Basagin ang ilusyon ng demokrasya sa ilalim ng tiraniya ni Duterte
Ninakaw ng tiranikong rehimeng Duterte ang nagdaang eleksyon. Nambraso si Rodrigo Duterte at gumamit ng rekurso at pondo ng estado para tiyaking pabor sa kanyang hangaring kontrolin ang kongreso at buong reaksyunaryong gubyerno ang resulta nito.
Maling inilalarawan ang nagdaang eleksyon bilang patunay ng malalim na suporta para kay Duterte. Malayong malaya o patas ito. Isinagawa ito sa ilalim ng mga kundisyon ng batas militar sa Mindanao, todo-gera sa buong bansa at pekeng gera kontra-droga. Ang tanging pinatunayan nito ay ang kakayahan ni Duterte na ipailalim ang buong sistemang pulitikal sa kanyang tiraniya.
Ginamit ni Duterte ang militar at pulis para takutin, patahimikin at pilayin ang suporta para sa kanyang mga karibal at kritiko. Bago at sa panahon ng kampanya, walang awat ang pamamaslang ng kanyang mga kaalyado sa kanilang mahihigpit na karibal. Lantaran niyang ginamit ang mga korte, ahensya at lokal na gubyerno—kaalinsabay sa “whole-of-nation approach” nito laban sa “insurhensya”—para bansagang “terorista” ang mga progresibong kandidato at partido. Ginamit niya ang bilyun-bilyong pondo ng bayan para bahain ang midya ng mga maka-administrasyong kasinungalingan at lunurin ang boses ng oposisyon.
Pinakamapagpasya ang kanyang paggamit sa Commission on Elections para malawakang dayain ang resulta ng de-kompyuter na pagbibilang at paglilista ng boto. Sa araw ng eleksyon, nasa 1,000 makina sa pagboto ang naiulat na nasira sa buong bansa at naantala ang bilangan nang pitong oras. Magulo kahit ang botohan sa hanay ng mga botante sa labas ng bansa. Ayon sa mga eksperto, ang nagdaang eleksyon na ang pinakapalpak sa panahon ng de-kompyuter na botohan, at isa sa pinakamapanganib sa kasaysayan.
Nasa tiranikong kontrol na ni Duterte ang lahat ng mga sangay ng gubyerno ngayong naggapi na niya ang oposisyong pulitikal sa Senado. Dati na niyang hawak ang Mababang Kapulungan sa pamamagitan ng alyansa niya kay Gloria Macapagal-Arroyo. Gamit ang alyansang ito, at ang milyun-milyong nakaw na yaman ng pamilyang Marcos, nakatakdang muli niyang madomina ang bagong-halal na Kongreso at maging ang mga lokal na gubyerno. Liban dito, 12 sa 15 huwes ng Korte Suprema ay itinalaga na ng kanyang rehimen.
Lalong pinalakas ng “tagumpay” sa eleksyon ang loob ni Duterte na lalong mabangis na gipitin ang kanyang mga karibal at kritiko. Determinado siya na patindihin ang panggigipit at patahimikin pareho ang konserbatibong oposisyon at ang kilusang masa laban sa kanyang tiraniya at pigilan ang mga demokratikong pwersa na buuin ang malawak na nagkakaisang prente laban sa kanyang iskemang diktador.
Ang ambisyon ni Duterte na maging diktador ay itinutulak ng kanyang takot na maaresto, makasuhan at makulong sa lahat ng mga krimen ng kanyang brutal na rehimen. Gayunpaman, ang kanyang pagkukumahog na solohin ang kapangyarihan ay magpapalalim sa mga bitak sa pagitan ng mga naghaharing uri, kahit sa pagitan ng kanyang mga alyado. Ngayon pa lamang, naghahanda na ang kanyang mga kalaban para sa kasunod na eleksyon. Titindi rin ang pag-aagawan ng mga paksyon ng militar at pulis para sa pabor at pusisyon sa burukrasyang sibil at militar.
Gayundin, nilikha ng pandaraya at tiraniya ni Duterte ang higit pang paborableng mga kundisyon para sa pagsulong ng ligal na kilusang masa. Dapat magpursige ang mamamayan sa pagbasag sa ilusyon ng demokrasya na nais likhain ni Duterte. Dapat nilang higit pang ilantad ang kanyang seryosong pag-abuso sa kapangyarihang pulitikal, malawakang pagpatay, pagbibigay ng proteksyon sa malalaking drug lord, pagpataw ng pahirap na mga buwis, pagbenta sa pambansang patrimonya sa China, pangangayupapa sa militar ng US, korapsyon sa utang at kontrata ng gubyerno, at iba pang malalalang krimen.
Kailangang palawakin nila ang pakikibaka laban sa plano ni Duterte na amyendahan ang konstitusyon para palawigin ang kanyang termino at tanggalin ang mga garantiya sa karapatang-tao. Kabilang sa inihapag na ni Duterte na mga pagbabago ang pagbibigay sa mga dayuhang kapitalista at kanilang mga kasosyong kumprador ng dagdag na karapatan na dambungin ang natitirang rekurso ng bayan at lalupang pigain ang lokal na lakas paggawa para sa papalaking kita.
Kasabay nito, tiyak ding itutulak ni Duterte ang pagpasa sa mga panukalang magpapahigpit sa kanyang pasistang kontrol sa lipunan. Ilan sa tinukoy na niyang prayoridad ang pagpababa sa edad para sa pananagutang kriminal, parusang kamatayan at rekisitong pagsasanay-militar ng mga menor de edad gamit ang Reserved Officers Training Corps.
Kailangang magpunyagi ang lahat ng demokratikong pwersa sa gawaing propaganda sa hanay ng masa para ilantad ang tiraniya ni Duterte. Kailangang magpunyagi sila sa pag-organisa sa mga sektor na sawa na sa kanyang korap, kriminal at sunud-sunuran na paghahari. Kailangan nilang magsikap na palakihin at palawakin pa ang kanilang mga mobilisasyon. Dapat doblehin ang pagsisikap para buklurin ang mga grupong anti-Duterte at buuin pinakamalawak na pagkakaisa laban sa kanyang tiraniya. Ang pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mamamayan ang susi sa pagpapatalsik sa kanyang bulok, pasista at papet na rehimen.
Ang mga pagsisikap na ito ay dapat sabayan ng pag-igting ng armadong pakikibaka sa buong bansa. Higit kailanman, kailangan bigwasan ng malalaki at maliliit na dagok ang mga armadong galamay ng estado na walang awat na nagsasagawa ng mga pang-aabuso, pamamaslang at pananakot sa milyun-milyon sa kanayunan. Dapat maipakita sa mamamayan na palagiang nasa likod nila ang kanilang hukbong bayan. Habang tumatagal ang brutal na paghahari ni Duterte, lalong humihigpit ang tungkuling patalsikin siya sa poder.