Liberalisasyon sa bigas, sakuna sa magsasaka
SA PRE-STATE OF the Nation Address Economic and Infrastructure Forum nga mga upisyal sa ekonomya, tinawag ng mga upisyal ng gubyerno na isang “napakalaking nakamit na lehislatura” ang Republic Act 11203 o Rice Liberalization Act. Isa itong malaking kalokohan dahil ang katotohanan, ang itinuturing nilang “tagumpay” ay malaking sakuna para sa masang magsasaka ng palay.
Pinagtibay ang naturang batas noong Disyembre 2018 para diumano agapan ang pagsirit ng presyo ng bigas sa lokal na pamilihan. Pero taliwas sa pangakong bababa nang husto ang presyo ng bigas, bumababa lamang ito nang ₱1-2 mula nang ipinatupad ang liberalisasyon. Nananatiling nasa ₱30-₱70 ang bentahan nito sa mga palengke at tindahan.
Ito ay sa kabila ng nakatala sa rekord ng gubyerno na nasa ₱18-₱25/kilo ang presyo ng imported na bigas na pumapasok sa bansa.
Sa kabilang banda, sumadsad ang presyo ng lokal na palay mula abereyds na ₱20/kilo sa maagang bahagi ng taon tungong ₱12-₱17/kilo noong Hunyo. Halos katumbas na lamang ito sa gastos ng produksyon ng mga magsasaka sa palayan. Dulot nito, tinatayang malulugi ang mga magsasaka nang hanggang ₱114 bilyon ngayong taon, malayong mas mataas kaysa ipinagmamalaking ₱5.9 bilyong nalikom na taripa dulot ng batas sa liberalisasyon.