Serye ng armadong aksyon, inilunsad ng CPI-Maoist

,

Serye ng mga armadong aksyon ang inilunsad ng People’s Liberation Guerilla Army (PLGA) na pinamumunuan ng Communist Party of India (Maoist) mula Mayo hanggang unang linggo ng Hunyo. Ito ay matapos pinaslang sina Ramko Narote, kasapi ng CPI-Maoist at Shilpa Dhurva, isang gerilya, noong Abril 27 sa Gundurwahi.

Tinatayang umaabot sa 79 ang kaswalting sundalo at pulis sa mga atakeng ito. Naganap ang mga armadong sagupaan sa Gadchirolli, sa rehiyon ng Jarkhand, sa Maharashtra, at Chhattisgarh.

Kabilang sa mga binigwasan ng PLGA ang mga sundalo ng 209th Commando Battalion for Resolute Action (COBRA), isang tim na nag-eespesyalisa sa kontra-Maoistang mga operasyon.

Sinalakay at hinawakan ng 40 mandirigma ng PLGA ang bayan ng Timurpalli sa distrito ng Malkangiri sa Odisha noong Mayo 19. Nagapi ng PLGA ang himpilan ng lokal na gubyerno. Isinagawa ang aksyon bilang pagtuligsa sa anti-katutubong mga aktibidad at mga peke at gawa-gawang engkwentro ng mga sundalo sa lugar.

Sa Gadchirolli, pinasabog ng PLGA ang dalawang imbakan at isang instrumentong pamproduksyon na nagdulot ng paralisasyon ng produksyon sa distrito noong Mayo 20.

Ipinakikita ng mga aksyong ito na determinado ang PLGA at CPI-Maoist sa tuluy-tuloy na pagsulong ng digmang bayan sa India.

Serye ng armadong aksyon, inilunsad ng CPI-Maoist