Tagalog ang walang awat na militarisasyon sa mga komunidad ng mga Mangyan sa isla ng Mindoro at Dumagat sa prubinsya ng Quezon.
Walang tigil ang mga operasyong militar ng AFP at PNP sa Quezon mula pa Mayo 2018. Sa nakaraang buwan, sunud-sunod na nag-imbento ng mga sagupaan ang AFP sa pagitan ng mga yunit nito at mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan para bigyan-katwiran ang kanilang okupasyon at pagdadagdag ng tropa sa mga komunidad ng Dumagat.
Ang hakbang na ito ay tulak ng Southern Luzon Command at ipinatutupad ng Regional Task Force (RTC) to End Local Communist Armed Conflict. Itinutulak ng RTC ang kunwa’y mga “proyektong pangkaunlaran” tulad ng Laiban Dam at Kaliwa Dam na mahigpit na tinututulan ng mga residente sa lugar.
Sa Mindoro, pinangunguhan ng isang Col. Marceliano Teofilo ng 203rd Bde ang panggigipit sa mga Mangyan. Noong Mayo, binomba at inistraping ng nabanggit na yunit militar ang Barangay Monteclaro, San Jose, Occidental Mindoro at Barangay Lisap, Bongabong, Oriental Mindoro. Dahil dito, mahigit 1,000 Mangyan ang napilitang magbakwit.