Nakasasawang pagsisinungaling
Nagsasawa na maging ang tauhan ng US na si Delfin Lorenzana sa mga kasinungalingan at pambobobo ni Rodrigo Duterte. Noong Mayo 29, hayagan niyang sinalungat ang ilang buwan nang panloloko ni Duterte na mayroong sabwatan sa pagitan ng mga lehitimong organisasyon, oposisyon sa pulitika, mga mamamahayag, abugado at kahit mga personalidad sa telebisyon, at ang rebolusyonaryong kilusan para patalsikin siya.
Dahilan ni Lorenzana, hindi totoo ang planong pagpapatalsik dahil wala siyang naririnig na ugong kaugnay nito sa hanay ng militar. Binabalewala ni Lorenzana ang kilusang pagpapatalsik para maliitin ito at salagin ang mga balita na may bitak sa hanay ng mga sundalo at pulis.
Ang pahayag ay matapos ang ilang linggo nang panloloko ni Sal Panelo, tagapagsalita ni Duterte, kaugnay sa dalawang matrix na naglalaman ng mga pangalan ng mga sangkot diumano sa planong pagpapatalsik. Ginamit nina Panelo at Duterte ang mga matrix noong panahon ng eleksyon para siraan ang oposisyon. Ang unang matrix ay bunsod ng isang bidyo kung saan inakusahan ni Peter Joemel Advincula, alyas Bikoy, si Duterte, kanyang mga alalay at pamilya bilang pinakamalalaking protektor ng mga sindikato ng droga. Ilang linggo matapos lumantad sa publiko, binaliktad ni Advincula ang kanyang mga kwento, at sinabing gawa-gawa lamang ang kanyang mga akusasyon at pinagawa sa kanya ng oposisyong pulitikal.
Hindi maikakaila ang malawak na panawagan ng mamamayan para patalsikin ang rehimeng Duterte na bantog sa korapsyon, malawakang pagpatay at pagtatraydor sa bayan. Upang kontrahin ito, pinalalabas ng rehimen na nakikipagsabwatan ang mga hayag na organisasyon sa armadong kilusan upang palabasing iligal ang kanilang lehitimong panawagan at pagkundena sa mga abuso ng rehimen.
Dati nang inilatag ni Prof. Jose Ma. Sison ang mga rekisito ng pagpapatalsik sa nakaupong presidente. Kabilang dito ang suporta ng mga bahagi ng pulitikal na oposisyon at militar sa panahong lubos nang nahihiwalay ang pinatatalsik na upisyal. Gayunpaman, ang pagkakahiwalay na ito ay ibubunsod pangunahin ng malakas na tulak ng kilusang masa at internal na mga bitak sa hanay ng mga reaksyunaryo.