Pagpapasara sa mga paaralang Lumad, kinundena

NAGPROTESTA ANG MGA mag-aaral at guro ng mga paaralang Lumad sa ilalim ng Save Our Schools (SOS) Network sa harap ng upisina ng Department of Education sa Pasig City noong Hulyo 17 para kundenahin ang tangkang pagpapasara sa mga paaralang Lumad sa Mindanao. Partikular nilang binatikos ang pagsuspinde sa 55 paaralan na pinatatakbo ng Salugpongan Ta’ Tanu Igkanogon Community Learning Center Inc. alinsunod sa utos ni National Security Adviser Hermogenes Esperon, Jr. na ipasara ang mga ito.
Sa tala ng Save Our Schools (SOS), may 215 nang mga paaralang sa Mindanao ang sapilitang nagsara mula 2016. Walumpu dito ang nagsara dahil sa pagkakampo ng mga sundalo sa komunidad at sistematikong pang-aatake at paninira ng mga sundalo sa kanilang mga pasilidad.
Matagal nang inakusahan ni Duterte ang Salugpongan at iba pang paaralang Lumad bilang mga paaralang ng Bagong Hukbong Bayan. Sa kanyang ikalawang State of the Nation Address noong 2017, nagbanta siyang bobombahin ang naturang mga paaralan. Sa taong ito, may 30 paaralang Lumad ang nagsara kung saan 1,300 mag-aaral ang natigil sa pag-aaral dahil sa tuluy-tuloy na atake ng militar.
Ayon sa PKP, ipinakikita ng kautusan ng DepEd kung papaanong itinatakda ng militar sa mga patakaran ng mga ahensyang sibil. Dagdag ng PKP, ito’y dagdag sa mga patakarang anti-Lumad ng rehimeng Duterte kabilang na ang pag-agaw ng kanilang lupang ninuno para ibukas sa pagmimina at mga plantasyon.