Multi-trilyong badyet para sa diktadura
Badyet para sa kapayapaan at pag-unlad—ganito inilarawan ng rehimeng US-Duterte ang panukalang P4.1 trilyong panukalang pambansang badyet para sa 2020. Ngunit malayo ito sa katotohanan. Ang multi-trilyong badyet ng reaksyunaryong gubyerno ay nakalaan para sa pangungurakot, pagpondo sa anti-mamamayang mga programa at proyekto, at pagpapaigting ng pasismo.
Ang P4.1 trilyong panukalang badyet para sa 2020 ay mas mataas nang 12% kumpara sa P3.662 trilyong badyet ngayong 2019. Nakabatay ang paglaki ng badyet ng gubyerno sa taya na 6.5 hanggang 7.5% paglago ng lokal na produksyon o gross domestic product (GDP) sa 2020, isang target na malabong maabot dahil sa pagkitid ng iba’t ibang sektor ng ekonomya, partikular ang agrikultura at manupaktura. Sa katunayan, sa ikalawang kwarto ng 2019, kumitid ang GDP nang 5.5%, pinakamabagal sa nagdaang 17 kwarto.
Tutustusan pangunahin ng malilikom na buwis ang panukalang badyet. Tinataya ng rehimeng Duterte na lalaki tungong P3.54 trilyon ang kikitain mula sa buwis, kabilang ang malilikom mula sa pagpapatupad ng batas na TRAIN, at iba pang sinisingil ng estado. Mas malaki ito nang 12.3% sa tayang P3.15 trilyong kita ng gubyerno ngayong 2019. Gayunman, kukulangin ito ng P677 bilyon at para matustusan ang depisit, kakailanganin ng rehimen na todo-todo pang mangutang.
Sa kabuuan, nakatakdang mangutang nang aabot sa P1.4 trilyon ang gubyerno sa 2020. Sa pagtatapos ng 2019, aabot na sa P7.853 trilyon ang kabuuang utang nito. Pagsapit ng 2020, lolobo pa ito tungong P8.767 trilyon. Mangangahulugan ito ng pagtaas ng utang ng bawat Pilipino mula P72,518 sa 2019 tungong P79,780 sa 2020.
Pork barrel ng pangulo at kanyang mga alipures
Batbat ng anomalya ang panukalang badyet para sa 2020. Sa P4.1 trilyon, P2.36 trilyon lamang ang nakalaan sa mga ahensya at departamento. Ang natitirang P1.73 trilyon ay nakalaan sa “Special Purpose Funds,” mga buu-buong halaga na malaon nang binansagang “presidential pork barrel” dahil ang pangulo ang personal na makakapagsabi kung paano at saan ito gagamitin. Sa gayon, sa bawat P10 gagastusin ng gubyerno sa 2020, mahigit P4 ang maituturing na personal na pondo ni Duterte.
Lantaran din ang pagpwesto ng mga proyektong karaniwang pinanggagalingan ng kikbak ng mga mambabatas. Bahagi nito ang P972.5 bilyong pondo nakalaan para sa engrandeng “Build, Build, Build,” mga proyektong pang-imprastrukturang pinaghati-hatian na ng kanyang pinapaborang mga burukrata at kumprador-burges.
Bahagi rin nito ang nakalaan para sa iba pang proyektong matagal nang ginagawang palabigasan ng mga pulitiko, katulad ng paglalatag ng kalsada at kunwa’y pagkukumpuni ng mga sirang bahagi ng mga ito. Isang halimbawa nito ang target ng gubyerno na magpagawa ng may kabuuang 338.3 kilometrong bagong kalsada, na kasinghaba ng distansya mula Maynila hanggang Naga City. Isa pang kaduda-dudang proyekto ang P16.9-bilyong pondo para sa “preventive maintenance” o pagtitiyak na hindi masisira ang umaabot sa 955 kilometrong kalsada (katumbas ng distansya mula Baguio City hanggang Hong Kong.) Ang sinasabing “preventive maintenance” ay paraan lamang ng mga tiwaling upisyal na tibagin ang maaayos pang kalsada para muling ilatag at mapagkunan ng pondong pangurakot.
Isa pang kalimitang palabigasan ang pondo para sa proyektong pang-irigasyon. Umaabot sa P36.3 bilyon ang pondo para sa mga pambansa at komunal na proyektong irigasyon, habang P2.2 bilyon naman ang para sa maliliit na proyektong irigasyon. Marami sa mga proyektong ito ay hindi totoong itinatayo, at kalimitan ay ibinubulsa lamang ng mga kongresista at lokal na upisyal ang pondo. May malalaking pondo ring nakalaan para sa pagpapatayo ng pambansang sistemang pang-irigasyon, kahit pa ang ilan sa mga ito ay matagal nang tinututulan ng mamamayan. Halimbawa nito ang P919-milyong Jalaur River Multipurpose Project Stage II, ang P890-milyong Balog-balog Multipurpose Project sa Isabela, ang P800-milyong Lower Agno River Irrigation System Extension Project sa Pangasinan, at ang P500-milyong Malitubog-Maridagao Irrigation Project Phase II sa North Cotabato.
Bahagi rin ng 2020 badyet ang pagpapatuloy ng pagpapatayo sa Chico River Pump Irrigation Project, na mariing nilalabanan ng mga katutubo roon. Malaking bahagi ng pondo ay uutangin sa China.
Pondo para sa pasismo
Bukod sa pangungurakot, pinalobo rin ng rehimeng Duterte ang badyet para sa pagpapaigting ng pasismo nito.
Lalo pang lumaki ang pondo ng Philippine National Police mula sa P173.5 bilyon ngayong 2019 tungong P184.9 bilyon sa 2020. Kabilang sa pondong ito ang P3 bilyon para sa pagrekrut ng 10,000 bagong pulis at P14.4 bilyon para magdagdag ng 26,685 upisyal na pulis.
May nakalaan ding dagdag na P546 milyon para sa pagpapatupad ng kinamumuhiang “gera kontra-droga,” at P1.4 bilyon pa sa ibang mga ahensya gaya ng Department of Health at Department of Interior and Local Government, para sa kabuuang P1.9 bilyon para sa Oplan Tokhang.
Nakatakda ring lumaki ang pondo para sa Department of National Defense, mula P183.9 bilyon ngayong 2019 tungong P189 bilyon sa 2020. May P25 bilyon din para sa pangalawang serye ng pagbili ng mga gamit-militar sa ilalim ng Revised AFP Modernization Plan. Kabilang sa nakatakdang bilhin ng AFP ang dagdag na mga segunda-manong barko, sistemang radar at paniktik, pang-atakeng mga helikopter at eroplano at marami pang gamit para sa programang “kontra-insurhensya.”
May hiwalay pang P522 milyon na nakalaan para sa “National Task Force to End Local Communist Armed Conflict,” na nakalagak sa iba’t ibang ahensya. Ang pondong ito ay para patindihin pa ang panunupil at intimidasyon sa mga sibilyang komunidad, gamit ang “whole-of-nation approach” ng mga sundalo at pulis.
May mga proyekto ring naglalayong palawakin ang kakayahang maniktik ng reaksyunaryong gubyerno. Kabilang dito ang P20 milyon para sa Project D.I.M.E. (Digital Imaging for Monitoring and Evaluation) na nakalaan sa pagbili ng mga drone, light detection and ranging (LIDAR), at iba pang kagamitan para umano sa pagmonitor ng mga proyektong itinatayo sa kanayunan, pero sa totoo ay para sa pagpapaigting ng pagmanman at paniniktik sa mga liblib na lugar.
Bukod sa mga proyektong ito, lumobo rin ang pondo para sa confidential and intelligence funds, partikular sa Office of the President (OP). Sa 2020, may kabuuang P4.5 bilyon para sa confidential and intelligence funds sa ilalim ng OP. Sa kabuuan, may P8.28 bilyong nakalaang pondo para sa confidential and intelligence expenses sa iba’t ibang mga ahensya. Dito nanggagaling ang pondo para sa iba’t ibang “black operation” ng gubyerno, gaya ng pagmantine ng mga “death squad,” at paglunsad ng iba’t iba pang karumal-dumal na pag-atake sa mamamayan.